22 December 2012

MAGTIWALA, PUPUNUIN NIYA ANG ATING KAWALAN!

Ika-apat na Linggo ng Adbiyento at Ikawalong Misa de Gallo
Lk 1:39-45 (Mi 5:1-4 / Slm 80 / Heb 10:5-10)

Sa lipunang Judyo, ang mga babae ay larawan ng kawalan.  Kung maiguguhit ang wala, mukha ng babae ang makikita.


Wala pagkilala sa kanila.  Kaya nga po hindi sila ibinibilang.  Natatandaan po ba ninyo ang malahimalang pagpapakain ng Panginoon sa limanlibong katao sa pamamagitan ng dalawang pirasong isda at limang tinapay lamang?  Malinaw po ang ulat ng mga Ebanghelyo, ang limanlibong kataong iyon ay mga lalaki pa lamang; hindi po binilang ang mga kababaihan.


Wala ring boses sa lipunang Judyo ang mga kababaihan.  Hindi sila pipi ngunit hindi sila marinig.  Hindi sila marinig dahil hindi sila pinakikinggan ng lipunang pinaghaharian ng mga kalalakihan.  Sa lipunang Judyo, hindi maaaring tumayong testigo sa hukuman ang mga kababaihan.  Walang saysay ang kanilang patutoo.  Natatandaan po ba ninyo na sa Mk 16:9, matapos Siyang magmuling-nabuhay ang unang pinagpakitaan ni Jesus ay si Maria Magdalena?  Siya rin ang isinugo ni Jesus sa mga apostol para ibalitang Siya nga ay magmuling-nabuhay na.  Pinaniwalaan ba nila si Maria Magdalena?  Sabi po sa Mk 16:11, hindi.  Si Maria Magdalena ay hindi pinaniwalaan ng mga apostol.  Kung bakit, maraming posibleng dahilan; subalit, isa sa mga dahilang iyon ang kulturang nagsasabing walang saysay ang patutoo ng kababaihan.


Walang pagkilala, walang boses, kaya ang mga kababaihan sa lipunang Judyo ay walang lakas.  Mahinang-mahina sila hindi dahil sila ay sakitin o may kapansanan.  Wala silang lakas dahil wala silang halaga.  Ni hindi nga po pinag-aaral ang mga kababaihang Judyo.  Hindi nila puwedeng pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan ng mga Judyo.  Bukod sa mga batas ng Judaismo, ang dapat lang nilang malaman ay kung paanong lumikha ng mabuting tahanan, asikasuhing mabuti ang asawa, at arugain ang mga anak.  Mahirap din ang inaasahan sa mga kababaihan, pero wala silang lakas.  Kaya nga mahalagang makapag-asawa ang babaeng Judyo dahil ang asawa niyang lalaki ang kanyang moog at tanggulan.  Naaalala po ba ninyo ang kuwento sa Lk 7:11-17?  Nang masalubong ni Jesus ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang babaeng balo, lubhang nahabag si Jesus sa babaeng iyon: wala na nga siyang asawa, nawala pa ang kaisa-isang anak niyang lalaki.  Walang-wala na ang babaeng iyon.  Sukdulan na ang kanyang kawalan.


Tatlo lamang po iyan sa mga halimbawa ng kawalan ng mga kababaihan sa lipunang Judyo.  Lalo na sa Lumang Tipan, ang mga babae ang larawan ng kawalan.  Subalit sa Bagong Tipan, lalo na sa Ebanghelyo ni San Lukas, na siyang pinaghanguan ng ating binasa ngayong ika-apat ng Linggo ng Adbiyento, itinatanghal ang mga kababaihan.  Nariyan nga si Maria Magdalena, na kasama nila Susana at Joanna at marami pang kababaihan, ayon sa Lk 8:3, ang naging mga alagad ni Jesus at tinutulungan daw nila Siya at ang Kanyang mga alagad sa kanilang mga pangangailangan mula sa kani-kanilang kayaman.  Nariyan din si Marta at Maria, mga kapatid ni Lazaro, na matatalik na kaibigan ni Jesus.  Si Maria at Elizabeth sa Ebanghelyo natin ngayon ay naririyan din.  Maging sa mga unang kabanata ng kasaysayan ng sambayanang Kristiyano, nasusulat na ang pagkauliran nila Lydia na tumulong kay San Pablo Apostol, gayundin ang mag-inang sina Lois at Eunice.  Ang mga babaeng ito ay ilan lamang sa imaheng kabaliktaran ng nakagawian nang larawan ng mga kababaihan bilang kawalan.  Punung-puno sila ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig.


Sa hanay ng mga kababaihang larawan ng kapunuan sa halip ng kawalan walang hihigit kay Mariang Ina ni Jesus.  Ayon sa Lk 1:28, lubos siyang kinalulugdan ng Diyos.  Kaya naman sa Lk 1:42, sinabi ni Elizabeth kay Maria na bukod siyang pinagpala sa babaeng lahat.  Mapalad daw si Maria, wika pa ni Elizabeth, sapagkat nanalig si Maria na matutupad ang ipinasabi sa kanya ng Panginoon.


Tayo po, kinalulugdan din ba tayo ng Diyos?  Ang ating ugali, kalugud-lugod ba talaga sa Kanya?


Tayo po, ang tingin ba natin sa ating buhay ay pinagpala o laging minamalas?  Mapalad po ba tayo o kapus-palad o sawimpalad?


