30 December 2012

SA TEMPLO


Kapistahan ng Banal na Mag-anak
Lk 2:41-52 (Sir 3:3-7, 14-17a / Slm 127 / Col 3:12-21)

Ipinagdiriwang natin ngayong araw na ito ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose.  Ang kapistahang ito ay talaga namang pangkapaskuhan dahil ang Sanggol na sentro ng ating pagdiriwang ay hindi putok sa buho o basta lumagpak na lang mula sa langit; Siya ay isinilang sa isang pamilya.  Sinabi nga ni Beato Juan Pablo II, na siyang nagpasimula ng tinatawag na “World Day of Families”, ang mag-anak daw ang ginamit na wari baga’y “pintuan” ng Diyos upang makapasok at mapabilang Siya sa sankatauhan, at, sa pamamagitan ng ginawa Niyang ito, ang lahat ng mga pamilya ay pinaging banal Niya.  Kaya nga, dahil banal ang mag-anak nila Jesus, Maria, at Jose, banal din ang pamilya natin.  Banal nga ba ang pamilya natin?  Kung “pintuan” nga ng Diyos ang pamilya, anong uri ng “pintuan” ang ating pamilya para sa Diyos – entrance o exit – at, kung entrance door ang pamilya natin para sa Diyos, pinapapasok ba natin talaga Siya sa ating buhay, sa ating bahay?  Hanggang saan?  At kung makapasok na Siya, bilanggo na ba natin ang Diyos o ibinabahagi rin natin Siya sa iba?  Tularan natin ang mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose.
          Pinatuloy ni Maria at Jose sa kanilang pamilya ang Diyos nang tanggapin nila si Jesus, ang Anak ng Diyos, sa kanilang buhay, sa kanilang bahay.  Ang Panginoon ang nagpaging tahanan sa kanilang bahay.  At hindi lamang nila Siya pinatuloy, kinupkop, inaruga, minahal, ibinahagi sa iba, at pinagtanggol laban sa anumang makapaghihiwalay sa kanila sa Kanya.

Subalit napawalay din si Jesus kay Maria at Jose.  Ang Ebanghelyo ngayong taong ito para sa kapistahan ng Banal na Mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose ay ang pamilyar na kuwento sa atin mula sa Lukas 2:41-52.  Ito ang ikalimang Misteryo sa Tuwa ng Santo Rosaryo.  Kadalasan itong pamagatang “Ang Pagkawala at Pagkakatagpo kay Jesus sa Templo” o “The Lost and Finding of Jesus in the Temple”.  Hindi ako sang-ayon sa pamagat na ito dahil sa aking palagay ay hindi naman talaga nawala si Jesus.  Para sa akin, ang tamang pamagat ng pangyayaring ito ay “Ang Pagkawalay sa Isa’t Isa at Muling Pagkakasama ng Banal na Mag-anak”. The Gospel does not say that Jesus was lost, neither does it tell us that Mama Mary and St. Joseph lost Jesus.  I believe that Mama Mary and St. Joseph found Jesus precisely because they did not lose Him, though they were separated from Him.  Hindi naman kasi lahat ng natatagpuan natin ay nawawala natin.  Baka kaya nga nakikita nating muli kasi hindi naman talaga nawawala; baka naiwanan lang, baka nalimutan lang, baka sadyang nagpaiwan.

Iyon nga ang nangyari sa kuwento ngayon sa Ebanghelyo, hindi po ba?  Sadya raw nagpaiwan si Jesus sa Jerusalem, at hindi nga raw ito napansin agad ng Kanyang mga magulang dahil inakala ng bawat-isa na kasama ng Siya ng isa.  Iyan naman ang mahirap sa mga aka-akala.  Hindi naman kasalanan ang mag-akala pero madalas ang maling akala ay nauuwi sa hindi maganda.

Ngunit ang pag-aakala nila Maria at Jose ay nauwi sa maganda: naging Mabuting Balita ito para sa atin.  Sapagkat nang matanto nilang mali pala ang kanilang inaakala, agad nilang binalikan Siya sa Jerusalem.  Hindi sila nag-away.  Hindi sila nagbangayan.  Hindi sila nagsisihan.  Hindi rin sila nagmatigas sa kanilang maling akala.  Sa halip nga ay binalikan nila si Jesus sa Jerusalem at natagpuan nila Siya sa Templo.  Saan nakita ni Maria at Jose si Jesus?  Sa Templo.  Saan muling nabuo ang kanilang pamilya?  Sa Templo.  Sa tahanan ng Diyos.  Sa Diyos.

Napakahalagang paalala sa atin ito.  Kapag dumaranas ng pagkakahiwa-hiwalay ang ating pamilya, sa Templo tayo magpunta at doon ay bubuuin tayong muli ng Diyos.  Kapag tila may kulang sa ating buhay-pamilya, sa Templo tayo maghanap: baka Diyos ang kulang.  Kapag humaharap ang ating pamilya sa kung anu-anong banta ng pagkawatak-watak at tuluyang pagkawasak, sumilong tayo sa Templo sapagkat ang Diyos ang ating tanggulan.  At ano nga ba ang Templo ng Diyos sa ating buhay-pamilya?  May Templo ba talaga ang Diyos sa buhay natin?  Hinahayaan ba natin Siyang makialam sa atin?

Ang Templo ng Diyos ay ang tahanan ng Diyos.  Saan nakatira ang Diyos para sa atin?  Saan natin Siya matatagpuan?  Saan natin Siya malalapitan?  Hanggang saan natin Siya hinahayaang makalapit sa atin?

