23 December 2012

THANK YOU! WELCOME!

Ikasiyam na Misa de Gallo
Lk 1:67-79 (2 Sm 7:1-5, 8b-12, 14a, 16 / Slm 88)


Noong unang araw ng Misa de Gallo, binati ko po kayo ng “Welcome!”  Samantalang sama-sama nating winelcome ang Misa de Gallo sa ating parokya para sa taong ito, winelcome din naman po natin ang isa’t isa na siyam na araw din nating nagpupuyat, nagsasakripisyo, pananalangin, pag-aalay ng “Offerings for the Poor”, at pagsama sa Mahal na Inang Maria sa kanyang pagdadalantao kay Jesus.  Mamayang gabi, sa Misa ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, we-welcome-in na natin si Jesus.  Birthday na ni Jesus!

Ngayong huling araw ng ating pagmi-Misa de Gallo sa taong ito, pagkatapos  ko po kayong welcome-in noong unang umaga, wala po akon kabalak-balak sabihan kayo ng “Goodbye!”  Ika nga po ng isang kanta: “And we will never say, ever say, goodbye.”  Hindi ko po kayo winelcome noon para lang mag-goodbye sa inyo ngayon.  At bagamat, noong unang araw ng Misa de Gallo, mas tumaginting ang welcome natin sa mga tuwing Misa de Gallo lang kung nagsimba, sana next year ay hindi na namin kayo we-welcome-in kasi hindi na namin kayo mami-miss ulit dahil simula magsisimba na kayo kahit man lamang tuwing Linggo at pistang pangilin, at pagsapit ng Misa de Gallo ulit ay kasama na naming kayong magwe-welcome sa mga Pasko lang kung magsimba.  Walang goodbye.  Palagi lang welcome.

Welcome –may dalawang kahulgan ito ito; depende sa paggamit pero parehas tungkol sa pagtanggap.  Kapag tumatanggap ng bisita: Welcome!  Kapag tumatanggap ng pasasalamat: Welcome din!  Pero kapag tumanggap ka ng regalo, ah ang sagot diyan: Thank you!

Welcome – sa ating wika, may dalawang salin ito.  Sa pagtanggap ng bisita: “Maligayang pagdating!” o kaya ay “Mabuhay!”   Hindi po “Please come in” ha.  Ang “Please come in” ay “Tuloy po kayo.”  Sa pagtanggap naman ng pasasalamat: “Wala pong anuman.”  Iyan, iyan po ang hindi ko maintindihan.  Bakit nagpasalamat na nga binabalewala pa natin?  Bakit walang anuman?  Walang halaga ang ipinagpapasalamat sa iyo?  Walang halaga ang regalong ibinigay mo?  Anong “Walang anuman”?  Meron.  Meron.  Akala mo lang wala, pero meron.  Thank you!

Eh, ano nga po bang meron?

Si Santa Claus?  Hindi.  Walang Santa Claus sa kuwento ng Pasko.  Malayo ang nilikha nating imahe ng Santa Claus sa katotohanan ng Diyos na nagregalo sa lahat ng tao, hindi lamang sa mga nice kundi pati rin sa mga naughty.  Tingnan n’yo nga po ang katabi n’yo, naughty ba s’ya?  Sabihan n’yo po: “Hala, wala kang gift kay Santa Claus!  Naughty ka kasi eh.”  Anong sagot n’ya sa inyo?  Ngayon, sabihan n’yo po ulit: “Di bale, kahit naughty ka may gift ka pa rin kay God!  Gift N’ya sa ‘yo si Jesus.”  Kaya, ano po ang sasabihin natin kay God?  “Thank you, God!”  Eh, ano naman po ang sasabihin natin kay Santa Claus?  “Wala kang anuman, Santa Claus.  You’re nothing but a second rate, trying hard copycat!”

Ano po bang meron?

Reindeers?  Walang raindeers sa kuwento ng Pasko.  Wala ngang Santa Claus eh, raindeers pa kaya.  Walang raindeers sa Pasko, merong mga tupa.  Isinilang kasi ang Mabuting Pastol.

