02 April 2015

HAPAG NG PANGINOON

Banal na Misa ng Hapunan ng Panginoon sa Takipsilim
Jn 13:1-15 (Ex 12:1-8, 11-14 / Slm 115 / 1 Cor 11:23-26)


Sa tahanang aking kinalakhan, lagi pong banal ang hapag.  Lagi po itong nagsisimula at nagtatapos sa panalangin; kaya kailangang maghintayan ang isa’t isa.  Kapag umupo na ang tatay ko, dapat sumunod ka na – isang beses ka lang niya ipatatawag; sa ikalawa, siya na po mismo ang tatawag sa iyo.  Hindi rin puwedeng tumayo hangga’t may kumakain pa.  Sabi ng tatay ko, kapag kumakain para raw pong nagdarasal.  Puwedeng kumanta habang naliligo, pero hindi po kapag kumakain.  Bawal mangalumbaba sa hagdanan, pero mas lalo na po sa hapag.  Kahit kailan hindi dapat mag-aaway, pero higit sa lahat kapag kumakain.  Bawal ding maglalapag ng pera sa hapag-kainan; pero mas lalo pong bawal walisin ang pagkaing nahuhulog sa sahig.  Sabi po ng tatay ko, dapat puluting isa-isa ang mga mumo sa sahig sapagkat mga grasya raw po iyon ng Diyos.  At ang kinuha mong pagkain, dapat mong ubusin; kaya huwag takaw-mata: kumuha lang ng kaya mong ubusin.  Kasalanan daw po ang mag-aksaya ng pagkain hindi lang dahil pawis at dugo ang pinuhunan dito kundi dahil din napakaraming mga taong hindi kumakain.

Sagrado ang hapag.  Grasya ang pagkain.  Nananalangin ang nagsasalu-salo.

Ngayong gabing ito, ipinagdiriwang po natin ang pinakasagradong hapag: ang hapag ng Huling Hapunan ng Panginoon.  Tatanggapin po nating muli ang di-malirip na grasya ng pagkain sa hapag na ito: ang mismong Katawan at Dugo ng Panginoon.  At tayo pong mga dumudulog sa sagradong hapag na ito at magsasalu-salo sa grasya ng pagkain sa hapag na ito ay nananalangin sa pamamagitan ni Kristo, kasama Niya, at sa Kanya.  Ito po ang ating hapag ng buhay, ang pagkaing nagbibigay-buhay, at ang panalanging siyang buhay nating lahat: ang Banal na Eukaristiya.

Nitong nagdaang mga Linggo ng Kuwaresma, sumama po tayo kay Jesus sa napakamasalimuot at nakapapagod na paglalakbay.  Noong Unang Linggo, sumama po tayo kay Jesus sa ilang: katapatan.  Noon pong Ikalawang Linggo ng Kuwaresma, sumunod po tayo kay Jesus paakyat ng bundok: kaluwalhatian.  Pagsapit po ng Ikatlong Linggo, pinasok po natin ni Jesus ang Templo: kaalaban.  Nang Ika-apat naman ay lumapit tayo sa Liwanag mismo na si Jesukristo: kaligtasan.  Noon naman pong Ikalimang Linggo ng Kuwaresma, isinama tayo ni Jesus na mahulog sa lupa at hinamon Niya tayong mamatay sa ating sarili: sakripisyong nagbibigay-buhay sa iba.  At nang nakaraang Linggo, ang Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon, hindi po natin sinalubong si Jesus; bagkus, sinundan pa rin natin Siya: pag-aalagad.

Ngayong takipsilim na ito, napakalapit na pong magwakas ang paglalakbay ni Jesus.  Bilang na bilang na ang Kanyang mga oras.  Abalang-abala na ang mga kampon ng kadiliman at, parang mga asong ulol, naglalaway na ang mga nagplanong iligpit Siya.  Isa-isa na pong nababaklas ang hanay ng Kanyang mga kaibigan.  Naghihintay na para sa Kanya ang Golgotha at sabik na sabik na ang krus para yakapin Siya.  Sasama pa po ba tayo kay Jesus?  Susunod pa rin po ba tayo sa Kanya?  Susundin pa ba natin Siya?

Ito po ang utos Niya: “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa Kos a inyo?  Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga.  Kung Akong Panginoon ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa.  Binigyan Ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan.”  Sinusunod po ba natin ito?  Sinusundan po ba natin ang halimbawang ito ni Kristo?

