31 December 2014

PINONDOHAN

Solemnidad ni Maria, Ina ng Diyos
Lk 2:16-21 (Blg 6:22-27 / Slm 66 / Gal 4:4-7)

Sa bungad po ng Lumang Tipan may kuwento tungkol sa isang sinapupunang walang laman.  Baog po si Sarah, ang asawa ni Abraham.  At hindi lamang po basta sarado ang sinapupunan ni Sarah: natutuyot na ito sapagkat siya raw ay napakatanda na!  Kaya nga po hindi kataka-takang walang laman ang sinapupunan niya.  Talagang dapat lang po na wala itong laman.

Subalit nagkalaman ito!  Bagamat noong una niyang marinig ang balita ng mga makalangit na panauhin ni Abraham na siya ay magbubuntis at manganganak, natawa si Sarah, patuloy pa rin po silang mag-asawang nanalig sa katapatan ng Diyos sa Kanyang pangako: sila ang pagmumulan ng mga anak na sindami ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa dalampasigan.  Kahit po siguro tayo, sa kalagayan ni Sarah at edad nilang mag-asawa, matatawa rin, hindi ba?  Pero, alam ko po, matutuwa rin tayo.  At talaga naman pong katuwa-tuwa sapagkat tutoong nagdalantao si Sarah at isinilang niya si Isaak.  Sila po ang mga ninuno natin sa pananampalataya.

Happy New Year po sa inyong lahat!  Sa simula po ng bagong taong ito, may laman ba kayo o basyung-basyo?  Hindi po sinapupunan ang tinutukoy ko.  At hindi rin po bulsa ninyo ang tinatanong ko.  Ang puso n’yo po – may laman ba o basyung-basyo?  Kumusta po ang puso ninyo?  Sa simula ng bagong taon, ano ang laman ng puso n’yo?

Pansin n’yo po ba na ang katagang “bago” ay eksaktong pareho ang mga titik ng katagang “baog”?  Ang kaibahan nga lang po, magkabaliktad ang dalawang huling titik.  Sa “bago” nauuna ang “g” kaysa sa “o”, kaya “bago”.  Pero sa “baog” po, nauuna ang “o” kaysa sa “g”, kaya “baog”.  Let “G” stand for “God”.  Ganyan po talaga, kapag hinuhuli natin si God, “nababaog” tayo: walang-wala tayo, basyung-basyo, hungkag.  Kaya dapat po lagi natin inuuna si God.  Sa halip na maging “baog”, maging taong bago na po tayo.

Si God po ang nagpupuno sa atin.  Kapag wala siya, “baog na baog” tayo.  Sa unang pagbasa tuwing simula ng taon, agad po tayong pinupuno ni God ng blessings Niya.  Ganito raw po ang pagbabasbas ni God: “Pagpalain ka nawa at ingatan ng Panginoon; nawa’y kahabagan ka Niya at subaybayan; lingapin ka nawa Niya at bigyan ng kapayapaan.”  Pinupuno po tayo ni God ng pagpapala, pag-iingat, habag, pagsubaybay, paglingap, at kapayapaan.  Wow, unang araw pa lang, ang dami na agad ng blessings ni God!

Pero pinadadaan po ni God ang blessings na ito sa pamamagitan ng kapwa-tao rin natin.  Bagamat si Aaron at kanyang mga anak, na siyang inatasan ng Diyos na magbasbas sa mga Israelita noon sa Lumang Tipan, ay ninuno ng lahi ng mga saserdote, mga tao rin po silang tulad ng kanilang mga dapat bendisyunan.  Maliwanag po ang kalooban ni God: tao rin ang maging daan ng Kanyang pagbabasbas sa tao.  Tao rin po ang ginagamit ng Diyos para punuin ang kawalan ng tao.  Tayo po ang dapat magpuno sa “kabaugan” ng isa’t isa.  Tayo po mismo ang blessings ni God!  Kaya, huwag n’yo lang pong sabihin sa katabi n’yo, “Happy New Year!  God bless you!”  Ang sabihin n’yo po, “Happy New Year!  Ako ang padala ni God sa buhay mo.  I bless you!  I love you!”