Ang Santa Iglesiya ang Templo ng Diyos.  Ang tinutukoy ko ay hindi lamang ang gusaling simbahan – ang lugar ng ating pagtitipon para sa pagsamba – kundi ang Banal na Bayan ng Diyos.  Ang ating pamilya ay kabilang sa higit pang malaking pamilya: ang angkan ng Diyos.  Huwag tayong lalayo o wawalay sa Santa Iglesiya.  Ang bale-walain ang ating pagiging kabilang sa Banal na Bayan ng Diyos ay kapahamakan hindi lamang para sa ating kani-kaniyang kaluluwa kundi maging sa ating pamilya.  Hindi lamang tayo sama-samang nananalangin at humuhugot ng lakas sa isa’t isa bilang Iglesiya.  Hinuhubog din tayo sa ating pakikinig sa Salita ng Diyos na ipinangangaral sa atin ng mga inordenahan para sa ministeryong ito.  Binubuhay tayo ng ating pagsasalo sa Banal na Katawan at Dugo ni Kristo sa Eukaristiyang ipinagdiriwang natin bilang mga anak ng Diyos.  Magsimba tayo hindi isa-isa kundi sama-sama.  Eh, sino po ba ang kasama nating magsimba?  Kasama mo ba ang pamilya mo?  Kung hindi, bakit?  Kung kasama mo, pamilya mo ba talaga ‘yan?  Kaninong pamilya ‘yan?

Ang ating budhi ay Templo rin ng Diyos.  Talaga bang nakikinig tayo sa ating konsensya?  Tutoo bang sinusunod pa natin ito?  May konsensya pa ba talaga tayo?  Pakinggan natin at sundin ang ating konsensya sapagkat nangungusap din ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng nito,  nagsasabing, “Gawin ang mabuti at iwaksi ang masama”.  Pero, taka lang, anong uring budhi ba meron tayo?  Binigyan na nga tayo ng Diyos ng budhin, ngunit kailangan pa rin nating pagsikapang hubugin ito.  Ang budhin ba natin ay formed conscience o distorted conscience?  Sa usapin ng dating panukalang batas na ngayon ay batas na (dahil pinirmahan pala nang palihim ng Pangulo, noong ika-21 ng Disyembre, habang abala’t puyat tayong lahat sa pagmi-Misa de Gallo), ang Reproductive Health, tumpak ang sinabi ng isang senadora na sinabi raw ni Papa Benito XVI na ang ating budhi ang final arbiter sa usaping moral subalit hindi binanggit ng senadorang ito ang konteksto ng tinutukoy ng Santo Papa: informed and formed conscience, hindi lang basta-basta conscience.  Informed ba ang conscience natin?  Formed ba ang konsensya natin?  Baka distorted naman.  At kung formed nga, sino naman ang nag-form sa conscience natin – ang mundo o si Kristo?  Matatagpuan lamang natin si Jesus sa ating budhi kung si Jesus din ang humubog dito.  Nakalaang Templo ng Diyos ang ating konsensiya subalit kung taliwas ang mga pagpapahalaga nito sa kalooban ng Diyos, temple of doom ito at hindi temple of God.

Ang isa’t isa ay Templo ng Diyos.  Nang mapansing nawalay sa kanila si Jesus, ang hinanap ni Jose at ni Maria, ang binalikan nila sa Jerusalem, ang natagpuan nila sa Templo ay si Jesus.  Naturalmente.  Si Jesus ang nawalay kaya’t si Jesus ang nakasamang muli.  Mabuting tanungin natin ang ating sarili: Hinahanap ba natin ang mga napapawalay sa pamilya natin o ipinagdarasal na mawala na sana?  Binabalikan ba natin ang mga naiiwan nating kamag-anak o sadyang iniiwan?  Kinatatagpo ba natin sila o inililigaw?  Pansin ninyo, lantad na lantad ang pangunahing kaabalahan ng Banal na Mag-anak: si Jose at Maria ay alalang-alala naghahanap kay Jesus samantalang si Jesus naman ay abalang-abala sa mga gawin ng Diyos, na Kanyang Ama.  Kaya nang natagpuan nila si Jesus, hindi lamang nila Siya muling nakasama; mas lalo pa Niya silang nailapit sa Diyos.  Sana, ganyan din tayo.  Huwag nating pababayaang mapawalay na lang nang tuluyan ang sinuman sa ating kapamilya, kapuso, kaparokya, kapanalig, kaibigan.  Sana kapag natatagpuan natin ang mga napapawalay sa atin mas lalo rin nating natatagpuan si Jesus.  At lagi rin sana nilang natatagpuan si Jesus sa atin.

Kapag nagkakawatak-watak tayo, balikan natin si Jesus.  Baka naiwan natin Siya.  Sa Santa Iglesiyang nagnanalangin, nakikinig, at nagsasalu-salo – iyon ang Templo ng Kanyang Ama.  Sa budhing hinubog ng mga pagpapahalaga ni Jesus – Templo iyon ng Diyos.  Sa isa’t isa – matatagpuan din natin si Jesus at kapag natatagpuan natin si Jesus, natatagpuan natin ang Diyos.  Sa Templo nabuong muli ang Banal na Mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose.  Sa Templo ng Diyos mananatiling buo ang ating pamilya.  At, sakaling magkawalay-walay man tayo ng ating mga kapamilya o tuluyang magkawatak-watak, sa Templo pa rin ng Diyos tayo mabubuong muli.  Sapagkat ang pamilya ay Templo rin ng Diyos.  At ang sumira sa Templo ng Diyos, sa Diyos mananagot.

24 December 2012

MALIGAYANG PASKO!


Solemnidad ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
Jn 1:1-18 (Is 52:7-10 / Slm 97 / Heb 1:1-6)

Maligayang Pasko po sa inyong lahat!  Maligaya ba talaga kayo?  Talaga po bang maligaya ang Pasko n’yo?  Bakit kayo maligaya?  Bakit po maligaya ang inyong Pasko?

Kaya po ba kayo maligaya ngayong Pasko kasi malaki ang inyong napamasko?  Dahil ba sa mga bagong damit at masaganang pagkain kaya maligaya ang Pasko n’yo?  Marami po ba kayong natanggap na mga regalo at napuntahang mga party ngayong Pasko kaya maligaya kayo?  Kasi nanalo kayo sa Christmas raffle, may 13th month pay na may bonus pa, at long weekend ngayong taon ang Pasko kaya maligaya kayo?

Bakit po kayo maligaya ngayong Pasko?  Marami po kayong puwedeng isagot sa tanong ko.

