DON’T MAKE TUNGANGA!
Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng
Panginoon sa Langit
Mt 28:16-20 (Gawa 1:1-11 / Slm 46 / Eph 1:17-23)
“Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit” o “Solemnity
of the Lord’s Ascension” – iyan po ang pamagat ng ipinagdiriwang natin ngayong
araw na ito. Pero, pakituro nga po ninyo
sa akin kung saan sa Ebanghelyo ni San Mateo, na binasa natin ngayon,
sinasabing ang Panginoong Jesus ay umakyat ng langit. Wala po.
Kasi po ang bersyong pamilyar sa atin tungkol sa kapistahang ito ay
yaong kay San Lukas, hindi kay San Mateo.
Pansinin po ninyo (para
sa dagdag na kaalaman ng lahat), sa Ebanghelyo ni San Lukas ay may pagpanoog sa
simula kaya naman may pag-akyat naman sa katapusan. Sa Lk 1:35, nanaog ang Espiritu Santo sa Mahal
na Birheng Maria at sa kanyang sinapupunan ay nagkatawang-tao ang Salita ng
Diyos, si Jesukristong Panginoon. At sa
Lk 24:51 naman po ay umakyat si Jesus sa langit. Yayamang sinasabing si San Lukas din po ang
sumulat ng Aklat ng Mga Gawa ng Mga Apostol, sinimulan niya ang naturang aklat
kung paano niya tinapos ang kanyang Ebanghelyo: sa pag-akyat ni Jesus sa
langit. Ang tawag po sa literary style na ito ay “paglalakip”. Karaniwan po ang istilong ito sa mga aklat ng
Banal na Bibliya. At may pagkaganito rin
po ang Ebanghelyo ni San Mateo, ang diin ay hindi ang pagpanaog at pag-akyat
kundi ang pananatili ng Diyos.
Sabi po ni San Mateo sa Ebanghelyo ngayon, kinatagpo ni Jesus ang
labing-isang alagad sa isang bundok at pinagbilinan sila na ang wika, “Ang lahat
ng kapangyarihan sa langit at lupa ay ibinigay sa Akin. Kaya’t
humayo kayo, gawin ninyong mga alagad Ko ang lahat ng mga bansa; binyagan ninyo
sila sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, at turuan ninyo silang
tupdin ang lahat ng mga utos na ibinigay Ko sa inyo. AKO AY LAGING KASA-KASAMA NINYO; OO,
MAGPAHANGGANG WAKAS NG PANAHON.” Tapos,
tapos na po. Sa katunayan, ito po ang
mga huling bersikulo ng Ebanghelyo ayon kay San Mateo. Wala na pong sumunod na mga bersikulo
pagkatapos nito. Bitin po, hindi ba? Nasaan po ang aktuwal
na pag-akyat ni Jesus sa langit doon? Wala po. Bakit
wala? Dahil hindi po kay San Mateo; kay
San Lukas iyon.
Para higit po nating
maunawaan kung bakit ganun ang wakas ng Ebanghelyo ayon kay San Mateo, balikan
natin ang simula nito. Sa Mt 1:23,
sinipi ni San Mateo ang pahayag ni Propeta Isaias (Is 7:1) at ipinamutawi sa
mga labi ng anghel ng Panginoon nang magpakita ito kay Jose sa panaginip:
“Tingni,” ika, “ang birhen ay manganganak ng isang lalaki, na tatawaging
Emmanuel na ang ibig sabihin ay ‘Sumasaatin ang Diyos’.” Kaya naman
po sa pagtatapos ng kanyang Ebanghelyo, wari’y ipinaaalala sa atin ni San Mateo
kung sino at ano nga po si Jesus – Siya ang Emmanuel, ang Diyos na
sumasaatin. Si Jesus ang pagsasapiling
sa atin ng Diyos; hindi pang-iiwan ng Diyos.
Ang paglaho ni Jesus sa ating pisikal na paningin ay hindi po pang-iiwan
ng Diyos. Binibigyang-diin po ni San
Mateo na, nang maglaho si Jesus sa pisikal na paningin ng tao, hindi tayo
iniwan, mas lalong hindi pinabayaan, ng Diyos.
Bagkus, kung paaanong binibigyang-diin din ni San Mateo sa kanyang
Ebanghelyo na si Jesus ang katuparan ng panukala ng Diyos na inihula ng mga
propeta, nagpapatuloy pa rin pong si Jesus ang katapatan ng Diyos sa Kanyang
Bayang tinubos. Jesus is the Fidelity of
God. He is God’s faithful Presence to
and with His People. Siya po ang
Emmanuel. Sa pamamagitan Niya, parang
sinasabi sa atin ng Diyos, “Walang iwanan!”
