20 September 2014

SURPRESA NG DIYOS

Ikadalawampu’t Limang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 20:1-16 (Is 55:6-9 / Slm 144 / Fil 1:20-24, 27)


May kasabihan po tayo: “Maraming namamatay sa maling akala.”  Naku, delikado po iyan!  Akala walang lamang bala; pinaglaruan ang baril; itinutok sa sentido; nakalabit ang gatilyo; patay.  Selfie nang selfie; akala malayo pa sa dulo pero nasa bingit na pala; nahulog sa bangin; namatay sa kase-selfie.  Pula ang ilaw sa traffic light; akala wala namang tatawid; umarangkada kahit pula; sapol ang bata; patay.  Nakainom; nagmagaling; hindi pa raw lasing; akala kaya pang magmaneho; umuwi sa sementeryo.  Marami po sanang buhay pa kung hindi lang nagtiwala sa aka-akala.  Hindi lamang po naaaksidente ang nagtitiwala sa maling akala, namamatay pa.  Ang malungkot, marami pong naniniwala at nagtitiwala sa mga maling akala.

“Akala ko kasi mas malaki ang ibibigay sa amin kasi mas matagal yata kaming nagtrabaho” – ito po marahil ang naglaro sa isip ng nagreklamo sa may-ari ng ubasan sa Ebanghelyo natin ngayong araw na ito.  Alam na alam po natin ang kanyang palagay.  Akala rin natin ang inakala niya.  Ganoon po kasi ang lohika ng mundo: mas mas matagal kang nagtrabaho, mas mataas ang suweldo; mas nauna kang dumating, mas una ka ring aasikasuhin; mas malaki ang hirap, mas malaki ang bayad.  Pero hindi pa gayon ang lohika ng Diyos.

Sa ating Ebanghelyo, hindi lamang po unang pinasuweldo ng may-ari ng ubasan ang mga huling nagtrabaho; bagkus, ipinantay pa niya ang suweldo ng mga nahuli sa mga naunang nagpagal sa kanyang ubasan.  Hindi niya po nilalabag ang katarungang nararapat sa lahat ng tao: ibinigay niya sa una ang suweldong pinagkasunduan nila bago niya sila upahan.  Ang kawalang-katarungan po ay kung hindi sinunod ng may-ari ng ubasan ang kanilang pinag-usapan at binawasan ang pinasuweldo sa mga nauna.  Makatarungan po ang may-ari ng ubasan.  Kaya lang, hindi po pagkamakatarungan ang kanyang pinakadakilang katangian.  Habag.

Ang Ebanghelyo po ngayong araw na ito ay tungkol sa habag ng Diyos.  Malinaw na po sa atin ang pagkamakatarungan ng Diyos.  Pero malinaw din po ba talaga sa atin ang Kanyang pagkamahabagin?

Paalala po sa atin ng ika-isandaan at apatnapu’t apat na Salmo ngayong araw na ito: “Ang Panginoong Diyos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag.  Banayad magalit, ang pag-ibig Niya’y hindi kumukupas.  Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi; sa Kanyang nilikha, ang pagtingin Niya’y mamamalagi.”

Sa gitna ng mga pagpapakita sa kanya ni Jesus bilang Hari ng Awa, sinabi po ni Santa Faustina Kowalska, ang alagad ng Divine Mercy, “Mercy is God’s greatest attribute.  Salamat sa Diyos at awa nga ang Kanyang pinakadakilang katangian sapagkat kung Siya po ay makatarungan ngunit hindi mahabagin, “pupulutin tayong lahat sa kangkungan”.  Palibhasa, kung katarungan din lang po ang pagbabatayan, at lahat tayo ay nagkasala na sa Diyos, wala ni isa man sa atin ang maliligtas.  Awa po ng Diyos ang nagligtas at magliligtas sa atin.  Lahat po tayo ay pasang-awa: ipinapasa tayo ng awa ng Diyos.  Isinulat pa ni Papa Emerito Benito XVI sa kanyang Liham Ensiklikal, “Deus Caritas Est”, “On the cross we see the mad love of God: His mercy overcoming His justice. At nauna na pong sinabi ni San Juan Pablo II na “The Sacred Heart of Jesus is the flower and the Divine Mercy is Its fruit.

Bawal pong magmalaki ang sinuman sa atin: lahat tayo ay pasang-awa.  Pero ano naman po kaya ang ibinubunga ng awa ng Diyos sa atin?  Baka po awang-awa ang Diyos sa atin pero walang-awa naman tayo sa isa’t isa.  Baka rin naman po makabagbag-damdamin lang ang awa natin sa isa’t isa pero wala namang gawa: iyon, hanggang damdamin lang.  Dapat po sana'y mahabagin din tayo sa isa't isa.