Ngunit, huwag naman pero sakaling malungkot ang Pasko ninyo ngayong taong ito, maligaya pa rin ang Pasko.  Laging maligaya ang Pasko.  Bakit po palaging maligaya ang Pasko?  Ang madaling sagot po sa tanong ko ay “dahil birthday ngayon ni Jesus.  Tumpak po!  Eh, pero bakit nga po dapat maligaya tayo ngayong Pasko?

Kaya maligaya ang Pasko kasi maligayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos Ama ang Kanyang kaisa-isang bugtong na Anak.  Hindi lang po Niya Siya ipinagkaloob sa atin, ipinaubaya Niya sa atin si Jesus.  At, ang mahalaga, maligaya Niya itong ginawa.  Hindi Siya napilitan.  Hindi Niya kailangan.  Wala tayong ginawa para ipagkaloob Niya sa atin si Jesus.  Ni hindi tayo karapat-dapat.  Pero ibinigay pa rin Niya sa atin si Jesus.  Kusang-loob Niyang ibinigay sa atin si Jesus.  Nang maligaya.

Kaya maligaya ang Pasko dahil maligaya ring nagkatawang-tao si Jesus.  Ang Anak ng Diyos ay nakibahagi sa ating pagkatao upang makabahagi tayo sa Kanyang pagka-Diyos.  Hinubad Niya ang Kanyang pagka-Diyos at nakisalo sa ating pagkatao: sa Kanya ay nakikita natin ang kapakumbabaan ng Diyos na lumikha sa tao ngunit natutong magpakatao.  Pinasok Niya ang ating karanasan, napabilang sa ating kalikasan, at tinanggap ang lahat ng limitasyon ng marupok nating pag-iral, maliban sa paggawa ng kasalanan.  At ang nakapupukaw sa ating puso ay maligaya itong ginawa ni Jesus.  Hindi Siya itinulak ng Ama para mahulog sa lupa.  Hindi Siya biktima kundi handog.  Ni hindi Siya binigyan ng mainit na pagsalubong ng sankatauhang lubos Niyang mahal.  Pero maligaya pa rin Siyang nagkipagkapwa-tao sa atin.

Maligaya ang Pasko kasi maligayang tumalima sina Jose at Maria sa kalooban ng Diyos.  Hindi po iyon nangangahulugang naging malinaw at madali ang lahat para sa kanila.  Hindi po iyon nangangahulugang wala silang mga tanong, takot, at agam-agam.  Subalit sa kabila ng lahat, nagtaya sila nang kanilang sarili, tumalima at tumalima nang maligaya.  Hindi sila sumunod sa kalooban ng Diyos nang nakasimangot o bubulung-bulong o reklamo nang reklamo o may halong kahambugan.  Hindi po, kasi ang ligaya sa pagtalima nila sa kalooban ng Diyos – na yumanig at ganap na bumago sa kanilang mga plano sa buhay – ay bunga ng kanilang pananamapalataya sa Diyos.  Isinuko nila ang lahat sa Diyos at isinuko ito nang maligaya.

Ngayon, alam na po ninyo kung bakit maligaya ang Pasko.  Kasi maligayang tayong niregaluhan ng Diyos, hindi lang basta niregaluhan.  Kasi maligayang nagpakatao si Jesus, hindi lang basta naging tao.  Kasi maligayang tumalima si Jose at Maria sa kalooban ng Diyos, hindi lang sila basta tumalima.

Sa palagay ko po, ito ang kailangan natin: ang gawin ang dapat nating gawin nang maligaya lagi.  Parang sakit ang kalungkutan, nakakahawa.  Pero mas matinding virus ang kaligayahan, nahahawa nito kahit ang malungkot na.  Pagsikapan nating mamuhay ng maligaya at bumuhay ng kapwa nang maligaya.

Dahil sa kasalanang ating kinasadlakan, nawala sa ating kalikasan ang pagiging maligaya.  Hindi na tayo likas na maligaya.  Kaya nga po, ipinaalala sa atin ng Diyos kung paanong lumigaya.  Ipinakita Niya sa atin kung ano ang gamot sa ating kalungkutan: maghandog, magpakatao, at maging mapagtalima sa Kanya.  Binigyan Niya tayo ng karanasan ng Pasko para humilom ang ating kalungkutan.  Ang gamot sa ating karamdaman ng kalungkutan ay si Jesus.  Kaya nga po si Jesus ang “Joy to the world”.

Ang sabi ng iba, maligaya raw sila hindi dahil sa sila ang tumatanggap kundi dahil sila ang nagbibigay.  Makabagbag-damdamin po ang bukambibig na ‘yan kaya maraming nagkakagustong gawing motto sa buhay, pero hindi ka tunay na maligaya kung hindi ka marunong tumanggap.  Tinanggap muna natin ang ligaya sa Diyos bago tayo tutoong nakapagpapaligaya sa kapwa-tao.  Tanggapin nating buung-buo si Jesus: nasa Kanya ang tunay nating ligaya.

Ang sabi nga po ng iba, maligaya raw sila dahil sila ang nagbibigay at hindi ang binibigyan.  Hindi po porke tayo ang nagbibigay, garantisadong mas maligaya tayo kaysa sa binibigyan natin.  Puwedeng bigay lang tayo nang bigay pero hanggat hindi maligaya ang pagbibigay natin, malungkot pa tayo sa binibigyan natin.  Si Jesus ang lagi nating ibigay sa ating kapwa, at kung sakaling may materyal tayong ibibigay sa kanila, siguraduhin sana nating isinasalamin talaga ng regalo natin si Jesus, hindi taliwas sa mga pagpapahalaga ni Jesus, laging maaalala ng bibigyan natin na magpasalamat kay Jesus.

Maligayang Pasko po!  Sana, tutoong maligaya kayo hindi lang ngayong Pasko kundi sa buong buhay ninyo.  Hindi po ninyo kailangang mamuhay sa kalungkutan.  Tingnan ninyo ang katabi n’yo: hindi bagay sa kanya ang nakasimangot.  Mas lalo na sa ‘yo!  Ibinalik na ng Diyos ang kaligayahan natin.  Pinaligaya na Niya tayo.  Kaya utang-na-loob po natin sa Diyos na panatilihin natin ito sa ating buhay at hawahan natin ang iba ng kaligayahang ito.

