KUWARESMA: PAGPAPATINGKAD SA BAHAGHARI
Ang Unang Linggo ng Kuwaresma
Mk 1:12-15 (Gn 9:8-15 / Slm 24 / 1 Pd
3:18-22)
Ngayong unang
Linggo ng Kuwaresma, bago pa marinig ang Salita ng Diyos, ipinipinta na po nito
ang isang napakagandang tanawin sa kulay lilang kalangitan ng Kuwaresma: isang
bahaghari!
Matapos ang
delubyo, nakipagtipan ang Diyos kay Noah – at sa pamamagitan ni Noah, sa lahat
ng mga nilalang – na hindi na Niya muling wawasakin ang daigdig sa pamamagitan
ng baha. Bilang tanda ng tipang ito, animo’y
gumuhit ang Diyos ng bahaghari sa kalangitan.
Kaya nga po, para sa isang Judyo, ang bahaghari ay higit pa sa pagiging bahaghari
lang. Ang bahaghari ay paalala na
tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako.
Para sa atin, gayon din naman po ang dapat: ang tunay na kayamanan sa
paanan ng bahaghari ay ang katapatan ng Diyos sa Kanyang salita.
Subalit ang
bahaghari ay hindi po isang permanenteng nakikitang palamuti sa
kalangitan. Lumilitaw lamang po ito kapag
may ulan. Hindi rin po kada may ulan ay lumilitaw
ito. At maging rumaragasang bagyo man ang
tigatik na ulan, magpapakita lamang ang bahaghari paghupa ng unos. Ngunit hindi man natin makita ang bahaghari, naniniwala
pa rin po tayong may bahaghari roon sa itaas, sa napakalawak na kalangitan,
sapagkat nananalig tayo sa katapatan ng Diyos sa atin.
Pero kumusta
naman po ang katapatan natin sa Diyos?
Tapat po ba tayo sa Kanya? Kung
paanong may bahaghari ang Diyos para sa atin, may bahaghari rin po ba tayo para
sa Kanya? Ang Kuwaresma ay natatanging panahon
para patingkarin natin ang ating bahaghari para sa Diyos kung paanong higit
Niyang pinalilitaw ang Kanyang bahaghari para sa atin matapos ang maraming mga
nakaraang araw ng tag-ulan sa ating buhay.
Hindi po natin
kayang pigilan ang ulan. Hindi po natin
kayang pahupain ang unos. Hindi po natin
kayang madaliin ang paglitaw ng bahaghari.
Ang tanging magagawa lang po natin ay ang umasang laging tutupdin ng
Diyos ang Kanyang pangako. Umaasa po
tayo sapagkat sumasampalataya tayo sa Kanya.
At hindi pa po Niya tayo binibigo.
Hindi po ba,
kapag nahaharap tayo sa matitinding pagsubok sa buhay, nasasabi nating binabagyo
ang buhay natin? Sa gitna ng mga
paghihirap sa buhay, hindi po ba sumasalok tayo ng lakas mula sa ating matibay
na paniniwalang batid ni Jesus ang pinagdaraanan natin hindi lamang dahil alam
Niya ang lahat ng bagay kundi sapagkat Siya rin ay Emmanuel, ang “Diyos-Na-Sumasaatin”? At hindi lang po batid ni Jesus ang ating
pinagdaraanan; sinsamahan Niya rin tayong dumaan. Mapagmalasakit si Jesus, hindi lang po
maalam. Ang pananampalataya po natin sa
mapagmalasakit na presensya ng Panginoon ang nagpopondo sa pag-asa natin sa
Kanya: “At batid nating sa lahat ng bagay ay pinagsisikapan ng Diyos ang
ikabubuti ng mga sa Kanya ay nagmamahal, silang mga tinawag ayon sa Kanyang
layon” (Rom 8:28). Maaaring hindi tayo
laging makakita ng bahaghari sa kalangitan, subalit batid po natin na laging
merong bahagharing nakapinta sa ating puso sapagkat Siyang unang nagpalitaw
noon sa kalangitan ay nananahan sa atin.
Isa po sa mga biyaya ng Kuwaresma ay ang hubugin ang ating kakayahang
makamit muli ang kamalayan natin ng pagkamangha at pagtataka sa mapagmahal,
malikhain, at mapanligtas na presensya ng dakilang Manlilikha ng bahaghari sa
ating buhay.
Kung sinuman po
ang sumulat ng Ebanghelyo ayon kay San Marko, tila nagpipinta siya ng bahaghari
sa puso ng bawat inuusig na alagad ni Jesus sa Roma noon. Nang taong 64 A.D., sinunog ni Emperador Nero
ang lungsod ng emperyo, subalit ibinintang po niya ito sa mga Kristiyano. Kaya, sumiklab po ang malawakang pag-uusig sa
mga alagad ni Jesus.