Minsan, maaari pong mistulang basyo ang simula ng isang tao: walang kalaman-laman, hungkag na hungkag, baog.  Pero sa pamamagitan natin, puwedeng baguhin ng Diyos ang kalagayan ng taong iyon: pinupuno, pinag-uumapaw, pinababaha Niya ng blessings.  Kaya dapat po sana, isa sa New Year’s resolutions natin ay ito: “I will be God’s blessing to all.”

Kung sa bungad po ng Lumang Tipan ay may sinapupunang walang laman, sa bungad naman po ng Bagong Tipan ay may sinapupunang may laman.  Dapat din po sana ay walang laman ang sinapupunang ito sapagkat ang nagmamay-ari ay birhen.  Subalit nagkalaman din!  Hindi kagagawan ng sinumang lalaki kundi sinanhi pong Diyos ito.  Kumatok ang Diyos sa sinapupunan ni Maria.  Pinagbuksan ni Maria ang Diyos.  Siya ay napuno ng Diyos.  Nag-umapaw ang Diyos kay Maria.  Isinilang niya ang Anak ng Diyos.

Sapagkat ang isinilang ni Maria ay hindi lamang tutoong tao kundi Diyos ding tutoo, si Maria ay tinatawag po nating “Ina ng Diyos”.  Hindi po ito tungkol ay Maria kundi unang-una nang tungkol sa kanyang isinilang na si Jesus.  Sinasampalatayanan po nating si Jesus ay may dalawang kalikasan: siyento por siyentong Diyos at siyento por siyentong tao.  At hindi po mapaghihiwalay ang dalawang kalikasang ito ni Jesus kaya nang isinilang Siya ni Maria, si Maria ay nagsilang sa Diyos. Ito po ang hiwaga ni Jesukristo at katangi-tanging pribilehiyo ni Maria.

Si Maria ay Ina ng Diyos hindi dahil tinanggap ni Jesus ang pagka-Diyos sa kanya kundi tinanggap ni Maria kay Jesus ang pagiging Ina ng Diyos.  Parang ganito po: Ako po ay pari at ang nanay ko po ay tinatawag na nanay ng pari simula nang ako ay maging pari.  Hindi po ako pari dahil sa nanay ko; bagkus, ang nanay ko ay nanay ng pari dahil pari ako.  At kung gayon na lamang po ang paggalang at pagmamahal na ibinibigay sa nanay ko dahil nanay nga siya ng pari, mas lalo pang dapat nating igalang at mahalin si Maria sapagkat siya ang nanay ni Jesus na Anak ng Diyos, siya ay Ina ng Diyos.

Sa ikalawang pagbasa po natin ngayon – at ito ang ikalawang pagbasa tuwing unang araw ng taon – sinabi ni San Pablo Apostol: “Noong dumating ang takdang panahon, sinugo ng Diyos ang Kanyang Anak.  Isinilang Siya ng babae.”  Ang kataga pong iyan – “babae” – ay hitik na hitik sa kahulugan at kahalagahan.  Kaya nga po hindi dapat pinapalitan ng “ginang” ang “babae” sa ikatlong huling wika ni Jesus – “Woman, behold your son.  Son behold your mother” (Jn 19:26) – sapagkat ang babae pong iyan, na si Maria, ang katuparan ng sinabi ng Diyos sa ahas na tumukso sa mga unang taong nilikha Niya: “Papag-alitin Ko kayong dalawa ng babae, ang iyong lahi at ang kanya.  Ang iyong ulo ay kanyang dudurugin, at ang kanyang sakong naman ay iyong aabangan” (Gen 3:15).

Kaya naman po, isang linggo matapos nating ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus, ipinagdiriwang naman natin ngayon ang pagka-ina ng Kanyang inang si Maria.  Si Maria po ay isa pang napakalaking blessing ni God sa atin sapagkat siya ang naging daan ni Jesus upang Siya ay maging taong tulad natin sa lahat ng bagay maliban sa paggawa ng kasalanan.  At sa pakikibahagi ni Jesus sa ating pagkatao nakabahagi po tayo sa Kanyang pagka-Diyos.  Kaya nga po nasabi ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa ngayon na pinagkalooban din tayo ng Espiritu ni Jesus, ang Anak ng Diyos, at maaari nating tawagin ang Diyos na “Abba!” (“Tatay”).  At sapagkat mga anak na rin po tayo ng Diyos, hindi na raw tayo alipin kundi mga katagapagmana ni Jesus.  Iyan nga daw po ang kalooban ng Diyos, sabi pa ng Apostol.  Mabuti na lang po’t sumang-ayon si Maria na maging Ina ng Diyos.

