18 February 2015

ABO LANG BA ANG PINUNTA MO?

Miyerkules ng Abo
Mt 6:1-6, 16-18 (Jl 2:12-18 / Slm 51 / 2 Cor 5:20-6:2)

Abo?  Abo po ba ka n’yo?  Gusto po ninyo ng abo?  Mayamaya po, bibigyan ko kayong lahat ng abo.  Marami po kami n’yan.  Meron para sa lahat; walang mauubusan.

Abo?  Banal na abo po ba ka n’yo?  Abong binasbasan ang gusto ninyo?  Patapusin n’yo lang po akong mangaral at babasbasan ko ang mga abo bago ko ibigay sa inyo.

Abo?  Abong nagpapabanal po ba ka n’yo?  Abong nambabasbas ang hanap n’yo?  Ah, pasensya na po wala po kami n’yan.  Wala po dito n’yan.  Banal po ang mga abong ibibigay ko sa inyo pero hindi po iyon ang magpapabanal sa inyo.  Babasbasan ko po ang mga abo bago ko kayo bigyan pero hindi po kayo babasbasan ng mga abong iyon.

Ang mga abo pong ito ay hindi anting-anting.  Hindi po kayo nito ilalayo sa mga maligno ni sa demonyo.  Hindi po kayo ililigtas ng mga abong ito sa anumang karamdaman, panganib, at maging sa impiyerno.

Hindi po gamot ang mga abong ito.  Huwag po ninyo itong iinumin o kakainin.  Wala pong medicinal value ang mga abong ito.  Baka pa nga po magkasakit kayo kapag kinain o ininom ninyo ang mga abong ito.

Wala po sa mga abong ito ang kapatawaran ng mga kasalanan ninyo.  Hindi po sakramento ang pagtanggap ng mga abo ngayong araw na ito.  Kahit hindi po kayo magpalagay ng abo ngayong araw na ito, hindi po kayo nagkakasala.  Kahit nga po hindi kayo makapagsimba ngayong araw na ito, wala kayong nalabag.

Abo?  Abo po ba ka n’yo?  Banal na abo po ba ang gusto ninyo?  Abong binasbasan?

Pero mga abo lang po ba ang nasa isip n’yo ngayon?  Kaya po ba kayo naparito ay upang ma-abuhan?  Kung walang bigayan ng abo ngayong araw na ito, magsisimba pa rin po ba kayo?  Bakit po kapag Linggo hindi mapunu-puno ang simbahan natin pero ngayong simpleng araw ng Miyerkules, may lagayan lang ng abo, nagsisiksikan tayo?  Yung iba, nag-uunahan pa.  At meron ding pagkatanggap sa abo, aalis na nang hindi tinatapos ang Banal na Misa: tumanggap ng abo pero hindi tumanggap ng Banal na Komunyon, excited sa abo pero bale-wala si Jesus.

Ang pagtanggap po natin ng mga abo ngayong araw na ito ay simbolo lamang.  Tanda po ito ng ating pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos.

Sa Lumang Tipan, kapag ang isang tao ay sukdulang nagtitika sa masama niyang ginawa, siya ay nag-aayuno, nananangis, at nagluluksa.  Ganito nga po ang pahayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Joel sa unang pagbasa ngayong araw na ito.  Tinatawag ng Diyos ang Kanyang Bayan na magbalik-loob na sa Kanya nang buong puso, at ang pag-aayuno, pananangis, at pagluluksa raw ang pahiwatig ng disin sana’y hindi nakikitang pagsisisi ng pusong nagkasala.

Ang ilan din po sa Lumang Tipan, kapag humihingi ng tawad sa Diyos, naglalagay ng abo sa ulo, gaya halimbawa ni Haring David.  Nakiapid si Haring David kay Bathseba.  Sa kabila ng marami na niyang mga asawa, kinuha pa niya ang nag-iisang maybahay ni Urias, isang kawal na napakatapat sa kanya.  Nang magkabunga ang pakiki-apid ni Haring David kay Bathseba, siya po mismo ang umisip, gumawa, at nag-utos ng paraan para si Urias ay walang-kalaban-labang mapatay ng kanilang mga kaaway.  Sa pamamagitan po ni Propeta Nathan, ipinaunawa ng Diyos na napakasama talaga ng kanyang ginawa.  Nang matauhan si Haring David sa kanyang napakalaking pagkakamali, taus-puso po siyang nagsisi, at, tulad ng panawagan ng Panginoon sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Joel, siya ay nag-ayuno, nanangis, at nagluksa.  Nagsuot ng damit-basahan, naglagay si Haring David ng abo sa kanyang ulo, at binigkas ang panalangin ng pagsisisi na siyang salmo po natin ngayong araw na ito.  Ang ikalimampu’t isang Salmo, ang paghingi ng tawad sa Diyos ni Haring David:
Akó’y kaawaan, O mahál kong D’yós,
Sang-ayon sa iyóng kagandahang loób;
Mga kasalanan ko’y iyóng pawiin,
Ayon din sa iyóng pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhán
At ipatawad mo yaring kasalanan!

Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
Laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyó lang akó nagkasalang tunáy,
At ang nagawâ ko’y di mo nagustuhán,
Kayâ may mat’wid ka na ako’y hatulan.

