26 March 2016

MAGANDANG BUHAY!

Bihilya ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Lk 24:1-12 (Gen 1:1-2:2 / Gen 22:1-18 / Ex 14:15-15:1 / Is 54:5-14 / Is 55:1-11 / Bar 3:9-15, 32-4:4 / Ezk 36:16-17, 18-28 / Rom 6:3-11)

Maligayang Pasko po ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon!  Happy Easter po sa inyong lahat!

Magandang gabi po.  Magandang buhay sa inyong lahat!

Ano nga po ba ang magandang buhay?

Ang magandang buhay ay hindi po ang buhay ng taong maganda.  Alam naman po natin, maraming may magandang mukha pero pangit naman ang ugali.  Ang magandang buhay ay hindi po marangyang pamumuhay.  Hindi po lahat ng mayaman ay maganda ang ikinabubuhay.  Ang magandang buhay ay hindi po buhay ng makapangyarihan o maimpluwensya o sikat.  Marami na pong sumikat dahil sa masamang ginawa.  Marami rin pong may impluwensya sa lipunan na ang bad influence naman.  At marami pa rin po namang makapangyarihan at nasa kapangyarihan na nakakasuka ang pagmumukha.

Ano nga po ba ang buhay na maganda?  Sino ang may magandang buhay?

Ang magandang buhay ay buhay na maka-Diyos, buhay na laan sa Diyos, buhay na katulad ng sa Diyos.  Ang buhay na maganda ay ang buhay ng Diyos.  Ganyan po ba ang buhay natin?  Ang mga bukambibig ay “good”, good din ba kayo?  Ang mahilig bumati ng “Magandang umaga.  Magandang tanghali.  Magandang gabi.  Magandang buhay”, maganda po ba kayo inside-out?  Ano po ba ang batayan natin ng kagandahan?  Saan natin hinuhugot ang “maganda” sa tuwing babati tayo ng “Magandang buhay” sa isa’t isa?  Meron po ba tayo ng tunay na gandang hinahangad natin sa iba?  Nasa atin po ba ang kagandahan ng Diyos?  Maka-Diyos po ba tayo?  Laan ba tayo sa Diyos?  Ang buhay po ba natin ay katulad ng buhay ng Diyos?  Buhay ba talaga ang Diyos sa atin?

Si Jesus – ang Bugtong na Anak ng Diyos – ang larawan ng Diyos sa atin.  Sa Col 1:15, wika ni Apostol San Pablo, si Jesus ang imahe ng disin sana’y nakakubling Diyos, Siya ang panganay ng sanilikha.  Tingnan po natin si Jesus: masdan natin ang Diyos.  Tularan po natin si Jesus: mamuhay tayong mga anak ng Diyos.

Ang mamuhay bilang mga anak ng Diyos ay ang magsikap na isabuhay ang buhay ni Kristo Jesus.  Opo, si Jesus ay buhay; ngunit hindi lamang Siya buhay.  Si Jesus mismo ang buhay.  At ang Kanyang magmuling-pagkabuhay ang siyang pinakasentro ng kasaysayan ng tao.  Wala pa pong pangyayari sa kasaysayan ng mundo ang sintindi ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus.  Binago po nito hindi lamang ang maraming tao kundi ang buong sanilikha.  Siya pong magmuling-nabuhay ang naging buhay ng sanilikha.  Binago po nito ang buhay n’yo at buha ko.  Dahil sa magmuling-pagkabuhay ni Jesus, bagong tao na po tayo: ang luma, ika pa ni San Pablo Apostol, patay na.

Ang magmuling-pagkabuhay ni Jesus ay ikalawang genesis.  Ang Kanyang magmuling-pagkabuhay ay magmuling paglilikha.  Sa unang genesis, nilikha ng Maykapal ang tanan sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang salita.  Sa ikalawang genesis naman po, magmuling Niyang nilikha ang sankatauhan pamamagitan din ng Kanyang Salitan ngunit ngayo’y nagkatawang-tao na – si Kristo Jesus.  Sa unang genesis, hiningahan ng Diyos ang tao at ito ay nabuhay.  Sa ikalawang genesis, kinagabihan nang Kanyang magmuling-pagkabuhay, nagpakita si Jesus sa natitipong mga alagad at hiningahan din Niya ang mga bagong nilikha.

Kaya nga po, kung nais nating malaman at maunawaan ang tunay na kahulugan ng ating buhay, ipako po natin ang ating paningin sa napako at magmuling-binuhay na Kristo.  Sa Kanya lantad na lantad po ang misteryo ng buhay ng tao.  At ang misteryong ito ng buhay ng tao ay dumidilim kapag hindi natatanglawan ng misteryo ng Diyos.  Kung nais po nating maliwanagan ukol sa misteryo ng ating buhay, kailangan nating magbabad sa liwanag ng misteryo ng Diyos.  Saan po ba tayo nagbababad?  Sa ano po ba nakabilad ang ating buhay?

