HINDI IPINAGKAIT
Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Mk 9:2-10 (Gen
22:1-2, 9-13, 15-18 / Slm 115 / Rom 8:31-34)
Nang nagsisimula pa lang ang
kasaysayan ng kaligtasan, merong pong sinapupunang walang-laman. Bukod sa napakatanda na, baog po si Sarah na
asawa ni Abraham. Ngunit sa kabila po ng
lahat, nanalig sila sa pangako ng Diyos na pagmumulan sila ng mga anak na
sindami ng mga buhangin sa dalampasigan at mga butuin sa kalangitan. Sapagkat laging tapat ang Diyos sa Kanyang
salita, tinupad Niya ang Kanyang pangako sa mag-asawa: isinilang si Isaak.
“Halakhak” po ang literal na kahulugan
ng “Isaak”. Sabi po kasi ni Sarah sa Gen
21:6, “Pinahalakhak ako ng Diyos, at lahat ng makarinig nito ay makikihalakhak
sa akin.” Sino ba naman po kasi ang
hindi mapahahalakhak sa balitang nagbuntis ang lolang mong baog? Magkahalo pong tuwa at tawa ang mararamdaman
mo, hindi ba? Hindi lang po basta tawa,
mapahahalakhak ka talaga! Matunog na
tawa. Mataginting na tuwa. Namimilipit ka na sa katatawa. Naiiyak ka na sa tuwa. Halakhak – iyan po ang Isaak.
Subalit bigla pong napalitan ng
pighati ang halakhak ni Abraham. At wala
pong kaalam-alam si Sarah, sapagkat si Abraham lang ang kinausap ng Diyos. Mas lalo na po si Isaak mismo, wala siyang
kamuwang-muwang. Sabi pa sa Gen 22:6,
siya pa raw po ang nagpasan ng mga kahoy na panggatong. Sino po ang gagatungan? Siya: si Isaak.
Tila binabawi ng Diyos ang anak na
ibinigay Niya sa mag-asawang buong-pusong nagtiwala sa Kanya. Hindi po natin maubos-isipin kung bakit iyon
gagawin ng Diyos: iniatas Niya kay Abraham na katayin niya mismo ang anak
niyang si Isaak at gawing susunuging handog.
Paano po kaya iyon nakaya ni Abraham?
Nakakabaliw. At parang baliw nga
pong tumalima si Abraham. Ito ang unang
pagbasa nating ngayong Ikalawang Linggo ng Kuwaresma.
Noon pong nakaraang Linggo, sumama
tayo kay Jesus sa ilang. Ngayong ikalawa
naman po, dinadala tayo ng Salita ng Diyos sa tuktok ng bundok. Sa nakadadarang na kalangitan ng disyerto,
noong nakaraang Linggo, ipininta ng Diyos ang pinakamaganda Niyang Bahaghari:
si Jesus, ang Kanyang bugtong na Anak, tanda ng katapatan Niya sa atin. Ngayon naman po, sa tuktok ng bundok, may
hinihingi Siya sa atin: sakripisyo. At ang
ipinasasakripisyo Niya sa atin ay hindi iba kundi ang sarili natin mismo. Sasama pa ba po ba kayo? Noong nakaraang Linggo, sumama tayong lahat
sa ilang. Sa tuktok ng bundok ng
pagsasakripisyo ng sarili, sasama pa rin po ba tayo?
Sa Bundok ng Moriah, inakay ni Abraham
ang anak na isasakripisyo niya sa Diyos, mistulang maamong tupang inaakay sa
katayan. “Ama?” tanong ng anak sa
kanya. “Ano iyon, anak?” sagot ni
Abraham sa bata. “May dala po tayong
apoy at kahoy,” sabi ng anak, “pero nasaan po ang tupang kakatayin para gawing
susunuging handog?” Ano po ang sagot ni
Abraham? Sa Gen 22:8, mababasa ang
napakasakit na tugon ng ama: “Anak,” wika ni Abraham, “ang Diyos mismo ang
magbibigay ng tupang kakatayin natin upang ihaing susunuging handog sa
Kanya.” Kung tutuusin, tutoo naman pong
ang Diyos mismo ang nagbigay sa kanila ng kanilang ihahandog sa Kanya, hindi
ba? Kaloob ng Diyos kay Abraham at Sarah
ang anak nilang si Isaak. Ngunit ang
ninanais na kaloob ng Diyos mula kay Abraham ay si Isaak din.
