HINDI KA TRUMPO
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Magmuling
Pagkabuhay
Jn 14:1-12 (Gawa
6:1-7 / Slm 32 / 1 Ped 2:4-9)
May mga taong walang kakuwenta-kuwenta
ang buhay, hindi po ba? Kayo po, anong
kuwenta ng buhay n’yo? May kuwenta po ba
ang buhay ninyo? Sabi po ng Pilosopong
si Socrates, “Walang kuwenta ang buhay na hindi pinagnilayan.” Kaya, talaga pong napakahalagang
pinagninilayan natin ang buhay natin.
Reflect-reflect din pag may time! Iyan nga po ang problema ng marami sa atin:
walang time mag-reflect. Kung hindi po sila nagmamadali, minamadali
sila. Minamadali ng ilang magulang ang
mga anak nila na magbinata o magdalaga, tapos nagtataka pa sila kung bakit high school pa lang ang anak ay may
girlfriend o boyfriend na sila.
Minamadali ng ibang magulang ang mga anak nila na magtapos sa pag-aaral,
tapos nagdaramdam naman sila kapag maagang humihiwalay at nagsasarili ang mga
anak nila. May mga nagmamadali ring
mag-asawa pero pagkatapos ng ilang taon – minsan wala pa ngang isang taon –
nagmamadali rin namang maghiwalay. May
mga empleyadong nagmamadaling mag-retire
– early retirement daw po ang tawag
doon – kasi kayod-kabayo kung magtrabaho.
Meron din pong mga nagmamadaling yumaman kaya kahit ano gagawin kumita
lang. At may mga nagmamadali rin po
makausap si Lord pero hindi sila nagmamadaling magpasundo kay Lord. Kayo po, nagmamadali ba kayo? Minamadali ba kayo? May panahon pa po ba kayong pagnilayan ang
buhay ninyo?
Mahalaga pong malaman kung paanong mabuhay, pero higit na mahalagang
malaman kung bakit tayo nabubuhay.
Mahalagang makita ang daan patungo sa ating patutunguhan, pero higit
pong mahalagang makita ang patutunguhan natin.
Kayo po, bakit kayo nabubuhay?
Saan patungo ang buhay ninyo?
Kapag may pumapanaw na malapit sa atin, bigla po tayong natatauhan: napatitigil
tayo, natatahimik, at napag-iisip-isip tungkol sa sariling buhay natin. Minsan pa nga po, parang bumabaliktad ang
mundo natin: biglang nagkakaroon ng halaga para sa atin ang mga dating
binabale-wala natin samantalang nawawalang-saysay naman ang mga dating
kapit-tukong pinanghahawakan natin.
Nagsisimula po tayong magtanong.
Tinatanong natin ang ating sarili, ang ating buhay, at maging ang Diyos. Higit nating tinitingnan ang landas na ating
tinatahak at kung saan nga ba tayo dadalhin nito. Ang maganda, kapag hindi natin gusto ang
nakikita natin, puwede naman po tayong magbago ng direksyon. Iyon nga lang po, anong direksyon ang
sinasabi natin kung ang mismong kamalayan sa direksyon ng buhay ay wala tayo? May mga tao pong paikut-ikot lang sa buhay
hanggang mawalan na lang ng buhay. Opo,
para silang mga trumpo, hindi ba?
Hindi po tayo nilikha ng
Diyos na mga trumpo. Hindi po tayo
niligtas at tinawag ni Jesus para maging mga trumpo. Hindi po tayo pinagkalooban ng Espiritu Santo
para umikut-ikot lang na parang trumpo.
Kaya, huwag po tayong magpakatrumpo.
Una, unahin natin ang
gawain ng Diyos. Sa unang pagbasa po
natin ngayong araw na ito, nagkakagulo ang sinaunang sambayanang
Kristiyano. Nagreklamo raw po ang mga
Helenista laban sa mga Hebreo dahil napababayaan daw mga babaing balo nila sa
pamamahagi ng ikabubuhay. Mahalaga ang
hinaing ng mga Helenistang kaanib ng sinaunang sambayanang Kristiyano subalit, sabi
ng mga apostol, “Hindi naman dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos
upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay.”