Ang awa ay kagandahang-loob ng nahahabag.  Hindi po ito gantimpala o bayad o kapalit, ni hindi ito sukli sa kahit anuman.  Kaya nga po hindi ito maunawaan ng mundo.  Ni hindi po karapatdapat ang kinahahabagan sa awa ng nahahabag.

Minsan, ika ng isang kuwento, tumiwalag daw po sa hanay ang isang batang kawal ni Alexander the Great.  Palibhasa’y bata pa nga, nasindak po ang kawal kaya tumakbo’t tinakasan ang digmaang dapat niyang labanan.  Para hindi pamarisan, kamatayan daw po ang parusa ni Alexander the Great sa mga kawal niyang tumitiwalag.  At nahuli po ang batang tiwalag na kawal, kaya agad itong pinatawan ng parusang kamatayan.  Agad daw po itong nabalitaan ng ina ng kawal kaya’t agad-agad daw siyang nagpunta kay Alexander at nagsumamo.

“Mahabag po kayo sa aking anak,” pagmamakaawa ng ina.  “Patawarin na po sana ninyo siya sa kanyang ginawa.”

“Habag?” malakas daw na tanong ni Alexander sa ina ng kawal na tumiwalag.

“Opo,” wika ng luhaang ina, “maawa po kayo sa kanya.  Patawarin na po ninyo siya.”

“Ang anak mo, ale, ay hindi karapatdapat sa aking habag,” sagot ni Alexander.  Hindi siya nararapat patawarin.  Hindi siya dapat kaawaan.”

“Tama po kayo,” wika ng ina.  “Ang aking anak ay hindi karapatdapat sa inyong habag.  Hindi po siya nararapat patawarin.  Hindi po siya dapat kaawaan.  Sapagkat kung siya ay karapatdapat, iyon po ay gantimpala at hindi na habag.  Habag po ang aking hiling.  Awa po ang aking pakiusap.  Kapatawaran po ang ipinagmamakaawa ko sa inyo hindi gantimpala.”

Nang araw daw pong yaon, si Alexander the Great na hindi kailanman natalo sa anumang digmaan ay natalo ng isang ina.  Pinatawad at pinalaya niya ang kawal na tumiwalag dahil sa habag.

Ganoon nga po ang habag: ito ay biyaya, hindi gantimpala.  Marami po ba tayong ganyang biyaya?  Ibahagi po sana natin ito sa lahat ng nangangailangan.  Mahabag.  Maawa.  Magpatawad.  Magbiyaya.  Kung tunay po nating tutupdin ang bilin sa atin ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa ngayon – “Mga kapatid,” wika ng Apostol, pagsikapan ninyong mamuhay ayon sa Mabuting Balita tungkol kay Jesus” – gagawin nating kaabalahan at prinsipyo sa buhay na tayo mismo ang maging biyaya ng Diyos sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga nangangailangan ng habag, awa, at kapatawaran sapagkat ang buod ng Mabuting Balita ni Jesus ay ang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao sa kabila ng kanilang hindi pagiging karapatdapat.

Ang kagandahang-loob ng Diyos, na ang pinakamatinding karanasan natin ay nasa pagkamaawain Niya sa atin, ay mga surpresa Niya sa mundong namumuhay sa dikta ng mga aka-akala.  Huwag po sana tayong mananalig sa mga aka-akala; karamihan po sa kanila, kundi man, lahat ay mga maling akala.  Sa halip, magtiwala po tayo sa mga surpresa ng Diyos sa atin.  Tutoo po, maraming namamatay dahil sa mga maling akala; subalit higit pa pong marami ang nabubuhay dahil sa mga surpresa ng Diyos.

Sinusurpresa po tayo ng awa ng Diyos.  Masurpresa din po sana natin ang Diyos dahil sa awa natin.





06 September 2014

ANG NAKALALASONG PUNO

Ikadalawampu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 18:15-20 (Ez 33:7-9 / Slm 94 / Rom 13:8-10)


Meron po akong tula.

Ako po ay may kaibigan na minsan ay nakaaway.
Kami po ay nag-usap at galit ko ay nawala.
At may isa pa rin po namang minsan di’y aking nakaaway,
Subalit hindi ko siya kinausap kaya galit ko sa kanya di napigilang lumala.