Sa ganito pong
pag-unawa kay Kristo Jesus, masasabi natin nang walang kamalian na ang
Panginoon ay hindi nawala sa piling natin. Oo nga’t Siya ay naging lingid
sa ating mga mata subalit hindi po iyon nangangahulugang wala na Siya. Ang
ibig lamang pong sabihin niyon ay nag-iba ang anyo at paraan ng pagsasapiling
ng Panginoon sa atin ngayon mula sa paraan at anyo ng pagsasapiling Niya noong
panahon ng mga Apostol. Parehong
Panginoon kaya po pareho pa ring presensya bagamat bagong anyo at bagong
paraan. At ang pananampalataya natin sa
Panginoon ay hindi lamang higit na hinahamon kundi higit ding nabigyang-halaga
pa. Sa makabagong panahon, wala pong
ibang paraan para makita, makiilala, makausap, marinig, at maranasan natin ang
Panginoong Jesus maliban sa pamamagitan ng pananampalataya. Pananampalataya ang humahawi sa tila nagkukubli
kay Jesus sa ating paningin ngayon.
Kaya, itinatakda
po ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit o Solemnity
of the Lord’s Ascension ang tiyak na sandali ng pagsisimula ng bago’t higit
pang mabiyayang anyo at paraan ng pagsasapiling ng Panginoon sa atin,
samantalang pinasisimulan din nito ang panahon ng maigting na pananampalataya
na ang dating Salitang Nagkatawang-tao ay nanatiling Emmanuel pa rin hindi
lamang para sa atin kundi sa piling pa rin natin. Sa araw-araw,
namumuhay po tayo sa pagitan ng mabibiyayang sandali ng magmuling-pagkabuhay ng
Panginoong Jesus at ng Kanyang pagbabalik sa wakas ng panahon. Ngunit
dapat po nating tantuin na ang “pagbabalik” na ito ay hindi tulad ng pagbabalik
ng isang taong umalis, lumisan, lumayas o pumanaw sapagkat ang “pagbabalik” na
ito ay ang pagbabalik ng hayagan at pisikal na presensya ni Jesus na tunay rin naman
pong patuloy nating kapiling ngayon hanggang sa wakas ng panahon. Sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa, ang
“pagbabalik” na ito ang ipinagdarasal natin at sinasabi nating masaya nating pinananabikan.
Ngayon, kung hindi nga po nawala si Jesus, nasaan na Siya? Ops,
huwag na huwag po ninyong ituturo ang daliri ninyo pataas! Wala po
sa kisame si Jesus. Wala rin po Siya sa kalawakan. Sabi
nga ni Neil Armstrong, isa sa mga astronauts na unang nakayapak
sa buwan, “I went to the heavens but did
not find God there.” Kung gayon,
nasaan po si Jesus?
Sa ating
puso. Si Jesus ay nasa ating puso. Nang
paghati-hatiin ni Jesus ang tinapay sa paningin ng dalawang alagad sa Emmaus, natatandaan
n’yo po ba na Siya ay biglang naglaho sa kanilang paningin? Sabi ni San
Juan Pablo II sa kanyang kahuli-hulihang isinulat na Apostolic Letter (pitum
buwan lamang po bago siya pumanaw), pinamagatang “Mane Nobiscum Domine”, ang
Panginoong Jesus daw po ay naglaho sa paningin ng dalawang alagad sa Emmaus
subalit lumitaw naman daw Siya sa kanilang mga puso. At, patuloy pa po ni San Juan Pablo II, ang naunang
pakiusap ng dalawang alagad na yaon, “Mane nobiscum, Domine” (“Stay with us, O Lord” o “Manatili Ka pong
kasama namin, O Panginoon”) ay natupad nga sa paraang ni hindi nila inakala. Kaya nga po, nasabi ng dalawang alagad na ito sa
isa’t isa, “Kaya pala gayon na lamang ang ating pakiramdam…” o sa salin sa Ingles,
“Did not our hearts burn?”
Nasaan po si Jesus? Nasa ating puso. Kaya kapag
may naghanap kay Jesus sa atin, ipakita po natin ang puso natin. Ipadama po natin sa lahat ang pag-aaruga,
pagmamalasakit, at pagdamay ni Jesus.
Ibahagi po natin ang presensya ni Jesus sa lahat ng pagkakataon. Magmahal po tayo tulad ni Jesus. Palibhasa, gaya ng sinasabi ni Apostol San
Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Epheso, na narinig natin sa ikalawang
pagbasa ngayon, tayo, ang Iglesiya, ang katawan ni Kristo at si Kristo naman po
ang ating Ulo. Ito ang ating
misyon. Ito po ang ibig sabihin ng ating
pagiging Iglesiya at pagiging Bayan ng Magmuling-Pagkabuhay ni Kristo. Kaya nga po sa kapanganakan pa lang ng Santa
Iglesiya, isinusugo na po ito ni Jesus sa pagmimisyon: “Humayo kayo…gawin
ninyong mga alagad ko…binyagan ninyo sila…turuang sumunod…at tandaan ninyo,”
wika ng Panginoon sa Kanyang mga alagad.
Naku po, huwag na huwag po tayong tumunganga sa langit! Baka masita rin po tayo ng dalawang anghel na
pumuna sa mga alagad sa unang pagbasa natin ngayon, “Mga taga-Galilea, bakit
kayo nakatingin sa langit?” Ang tugon po
natin sa pag-akyat ni Jesus sa langit ay hindi pagtunganga kundi pagmimisyon sa
pamamagitan ng pagtulad sa Kanya.
So, don’t make tunganga! We are
an Easter People and that means we are a Church on mission!