30 December 2012

SA TEMPLO


Kapistahan ng Banal na Mag-anak
Lk 2:41-52 (Sir 3:3-7, 14-17a / Slm 127 / Col 3:12-21)

Ipinagdiriwang natin ngayong araw na ito ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose.  Ang kapistahang ito ay talaga namang pangkapaskuhan dahil ang Sanggol na sentro ng ating pagdiriwang ay hindi putok sa buho o basta lumagpak na lang mula sa langit; Siya ay isinilang sa isang pamilya.  Sinabi nga ni Beato Juan Pablo II, na siyang nagpasimula ng tinatawag na “World Day of Families”, ang mag-anak daw ang ginamit na wari baga’y “pintuan” ng Diyos upang makapasok at mapabilang Siya sa sankatauhan, at, sa pamamagitan ng ginawa Niyang ito, ang lahat ng mga pamilya ay pinaging banal Niya.  Kaya nga, dahil banal ang mag-anak nila Jesus, Maria, at Jose, banal din ang pamilya natin.  Banal nga ba ang pamilya natin?  Kung “pintuan” nga ng Diyos ang pamilya, anong uri ng “pintuan” ang ating pamilya para sa Diyos – entrance o exit – at, kung entrance door ang pamilya natin para sa Diyos, pinapapasok ba natin talaga Siya sa ating buhay, sa ating bahay?  Hanggang saan?  At kung makapasok na Siya, bilanggo na ba natin ang Diyos o ibinabahagi rin natin Siya sa iba?  Tularan natin ang mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose.
          Pinatuloy ni Maria at Jose sa kanilang pamilya ang Diyos nang tanggapin nila si Jesus, ang Anak ng Diyos, sa kanilang buhay, sa kanilang bahay.  Ang Panginoon ang nagpaging tahanan sa kanilang bahay.  At hindi lamang nila Siya pinatuloy, kinupkop, inaruga, minahal, ibinahagi sa iba, at pinagtanggol laban sa anumang makapaghihiwalay sa kanila sa Kanya.

Subalit napawalay din si Jesus kay Maria at Jose.  Ang Ebanghelyo ngayong taong ito para sa kapistahan ng Banal na Mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose ay ang pamilyar na kuwento sa atin mula sa Lukas 2:41-52.  Ito ang ikalimang Misteryo sa Tuwa ng Santo Rosaryo.  Kadalasan itong pamagatang “Ang Pagkawala at Pagkakatagpo kay Jesus sa Templo” o “The Lost and Finding of Jesus in the Temple”.  Hindi ako sang-ayon sa pamagat na ito dahil sa aking palagay ay hindi naman talaga nawala si Jesus.  Para sa akin, ang tamang pamagat ng pangyayaring ito ay “Ang Pagkawalay sa Isa’t Isa at Muling Pagkakasama ng Banal na Mag-anak”. The Gospel does not say that Jesus was lost, neither does it tell us that Mama Mary and St. Joseph lost Jesus.  I believe that Mama Mary and St. Joseph found Jesus precisely because they did not lose Him, though they were separated from Him.  Hindi naman kasi lahat ng natatagpuan natin ay nawawala natin.  Baka kaya nga nakikita nating muli kasi hindi naman talaga nawawala; baka naiwanan lang, baka nalimutan lang, baka sadyang nagpaiwan.

Iyon nga ang nangyari sa kuwento ngayon sa Ebanghelyo, hindi po ba?  Sadya raw nagpaiwan si Jesus sa Jerusalem, at hindi nga raw ito napansin agad ng Kanyang mga magulang dahil inakala ng bawat-isa na kasama ng Siya ng isa.  Iyan naman ang mahirap sa mga aka-akala.  Hindi naman kasalanan ang mag-akala pero madalas ang maling akala ay nauuwi sa hindi maganda.

Ngunit ang pag-aakala nila Maria at Jose ay nauwi sa maganda: naging Mabuting Balita ito para sa atin.  Sapagkat nang matanto nilang mali pala ang kanilang inaakala, agad nilang binalikan Siya sa Jerusalem.  Hindi sila nag-away.  Hindi sila nagbangayan.  Hindi sila nagsisihan.  Hindi rin sila nagmatigas sa kanilang maling akala.  Sa halip nga ay binalikan nila si Jesus sa Jerusalem at natagpuan nila Siya sa Templo.  Saan nakita ni Maria at Jose si Jesus?  Sa Templo.  Saan muling nabuo ang kanilang pamilya?  Sa Templo.  Sa tahanan ng Diyos.  Sa Diyos.

Napakahalagang paalala sa atin ito.  Kapag dumaranas ng pagkakahiwa-hiwalay ang ating pamilya, sa Templo tayo magpunta at doon ay bubuuin tayong muli ng Diyos.  Kapag tila may kulang sa ating buhay-pamilya, sa Templo tayo maghanap: baka Diyos ang kulang.  Kapag humaharap ang ating pamilya sa kung anu-anong banta ng pagkawatak-watak at tuluyang pagkawasak, sumilong tayo sa Templo sapagkat ang Diyos ang ating tanggulan.  At ano nga ba ang Templo ng Diyos sa ating buhay-pamilya?  May Templo ba talaga ang Diyos sa buhay natin?  Hinahayaan ba natin Siyang makialam sa atin?

Ang Templo ng Diyos ay ang tahanan ng Diyos.  Saan nakatira ang Diyos para sa atin?  Saan natin Siya matatagpuan?  Saan natin Siya malalapitan?  Hanggang saan natin Siya hinahayaang makalapit sa atin?