Maligayang Pasko po!

23 December 2012

THANK YOU! WELCOME!

Ikasiyam na Misa de Gallo
Lk 1:67-79 (2 Sm 7:1-5, 8b-12, 14a, 16 / Slm 88)


Noong unang araw ng Misa de Gallo, binati ko po kayo ng “Welcome!”  Samantalang sama-sama nating winelcome ang Misa de Gallo sa ating parokya para sa taong ito, winelcome din naman po natin ang isa’t isa na siyam na araw din nating nagpupuyat, nagsasakripisyo, pananalangin, pag-aalay ng “Offerings for the Poor”, at pagsama sa Mahal na Inang Maria sa kanyang pagdadalantao kay Jesus.  Mamayang gabi, sa Misa ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, we-welcome-in na natin si Jesus.  Birthday na ni Jesus!

Ngayong huling araw ng ating pagmi-Misa de Gallo sa taong ito, pagkatapos  ko po kayong welcome-in noong unang umaga, wala po akon kabalak-balak sabihan kayo ng “Goodbye!”  Ika nga po ng isang kanta: “And we will never say, ever say, goodbye.”  Hindi ko po kayo winelcome noon para lang mag-goodbye sa inyo ngayon.  At bagamat, noong unang araw ng Misa de Gallo, mas tumaginting ang welcome natin sa mga tuwing Misa de Gallo lang kung nagsimba, sana next year ay hindi na namin kayo we-welcome-in kasi hindi na namin kayo mami-miss ulit dahil simula magsisimba na kayo kahit man lamang tuwing Linggo at pistang pangilin, at pagsapit ng Misa de Gallo ulit ay kasama na naming kayong magwe-welcome sa mga Pasko lang kung magsimba.  Walang goodbye.  Palagi lang welcome.

Welcome –may dalawang kahulgan ito ito; depende sa paggamit pero parehas tungkol sa pagtanggap.  Kapag tumatanggap ng bisita: Welcome!  Kapag tumatanggap ng pasasalamat: Welcome din!  Pero kapag tumanggap ka ng regalo, ah ang sagot diyan: Thank you!

Welcome – sa ating wika, may dalawang salin ito.  Sa pagtanggap ng bisita: “Maligayang pagdating!” o kaya ay “Mabuhay!”   Hindi po “Please come in” ha.  Ang “Please come in” ay “Tuloy po kayo.”  Sa pagtanggap naman ng pasasalamat: “Wala pong anuman.”  Iyan, iyan po ang hindi ko maintindihan.  Bakit nagpasalamat na nga binabalewala pa natin?  Bakit walang anuman?  Walang halaga ang ipinagpapasalamat sa iyo?  Walang halaga ang regalong ibinigay mo?  Anong “Walang anuman”?  Meron.  Meron.  Akala mo lang wala, pero meron.  Thank you!

Eh, ano nga po bang meron?

Si Santa Claus?  Hindi.  Walang Santa Claus sa kuwento ng Pasko.  Malayo ang nilikha nating imahe ng Santa Claus sa katotohanan ng Diyos na nagregalo sa lahat ng tao, hindi lamang sa mga nice kundi pati rin sa mga naughty.  Tingnan n’yo nga po ang katabi n’yo, naughty ba s’ya?  Sabihan n’yo po: “Hala, wala kang gift kay Santa Claus!  Naughty ka kasi eh.”  Anong sagot n’ya sa inyo?  Ngayon, sabihan n’yo po ulit: “Di bale, kahit naughty ka may gift ka pa rin kay God!  Gift N’ya sa ‘yo si Jesus.”  Kaya, ano po ang sasabihin natin kay God?  “Thank you, God!”  Eh, ano naman po ang sasabihin natin kay Santa Claus?  “Wala kang anuman, Santa Claus.  You’re nothing but a second rate, trying hard copycat!”

Ano po bang meron?

Reindeers?  Walang raindeers sa kuwento ng Pasko.  Wala ngang Santa Claus eh, raindeers pa kaya.  Walang raindeers sa Pasko, merong mga tupa.  Isinilang kasi ang Mabuting Pastol.

Snow?  Maaaring malamig nga noong gabing isilang si Jesus, pero walang snow sa kuwento ng Pasko.  Hindi po nag-i-snow sa Bethlehem.  Pero napakalamig ng pagtanggap ng tao sa Diyos noong unang Pasko, hindi ba?  Walang nagpatuloy sa Kanya.  Ni wala ngang sumalubong eh.  Maliban sa mga dukhang pastol, walang dumalaw sa Kanya noong gabing isilang Siya.  Sabi na nga po kasi, ang Mabuting Pastol ang isinilang.

Three kings?  Sino bang nag-imbento ng three kings na ‘yan?  Walang three kings sa kuwento ng Pasko.  Ang meron po, mga mago – mga pantas na bagamat mga pagano ay naghahanap kay Kristo.  Kasi nga po, para sa lahat ang regalo ng Diyos: hindi lang para sa naughty and nice kundi para rin sa mga Judyo at di-Judyo, para sa mga kabilang sa Tipan at maging para sa mga Hentil.

Ang suma-total, ano nga po bang meron sa Pasko?

Marami.  Pero ang lahat ay natitipon sa munting Sanggol na isinilang sa sabsaban.  Sa Kanya nakita natin at naranasan ang kabaitan ng Diyos.  Ang bait-bait talaga ng Diyos.  Kaya, ano po ulit ang sasabihin natin sa Diyos?  Thank you!

Tingnan po ninyo sa unang pagbasa natin ngayong umagang ito: Ang bait-bait talaga ng Diyos!  Si David ang may gustong ipagpatayo ang Panginoon ng tahanang karapat-dapat sa Kanya.  Pero ang Panginoon ang nagtayo ng isang matatag na sambahayan para kay David.