Marapat na akó’y iyóng parusahan,
Akó’y masamâ na buhat nang iluwál,
Makasalanan na nang akó’y isilang.
Nais mo sa aki’y isang pusong tapát, 
Puspusin mo akó ng dunong mong wagás. 

Akó ay linisin, sala ko’y hugasan

At akó’y puputi nang waláng kapantáy.
Sa galák at tuwâ akó ay puspusin,
At mulíng babalik ang galák sa akin.
Ang kasalanan ko’y iyó nang limutin,
Lahát kong nagawang masamá’y pawiin.

Isáng pusong tapát sa aki’y likhain,

Bigyán mo, O D’yós, ng bagong damdamin.
Sa iyóng harapán h’wag akóng alisín,
Ang Espiritu mo ang papaghariin.
Ang galák na dulot ng ‘yong pagliligtás.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
Sa iyó lumapit ang makasalanan. 

Ang abo ay tanda ng pagsisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos.  Samakatuwid po, ang kapatawaran ng Diyos at ang pakikipagkasundo sa Kanya ang nagpapabanal, hindi ang abo.  Opo, kahit pa ang mga abo mismo ay binasbasan.

Nagsisisi po ba tayo sa ating mga kasalanan?  Kailangan po nating aminin ito sa Diyos at sa Kanyang Bayan.  Ang Santa Iglesiya na binubuo ng lahat ng mga binyagan ang siyang Bayan ng Diyos.  Mangumpisal po tayo nang diretso sa Diyos hanggang gusto natin – at dapat lamang na humingi nga tayo ng tawad sa Diyos – pero hindi pa rin po kumpleto kung hindi tayo nangungumpisal sa Bayan Niya.  Ang mga pari ang kinatawan ng Bayan ng Diyos na pinagkatiwalaan ng Panginoong Jesus ng kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan hindi lamang sa ngalan ng Diyos kundi sa ngalan din ng Kanyang Bayan.

Magbalik-loob po tayo sa Diyos at sa Kanyang Bayan.  Ang pagsisisi sa mga kasalanan ay huwad kung mananatili naman tayong malayo sa Diyos, humihiwalay sa Kanyang Bayan, nagsasarili, nagkukulong, nakasentro pa rin sa sarili, makasarili.  Kaya nga po “pagbabalik-loob” kasi, una, may nilayuan tayo, may iniwan tayo, may nilayasan tayo, may tinakbuhan tayo, may pinabayaan tayo – ang Diyos at ang isa’t isa, at, ikalawa, sa kaloob-looban po nagsisimula ang pagbabalik na ito – pagninilay, pananalangin, pagpapasiyang magbagong-buhay na tungo sa pagiging higit na kawangis ng Diyos at mabuting kasapi ng Santa Iglesiya, ang katawang mistiko ni Kristo.

Gusto n’yo po ng abo?  Gusto n’yo ng banal na abo?  Gusto n’yo po ng abong binasbasan?  Eh, ang Diyos po, ano ba ang gusto N’ya mula sa inyo at para sa inyo?

Gusto ng Diyos ang puso ninyo.  Hinihiling po Niyang mapasa-Kanya ang puso ninyo.  Nais Niyang hilumin, patawarin, at buuing muli ang puso ninyo upang doon ay makapanahan at maghari Siya.  Gusto ng Diyos na makipagkasundo na kayo sa Kanya.  Gustung-gusto rin Niyang magkasundo-sundo na po kayo.  Nais Niyang magpatawaran kayo kung paanong gustung-gusto Niya kayong patawarin at sabik na sabik na Siyang kayo ay yakapin.  Gusto ng Diyos na matupad sa inyo ang pahayag ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa ngayong araw na ito: maging mga sugo sa pangalan ni Kristo, mga sugo ng pakikipagkasundo sa Diyos.

Wala pong saysay ang pagtanggap ninyo ng mga abo sa Banal na Misang ito kung magbibingi-bingihan at magbubulag-bulagan pa rin kayo sa gusto ng Diyos mula sa inyo at para sa inyo.  Ano po ang sinasagisag ng abong tinanggap natin kung wala naman tayong pagsisisi at pagbabalik-loob?  Sa tulong po ng mataimtim na pananalangin, nakapagbibigay-buhay na pagsasakripisyo, at mapagkumbabang pagkakawanggawa, patunayan po natin na ang mga abong tatanggapin natin ngayon, bilang hudyat ng simula ng banal na panahon ng Kuwaresma, ay tunay na tanda ng ating pagtitika at pakikipagkasundo sa Diyos at kapwa.

Hindi ko po ilalagay sa noo ninyo ang abong gustung-gusto ninyo.  Sa halip, ibubudbod ko po ito sa inyong bumbunan.  Palibhasa, sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, pinaaalalahanan na po tayo ni Jesus na panatilihing lihim at lingid sa kamalayan ng ating kapwa ang mga gawain natin ng kabanalan at kabutihan.  Hindi na po kailangan pang makita ng mundo na may abo tayo sa noo.  Sapat nang makita ito ng Diyos.

Kung may magreklamo, malamang po abo lang ang pinunta niya rito.  

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home