24 December 2014

BASBAS

Ikasiyam na Araw ng Misa de Gallo
Lk 1:67-79 (2 Sam 7:1-5, 8-12, 14, 16 at Slm 88)


Sumapit na po tayo sa huli nating pagmi-Misa de Gallo ngayong taong ito.  Congratulations po sa ating lahat!

Siyam na araw din po tayong nagsakripisyo at nanalangin, nagpuyat at nagsimba.  At ang bawat-isang araw po ng ating pagmi-Misa de Gallo ay sumasagisag sa bawat-isang buwan ng pagdadalantao ng Mahal na Ina sa Salita ng Diyos: sinamahan po natin siya.  Pinagsikapan po nating huwag magpaliban.  Pinagsikapan din po nating huwag matutulog.  Pinagsikapan nating maging tapat sa ating debosyon.  Kaya naman po, sa mga nakabuo ng Simbanggabi, congratulations po!

Sapagkat ang ipinagdalantao ng Mahal na Inang Maria at kanyang isinilang noong araw ng Pasko ay ang Nagkatawang-Taong Salita ng Diyos, kada araw po nitong ating Misa de Gallo sa taong ito ay meron tayong pinagnilayan na word for the day.

Noong unang araw ng Misa de Gallo, ang word for the day po natin ay “patutoo”.  Katulad ni Juan Bautista, tayo po ay dapat na maging mga patutoo ng katotohanan.  Kaya, simula pa lang po ng ating pagmi-Misa de Gallo, nangako na tayo sa Diyos: “Hindi na ako magsisinungaling!”

Noon namang ikalawa araw, “ama” po ang ating word for the day sapagkat narinig nating muli ang tala-angkan ni Jesus na bumabaybay sa mga ka-ama-amahan Niya.  Batbat ng mga kahinaan, karupukan, at kasalanan ang tala-angkan ng Panginoon subalit hindi ito naging hadlang sa ikatutupad ng panukala ng Diyos.  Sa halip, higit pa nga pong pinatitingkad ang tuwid na pagkilos ng Diyos sa gitna ng liku-likong daan ng Kanyang tala-angkan.

Pagsapit ng ikatlong Misa de Gallo, nanahimik po tayo sa loob ng mahabang minuto.  Bakit po?  Sapagkat ang word for the day po natin noon ay “katahimikan”.  Hiniram pa nga po natin ang pamagat ng isang game show sa telebisyon: “Shhh…. Quiet Please!  Bawal Ang Maingay!”  At sinabi po nating si San Jose ay huwaran sa atin ng banal na katahimikan.  Kaya po niya narinig ang Diyos ay sapagkat marunong siyang manahimik.  Kaya po natuloy ang pagkakatawang-tao ng Salita ng Diyos kasi nanahimik si San Jose para makapagsalita ang Diyos.  At ang pananahimik niya ay hindi hungkag kundi punung-puno ng pagmamahal; kaya naman po humantong ito sa pagtalima sa Diyos at pagkalinga kay Jesus at Maria.

Noong ika-apat naman pong Misa de Gallo, “kulang” ang ating word for the day.  May kulang sa buhay ni Manoah at Zekarias at kani-kanilang asawa – wala silang mga anak – subalit pinagkalooban sila ng Diyos sa paraang mahimala, lalung-lalo na po si Zekarias at Elizabeth.  Sa pag-alala natin sa mga kuwento nila, taus-puso po nating tinanggap ang anumang kulang sa atin at sinariwa din natin ang ating pananalig na ang Diyos ang pumupuno sa ating kakulangan.

“Dalaga” – iyan naman po ang ating word for the day noong ikalimang Misa de Gallo na siya rin namang tinaguriang Misa Aurea o “Ginintuang Misa”, sapagkat ang Ebanghelyo noong araw na iyon ay ang kuwento ng pagsisimula ng pagkakatawang-tao ng Salita ng Diyos sa sinapupunan ni Maria, ang dalagang inihula ni Propeta Isaias.  Hiniling po natin sa Diyos noon na makatulad tayo sa Mahal na Ina: laging handa para sa Diyos, mapagtalima sa kalooban ng Diyos, at mapagkumbaba sa tuwina.

