NAKIKINIG
Ika-apat na
Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 10:27-30
(Gawa 13:14, 43-52 / Slm 99 / Pahayag 7:9, 14b-17)
Ngayon po ay Linggo ng
Mabuting Pastol. Ang Linggo ng Mabuting Pastol ay siya rin pong
Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon. Ang bokasyong
tinutukoy po ay ang bokasyon sa pagpapari.
Ang katagang “bokasyon” ay
mula po sa salitang Latin, “vocare”, na ang ibig sabihin ay “tawagin”. Ang
pari ay tinawag ni Jesus na ating Mabuting Pastol. Kaya po may pari
ay sapagkat may mga tinatawag si Jesus para magpastol sa Kanyang kawan sa
ngalan Niya. Subalit kapag walang nakinig sa tawag ni Jesus, wala
pong magiging pari. Kaya po may pari ay sapagkat may nakikinig at
tumutugon sa tawag ni Jesus. Dapat ang pari ay huwaran sa kawan ng
pakikinig sa tinig ng Panginoon.
Iyan nga po ang tema ng
Ebanghelyo ngayong araw na ito, hindi ba? Ang pakikinig. At
kung ang Ebanghelyo ngayon ang siyang Ebanghelyo kapag ika-apat na Linggo ng
Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon, puwede rin po nating bigyan ng palayaw ang
Linggong ito: Ang Linggo ng Pakikinig.
Sabi po ni Jesus, naririnig
daw ng Kanyang mga tupa ang Kanyang tinig. Subalit hindi lang
naririnig, bagkus nakikinig pa. “…they follow Me,” sabi pa ni
Jesus tungkol sa Kanyang mga tupa. His sheep do not only hear His
voice. His sheep listen to Him. Kapag nakikinig na po kasi
– hindi lang naririnig – ang nakaririnig ay aktibo na pong kumikilos para
tupdin ang sinasabi ng naririnig. Ang pakikinig ay dapat dumaloy sa
pagtalima. Ang pakikinig na hindi po humahantong sa pagtalima ang
masasabi nating “pasok sa isang tainga tapos labas sa kabila.” Hindi
po ganoon ang tunay na kabilang sa kawan ni Jesus.
“Kaya ka nagkaganyan,” sabi
ng magulang sa anak, “kasi hindi mo ako pinakikinggan. Tingnan mong
nangyari sa ‘yo: hindi ka nakatapos ng pag-aaral mo. Pero kung
nakinig ka sana sa akin, eh di nakatapos ka sana. Narinig mo nga
ako, pero pinakinggan mo ba ako? Hindi. Pasok sa isang
tainga, labas sa kabila.”
Ganyan din po ba tayo kay
Jesus na kung tawagin pa natin ay Mabuting Pastol natin? Naririnig po ba natin
Siya? Pero nakikinig ba tayo talaga sa Kanya? Sabi ni Jesus, “…I
give them eternal life” at “…no one will ever steal them from me.”
Ang pakikinig po kay Jesus ay kaligtasan. Ang pagbibingi-bingihan
sa Kanya ay kapahamakan.
Sabi nila, ang kahuli-hulihang
nawawala sa tao bago siya pumanaw ay pandinig. Bakit po kaya? Dahil
kaya bihira talaga natin itong gamitin? Madalang tayong makinig kaya
hindi masyadong gamit? Minsan nga po nakatitig pa sa ‘yo at akala
mo’y nakikinig talaga, yung pala lumilipad ang isip sa kung saan. Yung
iba naman, tahimik na nakatingin sa ‘yo habang nagsasalita ka, mukhang
pinakikinggan ka talaga pero ‘yun pala, sa isip n’ya, inihahanda n’ya ang
isasagot n’ya sa ‘yo kundi man sinasagot ka na pala n’ya sa isip n’ya. Kailan
po kaya tayo makikinig talaga? Kapag hindi na tayo makagalaw at
agaw-buhay na?
Ang kabilang sa kawan ni
Jesus ay nakaririnig at nakikinig sa Kanya. Ganun po ang mga
tupa. Mahina ang kanilang paningin pero malakas ang kanilang
pandinig. Kailangan po nilang marinig ang tunog o tinig ng kanilang
pastol at dapat po silang makinig sa kanya kung ayaw nilang mapawalay sa kawan,
maligaw ng daan, at humantong sa tiyan ng kung anong mabangis na hayop. Kawawa
naman po ang tupang ayaw makinig sa kanyang naririnig. Mamamatay
siya.
Subalit ang tupang nawawala
ay laging nahahanap ng mabuting pastol. Iyon po kasi ang isa sa
napakahalagang gawain ng mabuting pastol: ang hanapin ang nawawalang
tupa. At kung si Jesus nga ang ating Mabuting Pastol, tiyak
matatagpuan Niya tayo sakaling tayo ay mawala. Kaya po, payong
kapatid: Kapag naramdaman mong nawawala ka na, huwag ka nang pagala-gala pa,
huwag kang palipat-lipat, huwag kang pabago-bago, huwag kang magulo; sa halip,
tumigil ka, manahimik, at maghintay sapagkat tiyak na may darating para ikaw ay
matagpuan. Lagi pong nagpapadala si Jesus ng mabubuting pastol para
ikaw ay hanapin, matagpuan, at ibalik sa kawan. Kapag magulo ka,
pagala-gala, palipat-lipat, pabago-bago, paano ka niya matatagpuan?
Kaya lang po, hindi naman
kasi lahat ng tupang hinahanap ay talagang nawawala. Meron pong
sadyang nagwawala lang talaga. KSP: Kulang Sa Pansin. Meron
din pong ayaw talagang pahanap. Hindi po sila nawawala; nagtatago
sila. Pinagtataguan ka nila. Suriin po natin ang ating
sarili at baka tayo ay alinman sa dalawang uri ng tupang ito.
Ngayong ika-apat ng Linggo
ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon, ipagdasal po natin ang isa’t isa
– pari at layko – na tutoong laging nakikinig kay Jesus na ating Mabuting
Pastol. Sana po hindi lamang natin Siya naririnig kundi talaga natin
Siyang pinakikinggan. Lumago po sana ang bokasyon sa
pagpapari. Dumami sana ang mga pari at laykong wagas sa pakikinig
kay Diyos. Sa kabila ng kani-kanilang mga kahinaan, maging banal po
sana ang lahat ng pari. Sa kabila ng ating kani-kaniyang mga
kasalanan, kay Jesus ay huwag po sana tayong magbingi-bingihan. Ipanalangin
po natin ang isa’t isa sa Mabuting Pastol ng ating kaluluwa.
Sana ang pumasok sa kanang
tainga nating ngayon huwag lumabas sa kaliwa.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home