Kapag naliliwanagan ng misteryo ng napako’t magmuling-binuhay na Kristo ang misteryo ng buhay ng tao, nakikita po natin ang napakalalim na katotohanang ito: ang Diyos ay para sa tao at ang tao ay para sa Diyos.  Tayo ay para sa Diyos at ang Diyos ay para sa atin.

Tayo po ay para sa Diyos.  Hindi tayo para sa mundo.  Nasa mundo nga tayo pero dapat po hindi tayo maka-mundo.  Hindi tayo para sa mundong ito.  Hindi tayo nilikha upang maging mga alipin ng mundong ito; nilikha po tayo ng Diyos upang maging mga katuwang Niya sa pag-aaruga at paglinang ng mundo.  At sa Diyos lang po natin matatagpuan at malalasap ang tunay na kaligayahan.  Ika nga po ni San Agustin, “Thou hast created us for Thy Self, O God, and our hearts are restless until they rest in Thee.”  Sa araw-araw kailangan po nating tanungin ang ating sarili at usisain ang uri ng ating pamumuhay kung sa Diyos pa tayo talaga.  Baka po kasi hindi na.

Ang mabuting balita po ay ito: Kahit hindi na tayo para sa Diyos, ang Diyos ay para sa atin pa rin.  Kakampi natin ang Diyos.  Maaaring disiplinahin Niya tayo, katulad ng isang mabuting magulang sa kanyang anak, ngunit hindi Niya po tayo sasaktan.  Ang pananakit ay hindi gawain ng Diyos at hindi gawi ng taong maka-Diyos.  Sa kabila ng marami nating atraso sa Kanya, ang ganti sa atin ng Diyos ay pag-ibig pa rin.  At pinakita sa atin ng Biyernes Santo na wala pong kahit na ano at kahit na sino ang makahahadlang sa Kanyang mahalin tayo, kahit pa may krus, for the cross is not the cause but the fruit of God’s love for us.  Walang makapipigil sa Kanyang ibigin tayo kahit pa libingan.  Sa kabila ng lahat, we are not only worth dying for; we are worth rising for.  Para sa atin ang Diyos.

Ngayon pong Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay at sa pagsariwa nating muli sa mga pangako natin sa Binyag, pagpanibaguhin po natin ang ating pasiyang magsisikap nang wagas na mamuhay bilang mga anak ng Diyos.  Ang tanglaw ng Kandila ng Paskuwa ang paalala sa ating naririyan lagi si Jesus bilang ilaw sa ating paglalakbay at init sa tuwing nanlalamig na tayo sa pagsasabuhay ng ating pananampalataya.

Manatili po tayo sa liwanag ni Kristo.  Si Kristo mimso ang liwanag na ito.  Ika nga po sa Slm 36:9, “For with Thee is the fountain of life; in Thy light we see light.”  At sa Jn 8:12, sinabi ni Jesus, “I am the light of the world.  Whoever follows Me will have never walk in darkness, but will have the light of life.”  At sa kasunod na kabanata, Jn 9:1-12, pinatunayan Niya po ito nang bigyan Niya ng paningin ang isang lalaking isinilang na bulag.

Huwag tayong mamuhay sa kadiliman.  Hindi po tayo bagay sa dilim.  Ang kadiliman ay para lang sa mga pangit.  Bakit gusto ng pangit sa dilim?  Kasi po sa dilim, walang maganda, walang pangit.  Sa dilim, pantay-pantay: ang lahat, maitim!  Ayaw ng pangit sa liwanag dahil mabubukong pangit pala siya.  Hindi po nagsisinungaling ang liwanag: sa ilalim ng liwanag ang asul ay asul, ang pula ay pula, ang berde ay berde, ang puti ay puti, ang itim ay itim, ang pangit ay pangit, at ang maganda ay maganda talaga.  Sadyang ganyan po ang liwanag: hindi nagsisinungaling.  Kaya nga po liwanag kasi maliwanag talaga.

Humarap po tayo sa liwanag.  Sa sandaling tumalikod tayo sa liwanag, ano po ang nililikha natin?  Anino.  Tapos matatakot tayo sa sarili nating anino.  Ang tanga tatakbo nang tatakbo palayo sa liwanag ngunit lagi pa rin pong nasa harap niya ang aninong gustong takasan.  Tanga po talaga.  Bakit?  Ang dali-dali naman po kasing solusyonan ng kanyang sitwasyon.  Paano po?  Humarap sa liwanag.  Kapag humarap po tayo sa liwanag, naglalaho ang anino.  Huwag po tayong tanga – pangit ang tanga.

Pinaganda na po tayo ng Magmuling-Pagkabuhay ni Kristo.  Huwag na tayong magpakapangit pa.  Huwag tatanga-tanga: humarap lagi sa Liwanag.  Si Jesus po ang natatanging Liwanag na ito.

Magandang gabi po sa inyong lahat!  Magandang Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay!  Hindi lang po ito pagbati.  Hamon ito sa ating lahat: SA LIWANAG NG MAGMULING PAGKABUHAY NI KRISTO, PAGANDAHIN PO NATIN ANG BUHAY NG IBA.  Ano tayo, tayo lang po ang maganda?







0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home