Ang ika-anim po nating pagmi-Misa de Gallo ngayong taong ito a siya ring ika-apat na Linggo ng Adbiyento.  “Tahanan” po ang ating word for the day noon.  Nakita po nating natagpuan ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria ang tahanang lubhang higit pa sa Templong nais ipagpatayo ni Haring David para sa Kanya.  Subalit hindi ipinilit ng Diyos ang Kanyang sarili kay Maria.  Kumatok po siya: “Tao po!”  Naghahanap ang Diyos ng tao at nagpapakilala rin po Siya na nagkakatawang-tao.  Pinagbuksan po Siya ni Maria at pinatuloy kaya may Pasko.

Ang word for the day naman po natin noong ikapitong Misa de Gallo ay “alaala”.  Huwag po nating kalilimutan ang Diyos na laging umaalala at umaalalay sa atin.  Tularan po natin ang Mahal na Birheng Maria na hindi nakalilimot sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos sa kanya at kanyang lahi.  Kaya naman ang puso niya ay nagpupuri sa Panginoon at nagagalak ang kanyang espiritu sa Diyos na Tagapagligtas.

At kahapon po, ang ikawalong Misa de Gallo, ano ang ating word for the day?  Tipan.  May tipan tayo ng Diyos.  Seryosohin naman po natin ito.  Huwag nating pababayaan ang ating relasyon sa Kanya.  At kung paanong lagi Siyang tapat sa Kanyang tipan sa atin, pagsikapan din po nating manatiling tapat sa tipan natin sa Kanya.

Kung naaalala n’yo pa po ang mga word for the day ng Misa de Gallo natin ngayong taong ito, congratulations po sa inyo!  Kung pinagnilayan n’yo po talaga ang word for the day natin araw-araw, mas congratulations po sa inyo!  Kung may napulot po kayong mahahalagang aral sa buhay at talagang pagisiskapan n’yo pong isabuhay ang mga iyo, mas lalo pa pong congratulations sa inyo!

Kaya ngayon pong ika-siyam at panghuling Misa de Gallo natin ngayong taon, ano po ang word for the day natin?

“Basbas”.  Opo, “basbas” ang ating word for the day ngayon.  “Blessing” po sa Ingles at sa Hebreo naman ay “berakah”.

Sa unang pagbasa po natin ngayong umagang ito, nais basbasan ni Haring David ang Diyos ng tahanang nararapat sa Kanya.  Palibhasa, si Haring David na rin po ang nagsabi, “…nakatira ako sa tahanang sedro, ngunit ang Kaban ng Tipan ay sa tolda lamang.”  Gustong ipagpatayo ni Haring David ang Diyos ng Templo.  Pero ang gusto po pala ng Diyos ay Siya ang magbasbas kay Haring David: ipagtatayo Niya siya ng isang matatag na sambahayan.  Iba pala po ang plano ng Diyos sa plano ni Haring David.

Kayo po, kapag iba na ang gustong mangyari ng Diyos kaysa sa gusto ninyong mangyari, basbas pa rin po ba ang tingin ninyo roon?  Kapag hindi po natupad ang gusto n’yo, naiisip n’yo pa bang baka basbas nga iyon?  Kaya n’yo pa po bang magbasbas kahit hindi nasunod ang gusto mo?

Sa lahat po yata ng kinakailangang isuko natin sa Diyos, ang sariling kalooban talaga natin ang pinakamahirap bitiwan.  Ang hirap-hirap pong sumunod kapag taliwas sa kalooban mo, lalo na’t kung sa tingin mo ay wala namang masama sa binabalak mo, hindi ba?  Kahit po sa Diyos mahirap tumalima.  Pero may mga tao ring kay gagaling daw sumunod sa Diyos pero hindi naman sumusunod sa mga magulang nila, sa mga guro nila, sa mga pinagkatiwalaan sa kanila, sa kanilang kura paroko, sa obispo nila, at sa iba pang dapat sana’y sinusunod nila.  Sa palagay ko po, isang malaking basbas kapag natuto tayong sumunod talaga.