Ganyan talaga ang Diyos, hindi po ba?  Kapag inuna mo ang Diyos, hindi ka magkukulang.  Kapag hindi ka madamot sa Kanya, mas lalong hindi ka Niya pagdadamutan.  Kung mabait ka, mas lalo Siyang mabait sa ‘yo.  Pero, kahit hindi ka mabait sa Diyos, mabait pa rin Siya sa ‘yo, hindi ba?  Kung madamot ka man sa Kanya, hindi ka Niya pagdadamutan.  Sabi nga po ni San Pablo Apostol sa 1 Tm 2:13, kung hindi tayo tapat sa Diyos, mananatili pa rin Siyang tapat sa atin dahil hindi Niya maaaring itatuwa ang Kanyang Sarili.”  Ang bait-bait talaga ng Diyos.  Ano pong sasabihin natin sa Diyos?  Thank you!

Ang bait din ng Diyos kay Zakarias.  Pinagdudahan na nga Siya nito pero tinupad pa rin Niya ang ipinasabi Niya sa kanya na maglilihi at manganganak ang asawa niyang si Elizabeth.  Naglihi nga kahit baog at matanda na itong si Elizabeth.  At hindi lang basta-bastang sanggol ang isinilang niya.  Ang unico hijo si Zakarias ang siyang katuparan ng hula ni Propeta Isaias tungkol sa tinig sa ilang na sumisigaw na ipaghanda ng daraanan ang Panginoong dumarating (Is 40:3).  Sa kalaunan, mismong ang Panginoon ang magsasabing sa lahat ng isinilang ng babae, walang hihigit pa kay Juan Bautista, ang anak ni Zakarias at Elizabeth.  Parehong  iniulat si San Mateo at San Lukas ang pahayag na ito ni Jesus (Mt 11:11 at Lk 7:28).  Big time!  Big time nga kahit parang ini-small time ni Zakarias ang Diyos noong pagdudahan  niya Siya.

Minsan pa, ganyan po ang Diyos, hindi ba?  Bagamat mas marami sana tayong mapakikinabangang mga biyaya Niya kung hindi natin Siya pagdududahan, kung magtitiwala tayong ganap sa Kanya, kung itataya natin ang lahat sa ngalan ng ating pananampalataya sa Kanya, tuluy-tuloy pa rin ang pagbibiya Niya sa atin believe it or not.  Ang bait-bait talaaga ng Diyos.  Kaya, ano pong sasabihin natin sa Diyos?  Thank you!

Iyan nga po ang ibig sabihin ng awit ni Zakarias: “Thank you, God!”  Sa wikang Hebreo, ang unang kataga ng awit niya ay berakah (בְּרָכָה) na ang ibig sabihin ay “basbasan”.  Biro ninyo, binabasbasan ni Zakarias ang Diyos!  Hindi po ba ang Diyos dapat ang magbasbas kay Zakarias?  Ang unang kahulugan po kasi ng “basbas” sa kaisipang Hebreo ay “pasasalamat”.  Ang binabasbasan mo ay pinasasalamatan mo.  Kaya nga, binabasbasan ni Zakarias ang Diyos.  Pinasasalamatan niya ang Diyos.  Mawalang-galang po sa mga dalubhasa sa mga pagsasalin, palagay ko po ay hindi tumpak ang pagkakasalin natin sa berakah (בְּרָכָה) ni Zakarias.  Ang berakah (בְּרָכָה) ay “pasalamatan” hindi “purihin” gaya ng nakalimbag sa salin natin sa ating wika.  Pinasasalamatan ni Zakarias ang Diyos sa kanyang awit na pinamagatan nating “Benedictus”.  Tumpak ang salin sa Latin: benedictus!

Nang makapagsalitang muli si Zakarias, ang una niyang sinabi ay “Salamat sa Diyos!”. Tayo po, ano bang bukambibig natin?

Sana, mapagpasalamat din tayo sa Diyos, hindi mapanumbat.  Lagi tayong magpasalamat sa Diyos, hindi mareklamo.  Basbasan natin ang Diyos; huwag Siyang balewalain.

Sana, gayundin po tayo sa isa’t isa.  Lagi tayong magpasalamat sa isa't isa, hindi panay pintas.  Hanggang buhay pa basbasan natin ang lahat ng taong dapat nating basbasan.  Hindi iyong kung kelan patay na, tsaka tayo ngawa nang ngawa: “Bakit mo ako iniwan?  Hindi man lamang kita napasalamatan.  Huli man na, maraming salamat sa iyo para sa lahat.”  Kapag ganyan tayo sa patay, bumangon sana ang patay, kamayan tayo, at sabihan ng “Thank you, dumalaw ka sa burol ko!". Huwag kslimutan, ano pong isasagot ninyo?  "Welcome!"  Sabihin n’yo po sa katabi ninyo: “Thank you!”  Anong sinagot sa inyo?  (Bakit patay na ba ‘yan?  Baka pamatay lang.  Iyon na nga po eh, hindi kung kelan patay na tsaka ka magt-thank you.  Dapat ngayon na, now na.  Dapat lagi-lagi.)

Ang Pasko ay regalo sa atin ng kabaitan ng Diyos.  Mahal na mahal Niya tayo sa kabila ng lahat.  At pinatunayan Niya ito (Hindi tulad ng iba d’yan hanggang salita lang).  Kaya tayo nagsisimba kasi gusto nating mag-thank you sa Diyos.  Ang ibig sabihin ng Eukaristiya ay “pasasalamat”.  Magsimba tayo hindi lamang kapag Misa de Gallo, hindi lamang kapag Pasko, hindi lamang kapag birthday natin, hindi lamang kapag may kailangan tayo sa Diyos, kundi dapat Lingu-lingo at tuwing pistang pangilin, kung maaari pa nga ay araw-araw, sindalas ng dapat nating ipagpasalamat sa Diyos.  At sa tuwing lalapit tayo sa Diyos, lagi tayong welcome sa Kanya: tinatanggap Niya tayo at ang ating handog sa Kanya.  Sinasabi sa atin ng Diyos: Welcome!  Welcome ka sa tahanan ko; huwag ka nang mawawala ha.  Welcome!  Welcome ang gift mo sa Akin.

Nagtatapos na po ang Misa de Gallo, pero hindi ako maggo-goodbye sa inyo ha.  Winelcome ko na po kayo.  Sana manatili na kayo.  Gayunpaman, minsan ko pa po sana kayo gustong pasalamatan: Thank you po!  Anong sagot n’yo?  "Welcome!"