Nang nakabayubay na si Jesus sa krus, agaw-buhay, ipinagkaloob din po Niya sa atin si Maria upang maging ina rin natin.  Kaya nga po si Maria ay parehong “Mother of the Redeemer” at “Mother of the Redeemed”.  Minamahal niya tayo, ipinagdarasal, ginagabayan, inaalalayan, tinutulungan, binibigyang-halimbawa ng pagiging mabuting lingkod ng Diyos at alagad ni Jesus.

Wow, ang dami-dami po talagang blessings ni God sa atin sa simula pa lang ng bagong taon!  Bukod sa pinakamalaking blessing Niya – si Jesus – ang dami pa pong bonus!  Sino po ang magsasabing nagsisimula tayo nang basyo?  Hindi po.  Nag-uumapaw na po tayo, wala pa tayong ginagawa.  Pinondohan na po tayo ng Diyos.  Katulad ng Mahal na Inang Maria, itanim po natin sa ating isipan ang katotohanang ito at pagnilay-nilayan natin.  At gaya rin naman ng mga pastol, humayo tayong nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng Kanyang kadakilaan sa lahat ng tao.

Sa simula ng Luma at Bagong Tipan ay may mga sinapupunang nilagyan ng Diyos ng laman.  Sa simula rin naman po ng bagong taon, pinupos tayo ng Diyos ng Kanyang mga pagpapala.  Sana huwag po nating sasayangin ang mga ibinigay Niya sa atin.  Kumbaga, nangapital po ang Diyos sa atin.  Sana naman, patubuin natin Siya.  Sana, huwag po nating hayaang malugi ang Diyos sa atin.








28 December 2014

NANDOON PO BA SIYA SA INYO?

Kapistahan ng Banal na Mag-anak
Lk 2:22-40 (Sir 3:2-6, 12-14 / Slm 127 / Col 3:12-21)

Walang sinuman po sa atin ang isinilang nang walang pamilya.  Maaaring talikdan po tayo ng sarili nating pamilya, pero lagi po tayong isinisilang sa isang pamilya.  Ang tao ay para sa pamilya at ang pamilya ay para sa tao.  Sa pamilya po tayo nagiging tao.  Sa pamilya rin po tayo dapat matutong magpakatao.

Sapagkat si Jesus ay isinilang, napabilang po Siya sa isang partikular na pamilya na ang mga magulang ay si Jose at Maria.  Sa pamilya po Siya naging tao, sa pamilya rin po Siya natutong magpakatao.  Si Jesus ay para sa pamilya at ang pamilya ay para kay Jesus.

Ang pamilya n’yo po para kanino?  Para kay Jesus po ba talaga?  Baka para kung kanino na po.  Baka kaya walang pagkakasundo, pagmamalasakitan, pagbibigayan, kasi wala na si Jesus sa pamilya ninyo.  Baka lang naman po.

Bakit po banal ang mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose?  Hindi po dahil saserdote sa Templo si Jose.  Hindi po dahil si Maria ay ipinaglihing walang bahid-dungis.  Hindi po dahil kay Jose at Maria.  Kaya po banal ang mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose ay sapagkat naroroon si Jesus.  Kung wala po si Jesus sa pamilya ni Maria at Jose, maaari silang maging kahit na anong klaseng mag-anak pero hindi banal.

Banal po ba ang pamilya ninyo?  Baka masaya lang, pero hindi banal.  Baka mahilig lang kumain, mamasyal, magkatuwaan, pero hindi nagdarasal, nagsisimba, sumasamba sa Diyos nang sama-sama.  Baka po kaya kanya-kanya na ang mga kasapi dahil maging sa pagsamba sa Diyos kanya-kanya na rin.  Maaaring bantog ang inyong pamilya, pero kung wala po si Jesus sa inyo, bantog lang po kayo at hindi banal.  Baka nga po kung sa kung ano kayo kilalang-kilala – baka sa hindi kaaya-ayang bagay.  Puwede rin pong nakaluluwag sa buhay o kahit pa nakaririwasa talaga ang pamilya ninyo, pero kung wala sa inyo si Jesus, dukha pa sa daga ang inyong mag-anak.