Araw at gabi, sama ng loob ko ay aking diniligan
Ng mga luha at damdaming kinatatakutan.
Ngunit sa harap niya ay mahusay akong makipagplastikan
Kunyari ay ayos lang pero, iyon pala, ang lahat ay panlilinlang.

 Ang sama ng loob na araw-araw kong inalagaan
 Ay lumaking parang puno ng mansanas na katakam-takam.
 Kaibigan kong kinayayamutan buong akala ay ayos lang
 Kaya aking mansanas inaasam na matikman.

Isang gabing madilim at mga tao ay nahihimbing
Yaring kinayayamutan ko pumunta sa hardin ko nang palihim.
Pumitas siya ng mansanas at ito ay tumikim.
At kinaumagahan, natagpuan siyang nakabulagta na’t nangingitim.

Ang tulang ito ay salin ko po sa tulang pinamagatang “A Poison Tree” ni William Blake.  Maganda po, hindi ba?  Pero hindi maganda ang pangyayaring sinasalaysay ng tula.  Dahil sa galit, may namatay.  Nakakamatay po talaga ang galit.  Puwede namang pag-usapan ang anumang gusot, pero hindi pinag-usapan kaya lumala hanggang naging lason.  Kamandag po ang galit, hindi ba?  Kung tutuusin, marami pa sana po ang buhay ngayon kung pinag-usapan nang mabuti ang sama ng loob, nagpa-umanhinan, at nagkasundong muli.  May kilala po ba kayong namatay sa galit?  Sa tindi ng galit, namatay.  May kilala po ba kayong pinatay ng galit?  Sa tindi ng galit, pinatay?  Kayrami na pong tumikim sa bunga ng punong nakalalason, gaya ng sinasabi ng tula ni William Blake.  At marami pa pong nagtatanim ng punong iyan.

Ano po ang dapat gawin sa punong iyan?  Putulin!  Putulin agad nang hindi na makalason at makamatay pa.  Sa hardin ng inyong buhay, baka po may inaalagaan kayong ganyang puno.  Hanggang kailan po ninyo aalagaan iyan?

Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito, ibinibigay sa atin ang dapat nating gawin, bilang mga alagad ni Jesus, sa pagputol sa mga nakalalasong puno na ipinupunla, dinidiligan, at pinamumunga ng mga pinatatagal, kinikimkim, at kinukonsenteng samaan ng loob sa pamayanan, sa parokya, sa tahanan.  Pukol na pukol po ng Salita ng Diyos ang usapin ng ating mga ugnayan, lalung-lalo na bilang Kristiyano.  Tayo po ay magkakapatid, at ang mga samaan ng loob na pinalalaki at pinatatagal ay tunay namang pagwasak sa ating kapatiran.

Wala pong patumpik-tumpik ang Panginoon: “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan.”  Naririnig po ba natin Siya?  Puntahan daw po natin.  Kausapin daw po natin.  At kausapin natin nang sarilinan.

Kapuna-puna po – pero madalas hindi natin ito nabibigyang-pansin – na ang sabi ng Panginoon ay “Kung magkasala sa iyo….”  Hindi raw po tayo ang nagkasala.  Sa halip, tayo raw po ang nagawan ng pagkakasala.  Pero tayo na raw po ang gumawa ng unang hakbang tungo sa pagkakasundo.  Tayo raw po ang magpunta sa kapatid nating nagkasala sa atin.  Tayo raw po ang unang kumausap sa kanya.  Tayo raw po ang unang makipagkasundo sa kanya.  Opo, kahit hindi tayo ang nagkasala.  Hindi po natin pinapansin ang detalyeng iyan o kung pinapansin man natin ay bibihira.  Bakit po kaya?  Sa halip, ang bukambibig pa nga natin ay “Siya ang may kasalanan, siya ang dapat unang bumati.  Bakit ako ang lalapit, ako ba ang may atraso?”  Malinaw po ang sagot ni Jesus: Oo!

Ang bilin po ni Jesus, gawing personal at tahimik ang pag-uusap.  Hindi raw po dapat ipagkalat na may kaaway tayo o kasamaan ng loob.  Hindi raw po dapat ibang tao ang kausapin.  Dapat daw po ang kausapin natin ay kung sino ang mismong kasamaan natin ng loob.  Hindi iba.  Tinuturuan po tayo ng Panginoon na laging maging tapat at personal.  Bawal ang mga anonymous letters.  Bawal ang mga bulung-bulungan.  Bawal ang tsismis.  At ang pakay ng pakikipag-usap sa kasamaan mo ng loob ay hindi upang ipahiya siya kundi upang makasundo siyang muli.  Kapag hindi po ganyan ang pamamaraan natin, nagtatanim lang tayo ng nakalalasong puno.

