24 April 2016

I LOVE YOU, LORD?

Ikalimang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 13:31-33a, 34-35 (Gawa 14:21-27 / Slm 144 / Pahayag 21:1-5a)

Noon pong makalawang Linggo, tinanong tayo ni Jesus: “Iniibig mo ba Ako?”  Hindi lamang isang beses; tatlong beses pa po!  At nang ipagpatuloy ko ang aking pagninilay sa sumunod na mga araw, napagtanto ko pong nang tanungin ni Jesus, sa ikatlong beses, “Iniibig mo ba Ako nang higit sa mga ito”, ang ‘ito’ pala roon ay hindi ang ibang mga umiibig sa Kanya kundi ang ibang mga iniibig ko pa.  Hindi po pala inihahambing ni Jesus ang pag-ibig ko sa pag-ibig ng iba.  Bagkus, ikinukumpara ni Jesus ang pag-ibig ko sa Kanya sa pag-ibig ko sa iba pa.  At tila binigyang-diin po ito sa pagtatapos ng kabanatang iyon mula sa Ebanghelyo ayon kay San Juan.  Sapagkat matapos tanungin ni Jesus si Simon Pedro nang tatlong beses tungkol sa pag-ibig nito sa Kanya, ipahiwatig kay Simon ang paraan kung paano ito magbubuwis ng buhay para sa pananampalatay niya sa Kanya, at muli itong sabihan ng “Sumunod ka sa Akin,” luminga-linga pa raw po itong si Simon Pedro at nakita si Juan.  Siya naman daw po ang nagtanong kay Jesus samantalang tinutukoy si Juan, ang tinaguriang “minamahal na alagad”: “Eh, Lord, paano naman po siya?”  Sinagot po siya ni Jesus na parang binara: “Kung gusto Kong buhay pa siya pagbalik Ko, eh ano naman sa ‘yo?  Mind your own business: sumunod ka sa Akin.”  Kaya naunawaan ko po, ang pagmamahal pala sa Panginoon ay hindi isang kompetisyon.  Hindi tayo nakikipagpaligsahan sa isa’t isa sa pagmamahal natin sa Panginoon.  Dapat po hindi natin ikinukumpara ang pag-ibig natin sa Panginoon sa pag-ibig ng iba sa Kanya.  At huwag na huwag po nating iisiping mas higit ang pag-ibig natin sa Panginoon kaysa sa pag-ibig ng iba sa Kanya.  Sa halip, ang dapat po pala nating tingnan ay kung may kakompetensya ang pag-ibig natin kay Jesus.  Sa buhay natin, may kumakaribal po ba Panginoon?  Sa puso natin, may kaagaw po ba si Jesus?  “Iniibig mo ba Ako nang higit sa mga ito?” tanong ni Jesus sa ating lahat.

Mulat sa ating sariling mga kahinaan, tanggap ang ating karupukan, at umaamin sa iba’t ibang pahiwatig ng ating kayabangan, lakas-loob ngunit buong-kapakumbabaan po nating sinagot si Jesus, kasama ni Simon Pedro: “Panginoon, nalalaman Mo po ang lahat ng bagay.  Nalalaman po Ninyong iniibig ko Kayo.”  Alam po ninyo, magandang ulit-ulitin po natin ang sagot nating iyan kay Jesus.  Mabuti pong gawin nating panalangin iyan sa araw-araw.  Ipaalala po natin iyan hindi kay Jesus kundi sa ating sarili.  Iniibig natin sa Jesus sa kabila ng lahat ng Kanyang nalalaman tungkol sa atin.

Ngayong Linggong ito naman po, hindi tayo tinatanong ni Jesus.  Inuutusan N’ya po tayo.  Bagamat, sa pagkakasulat po ng Ebanghelyo ayon kay San Juan, nauuna ang kuwento ngayon kaysa sa kuwento noong makalawang Linggo, tila sinasabi pa rin sa atin ni Jesus: “Kung tutoong mahal mo Ako, mahalin mo ang kapwa mo.  Kung talagang iniibig ninyo Ako, mag-ibigan kayo.”  Muli pong ipinapaalala sa atin ni Jesus na hindi posibleng mahalin Siya nang hindi minamahal ang kapwa.  Ang nagsasabing “I love You, Lord!” pero walang paki sa iba ay sinungaling.  At nagsisinungaling po siya hindi sa kanyang kapwa kundi kay Lord.

Sabihin nga po ninyo sa sarili ninyo: “Mahal ako ni Lord.”  Siguro naman po naniniwala kayo sa sinabi ninyo sa sarili n’yo.  Ngayon, sabihin n’yo naman po sa katabi ninyo: “Mahal ka rin ni Lord.”  Palagay ko naman po naniniwala rin kayo sa sinabi n’yo sa katabi ninyo.  Ngayon, bumaling po kayo ulit sa katabi ninyo at sabihan n’yo sa kanya: “Pero hindi kita mahal.”  Nasabi n’yo po ba nang makatotohanan?  O nasabi n’yo pa ba?  Hindi n’yo po masabi, hindi ba?  Kasi ayaw maniwala ng puso ninyo.  Hindi posible.  Ganun din po sa pag-ibig natin sa Panginoon.  Paano natin maaatim sabihin kay Lord na mahal natin Siya pero hindi natin mahal ang ating kapwa?  Ang taong kayang magsabi sa Panginoon na mahal niya Siya pero hindi naman niya minamahal ang kanyang kapwa ay hindi lamang malakas ang sikmura, makapal din ang mukha.

