Banal na Misa ng Hapunan ng Panginoon sa
Takipsilim
Jn 13:1-15 (Ex
12:1-8, 11-14 / Slm 115 / 1 Cor 11:23-26)
Sa tahanang aking kinalakhan, lagi
pong banal ang hapag. Lagi po itong
nagsisimula at nagtatapos sa panalangin; kaya kailangang maghintayan ang isa’t
isa. Kapag umupo na ang tatay ko, dapat
sumunod ka na – isang beses ka lang niya ipatatawag; sa ikalawa, siya na po
mismo ang tatawag sa iyo. Hindi rin
puwedeng tumayo hangga’t may kumakain pa.
Sabi ng tatay ko, kapag kumakain para raw pong nagdarasal. Puwedeng kumanta habang naliligo, pero hindi
po kapag kumakain. Bawal mangalumbaba sa
hagdanan, pero mas lalo na po sa hapag.
Kahit kailan hindi dapat mag-aaway, pero higit sa lahat kapag kumakain. Bawal ding maglalapag ng pera sa hapag-kainan;
pero mas lalo pong bawal walisin ang pagkaing nahuhulog sa sahig. Sabi po ng tatay ko, dapat puluting isa-isa
ang mga mumo sa sahig sapagkat mga grasya raw po iyon ng Diyos. At ang kinuha mong pagkain, dapat mong ubusin;
kaya huwag takaw-mata: kumuha lang ng kaya mong ubusin. Kasalanan daw po ang mag-aksaya ng pagkain
hindi lang dahil pawis at dugo ang pinuhunan dito kundi dahil din napakaraming
mga taong hindi kumakain.
Sagrado ang hapag. Grasya ang pagkain. Nananalangin ang nagsasalu-salo.
Ngayong gabing ito, ipinagdiriwang
po natin ang pinakasagradong hapag: ang hapag ng Huling Hapunan ng
Panginoon. Tatanggapin po nating muli
ang di-malirip na grasya ng pagkain sa hapag na ito: ang mismong Katawan at Dugo
ng Panginoon. At tayo pong mga dumudulog
sa sagradong hapag na ito at magsasalu-salo sa grasya ng pagkain sa hapag na
ito ay nananalangin sa pamamagitan ni Kristo, kasama Niya, at sa Kanya. Ito po ang ating hapag ng buhay, ang pagkaing
nagbibigay-buhay, at ang panalanging siyang buhay nating lahat: ang Banal na
Eukaristiya.
Nitong nagdaang mga Linggo ng
Kuwaresma, sumama po tayo kay Jesus sa napakamasalimuot at nakapapagod na
paglalakbay. Noong Unang Linggo, sumama
po tayo kay Jesus sa ilang: katapatan.
Noon pong Ikalawang Linggo ng Kuwaresma, sumunod po tayo kay Jesus
paakyat ng bundok: kaluwalhatian.
Pagsapit po ng Ikatlong Linggo, pinasok po natin ni Jesus ang Templo:
kaalaban. Nang Ika-apat naman ay lumapit
tayo sa Liwanag mismo na si Jesukristo: kaligtasan. Noon naman pong Ikalimang Linggo ng
Kuwaresma, isinama tayo ni Jesus na mahulog sa lupa at hinamon Niya tayong
mamatay sa ating sarili: sakripisyong nagbibigay-buhay sa iba. At nang nakaraang Linggo, ang Linggo ng
Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon, hindi po natin sinalubong si Jesus;
bagkus, sinundan pa rin natin Siya: pag-aalagad.
Ngayong takipsilim na ito,
napakalapit na pong magwakas ang paglalakbay ni Jesus. Bilang na bilang na ang Kanyang mga
oras. Abalang-abala na ang mga kampon ng
kadiliman at, parang mga asong ulol, naglalaway na ang mga nagplanong iligpit
Siya. Isa-isa na pong nababaklas ang
hanay ng Kanyang mga kaibigan.
Naghihintay na para sa Kanya ang Golgotha at sabik na sabik na ang krus
para yakapin Siya. Sasama pa po ba tayo
kay Jesus? Susunod pa rin po ba tayo sa
Kanya? Susundin pa ba natin Siya?
Ito po ang utos Niya: “Nauunawaan ba
ninyo kung ano ang ginawa Kos a inyo?
Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako
nga. Kung Akong Panginoon ninyo ay
naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa. Binigyan Ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat
ninyong tularan.” Sinusunod po ba natin
ito? Sinusundan po ba natin ang
halimbawang ito ni Kristo?
