24 December 2014

TAGARITO SIYA!

Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesukristo
Lk 2:1-14 (Is 9:1-6 / Slm 95 / Tito 2:11-14)


Bakit po kaya kapag kinikilala natin ang isang tao, hindi nawawala ang tanong nating “Tagasaan ka?”  Mahilig din po tayong iugnay ang katangian ng tao sa lugar na pinagmulan niya.  Halimbawa, basta Kapampangan, masarap maluto.  Kung taga-Bulacan, makata.  Kapag galing naman po sa Cebu, mahilig at mahusay kumanta.  Eh ang taga Tondo po, ano?  Iyon po kayang tagarito sa atin, ano?  Tagasaan po ba kayo?

Mahalaga po talaga para sa atin ang lugar na pinagmulan natin.  Isa po sa mga unang ginagawa sa sanggol na isinilang ay inire-register siya: ipinatatala kung kailan at saan siya naging tao.

Ganitung-ganito rin po sa Diyos.  Sa araw na ito, ini-register ng Diyos ang Kanyang sarili sa isang lugar at isang panahon.  Ang Kanyang bayan: Bethlehem.  Ang Kanyang panahon: paghahari ni Emperador Augusto, nang ang gobernador ng Siria ay si Cirenio.  Tutuong lugar po ang Bethlehem.  Mga tutuong tao rin po sina Augusto at Cirenio.  Maging ang mga hindi Kristiyanong manunulat ng kasaysayan, nagpapatunay na ang lugar at mga taong ito ay hindi mga kathang-isip lamang.

Naglakbay si Jose at kanyang kabiyak-pusong si Maria, na noo’y kabuwanan na, patungong Bethlehem upang doon ay magpatala ayon sa utos ng dayuhang mananakop.  Iyon po pala, ang Mananakop ng mundo ang maitatala roon!  Subalit Siya ang itinuring na dayuhan ng sarili Niyang mga kababayan.

Tayo pong mga nagdiriwang ng Kanyang kaarawan ngayong Pasko, kumusta naman po kaya ang turing natin kay Jesus?  Baka nakalilimutan po natin, Siya ang may birthday ngayon, hindi tayo.  Baka naman po party tayo nang party pero hindi natin inimbitahan ang tunay na Celebrant!  Baka rin po tanggap tayo nang tanggap ng regalo pero wala tayong regalo sa mismong birthday Celebrant.  Ano pong birthday gift ninyo para kay Jesus?

Ang Walang-hanggang Salita ng Diyos ay naging tao.  Ang maging tao ay laging mapasalugar at mapasapanahon.  Ang Salita ng Diyos ay napasalugar.  Kayo po, nasa lugar po ba kayo?  Baka wala.  Ang Salita ng Diyos ay napasapanahon.  Nasa anong panahon na po ba kayo sa buhay n’yo?

Ang Diyos ay naging tao, katulad po ninyo at katulad ko sa lahat ng bagay, maliban sa paggawa ng kasalanan.  Ang Pasko ay ang pagiging-tao ng Salita ng Diyos sa loob ng pangkaraniwang mga hangganan ng isang talambuhay.  Ang pamagat po ng talambuhay na ito ay “Jesus”.

Verbo caro factum est et habitavit in nobis.  Nasusulat sa Jn 1:14, “Ang salita ay nagkatawang-tao at nakipamuhay sa atin.”  Sa orihinal pong pagkakasulat ng Ebanghelyo sa wikang Griyego, ang ginamit po ng may-akda ng Ebanghelyo ayon kay San Juan para ipahiwatig ang pakikipamuhay ng Diyos sa atin ay literal na nangangahulang itinayo ng nagkatawang-taong Salita ng Diyos ang Kanyang tolda sa piling natin.  Natatandaan n’yo pa po ba ang isa sa mga pagbasa natin nitong nagdaang Simbanggabi?  Nais po ni Haring David na ipagpatayo ang Diyos ng magarang tahanan sapagkat nababagabag siyang nakatira siya sa palasyo samantalang nakalagak lamang ang Kaban ng Tipan sa tolda.  Ang toldang iyan ay itinayo mismo ng Diyos sa piling natin sapagkat ang Kanyang Tipan sa atin ay naging laman sa mismong katauhan ng isinilang na Sanggol ngayong Pasko.  Tolda pa rin ang tahanan ng Diyos pero may bagong address na po Siya.  Ano?  Dito lang po sa atin.  Kapitbahay na natin ang Diyos!  Hindi ba’t Siya ay Emmanuel?  Hindi lamang natin Siya Kapitbahay, Kapitbuhay din po natin ang Panginoon: kalapit-bahay, karugtong ng buhay natin.

Kung ang Diyos nga nangapitbahay sa atin, sana huwag po nating isasara ang pintuan ng ating bahay sa kapwa-tao natin, lalung-lalo na po yaong mga nangangailangan, nangungulila, nahihirapan, naliligaw, naghahanap ng kabutihan, at nag-aalinlangang baka, gaya ng naranasan nila Jesus, Maria, at Jose noong kauna-unahang Pasko, hindi natin sila pagbubuksan.  Kung ang Diyos nga kapitbuhay natin, sana tanggapin po natin ang likas na pagkaka-ugnay natin sa isa’t isa at tulung-tulong tayong mamuhay at magbigay-buhay.

Sa paghalik po ninyo kay Jesus sa Belen ngayong Pasko, pakiramdaman n’yo pong mabuti ang tibok ng inyong puso.  Doon po’y meron Siyang ibinubulong: “Masdan mo Ako,” sabi Niya, “tagarito na ako!”








0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home