Kapag hindi raw po umubra ang pribadong pakikipagkasundo, tsaka lang maaaring magsangkot ng isa o dalawa pang tao.  Sila raw po ang tutulong para maayos ang gusot bago ito pagpistahan ng iba.  Tagapagpatunay din po sila ng lahat ng mga pinag-usapan ng magkabilang panig.  Malinaw po iyon, hindi ba?  Mga katulong silang mag-ayos at mga tagapagpatunay, hindi raw po mga manggagatong.  At mas lalong hindi raw po sila dapat na mga usisero at mga usisera lang.  Mga tagapag-ayos at mga tagapagpatunay sila.  Kayo po ba iyon?  Alin po – ang tagapag-ayos at tagapagpatunay o ang usisero at manggagatong?

Kung sakaling hindi pa rin daw po ma-plantsa ang gusot kahit pa may dalawa o tatlong tagapag-ayos at tagapagpatunay na, maaari na raw dalhin ang usapin sa pansin ng sambayanan ng mga alagad ng Panginoon.  At kung ayaw pa ring makipagkasundo ng nagkasala, maliwanag pong pati ang sambayanang Kristiyano ay tinatanggihan na niya.  Ni hindi na po siya kailangan pang itakwil ng sambayanan; siya na mismo ang humiwalay dito.

Sa sambayanan ng Kanyang mga alagad, ipinagkatiwala ng Panginoon ang kapangyarihan ng paghihiwalay at pagbubuklod.  “Sinasabi Ko sa inyo,” wika ni Jesus, “anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”  Ang kapangyarihang ito ay nakasalalay po sa katotohanang nananatili si Jesus sa sambayanan ng Kanyang mga alagad.  “Sinasabi Ko sa inyo,” sabi Niya, “kung ang dalawa sa inyo dito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng Aking Amang nasa langit.  Sapagkat saan man may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.”

Sa Rom 14:7, ipinaaalala po sa atin ni San Pablo Apostol ang madalas nating awitin: “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.  Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang.  Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.  Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling N’ya.”  Ito rin nga po ang batayan ng bilin sa atin ng Panginoon ngayong araw na ito tungkol sa mala-Kristiyanong pagkakasundo.  May pananagutan po tayo sa isa’t isa.  Pananagutan po natin ang isa’t isa.  Ang mamuhay sa isang sambayanan ay ang mamuhay nang kasangkot sa buhay ng bawat-isang kasapi ng sambayanang yaon.  Pagmalasakitan po natin ang isa’t isa; opo, kahit pa ang kasamaan natin ng loob, kahit pa ang nanakit sa atin, kahit pa ang nanlamang sa atin, kahit pa ang nagkasala sa atin.  At kung paanong ang mga hindi pagkakaunawaan ay tiyak na mangyayari sa isang sambayanan ng mga makasalanang nilalang, ang tanging wika ng pag-ibig ay ang pag-usapan ang hindi napagkaunawaan.  Kung hindi po, gaya ng tula tungkol sa nakalalasong puno, ang pagtangging makipag-usap ay tiyak na hahantong sa pagtanggi ring magmamahal.

Napakaganda po ng iniiwang aral sa atin ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa ngayon: “Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman.”  “Love is the one thing that cannot hurt your neighbor,” sabi niya.  Ang pag-ibig ay laging tapat, personal, at malapakikipagkasundo sa kapwa.  Alam po nating, maraming naitatanim ang pag-ibig, pero hindi po kasama roon ang nakalalasong puno.

Meron po ba kayong nakalalasong puno?  Ano pong dapat gawin diyan?  Putulin!  Putulin n’yo na po; hindi ninyo alam kung sino ang susunod na malalason ng punong iyan.  Anong malay ninyo, baka kayo na po.





30 August 2014

LABOR AMATUR

Ikadalawampu’t Dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 16:21-27 (Jer 20:7-9 / Slm 62 / Rom 12:1-2)


“Inonse Mo ako!  At nagpa-uto naman ako.  Hindi Kita kinaya kaya nadaig Mo ako.  Kaya, heto, ano?  Maghapon, ako ang pulutan ng tawanan.  Ginagago ako ng lahat.

Kapag nagsalita ako, sumisigaw ako.  At ano ang dapat kong isigaw?  “Karahasan!  Galit!”  Ito ang ipinasisigaw Mo sa akin.  At ano ang napala ko?  Ano?  Kinamumuhian ako’t kinukutya – iyan ang napala ko sa kasusunod sa Iyo.