Usung-uso po ngayon ang foot spa. Pero luho ito: hindi lahat ng tao ay may
kakayahang magpa-foot spa. Minsan, kapag nadadaan po ako sa labas ng mga
spa-spang iyan, natatanong ko sa
sarili, “Iyon mga nagi-spa,
nakapagpapa-spa rin kaya? Si Madame na mahilig magpa-foot spa, lalamasin at mamasahehin din
kaya ang mga paa ng mga hindi niya kaanu-anro para lang may maipantawid-gutom
sa mga anak niya?”
Noong panahon ni Jesus, hindi po
luho ang paghuhugas ng paa. Sadyang
kailangan po ito ng mga paang maalikabok.
Kaya nga bago dumulog sa hapag, hindi lang po mga kamay ang hinuhugasan
kundi mga paa rin. Subalit ang
naghuhugas ng mga paa ng mga dumudulog sa hapag ay ang mga alipin ng may-ari ng
bahay. At kung maraming alipin ang
may-ari ng bahay, ang paghuhugas ng mga paa ay gawin ng pinakamababang
alipin. Hinugasan ni Jesus ang mga paa
ng Kanyang mga alagad: si Jesus ay hindi lamang Lingkod; si Jesus ay
Alipin. Sa taong mahal na mahal mo,
mamatamisin mo sigurong paalipin. Pero
sa mga Judas sa buhay mo, paaalipin ka ba?
Naroon pa po si Judas sa hapag nang hugasan ni Jesus ang mga paa ng mga
alagad. Ang paghuhugas ng paa ay obligasyon
ng aliping walang kalayaan; ngunit ang magpaka-alipin ay pinagpasiyahang handog
ng malayang pag-ibig.
Ang bawat hapag ay sagrado. Ang pagkain ay grasya ng Diyos. Ang mga nagsasalu-salo ay nananalangin habang
kumakain. Sinundan po natin si Jesus
patungo sa hapag na ito. Siya po mismo
ang pagkaing walang-kapantay na biyaya ng Diyos. Nakikisalo po tayo sa Kanyang pananalangin at
pag-aalay ng buhay – isang buhay ng paghuhugas ng mga paa nang buong
kababaang-loob at pagmamahal.
Sa pagdulog po natin sa hapag ng
Panginoon, huwag nating tatalikuran ang hapag ng mga dukha. Magkusa po tayong magbahagi sa mga
kapus-palad. Mahal na mahal sila ni
Jesus. Sinabi ni Papa Francisco, hindi
raw po natin mauunawan si Jesus nang nakahiwalay tayo sa mga maralita.
Sa pagsasalo natin sa hapunan ng
Panginoon, huwag po nating kalilimutan ang hapunan ng mga mahihirap. Huwag tayong magpakabusog hanggang may taong
hindi kumakain, hindi makakain, o hindi pinapakain. Nabasa ko po minsan, may sapat daw po ang
daigdig para sa pangangailangan ng lahat ngunit hindi para sa kasakiman ng
iilan. Matuto po tayong dumamay nang
bukas-palad at wagas. At kung may mga
dukhang hindi makadulog, sanhi ng iba’t ibang kadahilanan, dalhin po natin sa
kanila ang ating pinagsasaluhan. Huwag na
po natin silang hintaying lumapit, umupo, at makisalo sa atin, sapagkat, kadalasan
po, sila mismo’y nagdadalawang-isip makisalamuha sa atin. Hanapin natin ang mga dukha; huwag tayong
magpahanap sa kanila.
Sa pananalangin po natin sa
Panginoon, huwag na huwag po nating ipagpapalit sa ating mabubuting debosyon at
magagandang panata ang aktwal at maalab na pagmamalasakit sa mga maliliit at
mga minamaliit ng lipunan. Hindi po break sa paggawa ng kabutihan sa kapwa
ang ating pananalangin; bagkus, ang pagkamapagmalasakit natin ang dapat
ibinubunga ng ating pagiging madasalin. Ang
taong madasalin daw ngunit bingi sa panaghoy ng mga maralita, bulag sa paghihirap
ng mga dukha, at manhid sa kalunus-lunos na karukhaan ng karamihan ay plastik maging
sa harap ng Diyos.
Ngayong
gabing ito, dala-dala po natin ang iba’t ibang kuwento ng ating kani-kaniyang buhay
sa Hapunan ng Panginoon. Sinundan po natin
Siya at dito tayo sa sagradong hapag na ito humantong. Sa pagsasalong ito, ang kuwento ng buhay ni Jesus
at ang kuwento ng buhay natin nawa’y higit na maging magkatulad ngayon at magpakailanman.
Amen.