Tayo po, nananalig ba talaga tayo sa salita ng Diyos?  Nagtitiwala pa ba tayo sa Kanyang salita?  Pinagkakatiwalaan pa ba talaga natin ang Diyos?


Ayon sa ating mahal na Arsobispo, ang Kanyang Kabunyian Luis Antonio G. Kardinal Tagle, sa isang homiliyang kanyang ipinangaral, isa raw po sa dahilan kung bakit itinakda ng ating mahal na Santo Papa, Benito XVI, ang taong 2012 hanggang 2013 bilang “Taon ng Pananampalataya”, para sa muling-pagdiskubri, pagpapalalim, at pagpapanibago ng Pananampalatayang tinanggap natin mula sa mga apostol, ay ang kapansin-pansing lumalaganap ang kaisipang hindi na kailangan ng tao ang Diyos.  May mga malakas ang boses na nagsasabing, hindi na kailangan ang Diyos para ipaliwanag ang mga bagay-bagay sa mundo; sapat na raw po ang agham at ibang siyensya.  Post-modernism po ang tawag sa paniniwalang iyan na nauuwi sa pag-uugaling bumabale-wala sa Diyos.  Ang sabi ng modernism: Walang Diyos!  Ang sabi naman ng post-modernism na laganap sa ating panahon: Merong Diyos.  Pero hindi na natin Siya kailangan!  Ang bunga nito ay ang kawalang-tiwala ng tao sa Diyos at sobrang pagtitiwala ng tao sa kanyang sarili.


Sinabi pa ng ating Arsobispo, baka raw kaya nawawalan na ng tiwala ang maraming tao sa Diyos kasi nawawala na rin ang tiwala nila sa kanilang kapwa.  Tumpak!  Sapagkat nang sumigaw si Jesus mula sa krus ng “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo naman ako pinabayaan?” (Mt 27:46), alam naman nating hindi Siya pinabayaan ng Diyos.  Sino po ang nang-iwan kay Jesus?  Sinong nagpabaya sa Kanya?  Sinong nanakit kay Jesus?  Hindi ang Diyos kundi ang mga inasahan Niya, ang mga minahal at itinuring na di-iba, ang mga pinagkatiwalaan Niya.


Tumpak!  Kapag pinabayaan tayo ng mga taong minahal natin, pinaniwalaan natin, pinagkatiwalaan natin, bagamat alam naman nating hindi ang Diyos ang nang-iwan sa atin, ang pakiramdam natin ay pinabayaan na tayo ng Diyos.  Kaya, please, huwag na huwag po nating pababayaan ang isa’t isa.  Ibalik natin ang tiwala sa Diyos ng ating kapwa sa pamamagitan ng pagsisikap nating patunayan sa kanila na tayo ay talagang karapat-dapat pagkatiwalaan nila.  Siyempre, kailangan din nating magtiwala sa kanila.  Kung saan may sugat ang pagtitiwala, magtulungan tayong maghilom.  Kung saan namamayani pa ang pagtitiwala sa isa’t isa, magtulungan tayong mapanatili.  At kung saan naman wala na talagang tiwala, magtulungan tayong muli itong ipunla.


Si Maria ang larawan ng kung ano ang magagawa ng Diyos sa taong may ganap na tiwala sa Kanya.  Pinuno ng Diyos ang kawalan ni Maria sa isang lipunang ang turing sa kababaihan ay mababa.  Pinuno rin Niya ang kawalan ni Elizabeth sa harap ng mga taong nakamasid sa kanyang kadustahan.  Punung-puno ng biyaya ang tagpo sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito dahil si Maria at Elizabeth ay punung-puno ng Diyos.  At nag-uumapaw pa nga si Maria dahil dala-dala niya ang Anak ng Diyos mismo hindi lamang sa kanyang sinapupunan kundi sa kanyang puso.


Sa liturhiya natin ngayong araw na ito, nagtatagpo na ang Luma at Bagong Tipan: ang matandang baog na si Elizabeth ang sumasagisag sa Luma at ang batang birheng si Maria ang hudyat ng Bago.  Parehas silang nanalig sa kabila ng kanilang kawalan.  Parehas silang pinuno at itinanghal.  Sa kanila, nagyayakapan ang magkabilang Tipan sa saliw ng pasasalamat at pagpupuri sa Diyos na tapat sa Kanyang pangako.


Malapit na nga po ang Pasko!  Ilang tulog na lang!  Pinuno na ng Diyos ang ating kawalan.  Patuloy pa Niyang pupunuin ito.  Sana, talagang magpapuno tayo sa Kanya: Magtiwala tayo sa Diyos.  Punuin sana natin ang kawalan ng ating kapwa: Maging marapat tayo sa kanilang pagtitiwala.  Ang Pasko ay pagtitiwala ng Diyos sa atin.  Ang Pasko ay ipinagkakatiwala ng Diyos sa atin ang Kanyang kaisa-isang bugtong na Anak kahit alam Niyang tatanggihan natin Siya, sasaktan natin Siya, at papatayin sa krus.  Sa kabila ng lahat, pinagkatiwalaan tayo ng Diyos, kaya may Pasko.


Hindi po nagbabago ang kuwento ng unang Pasko, pero taun-taon ay nagbabago ang Pasko natin dahil nagbabago rin tayo.  Dala-dala natin sa bawat Pasko ang marami at iba’t ibang karanasan natin ng pagtitiwala at kawalang-pagtitiwala.  Ngayong taong ito, ano po ang kuwento ng Pasko ninyo?

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home