28 February 2015

HINDI IPINAGKAIT

Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Mk 9:2-10 (Gen 22:1-2, 9-13, 15-18 / Slm 115 / Rom 8:31-34)


Nang nagsisimula pa lang ang kasaysayan ng kaligtasan, merong pong sinapupunang walang-laman.  Bukod sa napakatanda na, baog po si Sarah na asawa ni Abraham.  Ngunit sa kabila po ng lahat, nanalig sila sa pangako ng Diyos na pagmumulan sila ng mga anak na sindami ng mga buhangin sa dalampasigan at mga butuin sa kalangitan.  Sapagkat laging tapat ang Diyos sa Kanyang salita, tinupad Niya ang Kanyang pangako sa mag-asawa: isinilang si Isaak.

“Halakhak” po ang literal na kahulugan ng “Isaak”.  Sabi po kasi ni Sarah sa Gen 21:6, “Pinahalakhak ako ng Diyos, at lahat ng makarinig nito ay makikihalakhak sa akin.”  Sino ba naman po kasi ang hindi mapahahalakhak sa balitang nagbuntis ang lolang mong baog?  Magkahalo pong tuwa at tawa ang mararamdaman mo, hindi ba?  Hindi lang po basta tawa, mapahahalakhak ka talaga!  Matunog na tawa.  Mataginting na tuwa.  Namimilipit ka na sa katatawa.  Naiiyak ka na sa tuwa.  Halakhak – iyan po ang Isaak.

Subalit bigla pong napalitan ng pighati ang halakhak ni Abraham.  At wala pong kaalam-alam si Sarah, sapagkat si Abraham lang ang kinausap ng Diyos.  Mas lalo na po si Isaak mismo, wala siyang kamuwang-muwang.  Sabi pa sa Gen 22:6, siya pa raw po ang nagpasan ng mga kahoy na panggatong.  Sino po ang gagatungan?  Siya: si Isaak.

Tila binabawi ng Diyos ang anak na ibinigay Niya sa mag-asawang buong-pusong nagtiwala sa Kanya.  Hindi po natin maubos-isipin kung bakit iyon gagawin ng Diyos: iniatas Niya kay Abraham na katayin niya mismo ang anak niyang si Isaak at gawing susunuging handog.  Paano po kaya iyon nakaya ni Abraham?  Nakakabaliw.  At parang baliw nga pong tumalima si Abraham.  Ito ang unang pagbasa nating ngayong Ikalawang Linggo ng Kuwaresma.

Noon pong nakaraang Linggo, sumama tayo kay Jesus sa ilang.  Ngayong ikalawa naman po, dinadala tayo ng Salita ng Diyos sa tuktok ng bundok.  Sa nakadadarang na kalangitan ng disyerto, noong nakaraang Linggo, ipininta ng Diyos ang pinakamaganda Niyang Bahaghari: si Jesus, ang Kanyang bugtong na Anak, tanda ng katapatan Niya sa atin.  Ngayon naman po, sa tuktok ng bundok, may hinihingi Siya sa atin: sakripisyo.  At ang ipinasasakripisyo Niya sa atin ay hindi iba kundi ang sarili natin mismo.  Sasama pa ba po ba kayo?  Noong nakaraang Linggo, sumama tayong lahat sa ilang.  Sa tuktok ng bundok ng pagsasakripisyo ng sarili, sasama pa rin po ba tayo?