Banal po ba ang pamilya ninyo?  Nagsisikap po ba kayong maging isang banal na mag-anak?  Gusto po ba ninyong maging pamilyang banal?  Hanapin ninyo si Jesus sa inyong pagsasama.  Ibalik n’yo si Jesus sa inyong pamumuhay.  Panatilihin po ninyo si Jesus sa inyong mag-anak.

Paano po?

Narinig po ba natin ang una’t ikalawang pagbasa ngayon?  Sabi sa Aklat ni Sirac, ang ating unang pagbasa, magbigay-galang, magbigay-dangal, magbigay-kalingain, at magbigay-paumanhin tayo sa isa’t isa.  Magbigayan tayo.

Nakakalungkot po na minsan sa loob pa ng pamilya natin natututunan ang hindi pagbibigayan.  Nandyan po ang pag-aagawan sa mga materyal na bagay, tulad ng mana, at pati na rin sa atensyon ng mga magulang.  Minsan pati mga anak, pinag-aagawan din ng mag-asawang naghihiwalay.  May mga anak ding mas mapagbigay pa sa mga kaibigan kaysa sa sariling kapatid.  Meron pa nga pong mga anak na ang galang-galang sa mga magulang ng kanilang mga kaibigan, pero lapastangan naman sa sariling ama at ina.  At kung may pagbibigayan man sa pamilya, minsan ang ibinibigay ay sama ng loob, hinanakit, pagmumura, pagsisinungaling, pagtatakwil sa sariling ka-dugo.  Hindi lang po nakakalungkot, nakakahiya talaga, kung mag-away parang hindi magkakapatid, parang hindi mag-ina, parang hindi mag-ama, parang hindi mag-asawa.

Sabi ni San Pablo Apostol sa kanyang sulat sa mga taga-Colosas, ang ikalawang pagbasa po natin, ang dapat daw nating ibigay sa isa’t isa ay habag, ganda ng kalooban, kapakumbabaan, kabaitan, paumanhin, kapatawaran, pag-ibig, pasasalamat, pagpapaalala, pagtuturo, at pamumuhay nang ayon sa kung ano tayo sa pamilyang kinabibilangan natin.  Mga misis, pasakop daw po kayo sa inyong mister – at iyan daw po ang kalooban ng Diyos.  Ang “nang-u-under” ng mister, malinaw po, nagkakasala sa Diyos.  Mga mister, mahalin daw po ninyo ang inyong misis: huwag ninyo silang sasaktan.  Tao po ang misis mo, kuya, hindi siya punching bag.  Mga anak, ang paglapastangan sa magulang ay napakabigat na kasalanan.  At mga ama, easy lang po kapag mainit ang ulo ninyo: huwag ibuhos ang galit sa mga anak n’yo at, ika ni San Pablo, baka sila panghinaan ng loob.

Kung pagsisikapan po nating tupdin ang bilin ni Sirac sa unang pagbasa ngayon at ni Apostol San Pablo sa ikalawa, si Jesus ay maaari ring lumaki sa ating kani-kaniyang pamilya.  Maaari rin Siyang magmula sa atin!  Maari po Niya tayong gamitin upang Siya ay makatagpo at maranasan ng marami pang mga tulad ni Simeon at Ana sa Ebanghelyo na naghihintay, naghahanap, at nananabik Siyang makita at makilala.

Nang isinilang si Jesus, hindi lamang po Siya napabilang sa isang pamilya; bagkus, ang lahat po ng pamilya ay napabilang sa Kanya.  Sa Kanyang pagiging tao, iniangat ni Jesus ang ating pagkatao.  Sa Kanyang pagiging bahagi ng isang pamilya, pinagpala po Niya ang lahat ng mga pamilya.  Ang Diyos ay wala na lang sa langit; nasa mga pamilya na rin po siya.  Nadoon po ba Siya sa inyo?








24 December 2014

TAGARITO SIYA!

Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesukristo
Lk 2:1-14 (Is 9:1-6 / Slm 95 / Tito 2:11-14)


Bakit po kaya kapag kinikilala natin ang isang tao, hindi nawawala ang tanong nating “Tagasaan ka?”  Mahilig din po tayong iugnay ang katangian ng tao sa lugar na pinagmulan niya.  Halimbawa, basta Kapampangan, masarap maluto.  Kung taga-Bulacan, makata.  Kapag galing naman po sa Cebu, mahilig at mahusay kumanta.  Eh ang taga Tondo po, ano?  Iyon po kayang tagarito sa atin, ano?  Tagasaan po ba kayo?

Mahalaga po talaga para sa atin ang lugar na pinagmulan natin.  Isa po sa mga unang ginagawa sa sanggol na isinilang ay inire-register siya: ipinatatala kung kailan at saan siya naging tao.

Ganitung-ganito rin po sa Diyos.  Sa araw na ito, ini-register ng Diyos ang Kanyang sarili sa isang lugar at isang panahon.  Ang Kanyang bayan: Bethlehem.  Ang Kanyang panahon: paghahari ni Emperador Augusto, nang ang gobernador ng Siria ay si Cirenio.  Tutuong lugar po ang Bethlehem.  Mga tutuong tao rin po sina Augusto at Cirenio.  Maging ang mga hindi Kristiyanong manunulat ng kasaysayan, nagpapatunay na ang lugar at mga taong ito ay hindi mga kathang-isip lamang.

Naglakbay si Jose at kanyang kabiyak-pusong si Maria, na noo’y kabuwanan na, patungong Bethlehem upang doon ay magpatala ayon sa utos ng dayuhang mananakop.  Iyon po pala, ang Mananakop ng mundo ang maitatala roon!  Subalit Siya ang itinuring na dayuhan ng sarili Niyang mga kababayan.

Tayo pong mga nagdiriwang ng Kanyang kaarawan ngayong Pasko, kumusta naman po kaya ang turing natin kay Jesus?  Baka nakalilimutan po natin, Siya ang may birthday ngayon, hindi tayo.  Baka naman po party tayo nang party pero hindi natin inimbitahan ang tunay na Celebrant!  Baka rin po tanggap tayo nang tanggap ng regalo pero wala tayong regalo sa mismong birthday Celebrant.  Ano pong birthday gift ninyo para kay Jesus?

Ang Walang-hanggang Salita ng Diyos ay naging tao.  Ang maging tao ay laging mapasalugar at mapasapanahon.  Ang Salita ng Diyos ay napasalugar.  Kayo po, nasa lugar po ba kayo?  Baka wala.  Ang Salita ng Diyos ay napasapanahon.  Nasa anong panahon na po ba kayo sa buhay n’yo?

Ang Diyos ay naging tao, katulad po ninyo at katulad ko sa lahat ng bagay, maliban sa paggawa ng kasalanan.  Ang Pasko ay ang pagiging-tao ng Salita ng Diyos sa loob ng pangkaraniwang mga hangganan ng isang talambuhay.  Ang pamagat po ng talambuhay na ito ay “Jesus”.

Verbo caro factum est et habitavit in nobis.  Nasusulat sa Jn 1:14, “Ang salita ay nagkatawang-tao at nakipamuhay sa atin.”  Sa orihinal pong pagkakasulat ng Ebanghelyo sa wikang Griyego, ang ginamit po ng may-akda ng Ebanghelyo ayon kay San Juan para ipahiwatig ang pakikipamuhay ng Diyos sa atin ay literal na nangangahulang itinayo ng nagkatawang-taong Salita ng Diyos ang Kanyang tolda sa piling natin.  Natatandaan n’yo pa po ba ang isa sa mga pagbasa natin nitong nagdaang Simbanggabi?  Nais po ni Haring David na ipagpatayo ang Diyos ng magarang tahanan sapagkat nababagabag siyang nakatira siya sa palasyo samantalang nakalagak lamang ang Kaban ng Tipan sa tolda.  Ang toldang iyan ay itinayo mismo ng Diyos sa piling natin sapagkat ang Kanyang Tipan sa atin ay naging laman sa mismong katauhan ng isinilang na Sanggol ngayong Pasko.  Tolda pa rin ang tahanan ng Diyos pero may bagong address na po Siya.  Ano?  Dito lang po sa atin.  Kapitbahay na natin ang Diyos!  Hindi ba’t Siya ay Emmanuel?  Hindi lamang natin Siya Kapitbahay, Kapitbuhay din po natin ang Panginoon: kalapit-bahay, karugtong ng buhay natin.