Nasabi ko na noon, kalilimutan na Kita.  Hinding-hindi ko na babanggitin ni ang pangalan Mo.  Pero, ano?  Kinaya ko ba?  Hindi.  Ang tindi Mo talaga.  Parang sinisilaban ng mga salita Mo ang puso ko, pinagbabaga ang aking mga buto.  Hindi ko kinaya.  Hindi kita kaya.”

Kung ako po si Propeta Jeremias, ganyan ko sasabihin sa Diyos ang sinabi n’ya sa Kanya ngayon sa ating unang pagbasa.  Hindi po ako magsisinungaling, kinausap ko na rin po ang Diyos nang ganyan.  Naramdaman ko na rin po ang naramdaman ni Propeta Jeremias.  Sa pagdarasal, lagi po akong may pinaghuhugutan.

Kayo po, anong pinanghuhugutan ninyo kapag kausap ninyo ang Diyos?  O nakikipag-usap pa po ba kayo sa Diyos?  Baka hindi na.

Si Propeta Jeremias – napakalalim po ng pinaghuhugutan niya para paratangan niya ang Diyos ng panloloko, pang-uuto, pang-oonse.  Sa lahat po ng mga propeta sa Lumang Tipan, itong si Jeremias ang pinaka-brokenhearted.  Napakadrama po ng buhay n’ya.  Sa simula pa lang ng kuwento n’ya, ayaw na ayaw na po niya talagang maging propeta.  Sabi pa n’ya (Tg. Jer 1:6), “Batambata pa po ako, Panginoon.  Uutal-utal pa.”  Kaya nga po, umpisa pa lang ng misyon niya, napakalaking krus na talaga para sa kanya ang pagiging propeta.

Pinasabi sa kanya ng Diyos sa mga kababayan niya na dahil sa kanilang mga kasalanan, mabibihag at ipatatapon sila ng kanilang mga kaaway.  At sapagkat ang tulong ng Diyos ay hindi raw po automatic, mas mabuti na lang daw pong sumuko na lang muna sila sa mga mga kaaway nilang mananakop, ang mga taga-Babylonia.  At babala pa po ni Propeta Jeremias: hinding-hindi raw sila tutulungan ng Diyos.  Kaya naman, itinuring siyang taksil sa bayan, traydor sa kanyang lahi.  Kinuyog siya, dinakip, ibinilanggo, at pinahirapan.  Nalayo po siya sa kanyang mga mahal sa buhay at naging tampulan ng pangungutya ng lahat.  Binalewala lang po ang kanyang mga pahayag at mga babala samantalang hinamak-hamak siya ng lahat.  At dahil hindi naman po robot si Jeremias, labis siyang nasaktan, nagdamdam, at pati sa Diyos ay tila sumama ang loob.

Sa tindi po ng sinapit niyang pagdurusa, sinubukan ni Jeremias na talikuran ang pagiging propeta ng Diyos.  Subalit, hindi n’ya kinaya.  Sinasabi n’ya po sa atin sa unang pagbasa kung bakit: “…kung sabihin kong, ‘Lilimutin ko ang Panginoon at di na sasambitin ang Kanyang pangalan,’ para namang apoy na naglalagablab sa aking puso ang Iyong mga salita, apoy na nakakulong sa aking mga buto.  Hindi ko na kayang pigilin ito, hirap na hirap na akong magpigil.”  At samantalang pinagdaraanan ng Propeta ang lahat ng ito, “business as usual” naman po ang mga tao.

Nakakabagabag ang sinapit ni Propeta Jeremias, hindi po ba?  Nakakabagabag po lalung-lalo na para sa mga nagsisikap tupdin ang kalooban ng Diyos.  Nakapahirap po pala talagang tumalima sa Diyos.  Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay laging may hinihinging kapalit.  Ano po?  Ang buong sarili.  “…ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal, at kalugud-lugod sa Diyos,” sinasabi sa atin ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa natin ngayon.  Ang pagsamba raw pong kinalulugdan ng Diyos ay ang paghahandog ng buong sarili sa Kanya, paglalaan ng buong pagkatao alang-alang sa Kanya, pagsasakripisyo ng buong sarili para sa Kanya.

Tayo pong sumasamba sa Diyos, talaga bang may kalakip pang sarili ang paghahain natin sa Kanya?  Baka wala na po.  Pero kanino naman po kayang sarili ang isinasakripisyo natin?  Baka po sa iba at hindi sa atin.  Minsan po kasi magaling tayong mangsakripisyo ng iba samantalang pilit na pilit tayong isakripisyo ang sarili natin.  At kung sarili nga natin ang isinasakripisyo natin, kumusta naman po kaya ang sariling iyan?  Anong klaseng sarili meron tayo?  Ang sariling iyan ba ay, gaya ng sinasabi ni Apostol San Pablo, “buhay, banal, at kalugud-lugod” sa Diyos?

