NAGSIPAGTAKBUHAN SILA!
Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng
Panginoon
Jn 20:1-9 (Gwa
10:34, 37-43 / Slm 118 / Col 3:1-4)
Maligayang Pasko po ng
Magmuling-Pagkabuhay sa inyong lahat!
Happy Easter!
Nito pong nagdaang tatlong araw –
Huwebes Santo hanggang Sabado de Gloria – ang sarap magmaneho sa ating mga
lansangan. Wala pong
katrapik-trapik. Hindi tulad kapag
pangkaraniwang araw, kulang ang siyam-siyam para makarating ka sa iyong
paroroonan. Kung kelan ka pa
nagmamadali, tsaka pa trapik. Pero nito
nga pong nagdaang tatlong araw, hindi mo kailangang magmadali dahil madali kang
lang makararating sa pupuntahan mo, kasi nga walang trapik.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos,
kundi man po buong maghapon, may mga sandaling nagmamadali tayo. Nagmamadali po tayo sa ating morning routine kasi baka mahuli tayo sa
opisina o paaralan. Nagmamadali tayong
makarating sa sa estasyon LRT o MRT dahil, tiyak po, mahaba na naman ang
pila. At pagkatapos ng isang araw,
nagmamadali naman po tayong makauwi kasi marami pa tayong gagawin sa bahay pero
kailangan nating makapagpahinga ng maaga dahil magmamadali na naman tayong
pumasok bukas. Yung iba po, nagmamadali
kasi hinahabol ang paborito nilang teleserye.
May mga taong nagmamadaling kumain, maligo, makasakay ng dyip,
makapagtrabaho, makapag-aral, makauwi, at makatulog. At meron din pong mga nagmamadaling
magsimba. Pero meron din naman pong mga
paring minamadali ang pagmimisa. Kayo po
ba, nagmamadali po ba kayo ngayong matapos na ang Banal na Misang ito at nang
masabi n’yong, “Hay, salamat, tapos na ang obligasyon ko!” Iyon nga po ang problema kapag ang tingin
natin sa pagsisimba o pagmi-Misa – at alinmang para sa Diyos – ay isang
obligasyon. Sapat na po para sa marami
ang magawa at matapos ang kanilang obligasyon.
At kung puwedeng madaliin, bakit nga naman po hindi?
Pero may mabuti rin naman pong
pagmamadali. Minsan kailang mo po
talagang magmadali. Basta lagi ka pa
ring mag-iingat kahit nagmamadali ka, at ang pagmamadali mo ay para sa tama’t
mabuting dahilan.
Taun-taon, parehas po ang
Ebanghelyong binabasa natin tuwing Linggo ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon:
ang kuwento ni Maria Magdalena, Simon Pedro, at Juan noong umaga nang si Jesus
ay magmuling-nabuhay. Marami na po
tayong binigkas at narinig na mga pagninilay tungkol sa kanilang kuwento. Marami na rin pong mga detalye ng kuwento
nila ang ating binigyang-pansin at kinapulutan ng aral. Ngunit may isang bagay po na bibihirang
pinapansin: LAHAT PO SILA TUMAKBO! LAHAT
PO SILA NAGMAMADALI! Tumakbo raw po si
Maria Magdalena para magsumbong kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni
Jesus: “Kinuha nila ang Panginoon sa libingan at hindi namin alam kung saan
nila Siya inilagay.” At agad-agad din
naman daw pong tumakbo sila Simon Pedro at Juan papuntang libingan ni
Jesus. Mas mabilis pa nga raw pong
tumakbo si Juan kaysa kay Pedro, ulat ng Ebanghelyo, kaya nauna siya sa
libingan ngunit hindi pumasok. Pero si
Pedro, walang hinto sa pagtakbo, tuluy-tuloy raw po itong tumakbo papasok sa
libingan. Sa katunayan, bago pa po
nangyari ang mga takbuhang ito, nagmamadali na si Maria Magdalena. Pagkatapos na pagkatapos daw po ng Sabbath,
samantalang madilim pa, nagtungo na siya sa libingan ni Jesus. Lahat po sila nagmamadali. Lahat po sila tumatakbo. Nagmamadali sila para sa Panginoon. Tumatakbo sila papunta kay Jesus.
Ganyan
po kasi talaga kapag para sa minamahal, hindi ba? Hindi ka makapaghintay. Ayaw mong pinaghihintay. Agad-agad kapag loved. Sabi nga po ng isang
sikat na kanta ngayon: “I’m only one call
away. I’ll be there to save the
day. Superman got nothing on me. I’m only one call away.” Sa tutoo lang po, kung mahal mo talaga, hindi
ka na one call away kasi lagi kang
nasa tabi n’ya.
Tayo
po, para kanino po ba tayo nagkakandarapa sa pagmamadali? Kanino po tayo mabilis pa sa
alas-cuatro? Sino po ba ang ating “one call away”? Sino ang ating “no need to call anymore” kasi hindi tayo umaalis sa tabi n’ya? Baka naman po kung sinu-sino yan, maliban kay
Jesus.
Baka
po kapag si Jesus na, pinagpapabukas-bukas na lang natin. Baka po kapag para kay Jesus,
“pinupuwede-puwede na yan “ na lang natin.
Nitong nagdaang Semana Santa, nagmamadali
tayong pumunta ng simbahan, ayaw nating male-late sa mga pagdiriwang,
nag-aalala pang baka maubusan ng upuan, pero ngayong hindi na Kuwaresma baka
naman po tamad na tamad na tayong magsimba at ayos lang kahit ma-late – “hindi pa naman Gospel”. Noong Kuwaresma mabilis tayong maglimos; baka
naman po ngayon, mabilis na tayong magtago sa nanlilimos. Baka po matulin tayong tumakbo patungo kay
Jesus pero usad-pagong naman tayo patungo sa kapwang nangangailangan ng ating
tulong.
Umagang-umaga
pa lang ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay, tumatakbo na si Maria Magdalena,
Simon Pedro, at Juan patungo kay Jesus.
Ipinakikita po nito kung gaano nila kamahal si Jesus. Mahal na mahal. Nagmamadali sila para kay Jesus; hindi
minamadali si Jesus.
Tayo
po kaya, nagmamadali rin ba tayo para kay Jesus o minamadali natin Siya? Sa maraming pagkakataon, sinusukat ang
pag-ibig natin kay Jesus. Sana po,
pagkalooban din tayo ng magmuling-pagkabuhay ng sigla para kay Jesus. Sana po, itulak tayo ng magmuling-pagkabuhay
para nagmamadali rin nating hanapin si Jesus, ngunit hindi sa libingan kundi sa
tahanan ng mga dukha. Sana po,
patakbuhin din tayo ng magmuling-pagkabuhay ni Kristo hindi para sa anumang
puwesto kundi para maglingkod nang walang hinihintay na kapalit.
Tapos
na ang Semana Santa. Matrapik na naman. Magmamadali na naman ang marami sa atin, sa
araw-araw na ginawa ng Diyos. Makikipag-unahan
na naman ang ilan sa atin para makarating sa kani-kanilang opisina o
paaralan. At, opo, maraming tumatakbo
ngayon, hindi ba? Tumatakbo ba sila para
sa misyon o para sa ambisyon?
Sa
pagsariwa po natin ngayon sa mga pangako natin sa Binyag, pagpanibaguhin natin
ang ating pasiyang kay Jesus tayo!
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home