31 December 2014

PINONDOHAN

Solemnidad ni Maria, Ina ng Diyos
Lk 2:16-21 (Blg 6:22-27 / Slm 66 / Gal 4:4-7)

Sa bungad po ng Lumang Tipan may kuwento tungkol sa isang sinapupunang walang laman.  Baog po si Sarah, ang asawa ni Abraham.  At hindi lamang po basta sarado ang sinapupunan ni Sarah: natutuyot na ito sapagkat siya raw ay napakatanda na!  Kaya nga po hindi kataka-takang walang laman ang sinapupunan niya.  Talagang dapat lang po na wala itong laman.

Subalit nagkalaman ito!  Bagamat noong una niyang marinig ang balita ng mga makalangit na panauhin ni Abraham na siya ay magbubuntis at manganganak, natawa si Sarah, patuloy pa rin po silang mag-asawang nanalig sa katapatan ng Diyos sa Kanyang pangako: sila ang pagmumulan ng mga anak na sindami ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa dalampasigan.  Kahit po siguro tayo, sa kalagayan ni Sarah at edad nilang mag-asawa, matatawa rin, hindi ba?  Pero, alam ko po, matutuwa rin tayo.  At talaga naman pong katuwa-tuwa sapagkat tutoong nagdalantao si Sarah at isinilang niya si Isaak.  Sila po ang mga ninuno natin sa pananampalataya.

Happy New Year po sa inyong lahat!  Sa simula po ng bagong taong ito, may laman ba kayo o basyung-basyo?  Hindi po sinapupunan ang tinutukoy ko.  At hindi rin po bulsa ninyo ang tinatanong ko.  Ang puso n’yo po – may laman ba o basyung-basyo?  Kumusta po ang puso ninyo?  Sa simula ng bagong taon, ano ang laman ng puso n’yo?

Pansin n’yo po ba na ang katagang “bago” ay eksaktong pareho ang mga titik ng katagang “baog”?  Ang kaibahan nga lang po, magkabaliktad ang dalawang huling titik.  Sa “bago” nauuna ang “g” kaysa sa “o”, kaya “bago”.  Pero sa “baog” po, nauuna ang “o” kaysa sa “g”, kaya “baog”.  Let “G” stand for “God”.  Ganyan po talaga, kapag hinuhuli natin si God, “nababaog” tayo: walang-wala tayo, basyung-basyo, hungkag.  Kaya dapat po lagi natin inuuna si God.  Sa halip na maging “baog”, maging taong bago na po tayo.

Si God po ang nagpupuno sa atin.  Kapag wala siya, “baog na baog” tayo.  Sa unang pagbasa tuwing simula ng taon, agad po tayong pinupuno ni God ng blessings Niya.  Ganito raw po ang pagbabasbas ni God: “Pagpalain ka nawa at ingatan ng Panginoon; nawa’y kahabagan ka Niya at subaybayan; lingapin ka nawa Niya at bigyan ng kapayapaan.”  Pinupuno po tayo ni God ng pagpapala, pag-iingat, habag, pagsubaybay, paglingap, at kapayapaan.  Wow, unang araw pa lang, ang dami na agad ng blessings ni God!

Pero pinadadaan po ni God ang blessings na ito sa pamamagitan ng kapwa-tao rin natin.  Bagamat si Aaron at kanyang mga anak, na siyang inatasan ng Diyos na magbasbas sa mga Israelita noon sa Lumang Tipan, ay ninuno ng lahi ng mga saserdote, mga tao rin po silang tulad ng kanilang mga dapat bendisyunan.  Maliwanag po ang kalooban ni God: tao rin ang maging daan ng Kanyang pagbabasbas sa tao.  Tao rin po ang ginagamit ng Diyos para punuin ang kawalan ng tao.  Tayo po ang dapat magpuno sa “kabaugan” ng isa’t isa.  Tayo po mismo ang blessings ni God!  Kaya, huwag n’yo lang pong sabihin sa katabi n’yo, “Happy New Year!  God bless you!”  Ang sabihin n’yo po, “Happy New Year!  Ako ang padala ni God sa buhay mo.  I bless you!  I love you!”

Minsan, maaari pong mistulang basyo ang simula ng isang tao: walang kalaman-laman, hungkag na hungkag, baog.  Pero sa pamamagitan natin, puwedeng baguhin ng Diyos ang kalagayan ng taong iyon: pinupuno, pinag-uumapaw, pinababaha Niya ng blessings.  Kaya dapat po sana, isa sa New Year’s resolutions natin ay ito: “I will be God’s blessing to all.”

Kung sa bungad po ng Lumang Tipan ay may sinapupunang walang laman, sa bungad naman po ng Bagong Tipan ay may sinapupunang may laman.  Dapat din po sana ay walang laman ang sinapupunang ito sapagkat ang nagmamay-ari ay birhen.  Subalit nagkalaman din!  Hindi kagagawan ng sinumang lalaki kundi sinanhi pong Diyos ito.  Kumatok ang Diyos sa sinapupunan ni Maria.  Pinagbuksan ni Maria ang Diyos.  Siya ay napuno ng Diyos.  Nag-umapaw ang Diyos kay Maria.  Isinilang niya ang Anak ng Diyos.