Napakahirap po talagang isakripisyo ang sarili, hindi ba?  Tila taliwas po ito sa kalikasan natin bilang tao.  Ayaw na ayaw po natin sa sakripisyo.  Ang gusto natin benepisyo.  Laging iniisip kung anong mahihita, kung anong kikitain, kung anong parte, kung ano ang para sa sarili.  Bakit mo nga naman pa iisipin ang iba?  Malalaki na sila.  Kaya na nila ang sarili nila.  Baka unahan ka pa nila; kaya, unahan mo na!  Opo, nasa bokabularyo nga natin ang sakripisyo pero baka naman wala ito sa ating mga prinsipyo.

Ang problema, nangunguna po sa mga prinsipyo ni Kristo ang sakripisyo.  At hindi lamang po basta sakripisyo, kundi pagsasakripisyo ng sarili para sa iba.  Problema po iyan kasi tinatawag at tinuturing natin ang ating sarili na Kristiyano pero kung hindi tayo pareho ng prinsipyo ni Kristo, paano tayo naging Kristiyano?

Sa Jn 10:10, sinabi ni Jesus, “Naparito Ako upang magkaroon kayo ng buhay, buhay na masagana.”  At sa krus, ginitla po Niya tayo sapagkat ang buhay na ipagkakaloob pala Niya sa atin ay walang-iba kundi sarili Niyang buhay.  Sa gabi pa lang bago Siya ipako at mamatay sa krus, ipinagkaloob na po ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang Kanyang sarili.  Habang sila po ay naghahapunan ng Kanyang mga alagad, kinuha Niya ang tinapay, nagpasalamat Siya sa Ama, pinaghati-hati iyon, ibinigay sa Kanyang mga alagad, na ang sabi, “Tanggapin ninyong lahat ito at kanin.  Ito ang Aking Katawan.”  Gayun din naman, kinuha Niya ang kalis na naglalaman ng alak, muli Niyang pinasalamatan ang Ama, iniabot ang kalis sa Kanyang mga alagad, na ang sabi, “Tanggapin ninyong lahat ito at inumin.  Ito ang kalis ng Aking Dugo.”  At sa pamamagitan nito ay tinuldukan po ni Jesus ang dating uri ng pagsasakripisyo: Siya na ang sakripisyo, ang Kordero ng Paskwa, ang haing handog sa Diyos para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Ito po ang ginugunita natin sa bawat pinagdiriwang natin ng Banal na Misa.  Ito po ang Eukaristiyang tinatanggap natin sa pagdiriwang natin ng Banal na Misa.  Ito rin po ang dapat nating paghugutan para maging prinsipyo rin natin ang prinsipyo ni Kristo: sakripisyo hindi benepisyo.

“Kung ibig ninumang sumunod sa Akin,” wika ni Jesus sa Ebanghelyo, “limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.  Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa Akin ay siyang magkakamit noon.”  Mga alagad po tayo ni Jesus, hindi ba?  Ganito po ba talaga ang buhay natin?  Ito rin po ba talaga ang prinsipyo natin sa buhay?  Baka hindi.

Tayo na rin po ang sumagot sa tanong ni Jesus: “Ano (nga) ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay?  Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay?”  Meron po ba?  Wala po, hindi ba?  Wala.  O, eh bakit po minsan namumuhay tayo na parang “meron”.

Pinasan ni Jeremias ang krus ng isang propeta.  Niyakap ni San Pablo ang krus ng isang apostol.  At maging si Simon Pedro, na tinangkang hadlangan ang daan ng krus para kay Jesus, namatay ding nakapako sa isang nakabaliktad na krus.  Lahat po sila ay nagsikap na tupdin ang kalooban ng Diyos.  Lahat po sila may krus.  At bagamat, sa rurok ng karupukan nila bilang tao at tindi naman ng bigat ng kani-kanilang krus, dumaing sila sa Diyos at halos sumuko na, nagpatuloy pa rin po sila, sa tulong ng grasya ng Diyos, na pagsikapang buhatin at yakapin ang kani-kanilang krus sa buhay.  Kaya naman po, ang krus mismo nila ang naging bukal ng kanilang grasya.

