21 December 2012

BIRO N’YO YUN!


Ikapitong Misa de Gallo
Lk 1:46-56 (1 Sm 1:24-28 / 1 Sm 2)

Kung ang bawat araw po ng ating pagmi-Misa de Gallo ay katumbas ng isang buwan sa pagdadalantao ng Mahal na Inang Maria, nasa ikapitong buwan na po tayo ngaong araw na ito.  Puwede nang manganak ang Mahal na Ina!  Puwedeng isilang si Jesus!  May mga ipinanganganak po nang pitong buwan lang, hindi ba?  Premature nga po, pero nabubuhay pa rin.  May nagsabi sa akin na mas nabubuhay pa nga raw po ang ipinanganak nang pitong buwan lang kaysa walong buwan.  Puwede nang ipanganak si Jesus!  Premature baby nga po pero puwedeng-puwede na rin Siyang mabuhay.

Pero bakit po kaya hindi ipinanganak si Jesus nang pitong buwan lang?  Sa napakahalaga at lubhang kinakailangang matupad na misyon ni Jesus, bakit hindi na lang minadali ng Diyos ang Kanyang pagsilang?  Bakit hindi pinadali at minadali ng Diyos ang lahat para kay Maria, para kay Jose, para kay Jesus, para sa ating lahat?  Kayang-kaya Niya pong gawin iyon, hindi ba?  Bakit hindi Niya ginawa?

Biro n’yo ‘yun!  Ang Diyos na nga ang may-ari ng lahat.  Ang buong kalikasan ay Kanya, at Siya po ang nagtakda ng batas nito.  Siya ang lumikha sa lahat.  Pero pati Siya sumusunod sa batas ng kalikasan.  Hindi Niya minadali ang lahat.

Tayo po, iginagalang ba natin ang batas ng kalikasan?  Isinasabatas pa nga natin ang paglabag sa natural na atas ng kalikasan.  Pero pirmahan man ng Pangulo ang Reproductive Health Bill at tuluyan na itong maging batas, nasa pagpapasiya pa rin naman ng bawat-isa sa atin kung, tulad ng Diyos, susundin natin ang batas ng kalikasan, o, tulad ng mga nagsusulong sa RH Bill, lapastanganin natin ito.

Biro n’yo ‘yun!  Ang Diyos na nga ang makapangyarihan sa lahat.  Wala Siyang katulad sa kapangyarihan.  Maaari Niyang gawin ang anumang nais Niya nang walang makapipigil sa Kanya.  Puwedeng kontrahin ang Diyos at kuwestyonin ang Kanyang mga gawi at kalooban, pero walang makahahadlang sa Kanyang gawin ang anumang nais Niyang mangyari.  Anumang gusto ng Diyos, makukuha Niya nang madali.  Pero hindi pinadali ng Diyos ang ating kaligtasan.  Hindi Niya lamang sinunod ang batas ng kalikasan, dinanas din Niya ang anumang kahirapang kaakibat nito.

Tayo po kaya, mahilig ba tayo sa mga hima-himala?  Lagi ba tayong nakikiusap sa Diyos ng bongang-bongang production number sa entablado ng buhay?  Mahilig po ba tayo sa shortcuts hindi lamang para maging bilis ang proseso para sa atin kundi para rin maging madali ang dapat nating pagdaanan?  Addict na ba tayo sa mga instant na sinasabing pinadadali para sa atin ang disin-sana’y mahirap?  Kitang-kita naman po natin ang epekto nito: ang pamamayani ng kulturang walang pagpapahalaga sa paghihintay, pagpapasensya, pagtitiis, pagtitiyaga, pananatili, at pag-asa.

Biro n’yo yun!  Hirap na hirap na nga ang sankatauhan sa sumpa ng kamatayang walang-hanggan.  Dukhang-dukha na nga ang sankatauhan sa grasya ng Diyos dahil sa kasalanan.  Uhaw na uhaw na nga tayo sa kaginhawahan.  Pero talagang hindi pa rin nagmadali at hindi pinadali ng Diyos ang Pasko.

Tayo po, kumusta ang ating Pasko?  Punung-puno ba ito ng pagmamadali at mga pinadali?  Kumusta ang buhay natin, hindi lamang kapag Pasko kundi sa araw-araw na ginawa ng Diyos?  Lagi ba tayong nagmamadali?  Nilalagtawan po ba natin ang mga paghihirap na kailangan nating danasin at pinadadali natin ang lahat?  Kumusta po tayo?

Parang binibiro tayo nang Diyos nang imbentuhin Niya ang Pasko.

Biro n’yo po!  Ang dating baog at matanda na ay nagdadalantao.  Ang birheng nakatakda pa lang ikasal ay nagdadalantao rin ngunit sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.  Ang larawan ng dalawang buntis na ito sa Ebanghelyo ay medyo nakakatawa pero, higit sa lahat, nakakatuwa.  Parang nagbiro ang Diyos sa buhay ni Maria at Jose.  Parang nagpatawa Siya sa buhay ni Zakarias at Elizabeth.  Malakas po ang palagay ko na nang magkita ang dalawang buntis na ito, hindi mala-estampita ang larawan nila.  Malamang, natawa sila sa isa’t isa.  Hindi matapos-tapos na tawa.  Umiiyak sa katatawa.  Tuwang-tuwa sila sa isa’t isa.  Galak na galak sa pagbibiro ng Diyos sa kanilang buhay.

Pero malamang din po, pagkatapos nilang tumawa nang tumawa, bigla silang natahimik.  Isang napakayamang katahimikan ang bumalot sa kanila dahil magkahalong tuwa at pangamba, pasasalamat at pag-aalala.  Subalit nangibabaw pa rin sa kanila ang pagtitiwala sa Diyos.  Ang Diyos ang may gawa ng pangyayari sa buhay nila kaya’t ang Diyos ang magdadala nito sa kaganapan.  Ang Diyos ang nagkaloob sa kanila ng anak kaya’t ang Diyos din ang mangangalaga sa mga ito.  Ang Diyos ang nagbukas ng kanilang mga sinapupunan kaya’t ang Diyos lang ang may karapatang magsara nito.  At ang Diyos na ito, gaya ng inawit ni Maria ay dakila sa Kanyang mga gawa, mapagmahal sa mga aba, at tapat sa mga pangako Niya.

“Biro mo,” maaaring nasabi ni Maria kay Elizabeth, “hindi nagbibiro ang Anghel ng Panginoon: buntis ka nga!”

“Oo nga, Maria,” maaaring sagot ni Elizabeth, “buntis ka rin, hindi ba?”

“Paano mo nalaman?” tanong ni Maria kay Elizabeth.  “Halata na ba?  Ang bilis naman!”

“Kailangan pa bang malata iyan?  Eh, tunog pa lang ng yapak at tinig mo, naglulundag na sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko!” sagot ni Elizabeth.

“Talaga?” sabi ni Maria.

“Oo, Maria,” sagot ni Elizabeth.  “Biro mo ‘yun!”

At sinabi ni Maria, “Hindi, pinsan, hindi biro ko iyon.  Biro ‘yun ng Diyos.  Pero hindi iyon biro.  Tutoong-tutoo.”

Tumawa sila.  Tuwang-tuwa.  Tapos, katahimikan.

At umawit si Maria.  Nagsayaw kaya si Elizabeth?

Biro n’yo ‘yun!  Hindi po ‘yun biro.  Magkatutoo sana ang biro ng Diyos sa buhay n’yo.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home