22 December 2012

MAGTIWALA, PUPUNUIN NIYA ANG ATING KAWALAN!

Ika-apat na Linggo ng Adbiyento at Ikawalong Misa de Gallo
Lk 1:39-45 (Mi 5:1-4 / Slm 80 / Heb 10:5-10)

Sa lipunang Judyo, ang mga babae ay larawan ng kawalan.  Kung maiguguhit ang wala, mukha ng babae ang makikita.


Wala pagkilala sa kanila.  Kaya nga po hindi sila ibinibilang.  Natatandaan po ba ninyo ang malahimalang pagpapakain ng Panginoon sa limanlibong katao sa pamamagitan ng dalawang pirasong isda at limang tinapay lamang?  Malinaw po ang ulat ng mga Ebanghelyo, ang limanlibong kataong iyon ay mga lalaki pa lamang; hindi po binilang ang mga kababaihan.


Wala ring boses sa lipunang Judyo ang mga kababaihan.  Hindi sila pipi ngunit hindi sila marinig.  Hindi sila marinig dahil hindi sila pinakikinggan ng lipunang pinaghaharian ng mga kalalakihan.  Sa lipunang Judyo, hindi maaaring tumayong testigo sa hukuman ang mga kababaihan.  Walang saysay ang kanilang patutoo.  Natatandaan po ba ninyo na sa Mk 16:9, matapos Siyang magmuling-nabuhay ang unang pinagpakitaan ni Jesus ay si Maria Magdalena?  Siya rin ang isinugo ni Jesus sa mga apostol para ibalitang Siya nga ay magmuling-nabuhay na.  Pinaniwalaan ba nila si Maria Magdalena?  Sabi po sa Mk 16:11, hindi.  Si Maria Magdalena ay hindi pinaniwalaan ng mga apostol.  Kung bakit, maraming posibleng dahilan; subalit, isa sa mga dahilang iyon ang kulturang nagsasabing walang saysay ang patutoo ng kababaihan.


Walang pagkilala, walang boses, kaya ang mga kababaihan sa lipunang Judyo ay walang lakas.  Mahinang-mahina sila hindi dahil sila ay sakitin o may kapansanan.  Wala silang lakas dahil wala silang halaga.  Ni hindi nga po pinag-aaral ang mga kababaihang Judyo.  Hindi nila puwedeng pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan ng mga Judyo.  Bukod sa mga batas ng Judaismo, ang dapat lang nilang malaman ay kung paanong lumikha ng mabuting tahanan, asikasuhing mabuti ang asawa, at arugain ang mga anak.  Mahirap din ang inaasahan sa mga kababaihan, pero wala silang lakas.  Kaya nga mahalagang makapag-asawa ang babaeng Judyo dahil ang asawa niyang lalaki ang kanyang moog at tanggulan.  Naaalala po ba ninyo ang kuwento sa Lk 7:11-17?  Nang masalubong ni Jesus ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang babaeng balo, lubhang nahabag si Jesus sa babaeng iyon: wala na nga siyang asawa, nawala pa ang kaisa-isang anak niyang lalaki.  Walang-wala na ang babaeng iyon.  Sukdulan na ang kanyang kawalan.


Tatlo lamang po iyan sa mga halimbawa ng kawalan ng mga kababaihan sa lipunang Judyo.  Lalo na sa Lumang Tipan, ang mga babae ang larawan ng kawalan.  Subalit sa Bagong Tipan, lalo na sa Ebanghelyo ni San Lukas, na siyang pinaghanguan ng ating binasa ngayong ika-apat ng Linggo ng Adbiyento, itinatanghal ang mga kababaihan.  Nariyan nga si Maria Magdalena, na kasama nila Susana at Joanna at marami pang kababaihan, ayon sa Lk 8:3, ang naging mga alagad ni Jesus at tinutulungan daw nila Siya at ang Kanyang mga alagad sa kanilang mga pangangailangan mula sa kani-kanilang kayaman.  Nariyan din si Marta at Maria, mga kapatid ni Lazaro, na matatalik na kaibigan ni Jesus.  Si Maria at Elizabeth sa Ebanghelyo natin ngayon ay naririyan din.  Maging sa mga unang kabanata ng kasaysayan ng sambayanang Kristiyano, nasusulat na ang pagkauliran nila Lydia na tumulong kay San Pablo Apostol, gayundin ang mag-inang sina Lois at Eunice.  Ang mga babaeng ito ay ilan lamang sa imaheng kabaliktaran ng nakagawian nang larawan ng mga kababaihan bilang kawalan.  Punung-puno sila ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig.


Sa hanay ng mga kababaihang larawan ng kapunuan sa halip ng kawalan walang hihigit kay Mariang Ina ni Jesus.  Ayon sa Lk 1:28, lubos siyang kinalulugdan ng Diyos.  Kaya naman sa Lk 1:42, sinabi ni Elizabeth kay Maria na bukod siyang pinagpala sa babaeng lahat.  Mapalad daw si Maria, wika pa ni Elizabeth, sapagkat nanalig si Maria na matutupad ang ipinasabi sa kanya ng Panginoon.


Tayo po, kinalulugdan din ba tayo ng Diyos?  Ang ating ugali, kalugud-lugod ba talaga sa Kanya?


Tayo po, ang tingin ba natin sa ating buhay ay pinagpala o laging minamalas?  Mapalad po ba tayo o kapus-palad o sawimpalad?


Tayo po, nananalig ba talaga tayo sa salita ng Diyos?  Nagtitiwala pa ba tayo sa Kanyang salita?  Pinagkakatiwalaan pa ba talaga natin ang Diyos?