Ubi amatur, non laboratur; aut si laboratur, labor amatur,” wika ni San Agustin.  Kung saan daw po may pag-ibig, walang paghihirap, subalit kung may paghihirap man, ang hirap ay iniibig din.  Ito po ang pinaghugutan ni Propeta Jeremias para tupdin ang atas ng Diyos sa kabila ng mga pagdurusang sinapit niya.  Ito rin po ang pinaghugutan nila Apostol San Pablo at San Pedro sa pagsunod nila kay Jesus magpahanggang kamatayan.  Ito rin po ang pinaghugutan ni Jesus nang ialay Niya ang Kanyang buhay sa Ama alang-alang sa ating lahat.  Ito rin po kaya ang pinaghuhugutan natin?

23 August 2014

SUKO

Ikadalawampu’t Isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 16:13-20 (Is 22:19-23 / Slm 137 / Rom 11:33-36)


Ikadalawampu’t Isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 16:13-20 (Is 22:19-23 / Slm 137 / Rom 11:33-36)

May nabasa po akong kuwento.

May dalawang matalik na magkaibigan.  Magkasama silang nagbinata hanggang magkahiwalay ang kanilang mga landas nang pumasok po ang isa sa kanila sa seminaryo para magpari.  Ang isa naman, sa kasawiampalad, ay napariwara ang buhay: naging basag-ulero, tambay, sugarol, lasengo, kriminal.

Pero minsan po ay muling pinagtagpo ng Diyos ang kanilang mga landas.  Ang pari ay nadestino po sa parokyang nakasasakop sa loobang kinatitirikan ng barungbagong ng dati niyang matalik na kaibigan na naging patapon na nga ang buhay.  Laking gulat at lungkot ng pari sa naging buhay ng kanyang kaibigan.  Ginawa niya po ang lahat ng kanyang makakaya para akaying magbagong-buhay ang kaibigang napariwa.  Ngunit bigo siya.

Nakulong ang kaibigan ng pari.  Nahatulan ng parusang kamatayan.

Nang araw ng bitay ng kaibigan, ang pari ay naroroon sa tabi niya.  Hanggang sa kahuli-hulihang sandali, pilit pong inaakay ng pari, patungong Diyos, ang kaibigang bibitayin.

“Magbalik-loob ka na sa Diyos,” pagsusumamo ng pari sa kaibigan.

“Wala akong Diyos,” galit na tila nagdaramdam na sagot ng kaibigan.  “Kung may Diyos bakit Niya pinabayaang magkaganito ang buhay ko?”

“Hindi ka ba natatakot mamatay?  Wala ka na ba talagang takot kahit sa Diyos?” tanong sa kanya ng pari.

“Hindi ako takot mamatay.  Wala akong kinatatakutan,” sagot ng kaibigan.

Mangilid-ngilid ang luha, inabot ng pari sa kaibigang bibitayin ang isang rosaryo.  “Baunin mo ito,” sabi niya sa kanya, “makakatulong ito sa iyo.  Magsisi ka na sana at magbalik-loob sa Diyos.”

“Hindi ko kailangan ‘yan,” mariing sabi ng kaibigan.  “Kapag dinala ko ang rosaryo mo, para na rin akong sumuko sa Diyos.”

Nang malapit na po ang takdang oras ng pagbitay, pinalabas na ang pari mula sa selda ng kaibigan.  Walang nagawa ang pari kundi ilapag na lang ang rosaryo sa ibabaw ng pinggang naglalaman ng huling kakanin ng kaibigang bibitayin.

Pagsapit ng ikatlo ng hapon, binitay ang kaibigan ng pari.  Sa lakas ng boltaheng dumaloy sa katawan, nagkikisay ito nang gayon na lamang.  Sa tindi ng kanyang pagkisay, bumukas ang kanang kamay ng kaibigang binitay at lumawit ang rosaryong ibinigay sa kanya ng paring kaibigan niya.  Kahit paano’y napayapa ang kalooban ng kaibigang pari: ang kaibigan niya ay nahuli ng mga pulis subalit sa Diyos ito sumuko.

Tayo po kanino tayo sumusuko?