Snow?  Maaaring malamig nga noong gabing isilang si Jesus, pero walang snow sa kuwento ng Pasko.  Hindi po nag-i-snow sa Bethlehem.  Pero napakalamig ng pagtanggap ng tao sa Diyos noong unang Pasko, hindi ba?  Walang nagpatuloy sa Kanya.  Ni wala ngang sumalubong eh.  Maliban sa mga dukhang pastol, walang dumalaw sa Kanya noong gabing isilang Siya.  Sabi na nga po kasi, ang Mabuting Pastol ang isinilang.

Three kings?  Sino bang nag-imbento ng three kings na ‘yan?  Walang three kings sa kuwento ng Pasko.  Ang meron po, mga mago – mga pantas na bagamat mga pagano ay naghahanap kay Kristo.  Kasi nga po, para sa lahat ang regalo ng Diyos: hindi lang para sa naughty and nice kundi para rin sa mga Judyo at di-Judyo, para sa mga kabilang sa Tipan at maging para sa mga Hentil.

Ang suma-total, ano nga po bang meron sa Pasko?

Marami.  Pero ang lahat ay natitipon sa munting Sanggol na isinilang sa sabsaban.  Sa Kanya nakita natin at naranasan ang kabaitan ng Diyos.  Ang bait-bait talaga ng Diyos.  Kaya, ano po ulit ang sasabihin natin sa Diyos?  Thank you!

Tingnan po ninyo sa unang pagbasa natin ngayong umagang ito: Ang bait-bait talaga ng Diyos!  Si David ang may gustong ipagpatayo ang Panginoon ng tahanang karapat-dapat sa Kanya.  Pero ang Panginoon ang nagtayo ng isang matatag na sambahayan para kay David.

Ganyan talaga ang Diyos, hindi po ba?  Kapag inuna mo ang Diyos, hindi ka magkukulang.  Kapag hindi ka madamot sa Kanya, mas lalong hindi ka Niya pagdadamutan.  Kung mabait ka, mas lalo Siyang mabait sa ‘yo.  Pero, kahit hindi ka mabait sa Diyos, mabait pa rin Siya sa ‘yo, hindi ba?  Kung madamot ka man sa Kanya, hindi ka Niya pagdadamutan.  Sabi nga po ni San Pablo Apostol sa 1 Tm 2:13, kung hindi tayo tapat sa Diyos, mananatili pa rin Siyang tapat sa atin dahil hindi Niya maaaring itatuwa ang Kanyang Sarili.”  Ang bait-bait talaga ng Diyos.  Ano pong sasabihin natin sa Diyos?  Thank you!

Ang bait din ng Diyos kay Zakarias.  Pinagdudahan na nga Siya nito pero tinupad pa rin Niya ang ipinasabi Niya sa kanya na maglilihi at manganganak ang asawa niyang si Elizabeth.  Naglihi nga kahit baog at matanda na itong si Elizabeth.  At hindi lang basta-bastang sanggol ang isinilang niya.  Ang unico hijo si Zakarias ang siyang katuparan ng hula ni Propeta Isaias tungkol sa tinig sa ilang na sumisigaw na ipaghanda ng daraanan ang Panginoong dumarating (Is 40:3).  Sa kalaunan, mismong ang Panginoon ang magsasabing sa lahat ng isinilang ng babae, walang hihigit pa kay Juan Bautista, ang anak ni Zakarias at Elizabeth.  Parehong  iniulat si San Mateo at San Lukas ang pahayag na ito ni Jesus (Mt 11:11 at Lk 7:28).  Big time!  Big time nga kahit parang ini-small time ni Zakarias ang Diyos noong pagdudahan  niya Siya.

Minsan pa, ganyan po ang Diyos, hindi ba?  Bagamat mas marami sana tayong mapakikinabangang mga biyaya Niya kung hindi natin Siya pagdududahan, kung magtitiwala tayong ganap sa Kanya, kung itataya natin ang lahat sa ngalan ng ating pananampalataya sa Kanya, tuluy-tuloy pa rin ang pagbibiya Niya sa atin believe it or not.  Ang bait-bait talaaga ng Diyos.  Kaya, ano pong sasabihin natin sa Diyos?  Thank you!

