10 May 2014

NAG-IISANG PINTUAN NG KAWAN

Ika-apat na Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 10:1-10 (Gawa 2:14, 36-41 / Slm 22 / 1 Pd 2:20-25)


Umisip po kayo ng bahay na walang pintuan.  Naka-isip po ba kayo?  Ang hirap kaya umisip ng bahay na walang pintuan, hindi po ba?  Kasi kapag bahay, dapat talaga may pintuan.  Kahit nga po bilanguan may pintuan eh, hindi ba?

Sa pintuan po tayo dumaraan papasok at palabas ng bahay.  Pero minsan hindi rin.  May mga sa bintana po dumaraan papasok ng bahay.  Baka po naiwan ang susi sa loob o baka naman po akyat-bahay gang iyan.  Meron din pong sa bintana dumaraan palabas ng bahay.  Ah, baka may sunog o baka po magtatanan.

Ang kabilang sa tahanan, sa pintuan dumaraan.  Ang kawatan, ewan.

Bakit po ba hindi sa pintuan dumaraan ang kawatan?  Ayaw niya po kasing may makapansin sa kanyang pagdating.  Magnanakaw po kasi siya.  Hindi po siya nagbibigay, nangungulimbat siya.  Hindi po siya nagkakaloob, nanloloob siya.

Pero ang problema, may mga kawatan pong malakas ang loob.  Mahusay po silang magpanggap kaya minsa’y napagbubuksan mo pa sila ng pintuan, napatutuloy, nakakakuwentuhan, napakakain, tapos iyon pala ay gagawan ka lang nang masama.  Lumang-luma na po ang imahe ng magnanakaw na hatinggabi kung manloob ng bahay. Wala na pong pinipiling oras ang mandarambong: minsan kahit tanghaling-tapat nagnanakaw.  Laos na po ang dating istilo ng tulisan na nagsusuot pa ng maskara para hindi siya makilala.  Ngayon, kahit pa po may mga CCTV camera, tuloy lang ang pangungulimbat.  Hindi na po sa bintana dumaraan ang lahat ng mga kawatan.  Minsan pa nga po nasa loob na sila!  Kaya magbantay po tayo.

Ang hindi dumaraan kay Jesus papasok ng kawan ay kawatan.  “Tandaan ninyo,” wika ni Jesus, “Ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa.  Ang mga nauna sa Akin ay mga magnanakaw at mga tulisan….”  Dagdag pa po ni Jesus, “…ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa.”

Mabuti pa ang mga tupang tinutukoy ni Jesus na hindi raw po pinakinggan ang mga magnanakaw at mga tulisang nanloob sa kawan.  Tayo po kaya?  Baka naman kinig tayo nang kinig sa mga huwad na pastol, sa mga nagpapastol-pastulan lang, sa mga kunyari ay pastol pero lobo pala.  Bagamat tunay pong may mga tupang nananakaw ng mga pastol na kawatan, meron din po namang mga tupang nawawala kasi mahilig silang magsusunud-sunod at magpapani-paniwala sa mga lobong-pastol.  Lagi n’yo pong susuriin ang sinusundan at pinaniniwalaan ninyo: Sa tamang pintuan ba siya dumaraan?  Baka po kasi sa backdoor o baka sa bakod.  Tanging si Jesus ang pintuang pinagdaraanan ng tunay na pastol ng kawan.  Kapag iba po ang pinagdaraanan, layuan n’yo na: peke ‘yan!

Mag-ingat din po tayo sa mga presentado.  Kuwestiyunin lagi ang motibo ng mga atat na atat sa kapangyarihan.  Pagdudahan ang mga hindi makapaghintay na piliin, tawagin, at hirangin.  “Presentado” po ang tawag sa mga taong ganyan.  At kundi man po masama ay mali ang motibasyon ang mga taong ganyan.  At madalas po, mahilig sila sa shortcut, sa halip na gamitin ang tamang daanan papasok ng kawan.  Kahit saan dadaan po ang mga iyan, kahit ano ipagpipilitan ng mga iyan, matupad lang ang pansarili nilang balak.

Paano po ba natin malalaman na ang pumasok ay kay Jesus dumaan?  Ano po ba ang mga palatandaan na ang pastol ay tunay na mabuti at hindi kawatan?

Una, katulad ni San Pedro Apostol sa unang pagbasa natin ngayon, si Jesus po ang Kanyang ibinibida, hindi ang sarili niya.  Dapat daw pong malaman ng mga tao, wika ng Apostol, na si Jesus ang Panginoon at Kristo.  Ang nagsisikap na maging mabuting pastol ay hindi kinakaribal si Jesus na Mabuting Pastol.  Hindi po niya ibinebenta ang sarili, sa halip si Jesus po palagi ang kanyang itinatanghal.  Siya po ay tagapangalaga ng kawan; ang kawan ay hindi niya tagahanga.