Ang Santa Iglesiya ang Templo ng Diyos.  Ang tinutukoy ko ay hindi lamang ang gusaling simbahan – ang lugar ng ating pagtitipon para sa pagsamba – kundi ang Banal na Bayan ng Diyos.  Ang ating pamilya ay kabilang sa higit pang malaking pamilya: ang angkan ng Diyos.  Huwag tayong lalayo o wawalay sa Santa Iglesiya.  Ang bale-walain ang ating pagiging kabilang sa Banal na Bayan ng Diyos ay kapahamakan hindi lamang para sa ating kani-kaniyang kaluluwa kundi maging sa ating pamilya.  Hindi lamang tayo sama-samang nananalangin at humuhugot ng lakas sa isa’t isa bilang Iglesiya.  Hinuhubog din tayo sa ating pakikinig sa Salita ng Diyos na ipinangangaral sa atin ng mga inordenahan para sa ministeryong ito.  Binubuhay tayo ng ating pagsasalo sa Banal na Katawan at Dugo ni Kristo sa Eukaristiyang ipinagdiriwang natin bilang mga anak ng Diyos.  Magsimba tayo hindi isa-isa kundi sama-sama.  Eh, sino po ba ang kasama nating magsimba?  Kasama mo ba ang pamilya mo?  Kung hindi, bakit?  Kung kasama mo, pamilya mo ba talaga ‘yan?  Kaninong pamilya ‘yan?

Ang ating budhi ay Templo rin ng Diyos.  Talaga bang nakikinig tayo sa ating konsensya?  Tutoo bang sinusunod pa natin ito?  May konsensya pa ba talaga tayo?  Pakinggan natin at sundin ang ating konsensya sapagkat nangungusap din ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng nito,  nagsasabing, “Gawin ang mabuti at iwaksi ang masama”.  Pero, taka lang, anong uring budhi ba meron tayo?  Binigyan na nga tayo ng Diyos ng budhin, ngunit kailangan pa rin nating pagsikapang hubugin ito.  Ang budhin ba natin ay formed conscience o distorted conscience?  Sa usapin ng dating panukalang batas na ngayon ay batas na (dahil pinirmahan pala nang palihim ng Pangulo, noong ika-21 ng Disyembre, habang abala’t puyat tayong lahat sa pagmi-Misa de Gallo), ang Reproductive Health, tumpak ang sinabi ng isang senadora na sinabi raw ni Papa Benito XVI na ang ating budhi ang final arbiter sa usaping moral subalit hindi binanggit ng senadorang ito ang konteksto ng tinutukoy ng Santo Papa: informed and formed conscience, hindi lang basta-basta conscience.  Informed ba ang conscience natin?  Formed ba ang konsensya natin?  Baka distorted naman.  At kung formed nga, sino naman ang nag-form sa conscience natin – ang mundo o si Kristo?  Matatagpuan lamang natin si Jesus sa ating budhi kung si Jesus din ang humubog dito.  Nakalaang Templo ng Diyos ang ating konsensiya subalit kung taliwas ang mga pagpapahalaga nito sa kalooban ng Diyos, temple of doom ito at hindi temple of God.

Ang isa’t isa ay Templo ng Diyos.  Nang mapansing nawalay sa kanila si Jesus, ang hinanap ni Jose at ni Maria, ang binalikan nila sa Jerusalem, ang natagpuan nila sa Templo ay si Jesus.  Naturalmente.  Si Jesus ang nawalay kaya’t si Jesus ang nakasamang muli.  Mabuting tanungin natin ang ating sarili: Hinahanap ba natin ang mga napapawalay sa pamilya natin o ipinagdarasal na mawala na sana?  Binabalikan ba natin ang mga naiiwan nating kamag-anak o sadyang iniiwan?  Kinatatagpo ba natin sila o inililigaw?  Pansin ninyo, lantad na lantad ang pangunahing kaabalahan ng Banal na Mag-anak: si Jose at Maria ay alalang-alala naghahanap kay Jesus samantalang si Jesus naman ay abalang-abala sa mga gawin ng Diyos, na Kanyang Ama.  Kaya nang natagpuan nila si Jesus, hindi lamang nila Siya muling nakasama; mas lalo pa Niya silang nailapit sa Diyos.  Sana, ganyan din tayo.  Huwag nating pababayaang mapawalay na lang nang tuluyan ang sinuman sa ating kapamilya, kapuso, kaparokya, kapanalig, kaibigan.  Sana kapag natatagpuan natin ang mga napapawalay sa atin mas lalo rin nating natatagpuan si Jesus.  At lagi rin sana nilang natatagpuan si Jesus sa atin.

Kapag nagkakawatak-watak tayo, balikan natin si Jesus.  Baka naiwan natin Siya.  Sa Santa Iglesiyang nagnanalangin, nakikinig, at nagsasalu-salo – iyon ang Templo ng Kanyang Ama.  Sa budhing hinubog ng mga pagpapahalaga ni Jesus – Templo iyon ng Diyos.  Sa isa’t isa – matatagpuan din natin si Jesus at kapag natatagpuan natin si Jesus, natatagpuan natin ang Diyos.  Sa Templo nabuong muli ang Banal na Mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose.  Sa Templo ng Diyos mananatiling buo ang ating pamilya.  At, sakaling magkawalay-walay man tayo ng ating mga kapamilya o tuluyang magkawatak-watak, sa Templo pa rin ng Diyos tayo mabubuong muli.  Sapagkat ang pamilya ay Templo rin ng Diyos.  At ang sumira sa Templo ng Diyos, sa Diyos mananagot.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home