04 April 2015

HUMAYO!

Bihilya ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Mk 16:1-7


Nitong nagdaang Kuwaresma, sama-sama po tayong naglakbay bilang mga alagad ni Jesukristo.  Noong Unang Linggo, sumama po tayo sa Kanya sa ilang at tinuruan Niya tayo ng katapatan sa Diyos.  Nang Ikalawa naman po, sumunod tayo sa Kanya sa tuktok ng bundok at ipinakita Niya sa atin ang Kanyang kaluwalhatian bilang Anak ng Diyos; kaya’t dapat natin Siyang pakinggan.  Pagsapit ng Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, nakigulo tayo sa Kanya sa Templo at ninais din po nating magkaroon tayo ng kaalaban para sa Ama na tulad ng sa Kanya.  Ang Ika-apat ng Linggo naman po ay higit tayong lumapit sa Kanya na Siyang Liwanag na pumawi sa kadilimang bumabalot kay Nicodemus.  Noong Ikalima, isinama Niya po tayong mahulog sa lupa at hinamon tayong mamatay sa sarili upang maging mabunga para sa kapwa.  Pagdating ng Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit Niya, maringal po nating ipinagdiwang ang ating pagiging mga alagad Niya: sumunod po tayo sa Kanya, hindi sumalubong sapagkat ang alagad ay tagasunod at hindi tagasalubong.

Natapos ang Kuwaresma noong Huwebes Santo at nagsimula naman po ang Paschal Triduum.  Subalit nagpatuloy pa rin po ang ating paglalakbay nang kasama si Jesus.  Sinundan po natin Siya sa Silid sa Itaas, dumulog sa Kanyang hapag, at nakisalo sa Kanyang hapunan.  Binigyan po Niya tayo ng halimbawa ng mapagkumbaba at mapagmahal na paglilingkod nang hugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga alagad.  Hindi raw pong sapat na sundan lamang  natin Siya.  Wika Niya, “Sundin ninyo Ako: magmahalan kayo.”

Nang matapos ang hapunan, sumama po tayo kay Jesus sa Hardin ng Gethsemani.  Nagtanod po tayo at nanalangin hindi lamang kay Jesus kundi kasama rin Niya.  At nang dumampi ang halik ni Judas sa Kanyang pisngi at dakpin Siya ng mga kawal ng mga punong saserdote at matapyas ni Simon Pedro ang tenga ng isa sa mga kawal, naroroon din po tayo, kasama pa rin ni Jesus.  Mula sa Hardin ng Gethsemani patungong Sanhedrin patungong pretoryo ni Pilato patungong palasyo ni Herodes at pabalik sa harap ni Pilato, sinundan-sundan pa rin po natin si Jesus.

Nang bagtasin na po Niya ang daan patungong Kalbaryo, pasan-pasan ang krus, kasunod pa rin po tayo ni Jesus.  Ang lahat ng mga aral na ating natutunan sa ating paglalakbay bilang alagad Niya – katapatan sa Ama, pakikinig sa Kanyang Bugtong na Anak, kaalaban para sa Diyos, paglapit sa Liwanag, pagsasakripisyong nakapagbibigay-buhay sa iba, at paglilingkod nang buong pag-ibig at kababaang-loob, pagsunod sa Kristo – ay nilagom po ng paglalakbay ni Jeus sa daan ng krus.  Para sa tunay na nagsisikap mamuhay bilang alagad ni Jesus, ang daan ng krus ay hindi maiiwasang paglalakbay kung paanong ang pagtatakwil sa sarili at pagpasan sa krus ay hindi maaaring tanggihan ng taong wagas na nagnanais sundan at sundin Siya.  Nakatayo sa paanan ng krus, si Mariang ina ni Jesus at si Juan na pinakamamahal Niyang alagad ay mga halimbawa para sa atin pagiging alagad ni Kristo.

Nagsikap din po tayong huwag iwan si Jesus samantalang Siya ay nakabayubay sa krus.  Kung paaanong nakapako sa krus ang ating Panginoon, nakapako naman sa Kanya ang ating tingin sapagkat gayun nga ang buhay ng tunay na alagad ni Kristo.  Sinundan natin ang bawat pangyayari ng mga huling sandali ng Kanyang buhay, sinalo at pinagnilayan ang pitong huling wika na namutawi sa Kanyang mga labi hanggang sa Siya ay tuluyan nang malagutan ng hininga at pumanaw.  Wala po tayong masabi: tahimik na pananatili sa tabi ng inang nagluluksa ang naging pakikiramay natin.