Bakit po ganun ang Diyos? Minsan magbibigay, tapos babawiin din
pala. Minsan paghihintayin ka pa nang
matagal, pero kapag nasa iyo na ang mabilis namang kukunin ulit. Minsan hirap na hirap kang makamit sa
panalangin, ‘yun pala, kapag nasagot na, ang dali-dali rin pong namang mawala.
Lahat
po tayo ay may bundok ng Moriah, hindi ba?
Dito sinusubok ang paniniwala, pagtitiwala, at patalima natin sa Diyos
ng ating pananampalataya. Dito sinusukat
kung hanggang saan tayo sasama sa Kanya, kung hanggang ano at sino ang handa
tayong ipagkaloob sa Kanya, kung hanggang kailan natin Siya susundin at
susundan. Sa tanang buhay natin,
makailang beses na rin po tayong umakyat ng bundok na ito. Minsan, tayo po ang maghahandog ng mahal sa
atin. Minsan, pasan-pasan ang mga kahoy
na panggatong, tayo pala ang ihahandog.
Subalit alam po nating hindi natuloy
ang pagkatay at pagsunog kay Isaak. Sabi
nga po sa unang pagbasa natin ngayon, pinigil ng Diyos si Abraham sa
pamamagitan ng isang anghel sapagkat nakita ng Diyos na walang siyang
ipagkakait sa Kanya, maging ang kaisa-isa nitong Anak. Kaya, sa halip, sa Gen 22:13, isang lalaking
tupa ang inihain ni Abraham sa Diyos bilang susunuging handog, kapalit ni
Isaak.
At ang Bundok ng Moriah ay
nagmistulang Bundok ng Tabor. Sa Bundok
ng Tabor isinama ni Jesus sina Simon Pedro, Santiago, at Juan. Sa tuktok ng Bundok ng Tabor, ayon sa
Ebanghelyo ngayong araw na ito, samantalang nananalangin, nagbagong-anyo si
Jesus at nakita ng tatlong alagad ang tunay Niyang kaluwalhatian bilang Bugtong
na Anak ng Diyos. Anupa’t ayaw na ngang
bumaba ni Simon Pedro: “Guro,” sabi niya, “mabuti pa’y dumito na tayo.”
Ang
Bundok ng Moriah sa ating buhay, na kung maaari lang ay huwag nang akyatin, na
kung maaari sana ay iwasan o lampasan na lang, na kung maaari lang ay
balewalain, ay maaari ring maging Bundok ng Tabor para sa atin. Sa kahandaan nating bumitiw at magtaya para
sa Diyos, pinagniningning po tayo ng ating pananalig sa Kanya at itinutulad kay
Abraham, ang ama natin sa pananampalataya.
Sa katapatan ng ating pag-aalay ang sariling buhay para sa iba,
pinagbabagong-anyo po tayo ng ating pag-ibig at higit na itinutulad kay Jesus,
ang Anak na minamahal ng Diyos.
Hindi
ipinagkait ni Abraham sa Diyos si Isaak na kanyang kaisa-isang anak. Hindi rin naman po ipinagkait ng Diyos sa atin
ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesus. Tayo po, anong ipagkakait natin sa Diyos? Ano po ba talaga ang ipinagkakait natin sa Kanya?
Mula
sa Bundok ng Moriah, patungong Bundok ng Tabor, hahantong po ang paglalakbay na
ito patungong Bundok ng Kalbaryo. Sasama
pa ba kayo?