05 April 2015

MAGANDANG BUHAY!

Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 20:1-9 (Gawa 10:34, 37-43 / Slm 117 / 1 Cor 5:6-8)

Magandang buhay po sa inyong lahat!  Iyan po yata ang usong pambati ngayon.  Napakadalas ko na pong marinig ito at makailang beses na rin akong nabati nang ganito.  Magandang buhay po muli sa inyong lahat!

Mapa-umaga, tanghali, o gabi, magandang buhay nga po sa inyong lahat.  Iyan naman po talaga ang ibig sabihin natin kapag bumabati tayo ng magandang umaga o magandang tanghali o magandang gabi, hindi ba?  Ninanais po natin ang isang magandang buhay para sa binabati natin.  Hinahamon din po natin siyang gawing higit pang maganda ang buhay niya at ng kanyang kapwa.  Ang magandang buhay ay pangarap at misyon nating lahat.

Ano nga po ba ang magandang buhay?

Ang magandang buhay ay hindi po buhay ng taong maganda.  Maraming magaganda nga pero pangit naman po ang pamumuhay, hindi ba?  Ang magandang buhay ay hindi po buhay ng taong mayaman.  Hindi po lahat ng mayaman ay maganda ang ikinabubuhay, hindi ba?  Ang magandang buhay ay hindi po buhay ng taong makapangyarihan.  Hindi po porke makapangyarihan ay ginagamit ang kapangyarihan para sa ikagaganda ng buhay ng iba, hindi ba?  Ang magandang buhay ay hindi po buhay na walang pagsubok, walang tiisin, walang kasalatan, walang kahinaan.

Ang magandang buhay ay buhay na maka-Diyos, buhay na para sa Diyos, buhay na nakatalaga sa Diyos, buhay na nag-uumapaw ng Diyos, buhay na mahalimuyak sa Diyos, buhay na inialay sa Diyos, buhay na tulad ng sa Diyos.  Ang magandang buhay ay buhay ng Diyos.  Palibhasa, ang Diyos po ang batayan natin ng kagandahan.  Mas malapit sa Diyos, mas maganda dahil mas malapit sa Kagandahan mismo.  Mas malayo sa Diyos mas pangit dahil mas malayo sa Kagandahang mismo.  Ang magandang buhay ay buhay po ng Diyos.  Ang magandang buhay ay ang pamumuhay po tulad ni Kristo.

Sa sariling kakayahan, hinding hindi po natin kayang makamit ang magandang buhay.  Sapagkat ang magandang buhay ay buhay nga po ng Diyos, tanging Diyos din lamang ang makapagbibigay sa atin ng buhay na maganda.  Maliban po sa buhay ng Diyos, pangit na ang lahat ng buhay.  Kaya nga po nag-uumapaw ang kagalakan at pasasalamat natin ngayong Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ni Kristo, sapagkat sa pamamagitan ng Kanyang magmuling-pagkabuhay, naipagkaloob sa atin ni Jesus ang buhay ng Diyos, ang tunay na magandang buhay.  Sa Kanyang magmuling-pagkabuhay, binabati po tayo ng Panginoon.  Sinasabi Niya sa atin: “Magandang buhay!”  Ibinibigay Niya sa atin: Magandang buhay!  Isinusugo Niya tayo: Magandang buhay!  Ang bati, kaloob, at atas sa atin ni Jesus na magmuling-nabuhay ay “Magandang buhay!”

Dahil sa magmuling-pagkabuhay ni Jesus, tayo po ay naging “Bayan ng Magandang Buhay”.  Isabuhay po natin ang magandang buhay na magmuling-pagkabuhay ni Kristo.  Huwag po sanang manatiling pagbati lamang para sa atin ang “Magandang buhay”; sa halip, ito po sana ang tunay na maging buhay at pamumuhay natin.  Ito rin po sana ang maging layunin natin sa buhay: ang gawing maganda ang buhay ng ating kapwa, lalong lalo na po ang buhay ng mga maralita.  Sana po, kung paanong hinanap ni Maria Magdalena si Jesus, hanapin din natin ang mga dukha: huwag na po nating hintaying sila pa ang lumapit sa atin; lapitan natin sila.  May ilan sa kanila ang lapit nang lapit pero higit pa pong marami ang hindi makalapit-lapit sa atin, nahihiyang makihalubilo sa atin, nagdadalawang-isip kumausap sa atin, nanliliit tumabi sa atin, natatakot makiusap sa atin.  Sana po, kung paanong nag-alala si Maria Magdalena sapagkat nawawala si Jesus, mabagabag naman tayo kapag walang laman ang hapag ng mga dukha, kapag walang mapasukang maayos na trabaho ang mga nagnanais namang maghanap-buhay nang tama, kapag walang disenteng tirahan ang mga maralita, kapag walang nakikinig sa hinaing ng mahihirap, kapag walang nagsisilbing tinig para sa karapatan ng mga api, kapag walang Jesus na makita ang mga maliliit at minamaliit sa lipunan sapagkat walang nagmamalasakit sa kanila.  Kapag nawawala ang mga dukha sa pagtitipon natin bilang parokya, bilang iglesiya, bilang Bayan ng Diyos, mag-alala rin po sana tayo, tanungin kung bakit, at sunduin natin sila.  Sana po, kung paanong nagmamadali sina Simon Pedro at Juan para puntahan si Jesus, magmadali rin naman tayo kapag kapakanan ng mahihirap ang kailangan nating pagtuunan.  At sana rin naman po, katulad ni Juan, kapag nakita ng mga dukha ang pagsisikap nating tulungan silang gumanda ang buhay nila, maniwala silang si Jesukristo ay nabuhay ngang magmuli.  Magagawa natin ito sapagkat, sa pamamagitan ng Kanyang magmuling-pagkabuhay, pinagkalooban na po tayo ni Jesus ng magandang buhay.

Magandang buhay po sa inyong lahat!  Magtulungan po tayong pagandahin ang buhay ng ating kapwa.








0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home