Iyan nga po ang ibig sabihin ng awit ni Zakarias: “Thank you, God!”  Sa wikang Hebreo, ang unang kataga ng awit niya ay berakah (בְּרָכָה) na ang ibig sabihin ay “basbasan”.  Biro ninyo, binabasbasan ni Zakarias ang Diyos!  Hindi po ba ang Diyos dapat ang magbasbas kay Zakarias?  Ang unang kahulugan po kasi ng “basbas” sa kaisipang Hebreo ay “pasasalamat”.  Ang binabasbasan mo ay pinasasalamatan mo.  Kaya nga, binabasbasan ni Zakarias ang Diyos.  Pinasasalamatan niya ang Diyos.  Mawalang-galang po sa mga dalubhasa sa mga pagsasalin, palagay ko po ay hindi tumpak ang pagkakasalin natin sa berakah (בְּרָכָה) ni Zakarias.  Ang berakah (בְּרָכָה) ay “pasalamatan” hindi “purihin” gaya ng nakalimbag sa salin natin sa ating wika.  Pinasasalamatan ni Zakarias ang Diyos sa kanyang awit na pinamagatan nating “Benedictus”.  Tumpak ang salin sa Latin: benedictus!

Nang makapagsalitang muli si Zakarias, ang una niyang sinabi ay “Salamat sa Diyos!”. Tayo po, ano bang bukambibig natin?

Sana, mapagpasalamat din tayo sa Diyos, hindi mapanumbat.  Lagi tayong magpasalamat sa Diyos, hindi mareklamo.  Basbasan natin ang Diyos; huwag Siyang balewalain.

Sana, gayundin po tayo sa isa’t isa.  Lagi tayong magpasalamat sa isa't isa, hindi panay pintas.  Hanggang buhay pa basbasan natin ang lahat ng taong dapat nating basbasan.  Hindi iyong kung kelan patay na, tsaka tayo ngawa nang ngawa: “Bakit mo ako iniwan?  Hindi man lamang kita napasalamatan.  Huli man na, maraming salamat sa iyo para sa lahat.”  Kapag ganyan tayo sa patay, bumangon sana ang patay, kamayan tayo, at sabihan ng “Thank you, dumalaw ka sa burol ko!". Huwag kslimutan, ano pong isasagot ninyo?  "Welcome!"  Sabihin n’yo po sa katabi ninyo: “Thank you!”  Anong sinagot sa inyo?  (Bakit patay na ba ‘yan?  Baka pamatay lang.  Iyon na nga po eh, hindi kung kelan patay na tsaka ka magt-thank you.  Dapat ngayon na, now na.  Dapat lagi-lagi.)

Ang Pasko ay regalo sa atin ng kabaitan ng Diyos.  Mahal na mahal Niya tayo sa kabila ng lahat.  At pinatunayan Niya ito (Hindi tulad ng iba d’yan hanggang salita lang).  Kaya tayo nagsisimba kasi gusto nating mag-thank you sa Diyos.  Ang ibig sabihin ng Eukaristiya ay “pasasalamat”.  Magsimba tayo hindi lamang kapag Misa de Gallo, hindi lamang kapag Pasko, hindi lamang kapag birthday natin, hindi lamang kapag may kailangan tayo sa Diyos, kundi dapat Lingu-lingo at tuwing pistang pangilin, kung maaari pa nga ay araw-araw, sindalas ng dapat nating ipagpasalamat sa Diyos.  At sa tuwing lalapit tayo sa Diyos, lagi tayong welcome sa Kanya: tinatanggap Niya tayo at ang ating handog sa Kanya.  Sinasabi sa atin ng Diyos: Welcome!  Welcome ka sa tahanan ko; huwag ka nang mawawala ha.  Welcome!  Welcome ang gift mo sa Akin.

Nagtatapos na po ang Misa de Gallo, pero hindi ako maggo-goodbye sa inyo ha.  Winelcome ko na po kayo.  Sana manatili na kayo.  Gayunpaman, minsan ko pa po sana kayo gustong pasalamatan: Thank you po!  Anong sagot n’yo?  "Welcome!"

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home