Ayon sa ating mahal na Arsobispo, ang Kanyang Kabunyian Luis Antonio G. Kardinal Tagle, sa isang homiliyang kanyang ipinangaral, isa raw po sa dahilan kung bakit itinakda ng ating mahal na Santo Papa, Benito XVI, ang taong 2012 hanggang 2013 bilang “Taon ng Pananampalataya”, para sa muling-pagdiskubri, pagpapalalim, at pagpapanibago ng Pananampalatayang tinanggap natin mula sa mga apostol, ay ang kapansin-pansing lumalaganap ang kaisipang hindi na kailangan ng tao ang Diyos.  May mga malakas ang boses na nagsasabing, hindi na kailangan ang Diyos para ipaliwanag ang mga bagay-bagay sa mundo; sapat na raw po ang agham at ibang siyensya.  Post-modernism po ang tawag sa paniniwalang iyan na nauuwi sa pag-uugaling bumabale-wala sa Diyos.  Ang sabi ng modernism: Walang Diyos!  Ang sabi naman ng post-modernism na laganap sa ating panahon: Merong Diyos.  Pero hindi na natin Siya kailangan!  Ang bunga nito ay ang kawalang-tiwala ng tao sa Diyos at sobrang pagtitiwala ng tao sa kanyang sarili.


Sinabi pa ng ating Arsobispo, baka raw kaya nawawalan na ng tiwala ang maraming tao sa Diyos kasi nawawala na rin ang tiwala nila sa kanilang kapwa.  Tumpak!  Sapagkat nang sumigaw si Jesus mula sa krus ng “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo naman ako pinabayaan?” (Mt 27:46), alam naman nating hindi Siya pinabayaan ng Diyos.  Sino po ang nang-iwan kay Jesus?  Sinong nagpabaya sa Kanya?  Sinong nanakit kay Jesus?  Hindi ang Diyos kundi ang mga inasahan Niya, ang mga minahal at itinuring na di-iba, ang mga pinagkatiwalaan Niya.


Tumpak!  Kapag pinabayaan tayo ng mga taong minahal natin, pinaniwalaan natin, pinagkatiwalaan natin, bagamat alam naman nating hindi ang Diyos ang nang-iwan sa atin, ang pakiramdam natin ay pinabayaan na tayo ng Diyos.  Kaya, please, huwag na huwag po nating pababayaan ang isa’t isa.  Ibalik natin ang tiwala sa Diyos ng ating kapwa sa pamamagitan ng pagsisikap nating patunayan sa kanila na tayo ay talagang karapat-dapat pagkatiwalaan nila.  Siyempre, kailangan din nating magtiwala sa kanila.  Kung saan may sugat ang pagtitiwala, magtulungan tayong maghilom.  Kung saan namamayani pa ang pagtitiwala sa isa’t isa, magtulungan tayong mapanatili.  At kung saan naman wala na talagang tiwala, magtulungan tayong muli itong ipunla.


Si Maria ang larawan ng kung ano ang magagawa ng Diyos sa taong may ganap na tiwala sa Kanya.  Pinuno ng Diyos ang kawalan ni Maria sa isang lipunang ang turing sa kababaihan ay mababa.  Pinuno rin Niya ang kawalan ni Elizabeth sa harap ng mga taong nakamasid sa kanyang kadustahan.  Punung-puno ng biyaya ang tagpo sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito dahil si Maria at Elizabeth ay punung-puno ng Diyos.  At nag-uumapaw pa nga si Maria dahil dala-dala niya ang Anak ng Diyos mismo hindi lamang sa kanyang sinapupunan kundi sa kanyang puso.


Sa liturhiya natin ngayong araw na ito, nagtatagpo na ang Luma at Bagong Tipan: ang matandang baog na si Elizabeth ang sumasagisag sa Luma at ang batang birheng si Maria ang hudyat ng Bago.  Parehas silang nanalig sa kabila ng kanilang kawalan.  Parehas silang pinuno at itinanghal.  Sa kanila, nagyayakapan ang magkabilang Tipan sa saliw ng pasasalamat at pagpupuri sa Diyos na tapat sa Kanyang pangako.


Malapit na nga po ang Pasko!  Ilang tulog na lang!  Pinuno na ng Diyos ang ating kawalan.  Patuloy pa Niyang pupunuin ito.  Sana, talagang magpapuno tayo sa Kanya: Magtiwala tayo sa Diyos.  Punuin sana natin ang kawalan ng ating kapwa: Maging marapat tayo sa kanilang pagtitiwala.  Ang Pasko ay pagtitiwala ng Diyos sa atin.  Ang Pasko ay ipinagkakatiwala ng Diyos sa atin ang Kanyang kaisa-isang bugtong na Anak kahit alam Niyang tatanggihan natin Siya, sasaktan natin Siya, at papatayin sa krus.  Sa kabila ng lahat, pinagkatiwalaan tayo ng Diyos, kaya may Pasko.


Hindi po nagbabago ang kuwento ng unang Pasko, pero taun-taon ay nagbabago ang Pasko natin dahil nagbabago rin tayo.  Dala-dala natin sa bawat Pasko ang marami at iba’t ibang karanasan natin ng pagtitiwala at kawalang-pagtitiwala.  Ngayong taong ito, ano po ang kuwento ng Pasko ninyo?

21 December 2012

BIRO N’YO YUN!


Ikapitong Misa de Gallo
Lk 1:46-56 (1 Sm 1:24-28 / 1 Sm 2)

Kung ang bawat araw po ng ating pagmi-Misa de Gallo ay katumbas ng isang buwan sa pagdadalantao ng Mahal na Inang Maria, nasa ikapitong buwan na po tayo ngaong araw na ito.  Puwede nang manganak ang Mahal na Ina!  Puwedeng isilang si Jesus!  May mga ipinanganganak po nang pitong buwan lang, hindi ba?  Premature nga po, pero nabubuhay pa rin.  May nagsabi sa akin na mas nabubuhay pa nga raw po ang ipinanganak nang pitong buwan lang kaysa walong buwan.  Puwede nang ipanganak si Jesus!  Premature baby nga po pero puwedeng-puwede na rin Siyang mabuhay.

Pero bakit po kaya hindi ipinanganak si Jesus nang pitong buwan lang?  Sa napakahalaga at lubhang kinakailangang matupad na misyon ni Jesus, bakit hindi na lang minadali ng Diyos ang Kanyang pagsilang?  Bakit hindi pinadali at minadali ng Diyos ang lahat para kay Maria, para kay Jose, para kay Jesus, para sa ating lahat?  Kayang-kaya Niya pong gawin iyon, hindi ba?  Bakit hindi Niya ginawa?