Nang ibaba na po sa krus ang Kanyang walang-buhay na katawan hanggang sa ito ay maihimlay sa libingang hiram, sinundan pa rin natin si Jesus.  Sumama po tayo sa Kanya magpahanggang libingan kung paanong sumama tayo sa Kanya sa ilang, sa tuktok ng bundok, at sa Templo.  Kung noong paglalakbay natin ng ika-apat na Linggo ng Kuwaresma ay nabalot tayo sa kadiliman, kasama ni Nicodemus, nang ilibing ang bangkay ni Jesus ay nabalot naman tayo ng nakabibinging katahimikan, kasama ni Maria at ng iba pang mga alagad.  At kasama rin nila, tayo ay naghintay sa katuparan ng Kanyang pangako: ang Kanyang magmuling-pagkabuhay.

Ngayong gabing ito – ang gabi ng mga gabi, ang bihilya ng mga bihilya – naglakbay po muli tayo.  Naglakbay tayo mula sa kadiliman patungong kaliwanagan, mula kamatayan patungong magmuling-pagkabuhay.  Nababalot sa kadiliman at katahimikan, sa sinag ng iisang kandila ng Paskwa, nilakbay po nating muli ang kasaysayan ng paglilikha, pagliligtas, at pagmamahal sa atin ng Ama ni Jesus.  At habang papalapit tayong muli sa pinaglibingan kay Jesus, tanong din po natin ang tanong ng mga kababaihan sa Ebanghelyo: “Sino kaya ang ating mapakikiusapang magpagulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?”  Subalit binulaga tayo hindi lamang ng bukas na puntod kundi ng libingang walang-laman.  Si Jesus ay magmuling-nabuhay, aleluya!

Subalit kung akala natin ay tapos na ang ating paglalakbay, nagkakamali po tayo.  “Humayo kayo at sabihin ninyo,” wika ng lalaking nasa libingan ng Panginoon.  Simula pa lang pala ito!

Humayo at sabihin.  Ang paglalakbay ng alagad ay dapat na maging paglalakbay ng saksi.  Hindi po tayo dapat manatili sa libingan.  Hindi po tayo dapat tumigil sa paglalakbay.  Hindi po tayo dapat manahimik.  Hindi po tayo dapat magsawalang-kibo.  Tayo ay mga saksi, mga misyonero ng magmuling-pagkabuhay ni Kristo.  Sa ating katauhan, nagpapatuloy si Jesus sa paglalakbay upang ipamalita sa salita at gawa ang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao.  Hindi na lamang Niya tayo kasama; nananahan na Siya sa atin.  Hindi na lamang po natin Siya sinusundan; tinutularan na natin Siya.

Humayo po tayo at dalhin natin si Jesus sa mga taong hindi pa nakaririnig at nakapananalig sa Kanya.  Humayo po tayo at ipadama natin si Jesus sa mga taong manhid na sa karanasan ng wagas na pag-ibig ng Diyos.  Humayo po tayo at akitin sa liwanag ni Kristo ang mga namumuhay sa kadiliman ng kasalanan.  Humayo po tayo at ipunlang muli sa puso ng ating mga kapwa-tao ang tiwala sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisikap nating maging karapat-dapat sa kanilang pagtitiwala.  Humayo po tayo at ipamalas ang habag at malasakit ni Kristo na una na Niyang ipinakita sa atin.  Humayo po tayo at sabihin sa lahat na buhay si Jesus: nabubuhay Siya sa bawat-isa sa ating mga tumanggap ng Binyag.  Humayo po tayo at magsikap na maging katulad ni Jesus.

Nagtapos po ang Kuwaresma noong Huwebes Santo, ngunit hindi ang ating paglalakbay. Patapos na rin po ang Paschal Triduum at simula na ng Easter season, pero hindi pa tapos ang paglalakbay natin – nagsisimula pa lang ito!  Magpatuloy po tayo sa paglalakbay nang may matibay na pananalig na kasa-kasama natin si Jesukristong magmuling-nabuhay magpahanggang katapusan ng panahon.  Amen.








0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home