Si Haring David po ay sumunod sa Diyos kaya naman natupad sa kanya at kanyang lahi ang basbas ng Diyos.  Gaya po ng ipinasabi sa kanya ng Diyos sa unang pagbasa ngayon, lahat ng kanyang mga kaaway ay nilipol ng Diyos, ginawang dakila ang kanyang pangalan, pinagkalooban ng lupang tirahan ang Israel na kanyang nasasakupan, pinatatag ang kanyang sambahayan, hindi nawaglit sa kanyang lahi ang paghahari, at mula sa kanyang mga inanak isinilang ang pangakong Mesiyas.

Nakita po ni Zekarias, sa Ebanghelyo, ang basbas na ito ng Diyos sa kaharian at lahi ni Haring David, kaya, puspos ng Espiritu Santo, inawit niya ang tinaguriang “Benedictus”.  Binasbasan din ni Zekarias ang Diyos at sinabi, “Purihin ang Panginoong Diys ng Israel!”

Pero una na rin pong binasbasan ng Diyos si Zekarias at kanyang asawang si Elizabeth. May pangalan pa nga po ang basbas ng Diyos sa kanila: Juan, na ang kahulugan ay “Kay bait ng Diyos”.  Ngunit hindi po naging madali ang lahat para kay Zekarias!  Dahil po sa kanyang pag-aalinlangan sa ipinasabi sa kanya ng Diyos sa pamamagitan ng anghel Gabriel, si Zekarias ay napipi at nabingi.  At dahil nangyari ito samantalang nagsusunog siya ng kamanyang sa dako ng Banal ng Mga Banal sa Templo, wala pong basbas sa katapusan ng pagsambang pinasimulan niya.  Takang-taka raw po ang mga taong naghihintay sa kanya sa labas sapagkat napakatagal niya sa loob at nang lumabas na siya ay natiyak daw ng mga tao na may nakitang pangitain si Zekarias sa loob.  Pero ngayong natupad na ang mga sinabi ng anghel sa kanya, naibigay na rin ni Zekarias ang basbas.  At ang basbas niya ay para sa Diyos sapagkat nakilala ni Zekarias na una nap ala siyang binasbasan ng Diyos.

Ang basbas sa Hebreo ay pagpapasalamat.  Kapag nagpapasalamat, nagbabasbas.

Kelan po kayo huling nambasbas?  Basbasan po natin ang isa’t isa.  Pasalamatan natin ang isa’t isa.  Basbasan po natin ang Diyos.  Pasalamatan natin Siya na laging unang nagbabasbas sa atin.

Isa na naman pong Misa nobenaryo para sa paghahanda sa pagdiriwang ng kaarawan ng Panginoon ang nagtatapos ngayon, sana po ang lahat ng mga word for the day na pinagnilayan natin nitong nagdaang mga araw ay tumulong sa ating makita at makilala ang mga pagbabasbas ng Diyos sa buhay natin at turuan din naman tayong magbasbas sa Diyos at sa isa’t isa.  Pagkatapos ng Banal na Misang ito, humayo po sana tayo bilang isang Bayang mapagbasbas.  Tayo mismo ang maging basbas ng Diyos sa isa’t isa, hindi lamang bilang mga pagpapala Niya kundi bilang mga pasasalamat din Niya sa mga nakakasalamuha natin sa buhay.  At sana rin po, basbasan ng lahat ang Diyos dahil sa atin.  Kapag magkagayon, magbubukang-liwayway sa mundo nating malaon nang nasa kadiliman at makababagtas tayong tunay tungko sa daan ng kapayapaan.










0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home