Samantalang
isang linggo raw pong nasunog ang Roma, halos tatlong siglo naman pong tumagal
ang malawakang pag-uusig sa mga Kristiyano.
Hindi po mabilang ang mga alagad ni Jesus – mga bata at matatanda, mga lalaki
at mga babae, mayayaman at mga dukha, ang dinakip, pinahirapan,
pinagsamantalahan, pinahiya, binastos, binugbog, at pinatay – lahat sa ikaaaliw
ng mga pagano. Kung kaya’t ang mga
Kristiyano noong mga panahong iyon sa Roma ay namumuhay po sa walang-humpay na
pagkasindak. Subalit ang pananamplataya
nila sa Panginoon ay higit pa sa pagiging magiting. Ang Ebanghelyo ni San Marko, ang unang
nasulat na Ebanghelyo, ang isa sa mga nagpa-alab ng pananampalataya sa puso ng
mga inuusig na Kristiyano, nagpatatag sa kanilang pag-asa kay Kristo, at nagpanatili
ng kanilang pag-ibig na hindi lamang para sa kanilang mga kapanalig kundi para
rin po sa umuusig sa kanila.
Sa kinatatayuan
po natin ngayon sa napakahaba at nagpapatuloy na kasaysayan ng Santa Iglesiya,
nakikini-kinita lang natin ang napakatinding ng tukso para sa mga Kristiyano
noong panahon ng malawakang pag-uusig na isakompromiso ang kanilang
pananampalataya sa Diyos, mag-alinlangan sa halip na umasa kay Jesus, at
ipagpalit ang pagkamapagmalasakit sa kapwa para sa pagkamakasarili upang
maligtas sa malagim at tiyak na kamatayan.
Marami sa kanila ang bumigay at tumalikod sa pananampalatayang
Kristiyano, subalit higit pa pong marami ang hindi natinag at, sa pamamagitan
ng tulong ng Diyos, ng pananalanging sama-sama, at ng pagdadamayan ng
sambayanan, nakamit nila ang putong ng pagiging martir. Masasabi pong noong mga panahong iyon ng
malawakang pag-uusig sa mga Kristiyano, ang bahaghari ng Diyos ay higit na
matingkad sa kalangitang pinapula ng dugo ng mga martir.
Sa kalangitan
ng ating buhay, kailan po ba pinakamatingkad, pinakamaganda,
pinakanapapahalagahan ang bahaghari ng Diyos?
At kailan naman po ba kailangang-kailangan, dalisay na dalisay,
tutoong-tutoo ang bahaghari natin para sa Kanya? Saan po ba madalas lumilitaw ang bahaghari ng
Diyos para sa atin at ang bahaghari natin para sa Diyos?
Bihirang-bihira
pong umulan sa ilang, subalit, ngayong araw na ito sa Ebanhelyo, iginuguhit ng
Salita ng Diyos ang isang bahaghari sa nakadadarang na kalangitan ng
disyerto. Si Jesus ay sinubok ni Satanas,
subalit Siya ay nagwagi.
Ang salin po sa
Pilipino ng Ebanghelyo ngayong araw na ito ay gumagamit sa salitang “tinukso”
sa halip na “sinubok”. Sa aking palagay,
hindi po tumpak ang pagkakasalin. Sa
orihinal na tekstong Griyego po kasi, peirazo ang ginagamit, at ang kahulugan po ng pierazo ay “sinubok” hindi
“tinukso”.
May bersyon po ang mga Ebanghelyo ayon kay San Mateo at San Lukas ng
narinig nating Ebanghelyo ngayon mula kay San Marko. Subalit, kay San Mateo at San Lukas, ang diin
po ay ang pagtukso ng demonyo kay Jesus para magkasala: inakit Siya ng demonyo
subalit hindi bumigay si Jesus. Sa
Ebanghelyo po naman ayon kay San Marko, si Jesus ay sinubok ni Satanas. In the Gospels according to Matthew and
Luke, Jesus was tempted. In Mark, Jesus
was tested.
Yaon pa lamang pong katagang “Satanas” sa bersyon ni San Marko, sa
halip na “demonyo” na siyang sa mga bersyon nila San Mateo at San Lukas, malinaw
nang pahiwatig na si Jesus ay sinubok at hindi lamang tinukso. Si Jesus ay inusig ng “Kaaway”, ng “Kalaban”, siyang
humahadlang sa pagtupad sa kalooban ng Diyos, sapagkat yaon nga po ang kahulugan
ng katagang “Satanas”. Samakatuwid, para
kay San Marko, bago pa magpakita si Jesus sa publiko – mangaral at
magkawanggawa – ang katapatan Niya sa Kanyang Ama, ang pasiya Niyang maging
mapagtalimang Anak ng Diyos ay sinubok na.