Kung ang Diyos nga nangapitbahay sa atin, sana huwag po nating isasara ang pintuan ng ating bahay sa kapwa-tao natin, lalung-lalo na po yaong mga nangangailangan, nangungulila, nahihirapan, naliligaw, naghahanap ng kabutihan, at nag-aalinlangang baka, gaya ng naranasan nila Jesus, Maria, at Jose noong kauna-unahang Pasko, hindi natin sila pagbubuksan.  Kung ang Diyos nga kapitbuhay natin, sana tanggapin po natin ang likas na pagkaka-ugnay natin sa isa’t isa at tulung-tulong tayong mamuhay at magbigay-buhay.

Sa paghalik po ninyo kay Jesus sa Belen ngayong Pasko, pakiramdaman n’yo pong mabuti ang tibok ng inyong puso.  Doon po’y meron Siyang ibinubulong: “Masdan mo Ako,” sabi Niya, “tagarito na ako!”








BASBAS

Ikasiyam na Araw ng Misa de Gallo
Lk 1:67-79 (2 Sam 7:1-5, 8-12, 14, 16 at Slm 88)


Sumapit na po tayo sa huli nating pagmi-Misa de Gallo ngayong taong ito.  Congratulations po sa ating lahat!

Siyam na araw din po tayong nagsakripisyo at nanalangin, nagpuyat at nagsimba.  At ang bawat-isang araw po ng ating pagmi-Misa de Gallo ay sumasagisag sa bawat-isang buwan ng pagdadalantao ng Mahal na Ina sa Salita ng Diyos: sinamahan po natin siya.  Pinagsikapan po nating huwag magpaliban.  Pinagsikapan din po nating huwag matutulog.  Pinagsikapan nating maging tapat sa ating debosyon.  Kaya naman po, sa mga nakabuo ng Simbanggabi, congratulations po!

Sapagkat ang ipinagdalantao ng Mahal na Inang Maria at kanyang isinilang noong araw ng Pasko ay ang Nagkatawang-Taong Salita ng Diyos, kada araw po nitong ating Misa de Gallo sa taong ito ay meron tayong pinagnilayan na word for the day.

Noong unang araw ng Misa de Gallo, ang word for the day po natin ay “patutoo”.  Katulad ni Juan Bautista, tayo po ay dapat na maging mga patutoo ng katotohanan.  Kaya, simula pa lang po ng ating pagmi-Misa de Gallo, nangako na tayo sa Diyos: “Hindi na ako magsisinungaling!”

Noon namang ikalawa araw, “ama” po ang ating word for the day sapagkat narinig nating muli ang tala-angkan ni Jesus na bumabaybay sa mga ka-ama-amahan Niya.  Batbat ng mga kahinaan, karupukan, at kasalanan ang tala-angkan ng Panginoon subalit hindi ito naging hadlang sa ikatutupad ng panukala ng Diyos.  Sa halip, higit pa nga pong pinatitingkad ang tuwid na pagkilos ng Diyos sa gitna ng liku-likong daan ng Kanyang tala-angkan.

Pagsapit ng ikatlong Misa de Gallo, nanahimik po tayo sa loob ng mahabang minuto.  Bakit po?  Sapagkat ang word for the day po natin noon ay “katahimikan”.  Hiniram pa nga po natin ang pamagat ng isang game show sa telebisyon: “Shhh…. Quiet Please!  Bawal Ang Maingay!”  At sinabi po nating si San Jose ay huwaran sa atin ng banal na katahimikan.  Kaya po niya narinig ang Diyos ay sapagkat marunong siyang manahimik.  Kaya po natuloy ang pagkakatawang-tao ng Salita ng Diyos kasi nanahimik si San Jose para makapagsalita ang Diyos.  At ang pananahimik niya ay hindi hungkag kundi punung-puno ng pagmamahal; kaya naman po humantong ito sa pagtalima sa Diyos at pagkalinga kay Jesus at Maria.