Ngunit kung tutuusin, wala naman pong bago sa utos na tayo ay magmahalan.  Kahit po ang ibang mabubuting guro na nauna pang nangaral sa lupa kaysa kay Jesus ay ganyan din ang bilin sa kanilang mga alagad.  Palibhasa ang relihiyong walang pag-ibig ay relihiyong walang kaluluwa.  Ang espirituwalidad na walang walang pag-ibig ay huwad.  Kung gayon, ano po ang bago sa utos ni Jesus?

“Isang bagong utos ang ibinibigay Ko sa inyo,” wika ni Jesus, “magmahalan kayo gaya ng pag-ibig Ko sa inyo.”  GAYA NG PAG-IBIG KO SA INYO – aha, iyan po ang bago sa utos na iyan.  Hindi lang po tayo inuutasang magmahal.  Inuutusan po tayong tumulad.  Tumulad kay Jesus.  Inuutusan po tayong maging mapagmahal gaya ni Jesus.  Inuutusan po tayong umibig sa paraan ni Jesus.  Love like Jesus.  Kung tunay po tayong alagad ni Jesus, si Jesus ang batayan ng ating pagmamahal.

Gaya ni Jesus, mamahalin po natin hindi lang ang mga nagmamahal sa atin kundi pati ang mga nanghu-Judas sa atin.  Pansin n’yo po ba, nagsisimula ang Ebanghelyo ngayong araw na ito sa pagbanggit kay Judas?  Nagsimula raw pong magsalita si Jesus at ibinigay ang Kanyang bagong utos sa mga alagad, kelan?  Nang makalabas si Judas.  Nang umalis na si Judas.  Nang iwan na sila ni Judas.  Ang mga Judas po kasi kaya nanghu-Judas kasi tumatalikod sila sa pag-ibig na wagas.  Pero kahit po sila dapat nating mahalin at paglingkuran kung paanong maging mga paa ni Judas ay hinugasan din ni Jesus.  Ganun po magmahal si Jesus.  Gayon din po tayo dapat magmahal.

Napakaganda pong halimbawa ng pag-ibig ang konteksto ng unang pagbasa ngayon.  Sayang nga po at hindi binabanggit kung sino ang tinutukoy sa pagbasa.  Si Bernabe at Pablo po ang sinasabing nagbalik sa Lystra, Iconium, at Antioch.  Binabaybay po ng unang pagbasa ang misyonaryong paglalakbay ni Pablo at Bernabe at nilalagom ang naging masaganang bunga ng kanilang magkatuwang na pagsisikap alang-alang sa Ebanghelyo.  Partners po kasi sila sa misyon.  Bakit po sila ang partners sa misyon?  Bukod po sa silang dalawa kasi ang isinugong magkasama ng mga apostol mula sa Jerusalem, hindi ko po talaga alam ang dahilan.  Subalit may kutob akong posibleng isa sa mga dahilan ay sa simula walang gustong makipag-partner kay Pablo.  Siguro po takot pa sila sa kanya sapagkat si Pablo – na dating si Saul – ay maraming inusig na mga Kristiyano.  Subalit, sa daan sa Damasco, nagkaroon po siya ng karanasan ng pagbabagong-loob at nakapanampalataya kay Kristo.  Pero sino nga naman po ba ang maniniwala agad na ang dating mang-uusig ay kapanalig na?  Wala.  Maliban kay Bernabe.  Sa Gawa 9:27, nasusulat na si Bernabe raw po ang sumundo kay Pablo, dinala ito sa Jerusalem, at tumayong guarantor kumbaga para kay Pablo.  Nagmalasakit po si Bernabe kay Pablo.  Siguro po, maaari nating sabihin na bukod sa kamay ng Diyos sa Damasco, kaya may Pablo ay dahil sa mala-Jesus na pag-ibig ni Bernabe kay Pablo.  Sayang lang nga po kasi bibihirang bigyang-pansin ang papel na ito ni Bernabe sa sinaunang sambayanang Kristiyano at sa pagkakabilang ni Pablo sa mga “apostol”.

Hindi katakataka na sa ayon sa Gawa 11:26, sa Antioch daw po – kung saan si Bernabe ang punong-lingkod at si Pablo ang kanya ngang kaagapay – una tayong tinawag na mga Kristiyano.  Doon po sa Antioch nagsimulang iugnay ng ating pagkakakilanlan o identity sa mismong pagkakakilanlan kay Jesus, ang Kristo.  Marahil nakita po kasi ng mga tao roon ang pag-uugali ni Kristo, ang pag-ibig ni Kristo, ang larawan ni Kristo sa leaders nila.  Iyan din po ba ang nakikita natin sa leaders natin?  Iyan din po kaya ang nakikita sa atin kapag tayo naman ang leaders?

Kung darami pa sana ang mga Bernabe sa mundo, siguradong mararanasan na natin ang pagdating ng bagong langit at bagong lupa – na binabanggit sa ikalawang pagbasa – ngayon at dito mismo.  Kung mawawala ang mga Judas na tumatalikod sa Hapunan ng Panginoon kung kaya’t hindi natatanggap ang utos na magmahal gaya ni Jesus, makikita po natin nang lubusan ang sinasabi ng Diyos sa pangitain ni San Juan sa ikalawang pagbasa: “See I make all things new!

Wala pong ibang paraan para sa ating nagsasabing iniibig si Jesus nang higit sa ano at sino pa man.  Kailangan po nating ibigin ang lahat ng tao katulad ng pag-ibig ni Jesus sa atin.  At hanggang hindi tayo nagmamalasakit sa kapwa, nang walang kinikilingan, kuwestyonableng-kuwestyonable pa rin po ang pa-“I love-I love You, Lord” natin.







0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home