18 April 2015

HINDI GUNI-GUNI

Ikatlong Linggo ng Magmuling-Pagkabuhay
Lk 24:35-48 (Gawa 3:13-15, 17-19 / Slm 4 / 1 Jn 2:1-5a)
















Noong bata pa po ako at wala pa kaming telebisyon, tuwing gabi, kasama ng aming ina, nakikinig kaming magkakapatid sa “Guni-guni”.  Ang "Guni-guni" ay isang nakatatakot na programa sa radyo tungkol sa mga multo, mga halimaw, mga maligno, at mga lamang-lupa pero gabi-gabi pa rin po naming inaabangan ito.  Dikit-dikit kaming magkakapatid na naka-upo o kaya ay nakahiga, nakasiksik sa nanay, habang nakikinig sa iba’t ibang drama sa radyo na ika ay halaw daw po sa mga tunay na karanasan ng mga tagapakinig na sumusulat sa palatuntunan.  May mga dinadalaw ng patay.  May mga binibisita ng mga lamang-lupa. May mga nakikipagtungali sa halimaw o maligno.  At kung anu-ano pa pong kababalaghang talaga namang sisindak sa imahinasyon ng sinumang nakikinig, lalo na ng mga bata.  Nakakatakot po talaga!  Hindi ko alam kung tutoo ang mga kuwentong iyon pero, dahil batang-paslit pa ako, parang tutuong-tutuo po para sa akin ang mga kuwento. Pagkatapos po naming makinig ng “Guni-guni”, wala na ni isa sa amin ang gustong tumayo para patayin ang ilaw sa ibaba na naiwang nakasindi pa.

Ngayong naka-edad na kami, pinagtatawanan na lang po namin ang mga sarili namin kapag pinagkukuwentuhan naming magkakapatid ang araw-araw na pakikinig namin noon ng “Guni-guni”.  Pero paano kaya kung sa inyo mangyari ang ganito...

May kaibigan po kayong mahal na mahal kayo.  Pero sa sandaling kailangang-kailangan ka niya, trinaydor mo siya, tinatwa, iniwan, at pinabayaan.  Tapos namatay po siya.  Ni hindi mo po naipaliwanag sa kanya kung bakit mo nagawa ang gayon sa kanya.  Ni hindi ka po nakahingi ng tawad.  Kaya nang inilibing siya, kasama po niyang nalibing hindi lamang ang mga sugat na pumatay sa kanya kundi pati ang pagtatraydor mo sa kanya, pagtatatwa mo sa kanya, pang-iiwan mo sa kanya, at pagpapabaya mo sa kanya.  Ngunit isang gabing madilim, habang konsensyang-konsensya ka sa mga kasalanan mo sa kanya, naka-lock ang pinto ng kuwarto mo at saradong-sarado ang mga bintana, bigla na lang pong lumitaw sa harap mo ang kaibigan mong ito.  Ano po ang gagawin mo?  Hindi ka kaya kumaripas nang takbo?

Pero nakangiting binati ka niya, “Peace tayo!”

Buung-buo po at walang kahit isang bahid ng pagka-agnas ng kanyang katawan ng kaibigan mong lumitaw sa harap mo.  Ni hindi po siya nangangalingasaw ng amoy-patay. Sa halip, maningning po ang kanyang katawan, mahalimuyak ang kanyang presensya, at ang tinig niya ay kahali-halina.  Hindi ka kaya magsisisigaw?

Pero sinabi niya sa iyo, “Tingnan mo ang aking mga kamay at mga paa; ako nga at wala nang iba pa.  Hawakan mo ako at tingnan may laman at buto ako.  Hindi ako multo.”

Kakaibang-kakaiba, taliwas na taliwas, at kabaliktarang-kabaliktaran po sa inaasahan mo ang nakikita at naririnig mo.  Kundi isang kalokohan ay kathang-isip lamang na hindi po pantunay na buhay ang nararanasan mo. Hindi maipaliwanag at magkahalong takot at tuwa ang nadarama mo.  Gusto mo po sanang magsalita pero walang boses na lumalabas sa iyo.  Hindi ka kaya himatayin?

Pero parang nagbibiro pa siya.  “May makakain ba diyan?  Kain tayo!” sabi niya sa iyo.

Hindi mo guni-guni ‘yan.  Si Jesus iyan.  Dinadalaw ka.  Binabati ka po Niya ng kapayapaan.  Inaanyayahan ka pong manalig at magsimulang muli.  At ginugulat ka po Niya para magising nang kumilos, magmahal, at gumawa rin ng mga himala sa pamamagitan ng pagmamahal na kumikilos.  Ang lahat po ng ito ay tutoo at hindi guni-guni lang.  Sa halip na gantihan tayo ni Jesus, pinatawad Niya po tayo.  Sa halip na parusahan tayo ni Jesus, minahal pa rin po Niya tayo.  Sa halip na multuhin tayo ni Jesus, binigyan pa rin po Niya tayo ng lakas-ng-loob.

Hindi po namatay si Jesus para ibulid tayo sa walang-katapusang pagsisisi, pagsisisihan, at paninisi.  Hindi po Siya nabuhay na magmuli para ikadena tayo sa walang-hanggang panghihinayang, sindak, at kawalang-kinabukasan.  Namatay po si Jesus para tayo ay mabuhay at mabuhay nang ganap.  Nabuhay Siyang magmuli upang tayo po ay lumaya at magpalaya ng kapwa.  Ano man ang nagawa nating pagkakasala at pagkakamali, mahal na mahal pa rin po tayo ni Jesus.  Gaano man kadilim ng ating kahapon, magniningning pa rin po ito kung tatanggapin natin ang liwanag ng magmuling-pagkabuhay ni Kristo.  Ang tagumpay ng Panginoon laban sa kamatayan ay tunay at ganap.  Ang magmuling-nabuhay na Kristo ay hindi likha ng malikot nating imahenasyon o guni-guning nasisindak ng ating mga pagkakamali at pagkakasala sa buhay.

Marami pa pong mga tao ang namumuhay sa anino ng kanilang mga nagawang masama. Marami pa po ang mga namumuhay sa takot at kawalang-pag-asa.  Marami pa pong gustong makabangon at makapagsimulang muli sana ngunit hindi makabangon-bangon kaya hindi makapagsimulang muli.  Utang-na-loob po natin kay Jesus na gawing Siyang tunay at hindi lamang guni-guni sa mga taong ito. Kapayapaan, kapatawaran, at lakas-ng-loob na magsimulang muli - ipadama po natin ang mga ito sa kanila.

Si Jesus po ay magmuling nabuhay - hindi iyan guni-guni!  Mabuhay na rin po tayong magmuli: huwag mabuhay sa guni-guni!









1 Comments:

At 11:49 PM , Anonymous Ignatius Thomas said...

Napakagandang pagninilay sa ebanghelyo para ngayong Linggong ito.Tunay na tumatalab at nagpapalalim ng ating pang-unawa sa kahulugan ng misteryo ng muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesus.

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home