Noong ika-apat naman pong Misa de Gallo, “kulang” ang ating word for the day.  May kulang sa buhay ni Manoah at Zekarias at kani-kanilang asawa – wala silang mga anak – subalit pinagkalooban sila ng Diyos sa paraang mahimala, lalung-lalo na po si Zekarias at Elizabeth.  Sa pag-alala natin sa mga kuwento nila, taus-puso po nating tinanggap ang anumang kulang sa atin at sinariwa din natin ang ating pananalig na ang Diyos ang pumupuno sa ating kakulangan.

“Dalaga” – iyan naman po ang ating word for the day noong ikalimang Misa de Gallo na siya rin namang tinaguriang Misa Aurea o “Ginintuang Misa”, sapagkat ang Ebanghelyo noong araw na iyon ay ang kuwento ng pagsisimula ng pagkakatawang-tao ng Salita ng Diyos sa sinapupunan ni Maria, ang dalagang inihula ni Propeta Isaias.  Hiniling po natin sa Diyos noon na makatulad tayo sa Mahal na Ina: laging handa para sa Diyos, mapagtalima sa kalooban ng Diyos, at mapagkumbaba sa tuwina.

Ang ika-anim po nating pagmi-Misa de Gallo ngayong taong ito a siya ring ika-apat na Linggo ng Adbiyento.  “Tahanan” po ang ating word for the day noon.  Nakita po nating natagpuan ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria ang tahanang lubhang higit pa sa Templong nais ipagpatayo ni Haring David para sa Kanya.  Subalit hindi ipinilit ng Diyos ang Kanyang sarili kay Maria.  Kumatok po siya: “Tao po!”  Naghahanap ang Diyos ng tao at nagpapakilala rin po Siya na nagkakatawang-tao.  Pinagbuksan po Siya ni Maria at pinatuloy kaya may Pasko.

Ang word for the day naman po natin noong ikapitong Misa de Gallo ay “alaala”.  Huwag po nating kalilimutan ang Diyos na laging umaalala at umaalalay sa atin.  Tularan po natin ang Mahal na Birheng Maria na hindi nakalilimot sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos sa kanya at kanyang lahi.  Kaya naman ang puso niya ay nagpupuri sa Panginoon at nagagalak ang kanyang espiritu sa Diyos na Tagapagligtas.

At kahapon po, ang ikawalong Misa de Gallo, ano ang ating word for the day?  Tipan.  May tipan tayo ng Diyos.  Seryosohin naman po natin ito.  Huwag nating pababayaan ang ating relasyon sa Kanya.  At kung paanong lagi Siyang tapat sa Kanyang tipan sa atin, pagsikapan din po nating manatiling tapat sa tipan natin sa Kanya.

Kung naaalala n’yo pa po ang mga word for the day ng Misa de Gallo natin ngayong taong ito, congratulations po sa inyo!  Kung pinagnilayan n’yo po talaga ang word for the day natin araw-araw, mas congratulations po sa inyo!  Kung may napulot po kayong mahahalagang aral sa buhay at talagang pagisiskapan n’yo pong isabuhay ang mga iyo, mas lalo pa pong congratulations sa inyo!

Kaya ngayon pong ika-siyam at panghuling Misa de Gallo natin ngayong taon, ano po ang word for the day natin?

“Basbas”.  Opo, “basbas” ang ating word for the day ngayon.  “Blessing” po sa Ingles at sa Hebreo naman ay “berakah”.

Sa unang pagbasa po natin ngayong umagang ito, nais basbasan ni Haring David ang Diyos ng tahanang nararapat sa Kanya.  Palibhasa, si Haring David na rin po ang nagsabi, “…nakatira ako sa tahanang sedro, ngunit ang Kaban ng Tipan ay sa tolda lamang.”  Gustong ipagpatayo ni Haring David ang Diyos ng Templo.  Pero ang gusto po pala ng Diyos ay Siya ang magbasbas kay Haring David: ipagtatayo Niya siya ng isang matatag na sambahayan.  Iba pala po ang plano ng Diyos sa plano ni Haring David.

Kayo po, kapag iba na ang gustong mangyari ng Diyos kaysa sa gusto ninyong mangyari, basbas pa rin po ba ang tingin ninyo roon?  Kapag hindi po natupad ang gusto n’yo, naiisip n’yo pa bang baka basbas nga iyon?  Kaya n’yo pa po bang magbasbas kahit hindi nasunod ang gusto mo?