Biro n’yo ‘yun!  Ang Diyos na nga ang may-ari ng lahat.  Ang buong kalikasan ay Kanya, at Siya po ang nagtakda ng batas nito.  Siya ang lumikha sa lahat.  Pero pati Siya sumusunod sa batas ng kalikasan.  Hindi Niya minadali ang lahat.

Tayo po, iginagalang ba natin ang batas ng kalikasan?  Isinasabatas pa nga natin ang paglabag sa natural na atas ng kalikasan.  Pero pirmahan man ng Pangulo ang Reproductive Health Bill at tuluyan na itong maging batas, nasa pagpapasiya pa rin naman ng bawat-isa sa atin kung, tulad ng Diyos, susundin natin ang batas ng kalikasan, o, tulad ng mga nagsusulong sa RH Bill, lapastanganin natin ito.

Biro n’yo ‘yun!  Ang Diyos na nga ang makapangyarihan sa lahat.  Wala Siyang katulad sa kapangyarihan.  Maaari Niyang gawin ang anumang nais Niya nang walang makapipigil sa Kanya.  Puwedeng kontrahin ang Diyos at kuwestyonin ang Kanyang mga gawi at kalooban, pero walang makahahadlang sa Kanyang gawin ang anumang nais Niyang mangyari.  Anumang gusto ng Diyos, makukuha Niya nang madali.  Pero hindi pinadali ng Diyos ang ating kaligtasan.  Hindi Niya lamang sinunod ang batas ng kalikasan, dinanas din Niya ang anumang kahirapang kaakibat nito.

Tayo po kaya, mahilig ba tayo sa mga hima-himala?  Lagi ba tayong nakikiusap sa Diyos ng bongang-bongang production number sa entablado ng buhay?  Mahilig po ba tayo sa shortcuts hindi lamang para maging bilis ang proseso para sa atin kundi para rin maging madali ang dapat nating pagdaanan?  Addict na ba tayo sa mga instant na sinasabing pinadadali para sa atin ang disin-sana’y mahirap?  Kitang-kita naman po natin ang epekto nito: ang pamamayani ng kulturang walang pagpapahalaga sa paghihintay, pagpapasensya, pagtitiis, pagtitiyaga, pananatili, at pag-asa.

Biro n’yo yun!  Hirap na hirap na nga ang sankatauhan sa sumpa ng kamatayang walang-hanggan.  Dukhang-dukha na nga ang sankatauhan sa grasya ng Diyos dahil sa kasalanan.  Uhaw na uhaw na nga tayo sa kaginhawahan.  Pero talagang hindi pa rin nagmadali at hindi pinadali ng Diyos ang Pasko.

Tayo po, kumusta ang ating Pasko?  Punung-puno ba ito ng pagmamadali at mga pinadali?  Kumusta ang buhay natin, hindi lamang kapag Pasko kundi sa araw-araw na ginawa ng Diyos?  Lagi ba tayong nagmamadali?  Nilalagtawan po ba natin ang mga paghihirap na kailangan nating danasin at pinadadali natin ang lahat?  Kumusta po tayo?

Parang binibiro tayo nang Diyos nang imbentuhin Niya ang Pasko.

Biro n’yo po!  Ang dating baog at matanda na ay nagdadalantao.  Ang birheng nakatakda pa lang ikasal ay nagdadalantao rin ngunit sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.  Ang larawan ng dalawang buntis na ito sa Ebanghelyo ay medyo nakakatawa pero, higit sa lahat, nakakatuwa.  Parang nagbiro ang Diyos sa buhay ni Maria at Jose.  Parang nagpatawa Siya sa buhay ni Zakarias at Elizabeth.  Malakas po ang palagay ko na nang magkita ang dalawang buntis na ito, hindi mala-estampita ang larawan nila.  Malamang, natawa sila sa isa’t isa.  Hindi matapos-tapos na tawa.  Umiiyak sa katatawa.  Tuwang-tuwa sila sa isa’t isa.  Galak na galak sa pagbibiro ng Diyos sa kanilang buhay.

Pero malamang din po, pagkatapos nilang tumawa nang tumawa, bigla silang natahimik.  Isang napakayamang katahimikan ang bumalot sa kanila dahil magkahalong tuwa at pangamba, pasasalamat at pag-aalala.  Subalit nangibabaw pa rin sa kanila ang pagtitiwala sa Diyos.  Ang Diyos ang may gawa ng pangyayari sa buhay nila kaya’t ang Diyos ang magdadala nito sa kaganapan.  Ang Diyos ang nagkaloob sa kanila ng anak kaya’t ang Diyos din ang mangangalaga sa mga ito.  Ang Diyos ang nagbukas ng kanilang mga sinapupunan kaya’t ang Diyos lang ang may karapatang magsara nito.  At ang Diyos na ito, gaya ng inawit ni Maria ay dakila sa Kanyang mga gawa, mapagmahal sa mga aba, at tapat sa mga pangako Niya.

“Biro mo,” maaaring nasabi ni Maria kay Elizabeth, “hindi nagbibiro ang Anghel ng Panginoon: buntis ka nga!”

“Oo nga, Maria,” maaaring sagot ni Elizabeth, “buntis ka rin, hindi ba?”

“Paano mo nalaman?” tanong ni Maria kay Elizabeth.  “Halata na ba?  Ang bilis naman!”

“Kailangan pa bang malata iyan?  Eh, tunog pa lang ng yapak at tinig mo, naglulundag na sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko!” sagot ni Elizabeth.

“Talaga?” sabi ni Maria.

“Oo, Maria,” sagot ni Elizabeth.  “Biro mo ‘yun!”

At sinabi ni Maria, “Hindi, pinsan, hindi biro ko iyon.  Biro ‘yun ng Diyos.  Pero hindi iyon biro.  Tutoong-tutoo.”

Tumawa sila.  Tuwang-tuwa.  Tapos, katahimikan.

At umawit si Maria.  Nagsayaw kaya si Elizabeth?

Biro n’yo ‘yun!  Hindi po ‘yun biro.  Magkatutoo sana ang biro ng Diyos sa buhay n’yo.