Sapagkat ang isinilang ni Maria ay hindi lamang tutoong tao kundi Diyos ding tutoo, si Maria ay tinatawag po nating “Ina ng Diyos”.  Hindi po ito tungkol ay Maria kundi unang-una nang tungkol sa kanyang isinilang na si Jesus.  Sinasampalatayanan po nating si Jesus ay may dalawang kalikasan: siyento por siyentong Diyos at siyento por siyentong tao.  At hindi po mapaghihiwalay ang dalawang kalikasang ito ni Jesus kaya nang isinilang Siya ni Maria, si Maria ay nagsilang sa Diyos. Ito po ang hiwaga ni Jesukristo at katangi-tanging pribilehiyo ni Maria.

Si Maria ay Ina ng Diyos hindi dahil tinanggap ni Jesus ang pagka-Diyos sa kanya kundi tinanggap ni Maria kay Jesus ang pagiging Ina ng Diyos.  Parang ganito po: Ako po ay pari at ang nanay ko po ay tinatawag na nanay ng pari simula nang ako ay maging pari.  Hindi po ako pari dahil sa nanay ko; bagkus, ang nanay ko ay nanay ng pari dahil pari ako.  At kung gayon na lamang po ang paggalang at pagmamahal na ibinibigay sa nanay ko dahil nanay nga siya ng pari, mas lalo pang dapat nating igalang at mahalin si Maria sapagkat siya ang nanay ni Jesus na Anak ng Diyos, siya ay Ina ng Diyos.

Sa ikalawang pagbasa po natin ngayon – at ito ang ikalawang pagbasa tuwing unang araw ng taon – sinabi ni San Pablo Apostol: “Noong dumating ang takdang panahon, sinugo ng Diyos ang Kanyang Anak.  Isinilang Siya ng babae.”  Ang kataga pong iyan – “babae” – ay hitik na hitik sa kahulugan at kahalagahan.  Kaya nga po hindi dapat pinapalitan ng “ginang” ang “babae” sa ikatlong huling wika ni Jesus – “Woman, behold your son.  Son behold your mother” (Jn 19:26) – sapagkat ang babae pong iyan, na si Maria, ang katuparan ng sinabi ng Diyos sa ahas na tumukso sa mga unang taong nilikha Niya: “Papag-alitin Ko kayong dalawa ng babae, ang iyong lahi at ang kanya.  Ang iyong ulo ay kanyang dudurugin, at ang kanyang sakong naman ay iyong aabangan” (Gen 3:15).

Kaya naman po, isang linggo matapos nating ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus, ipinagdiriwang naman natin ngayon ang pagka-ina ng Kanyang inang si Maria.  Si Maria po ay isa pang napakalaking blessing ni God sa atin sapagkat siya ang naging daan ni Jesus upang Siya ay maging taong tulad natin sa lahat ng bagay maliban sa paggawa ng kasalanan.  At sa pakikibahagi ni Jesus sa ating pagkatao nakabahagi po tayo sa Kanyang pagka-Diyos.  Kaya nga po nasabi ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa ngayon na pinagkalooban din tayo ng Espiritu ni Jesus, ang Anak ng Diyos, at maaari nating tawagin ang Diyos na “Abba!” (“Tatay”).  At sapagkat mga anak na rin po tayo ng Diyos, hindi na raw tayo alipin kundi mga katagapagmana ni Jesus.  Iyan nga daw po ang kalooban ng Diyos, sabi pa ng Apostol.  Mabuti na lang po’t sumang-ayon si Maria na maging Ina ng Diyos.

Nang nakabayubay na si Jesus sa krus, agaw-buhay, ipinagkaloob din po Niya sa atin si Maria upang maging ina rin natin.  Kaya nga po si Maria ay parehong “Mother of the Redeemer” at “Mother of the Redeemed”.  Minamahal niya tayo, ipinagdarasal, ginagabayan, inaalalayan, tinutulungan, binibigyang-halimbawa ng pagiging mabuting lingkod ng Diyos at alagad ni Jesus.

Wow, ang dami-dami po talagang blessings ni God sa atin sa simula pa lang ng bagong taon!  Bukod sa pinakamalaking blessing Niya – si Jesus – ang dami pa pong bonus!  Sino po ang magsasabing nagsisimula tayo nang basyo?  Hindi po.  Nag-uumapaw na po tayo, wala pa tayong ginagawa.  Pinondohan na po tayo ng Diyos.  Katulad ng Mahal na Inang Maria, itanim po natin sa ating isipan ang katotohanang ito at pagnilay-nilayan natin.  At gaya rin naman ng mga pastol, humayo tayong nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng Kanyang kadakilaan sa lahat ng tao.

Sa simula ng Luma at Bagong Tipan ay may mga sinapupunang nilagyan ng Diyos ng laman.  Sa simula rin naman po ng bagong taon, pinupos tayo ng Diyos ng Kanyang mga pagpapala.  Sana huwag po nating sasayangin ang mga ibinigay Niya sa atin.  Kumbaga, nangapital po ang Diyos sa atin.  Sana naman, patubuin natin Siya.  Sana, huwag po nating hayaang malugi ang Diyos sa atin.








0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home