Sa lahat po yata ng kinakailangang isuko natin sa Diyos, ang sariling kalooban talaga natin ang pinakamahirap bitiwan.  Ang hirap-hirap pong sumunod kapag taliwas sa kalooban mo, lalo na’t kung sa tingin mo ay wala namang masama sa binabalak mo, hindi ba?  Kahit po sa Diyos mahirap tumalima.  Pero may mga tao ring kay gagaling daw sumunod sa Diyos pero hindi naman sumusunod sa mga magulang nila, sa mga guro nila, sa mga pinagkatiwalaan sa kanila, sa kanilang kura paroko, sa obispo nila, at sa iba pang dapat sana’y sinusunod nila.  Sa palagay ko po, isang malaking basbas kapag natuto tayong sumunod talaga.

Si Haring David po ay sumunod sa Diyos kaya naman natupad sa kanya at kanyang lahi ang basbas ng Diyos.  Gaya po ng ipinasabi sa kanya ng Diyos sa unang pagbasa ngayon, lahat ng kanyang mga kaaway ay nilipol ng Diyos, ginawang dakila ang kanyang pangalan, pinagkalooban ng lupang tirahan ang Israel na kanyang nasasakupan, pinatatag ang kanyang sambahayan, hindi nawaglit sa kanyang lahi ang paghahari, at mula sa kanyang mga inanak isinilang ang pangakong Mesiyas.

Nakita po ni Zekarias, sa Ebanghelyo, ang basbas na ito ng Diyos sa kaharian at lahi ni Haring David, kaya, puspos ng Espiritu Santo, inawit niya ang tinaguriang “Benedictus”.  Binasbasan din ni Zekarias ang Diyos at sinabi, “Purihin ang Panginoong Diys ng Israel!”

Pero una na rin pong binasbasan ng Diyos si Zekarias at kanyang asawang si Elizabeth. May pangalan pa nga po ang basbas ng Diyos sa kanila: Juan, na ang kahulugan ay “Kay bait ng Diyos”.  Ngunit hindi po naging madali ang lahat para kay Zekarias!  Dahil po sa kanyang pag-aalinlangan sa ipinasabi sa kanya ng Diyos sa pamamagitan ng anghel Gabriel, si Zekarias ay napipi at nabingi.  At dahil nangyari ito samantalang nagsusunog siya ng kamanyang sa dako ng Banal ng Mga Banal sa Templo, wala pong basbas sa katapusan ng pagsambang pinasimulan niya.  Takang-taka raw po ang mga taong naghihintay sa kanya sa labas sapagkat napakatagal niya sa loob at nang lumabas na siya ay natiyak daw ng mga tao na may nakitang pangitain si Zekarias sa loob.  Pero ngayong natupad na ang mga sinabi ng anghel sa kanya, naibigay na rin ni Zekarias ang basbas.  At ang basbas niya ay para sa Diyos sapagkat nakilala ni Zekarias na una nap ala siyang binasbasan ng Diyos.

Ang basbas sa Hebreo ay pagpapasalamat.  Kapag nagpapasalamat, nagbabasbas.

Kelan po kayo huling nambasbas?  Basbasan po natin ang isa’t isa.  Pasalamatan natin ang isa’t isa.  Basbasan po natin ang Diyos.  Pasalamatan natin Siya na laging unang nagbabasbas sa atin.

Isa na naman pong Misa nobenaryo para sa paghahanda sa pagdiriwang ng kaarawan ng Panginoon ang nagtatapos ngayon, sana po ang lahat ng mga word for the day na pinagnilayan natin nitong nagdaang mga araw ay tumulong sa ating makita at makilala ang mga pagbabasbas ng Diyos sa buhay natin at turuan din naman tayong magbasbas sa Diyos at sa isa’t isa.  Pagkatapos ng Banal na Misang ito, humayo po sana tayo bilang isang Bayang mapagbasbas.  Tayo mismo ang maging basbas ng Diyos sa isa’t isa, hindi lamang bilang mga pagpapala Niya kundi bilang mga pasasalamat din Niya sa mga nakakasalamuha natin sa buhay.  At sana rin po, basbasan ng lahat ang Diyos dahil sa atin.  Kapag magkagayon, magbubukang-liwayway sa mundo nating malaon nang nasa kadiliman at makababagtas tayong tunay tungko sa daan ng kapayapaan.