Usung-uso po ngayon ang foot spa.  Pero luho ito: hindi lahat ng tao ay may kakayahang magpa-foot spa.  Minsan, kapag nadadaan po ako sa labas ng mga spa-spang iyan, natatanong ko sa sarili, “Iyon mga nagi-spa, nakapagpapa-spa rin kaya?  Si Madame na mahilig magpa-foot spa, lalamasin at mamasahehin din kaya ang mga paa ng mga hindi niya kaanu-anro para lang may maipantawid-gutom sa mga anak niya?”

Noong panahon ni Jesus, hindi po luho ang paghuhugas ng paa.  Sadyang kailangan po ito ng mga paang maalikabok.  Kaya nga bago dumulog sa hapag, hindi lang po mga kamay ang hinuhugasan kundi mga paa rin.  Subalit ang naghuhugas ng mga paa ng mga dumudulog sa hapag ay ang mga alipin ng may-ari ng bahay.  At kung maraming alipin ang may-ari ng bahay, ang paghuhugas ng mga paa ay gawin ng pinakamababang alipin.  Hinugasan ni Jesus ang mga paa ng Kanyang mga alagad: si Jesus ay hindi lamang Lingkod; si Jesus ay Alipin.  Sa taong mahal na mahal mo, mamatamisin mo sigurong paalipin.  Pero sa mga Judas sa buhay mo, paaalipin ka ba?  Naroon pa po si Judas sa hapag nang hugasan ni Jesus ang mga paa ng mga alagad.  Ang paghuhugas ng paa ay obligasyon ng aliping walang kalayaan; ngunit ang magpaka-alipin ay pinagpasiyahang handog ng malayang pag-ibig.

Ang bawat hapag ay sagrado.  Ang pagkain ay grasya ng Diyos.  Ang mga nagsasalu-salo ay nananalangin habang kumakain.  Sinundan po natin si Jesus patungo sa hapag na ito.  Siya po mismo ang pagkaing walang-kapantay na biyaya ng Diyos.  Nakikisalo po tayo sa Kanyang pananalangin at pag-aalay ng buhay – isang buhay ng paghuhugas ng mga paa nang buong kababaang-loob at pagmamahal.

Sa pagdulog po natin sa hapag ng Panginoon, huwag nating tatalikuran ang hapag ng mga dukha.  Magkusa po tayong magbahagi sa mga kapus-palad.  Mahal na mahal sila ni Jesus.  Sinabi ni Papa Francisco, hindi raw po natin mauunawan si Jesus nang nakahiwalay tayo sa mga maralita.

Sa pagsasalo natin sa hapunan ng Panginoon, huwag po nating kalilimutan ang hapunan ng mga mahihirap.  Huwag tayong magpakabusog hanggang may taong hindi kumakain, hindi makakain, o hindi pinapakain.  Nabasa ko po minsan, may sapat daw po ang daigdig para sa pangangailangan ng lahat ngunit hindi para sa kasakiman ng iilan.  Matuto po tayong dumamay nang bukas-palad at wagas.  At kung may mga dukhang hindi makadulog, sanhi ng iba’t ibang kadahilanan, dalhin po natin sa kanila ang ating pinagsasaluhan.  Huwag na po natin silang hintaying lumapit, umupo, at makisalo sa atin, sapagkat, kadalasan po, sila mismo’y nagdadalawang-isip makisalamuha sa atin.  Hanapin natin ang mga dukha; huwag tayong magpahanap sa kanila.

Sa pananalangin po natin sa Panginoon, huwag na huwag po nating ipagpapalit sa ating mabubuting debosyon at magagandang panata ang aktwal at maalab na pagmamalasakit sa mga maliliit at mga minamaliit ng lipunan.  Hindi po break sa paggawa ng kabutihan sa kapwa ang ating pananalangin; bagkus, ang pagkamapagmalasakit natin ang dapat ibinubunga ng ating pagiging madasalin.  Ang taong madasalin daw ngunit bingi sa panaghoy ng mga maralita, bulag sa paghihirap ng mga dukha, at manhid sa kalunus-lunos na karukhaan ng karamihan ay plastik maging sa harap ng Diyos.

Ngayong gabing ito, dala-dala po natin ang iba’t ibang kuwento ng ating kani-kaniyang buhay sa Hapunan ng Panginoon.  Sinundan po natin Siya at dito tayo sa sagradong hapag na ito humantong.  Sa pagsasalong ito, ang kuwento ng buhay ni Jesus at ang kuwento ng buhay natin nawa’y higit na maging magkatulad ngayon at magpakailanman.  Amen.








0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home