Sa Bundok ng Moriah, inakay ni Abraham ang anak na isasakripisyo niya sa Diyos, mistulang maamong tupang inaakay sa katayan.  “Ama?” tanong ng anak sa kanya.  “Ano iyon, anak?” sagot ni Abraham sa bata.  “May dala po tayong apoy at kahoy,” sabi ng anak, “pero nasaan po ang tupang kakatayin para gawing susunuging handog?”  Ano po ang sagot ni Abraham?  Sa Gen 22:8, mababasa ang napakasakit na tugon ng ama: “Anak,” wika ni Abraham, “ang Diyos mismo ang magbibigay ng tupang kakatayin natin upang ihaing susunuging handog sa Kanya.”  Kung tutuusin, tutoo naman pong ang Diyos mismo ang nagbigay sa kanila ng kanilang ihahandog sa Kanya, hindi ba?  Kaloob ng Diyos kay Abraham at Sarah ang anak nilang si Isaak.  Ngunit ang ninanais na kaloob ng Diyos mula kay Abraham ay si Isaak din.

Bakit po ganun ang Diyos?  Minsan magbibigay, tapos babawiin din pala.  Minsan paghihintayin ka pa nang matagal, pero kapag nasa iyo na ang mabilis namang kukunin ulit.  Minsan hirap na hirap kang makamit sa panalangin, ‘yun pala, kapag nasagot na, ang dali-dali rin pong namang mawala.

Lahat po tayo ay may bundok ng Moriah, hindi ba?  Dito sinusubok ang paniniwala, pagtitiwala, at patalima natin sa Diyos ng ating pananampalataya.  Dito sinusukat kung hanggang saan tayo sasama sa Kanya, kung hanggang ano at sino ang handa tayong ipagkaloob sa Kanya, kung hanggang kailan natin Siya susundin at susundan.  Sa tanang buhay natin, makailang beses na rin po tayong umakyat ng bundok na ito.  Minsan, tayo po ang maghahandog ng mahal sa atin.  Minsan, pasan-pasan ang mga kahoy na panggatong, tayo pala ang ihahandog.

Subalit alam po nating hindi natuloy ang pagkatay at pagsunog kay Isaak.  Sabi nga po sa unang pagbasa natin ngayon, pinigil ng Diyos si Abraham sa pamamagitan ng isang anghel sapagkat nakita ng Diyos na walang siyang ipagkakait sa Kanya, maging ang kaisa-isa nitong Anak.  Kaya, sa halip, sa Gen 22:13, isang lalaking tupa ang inihain ni Abraham sa Diyos bilang susunuging handog, kapalit ni Isaak.

At ang Bundok ng Moriah ay nagmistulang Bundok ng Tabor.  Sa Bundok ng Tabor isinama ni Jesus sina Simon Pedro, Santiago, at Juan.  Sa tuktok ng Bundok ng Tabor, ayon sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, samantalang nananalangin, nagbagong-anyo si Jesus at nakita ng tatlong alagad ang tunay Niyang kaluwalhatian bilang Bugtong na Anak ng Diyos.  Anupa’t ayaw na ngang bumaba ni Simon Pedro: “Guro,” sabi niya, “mabuti pa’y dumito na tayo.”

Ang Bundok ng Moriah sa ating buhay, na kung maaari lang ay huwag nang akyatin, na kung maaari sana ay iwasan o lampasan na lang, na kung maaari lang ay balewalain, ay maaari ring maging Bundok ng Tabor para sa atin.  Sa kahandaan nating bumitiw at magtaya para sa Diyos, pinagniningning po tayo ng ating pananalig sa Kanya at itinutulad kay Abraham, ang ama natin sa pananampalataya.  Sa katapatan ng ating pag-aalay ang sariling buhay para sa iba, pinagbabagong-anyo po tayo ng ating pag-ibig at higit na itinutulad kay Jesus, ang Anak na minamahal ng Diyos.

Hindi ipinagkait ni Abraham sa Diyos si Isaak na kanyang kaisa-isang anak.  Hindi rin naman po ipinagkait ng Diyos sa atin ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesus.  Tayo po, anong ipagkakait natin sa Diyos?  Ano po ba talaga ang ipinagkakait natin sa Kanya?

Mula sa Bundok ng Moriah, patungong Bundok ng Tabor, hahantong po ang paglalakbay na ito patungong Bundok ng Kalbaryo.  Sasama pa ba kayo?








0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home