Ikalawa, ang tunay na nagsisikap maging mabuting pastol ay buo ang tiwala sa Mabuting Pastol na si Jesukristo.  Ang ika-22 Salmo, na inawit po natin kanina pagkatapos ng unang pagbasa, ay hindi lamang panalangin para sa kanya.  Ito mismo ang buhay niya!  Hindi n’ya lang po alam ang Salmong “Ang Panginoon Ang Aking Pastol”; bagkus, kilala niya ang Pastol mismo.  Ang kanyang pamumuhay ay halimbawa sa kawang pinagpapastulan niya ng tunay na paniniwala, pagtitiwala, at pagtalima kay Jesus na Mabuting Pastol.  Bago pa niya akayin ang kawang ipinagkatiwala sa kanya, siya na po muna ang nagpaakay kay Jesus.  Bago niya pagpastulan ang kawang ibinilin sa kanya, siya na po muna ang pinastol ni Jesus.

Ikatlo, ang tunay na nagsisikap maging mabuting pastol ay nakikibakang makatulad kay Jesus.  Sa ikalawang pagbasa po natin ngayon, isinulat ni Apostol San Pedro, “Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkahirang sa inyo ng Diyos; sapagkat nang si Kristo ay magtiis para sa inyo, binigyan Niya kayo ng halimbawang dapat tularan.”  Kung paano po si Jesus dapat gayundin sa pamumuhay, paglilingkod, at pag-aalay ng sarili ang nagsisikap na maging mabuting pastol.  Sabi pa po ni San Pedro Apostol sa kanyang sulat, sa pamamagitan daw ng mga sugat ni Jesus tayo ay gumaling at tinipon Niya tayo bilang Pastol at Tagapangalaga ng ating mga kaluluwa.  Ang mabuting pastol na naaayon sa puso ni Jesus ay yaong marunong magsakripisyo ng sarili para sa kawan, hindi iyong magaling mansakripisyo ng iba.  At ang pagsasakripisyong ito ng nagsisikap na maging mabutin pastol ay nakapagbibigay-buhay at nakapagbubuklod sa kawan.

Subalit kung paanong dapat pagsikapan ng mga hinirang na maging mabuting pastol, kailangan din naman pong pagsikapan ng mga dapat pagpastulan na maging mabubuting tupa.  At ano naman po ba ang tanda na ang tupa ay tunay na nagsisikap na maging mabuti?

“…pinakikinggan ng mga tupa” ang tinig ng kanilang pastol at sumusunod sila sa kanya, wika ni Jesus sa Ebanghelyo.  Ito raw po ay sapagkat nakikilala ng mga tupa ang tinig ng kanilang pastol, sabi ni Jesus.  Nakikinig po ba kayo talaga sa inyong pastol na kumakatawan kay Jesus?  Tutoo po bang sumusunod kayo sa kanya?  Tunay po bang nakikilala ninyo ang kanyang tinig?  Kinikilala po na ninyo siya?  Nakakaasiwa pong itanong ng pastol ang mga katanungang ito sa kanyang kawan pero kailangan po eh.  At kailangan din po ninyong sagutin nang makatotohanan ang mga katanungang ito sa harap ng Diyos na humirang sa inyong pastol at nagsugo sa kanya sa inyo.

Kung paanong may hindi mabuting pastol, alam naman po nating meron ding hindi mabuting tupa.  Sa halos labinsiyam na taon ko nang pari, na-obserbahan ko pong hindi naman lahat ng nawawalang tupa ay talagang nawawala.  Medyo marami-rami rin po sa kanila, sa tutoo lang, ay mga tupang nagwawala na lang.  Meron din pong nawawala hindi dahil sa kapabayaan ng pastol kundi dahil ayaw nilang magpa-pastol, kulang sa kapakumbabaan at pagtitiwala sa pastol, nagmamagaling, ipinagpipilitan ang pansariling agenda, at sadyang binabaluktot ang katotohanan.  May mga tupa rin pong nawawala kasi tago nang tago, iwas nang iwas, takas nang takas, liban nang liban sa mga pagtitipon ng kawan.

Ngayong Linggo ng Mabuting Pastol, higit pa po nating ipagdasal ang isa’t isa: pastol at kawan.  Tayo pong lahat – pastol at tupa – ay napapabilang sa iisang kawan ni Jesus.  Huwag tayong dadaan sa bintana o sa kung saan-saan; hindi po tayo kawatan.  Sa pintuan po tayo dumaan.  At si Jesus po ang tanging Pintuan ng kawan, wala nang iba pa.

Ang hirap pong mag-imagine ng bahay na walang pintuan, hindi ba?  Hindi rin po posibleng maging isang kawan, isang parokya, isang Iglesiya nang wala si Jesus.

Noong Easter Sunday, sabi ko po sa inyo: We are an Easter People!

Noong Second Sunday of Easter at Divine Mercy Sunday, sabi ko po sa inyo: We are an Easter People and so we ought to be a merciful Church.

Noon naman pong Third Sunday of Easter, ang sabi ko naman: We are an Easter People and that means we are a Church walking with Jesus.

Ngayon pong Fourth Sunday of Easter at Good Shepherd Sunday, ito naman po: We are an Easter People and that makes us sheep of HIS flock.



1 Comments:

At 1:54 PM , Blogger Abyot Kah said...

nice father

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home