Sa isang banda, inilalahad nila San Mateo at San Lukas na si Jesus ay
tinukso rin tulad natin. Sa kabilang
banda naman po, isinasalaysay ni San Marko na si Jesus, tulad din natin muli,
ay hindi rin ligtas sa mga pagsubok sa buhay.
Kung paanong tinukso si Jesus subalit hindi Siya nagkasala, gayundin
naman po sinubok Siya at napatunayan talagang matatag.
Nilisan nga po ni Jesus ang ilang, subalit hinding-hindi naman Siya
nilisan ni Satanas, sapagkat nagpatuloy ang panunubok ni Satanas sa katapatan ni
Jesus sa Kanyang Ama maging anuman ang kapalit.
Halimbawa po, nang minsang makutuban ni Jesus na gusto na namang
mag-“moment” nitong si Satanas, tinawag ni Jesus na “Satanas” si Simon Pedro
sapagkat tinangka nitong ilihis si Jesus sa pagtupad sa Kanyang misyon. Kung kaya’t, sa Mk 8:33, pinagalitan Niya si
Simon Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa Akin, Satanas! Hindi mo iniisip ang mga bagay ukol sa Diyos,
kundi ang mga bagay ukol sa mga tao.”
Hinarap po ni Jesus si Satanas at, sa bawat pagkakataon, tinalo Niya
ito. Ngunit wala pong lumilitaw na
bahaghari kada matapos ang unos sa buhay ni Jesus. Maging nang Siya po ay mamatay sa krus, ang
lupa ay nayanig, ang kalangitan ay kumulog, subalit walang bahagharing
lumitaw. Ang pananalig ni Jesus sa
pag-ibig ng Kanyang Ama – opo, tahimik, ngunit nananatili – ay higit na
maningning, ginagapi nito ang kadiliman ng kasalanan at kamatayan. Maging sa mistulang kawalan ng anumang hayag
na tanda, nagtiwala si Jesus sa katapatan ng Kanyang Ama. Siya po mismo, si Jesus, ang naging bagong
tanda ng katapatan ng Diyos sa sankatauhan, ang bagong Bahaghari ng Diyos hindi
lamang para sa mga Judyo kundi para sa lahat ng tao. Dahil sa Kanyang magmuling-pagkabuhay, si
Jesus ang walang-kasingandang Bahaghari ng buhay ng tao. Nang isulat ng may-akda ng Ebanghelyo ayon kay
San Marko ang kuwento ni Jesus, ipinipinta po niya ang Bahagharing iyon sa
malagim na kalangitan ng malawakang pag-uusig sa mga Kristiyano sa Roma. Si Jesus po ang Bahagharing iyon. Ang Bahagharing iyon ay para rin po sa inyo
at para rin sa akin.
Sa gitna ng mga pagsubok, hindi lamang mga tukso, huwag po tayong
mawawalang ng lakas-ng-loob at huwag na huwag po tayong susuko sa pagkasindak
at kawalang-pag-asa. Harapin po natin ang
Satanas sa buhay natin, maging sinuman o anuman ito, at, laging kaisa ni Jesus,
magtagumpay tayo. Maaaring walang
bahagharing lilitaw sa kalangitan, subalit, sa ating puso, meron pong tiyak na
laging nagniningning sapagkat sa puso natin nananahan si Kristo – ang Bahaghari
ng Diyos.
Sa ikalawang pagbasa, itinatanghal po ni Simon Pedro ang nag-iisang Bahagharing
hindi kayang ikukubli ng kahit na pinakamabagsik na unos: si Kristo Jesus. Sa pamamagitan ng tubig ng Binyag, na paunang
inilalarawan ng baha noong panahon ni Noah, napasa-ating puso ang “Bahagharing”
ito. Magningning nawa Siya. Hayaan po natin Siyang magningning sa
pamamagitan natin. Pagningningin po
natin Siya upang magbigay-patutoo sa katapan ng Diyos sa atin at ng katapatan
natin sa Diyos.
Nang may mapagkumbaba at nagtitikang puso, pumasok po tayo nang lubusan
sa diwa ng banal na panahon ng Kuwaresma: manalangin nang mabuti, magsakripisyo
nang mabuti, magmalasakit nang mabuti.
At, tiyak, palilitawin ng Kuwaresma ang Bahaghari ng Diyos sa ating
puso.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home