NANDOON PO BA SIYA SA INYO?
Kapistahan ng Banal na Mag-anak
Lk 2:22-40 (Sir
3:2-6, 12-14 / Slm 127 / Col 3:12-21)
Walang sinuman po sa atin ang
isinilang nang walang pamilya. Maaaring
talikdan po tayo ng sarili nating pamilya, pero lagi po tayong isinisilang sa
isang pamilya. Ang tao ay para sa
pamilya at ang pamilya ay para sa tao.
Sa pamilya po tayo nagiging tao.
Sa pamilya rin po tayo dapat matutong magpakatao.
Sapagkat si Jesus ay isinilang,
napabilang po Siya sa isang partikular na pamilya na ang mga magulang ay si
Jose at Maria. Sa pamilya po Siya naging
tao, sa pamilya rin po Siya natutong magpakatao. Si Jesus ay para sa pamilya at ang pamilya ay
para kay Jesus.
Ang pamilya n’yo po para kanino? Para kay Jesus po ba talaga? Baka para kung kanino na po. Baka kaya walang pagkakasundo,
pagmamalasakitan, pagbibigayan, kasi wala na si Jesus sa pamilya ninyo. Baka lang naman po.
Bakit po banal ang mag-anak ni Jesus,
Maria, at Jose? Hindi po dahil saserdote
sa Templo si Jose. Hindi po dahil si
Maria ay ipinaglihing walang bahid-dungis.
Hindi po dahil kay Jose at Maria.
Kaya po banal ang mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose ay sapagkat naroroon
si Jesus. Kung wala po si Jesus sa
pamilya ni Maria at Jose, maaari silang maging kahit na anong klaseng mag-anak
pero hindi banal.
Banal po ba ang pamilya ninyo? Baka masaya lang, pero hindi banal. Baka mahilig lang kumain, mamasyal,
magkatuwaan, pero hindi nagdarasal, nagsisimba, sumasamba sa Diyos nang sama-sama. Baka po kaya kanya-kanya na ang mga kasapi
dahil maging sa pagsamba sa Diyos kanya-kanya na rin. Maaaring bantog ang inyong pamilya, pero kung
wala po si Jesus sa inyo, bantog lang po kayo at hindi banal. Baka nga po kung sa kung ano kayo
kilalang-kilala – baka sa hindi kaaya-ayang bagay. Puwede rin pong nakaluluwag sa buhay o kahit
pa nakaririwasa talaga ang pamilya ninyo, pero kung wala sa inyo si Jesus,
dukha pa sa daga ang inyong mag-anak.
Banal po ba ang pamilya ninyo? Nagsisikap po ba kayong maging isang banal na
mag-anak? Gusto po ba ninyong maging
pamilyang banal? Hanapin ninyo si Jesus
sa inyong pagsasama. Ibalik n’yo si
Jesus sa inyong pamumuhay. Panatilihin
po ninyo si Jesus sa inyong mag-anak.
Paano po?
Narinig po ba natin ang una’t
ikalawang pagbasa ngayon? Sabi sa Aklat
ni Sirac, ang ating unang pagbasa, magbigay-galang, magbigay-dangal,
magbigay-kalingain, at magbigay-paumanhin tayo sa isa’t isa. Magbigayan tayo.
Nakakalungkot po na minsan sa loob pa
ng pamilya natin natututunan ang hindi pagbibigayan. Nandyan po ang pag-aagawan sa mga materyal na
bagay, tulad ng mana, at pati na rin sa atensyon ng mga magulang. Minsan pati mga anak, pinag-aagawan din ng
mag-asawang naghihiwalay. May mga anak
ding mas mapagbigay pa sa mga kaibigan kaysa sa sariling kapatid. Meron pa nga pong mga anak na ang
galang-galang sa mga magulang ng kanilang mga kaibigan, pero lapastangan naman
sa sariling ama at ina. At kung may
pagbibigayan man sa pamilya, minsan ang ibinibigay ay sama ng loob, hinanakit,
pagmumura, pagsisinungaling, pagtatakwil sa sariling ka-dugo. Hindi lang po nakakalungkot, nakakahiya
talaga, kung mag-away parang hindi magkakapatid, parang hindi mag-ina, parang
hindi mag-ama, parang hindi mag-asawa.
Sabi ni San Pablo Apostol sa kanyang
sulat sa mga taga-Colosas, ang ikalawang pagbasa po natin, ang dapat daw nating
ibigay sa isa’t isa ay habag, ganda ng kalooban, kapakumbabaan, kabaitan,
paumanhin, kapatawaran, pag-ibig, pasasalamat, pagpapaalala, pagtuturo, at
pamumuhay nang ayon sa kung ano tayo sa pamilyang kinabibilangan natin. Mga misis, pasakop daw po kayo sa inyong
mister – at iyan daw po ang kalooban ng Diyos.
Ang “nang-u-under” ng mister,
malinaw po, nagkakasala sa Diyos. Mga
mister, mahalin daw po ninyo ang inyong misis: huwag ninyo silang
sasaktan. Tao po ang misis mo, kuya,
hindi siya punching bag. Mga anak, ang paglapastangan sa magulang ay
napakabigat na kasalanan. At mga ama, easy lang po kapag mainit ang ulo ninyo:
huwag ibuhos ang galit sa mga anak n’yo at, ika ni San Pablo, baka sila
panghinaan ng loob.
Kung pagsisikapan po nating tupdin ang
bilin ni Sirac sa unang pagbasa ngayon at ni Apostol San Pablo sa ikalawa, si
Jesus ay maaari ring lumaki sa ating kani-kaniyang pamilya. Maaari rin Siyang magmula sa atin! Maari po Niya tayong gamitin upang Siya ay
makatagpo at maranasan ng marami pang mga tulad ni Simeon at Ana sa Ebanghelyo
na naghihintay, naghahanap, at nananabik Siyang makita at makilala.
Nang isinilang si Jesus, hindi lamang
po Siya napabilang sa isang pamilya; bagkus, ang lahat po ng pamilya ay
napabilang sa Kanya. Sa Kanyang pagiging
tao, iniangat ni Jesus ang ating pagkatao.
Sa Kanyang pagiging bahagi ng isang pamilya, pinagpala po Niya ang lahat
ng mga pamilya. Ang Diyos ay wala na
lang sa langit; nasa mga pamilya na rin po siya. Nadoon po ba Siya sa inyo?
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home