Si Simon Pedro, kay Jesus po siya sumuko.  Mabuti na lang at hindi si Jesus ang sumuko sa kanya.  Marami po kasing hindi magagandang katangian itong si Simon Pedro.  Mababasa naman po natin sa mga Ebanghelyo kung gaano siya kadaldal, kayabang, kapusok, kainit ng ulo.  Minsan pa nga po, parang may pagka-engot din.  Alam na alam din po nating hindi nga niya ibinenta ang matalik niyang kaibigan – si Jesus – pero itinatwa naman niya Siya, hindi isang beses, hindi dalawang beses, kundi tatlong beses.  At ayon pa nga po sa Mt 26:74, matapos ang ikatlong pagtatatwa niya kay Jesus, nagmumumura pa si Simon.  Siguro po, marami pang mga kahinaan itong si Simon Pedro na inilihim na lang po sa atin ng mga sumulat ng mga Ebanghelyo.  Pero gaano man karami ng kanyang mga kahinaan, gaano man kalaki ng kanyang mga kapalpakan, at gaano man kalubha ng kanyang mga kasalanan, hindi niya napasuko si Jesus.  Hindi po siya binitiwan ng Jesus.  Hindi siya tinalikuran.  Hindi inayawan.  Hindi pinarusahan.  Bagkus ay higit pa siyang inibig ni Jesus.

Tayo po kaya, sinu-sino na ang mga napasuko natin dahil sa pag-uugali natin?  Marami na po kayang sumuko at tinalikuran tayo dahil napakahirap nating mahalin, nabigo natin ang kanilang mga inaasahan sa atin, nakita nila ang ating kapangitan?

Si Jesus po, hindi susuko sa atin.  Hinding-hindi Niya isusuko ang pag-ibig Niya sa atin.

Talo si Simon Pedro: suko siya sa pagmamahal sa kanya ni Jesus.  Sa gaspang ng kanyang pag-uugali, hindi mahirap isiping malamang ay hindi uurong itong si Simon Pedro sa anumang hamon ng away.  Hindi siya susuko kahit kanino.  Subalit nakahanap siya ng kanyang katapat o hinanap siya ng katapat niya: si Jesus.  Kay Jesus sumuko si Simon Pedro.  “Kayo po ang Kristo,” taas-kamay na pahayag ni Simon Pedro kay Jesus, “ang Anak ng Diyos na buhay.”

“Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas!” sagot ni Jesus kay Simon Pedro, “Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng Aking Amang nasa langit.”  Isinuko ni Simon ang kanyang sarili sa Diyos kaya naging bukas po siya sa grasya ng Ama at nakilala niya ang Anak Nito.

Bagamat hindi kasama sa Ebanghelyo para sa Linggong ito, magandang din pong banggitin dito na pagkatapos na pagkatapos ng tagpong ito ay alalaumbaga’y bumagsak ulit si Simon sa pagsusulit ng pananampalataya.  Sapagkat matapos isiwalat ni Jesus sa mga alagad ang malagim na kamatayang sasapitin Niya at ang magmuling-pagkabuhay na magaganap sa Kanya, hinila Siya ni Simon sa isang tabi at binulungan, “Huwag pong ipahintulot ng Diyos na mangyari iyan sa Inyo, Panginoon.”  Kaya naman napagalitan po siya ni Jesus at tinawag pang satanas na ang ibig sabihin ay “hadlang” sapagkat, ika po ni Jesus, ang isip ni Simon ay isip ng tao at hindi ng Diyos.  Kaya naman po matapos gawing bato, “Pedro”, parang naging buhangin ulit si Simon.  Kitang-kita po na kapag nananatiling bukas si Simon Pedro sa Ama, tumpak ang kanyang pagkakilala kay Jesus; ngunit kapag sa iba na ang kanyang pag-iisip, hindi lamang mali na ang pagkakilala niya kay Jesus kundi siya pa mismo ang naging hadlang kay Jesus.

Hindi ko po minamaliit ang pagiging mangingisda, subalit hindi ko rin po maubos-isipin kung bakit sa dinami-rami ng matatalino, mahuhusay, at mababait na tao noon sa paligid ni Jesus, isang mangingisda pa ang nakakilala sa tunay na pagka-Siya ni Kristo Jesus.  Ito nga po ang patunay ng sinabi na ni Jesus bago ang tagpong ito.  Sa Mt 11:25, winika Niya, “Pinupuri Kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag ang mga ito sa mga aba.”  Kaya nga po ang itinalaga ng Panginoong Jesus na maging pinuno ng mga apostol at maging kauna-unahang Santo Papa ng Santa Iglesya ay hindi eskribang dalubhasa sa Batas ni Moises o Pariseong masugid na deboto sa pagtupad nito o punong saserdote sa Templo kundi isang abang mangingisda, na tulad nating lahat, ay mahina, marupok, at makasalanan.

“Pedro” ang ibinansag sa kanya ni Jesus – ibig sabihin nga po ay “bato” – at sa kanya ay itinayo ni Jesus ang Kanyang Iglesya.  Nakatutuwa pong isiping tigasin talaga itong si Simon Pedro.  Pero suko siya kay Kristo.