MALIGAYANG PASKO!
Solemnidad ng Pasko
ng Pagsilang ng Panginoon
Jn 1:1-18 (Is
52:7-10 / Slm 97 / Heb 1:1-6)
Maligayang Pasko po sa inyong
lahat! Maligaya ba talaga kayo? Talaga po bang maligaya ang Pasko n’yo? Bakit kayo maligaya? Bakit po maligaya ang inyong Pasko?
Kaya po ba kayo maligaya ngayong Pasko
kasi malaki ang inyong napamasko? Dahil
ba sa mga bagong damit at masaganang pagkain kaya maligaya ang Pasko n’yo? Marami po ba kayong natanggap na mga regalo
at napuntahang mga party ngayong Pasko kaya maligaya kayo? Kasi nanalo kayo sa Christmas raffle, may 13th
month pay na may bonus pa, at long weekend ngayong taon ang Pasko kaya
maligaya kayo?
Bakit po kayo maligaya ngayong
Pasko? Marami po kayong puwedeng isagot
sa tanong ko.
Ngunit,
huwag naman pero sakaling malungkot ang Pasko ninyo ngayong taong ito, maligaya
pa rin ang Pasko. Laging maligaya ang
Pasko. Bakit po palaging maligaya ang
Pasko? Ang madaling sagot po sa tanong
ko ay “dahil birthday ngayon ni Jesus.
Tumpak po! Eh, pero bakit nga po
dapat maligaya tayo ngayong Pasko?
Kaya
maligaya ang Pasko kasi maligayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos Ama ang
Kanyang kaisa-isang bugtong na Anak.
Hindi lang po Niya Siya ipinagkaloob sa atin, ipinaubaya Niya sa atin si
Jesus. At, ang mahalaga, maligaya Niya
itong ginawa. Hindi Siya napilitan. Hindi Niya kailangan. Wala tayong ginawa para ipagkaloob Niya sa
atin si Jesus. Ni hindi tayo
karapat-dapat. Pero ibinigay pa rin Niya
sa atin si Jesus. Kusang-loob Niyang
ibinigay sa atin si Jesus. Nang maligaya.
Kaya
maligaya ang Pasko dahil maligaya ring nagkatawang-tao si Jesus. Ang Anak ng Diyos ay nakibahagi sa ating
pagkatao upang makabahagi tayo sa Kanyang pagka-Diyos. Hinubad Niya ang Kanyang pagka-Diyos at
nakisalo sa ating pagkatao: sa Kanya ay nakikita natin ang kapakumbabaan ng
Diyos na lumikha sa tao ngunit natutong magpakatao. Pinasok Niya ang ating karanasan, napabilang
sa ating kalikasan, at tinanggap ang lahat ng limitasyon ng marupok nating
pag-iral, maliban sa paggawa ng kasalanan.
At ang nakapupukaw sa ating puso ay maligaya itong ginawa ni Jesus. Hindi Siya itinulak ng Ama para mahulog sa
lupa. Hindi Siya biktima kundi
handog. Ni hindi Siya binigyan ng mainit
na pagsalubong ng sankatauhang lubos Niyang mahal. Pero maligaya pa rin Siyang nagkipagkapwa-tao
sa atin.
Maligaya
ang Pasko kasi maligayang tumalima sina Jose at Maria sa kalooban ng
Diyos. Hindi po iyon nangangahulugang
naging malinaw at madali ang lahat para sa kanila. Hindi po iyon nangangahulugang wala silang
mga tanong, takot, at agam-agam. Subalit
sa kabila ng lahat, nagtaya sila nang kanilang sarili, tumalima at tumalima
nang maligaya. Hindi sila sumunod sa
kalooban ng Diyos nang nakasimangot o bubulung-bulong o reklamo nang reklamo o
may halong kahambugan. Hindi po, kasi
ang ligaya sa pagtalima nila sa kalooban ng Diyos – na yumanig at ganap na
bumago sa kanilang mga plano sa buhay – ay bunga ng kanilang pananamapalataya
sa Diyos. Isinuko nila ang lahat sa
Diyos at isinuko ito nang maligaya.
Ngayon,
alam na po ninyo kung bakit maligaya ang Pasko. Kasi maligayang tayong niregaluhan ng Diyos, hindi
lang basta niregaluhan. Kasi maligayang nagpakatao
si Jesus, hindi lang basta naging tao. Kasi
maligayang tumalima si Jose at Maria sa kalooban ng Diyos, hindi lang sila basta
tumalima.
Sa palagay
ko po, ito ang kailangan natin: ang gawin ang dapat nating gawin nang maligaya lagi.
Parang sakit ang kalungkutan, nakakahawa.
Pero mas matinding virus ang kaligayahan,
nahahawa nito kahit ang malungkot na. Pagsikapan
nating mamuhay ng maligaya at bumuhay ng kapwa nang maligaya.
Dahil
sa kasalanang ating kinasadlakan, nawala sa ating kalikasan ang pagiging maligaya.
Hindi na tayo likas na maligaya. Kaya nga po, ipinaalala sa atin ng Diyos kung paanong
lumigaya. Ipinakita Niya sa atin kung ano
ang gamot sa ating kalungkutan: maghandog, magpakatao, at maging mapagtalima sa
Kanya. Binigyan Niya tayo ng karanasan ng
Pasko para humilom ang ating kalungkutan. Ang gamot sa ating karamdaman ng kalungkutan ay
si Jesus. Kaya nga po si Jesus ang “Joy to
the world”.
Ang
sabi ng iba, maligaya raw sila hindi dahil sa sila ang tumatanggap kundi dahil sila
ang nagbibigay. Makabagbag-damdamin po ang
bukambibig na ‘yan kaya maraming nagkakagustong gawing motto sa buhay, pero hindi ka tunay na maligaya kung hindi ka marunong
tumanggap. Tinanggap muna natin ang ligaya
sa Diyos bago tayo tutoong nakapagpapaligaya sa kapwa-tao. Tanggapin nating buung-buo si Jesus: nasa Kanya
ang tunay nating ligaya.
Ang
sabi nga po ng iba, maligaya raw sila dahil sila ang nagbibigay at hindi ang binibigyan.
Hindi po porke tayo ang nagbibigay, garantisadong
mas maligaya tayo kaysa sa binibigyan natin. Puwedeng bigay lang tayo nang bigay pero hanggat
hindi maligaya ang pagbibigay natin, malungkot pa tayo sa binibigyan natin. Si Jesus ang lagi nating ibigay sa ating kapwa,
at kung sakaling may materyal tayong ibibigay sa kanila, siguraduhin sana nating
isinasalamin talaga ng regalo natin si Jesus, hindi taliwas sa mga pagpapahalaga
ni Jesus, laging maaalala ng bibigyan natin na magpasalamat kay Jesus.
Maligayang
Pasko po! Sana, tutoong maligaya kayo hindi
lang ngayong Pasko kundi sa buong buhay ninyo. Hindi po ninyo kailangang mamuhay sa kalungkutan.
Tingnan ninyo ang katabi n’yo: hindi bagay
sa kanya ang nakasimangot. Mas lalo na sa
‘yo! Ibinalik na ng Diyos ang kaligayahan
natin. Pinaligaya na Niya tayo. Kaya utang-na-loob po natin sa Diyos na panatilihin
natin ito sa ating buhay at hawahan natin ang iba ng kaligayahang ito.
Maligayang
Pasko po!
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home