Kaya, ibinahagi ng mga apostol ang pangangalaga sa sambayanan upang
matupad nang mabuti ang gawain ng Diyos: hinirang ang pitong lalaking kaanib
para sa tungkulin ng pamamahagi ng ikabubuhay; at sila po ang naging unang mga
diakono. Kitang-kita po natin kung paano
lutasin ng sinaunang sambayanang Kristiyano ang mga problemang kinahaharap
nila: hindi nila pinababayaan ang gawain ng Diyos bagamat hinahanapan nila ng
kalutasan ang anumang pangangailangan.
Baka kaya po para tayong
trumpo kasi, sa halip na unahin, hinuhuli natin ang Diyos. Lagi po nating unahin ang Diyos at
mararanasan natin ang kapayapaan ng unti-unting pagsasalugar ng mga bagay-bagay
sa ating buhay. Titigil tayo sa
kaiikot. Hindi na po tayo matataranta sa
labis na pag-aalala. Huwag po nating
pabayaan ang Diyos, hindi Niya tayo pinababayaan.
Ikalawa, iugat ang sarili
kay Lord. Sabi ni Apostol San Pedro sa ikalawang pagbasa
natin ngayon, si Jesus daw po ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ngunit
siya pang naging batong panulukan. Hindi
po matatag na bangko ang dahilan ng matatag na pamumuhay. Hindi po matatag na bahay ang bumubuo sa
matatag na pamilya. Hindi po matatag na
reputasyon ang nagtataguyod sa matatag na pagkatao. Matatag na pagkaka-ugat sa Panginoong
Jesukristo ang sanhi po ng matatag na kayo at ako. “Wari’y mga batong buhay,” wika ni Apostol
San Pedro sa ikalawang pagbasa, “maging sangkap kayo ng isang templong
espirituwal.”
Kanino nga po ba tayo
naka-ugat? Sa ano nga po ba tayo
nakasalig? Baka po kaya tayo parang
trumpo kasi hindi tayo “nakabaon” kay Kristo Jesus. Noong World Youth Day sa Maynila, taong 1995,
sinabi ni San Juan Pablo II sa mga kabataan, “Build your lives on the One
Foundation, Jesus Christ, who is the same yesterday, today, and forever.” Paikut-ikot lang po ang mundo kung kaya’t ang
taong makamundo ay namumuhay na parang trumpo.
Kay Jesus lamang natin ipagkatiwala, itaya, at isalig ang buong buhay
natin. Kung paanong sumasa-Ama si Jesus,
sumakay-Jesus po tayo. Kay Lord; wag sa world!
Ikatlo, huwag tayong
mabalisa. Si Jesus na po mismo ang
nagsabi niyan. “Huwag kayong mabalisa,”
wika Niya sa Kanyang mga alagad, “manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa
Akin.” Kung tunay nga naman po tayong
naka-ugat kay Jesus, kung tunay ngang sumasakay-Jesus tayo, may dapat pa ba
tayong ikabalisa?
Sabi po ng mga dalubhasa
sa Banal na Kasulatan, ang “Huwag kayong mabalisa” ay 365 beses sinabi ni Jesus
sa Bagong Tipan. Sindaming beses ng araw
sa isang taon! Ang ganda po, hindi
ba? Parang araw-araw ay sinasabi ito ni Jesus
sa atin, ipinaaalala. Palibhasa, bakit nga
po ba tayo nagiging aligaga, hindi makatulog sa pag-aalala, at parang trumpong
hindi mapakali? Hindi po ba dahil
natatakot tayo, nasisindak tayo?
Paalala po sa atin ni
Jesus ngayong araw na ito: “Huwag kayong mabalisa” Siya ang Daan. Sundan po natin Siya at hindi tayo
maliligaw. Siya ang Katotohanan. Panaligan po natin Siya at hindi tayo malilinlang. Siya ang Buhay. Tanggapin po natin Siya at magkakaroon tayo
ng buhay na walang-hanggan.
Wala pong kuwenta ang
buhay na hindi pinagnilayan. Pagnilayan po
natin ang ating buhay. Inuuna po ba natin
ang Diyos? Kanino po ba nakasalig ang buhay
natin: kay Lord o sa world? Bakit tayo balisang-balisa?
Tandaan, hindi ka trumpo.
Kaya huwag kang paikut-ikot lang.
2 Comments:
Good day Fr Titco,
Just happened to see an article about the "Free Baptism for Josephs, Josephines on Thursday" written by Jocelyn Uy in PDI last May 1. You have done a great job in the parish, for sure you will continue doing great deeds in your next assignment.. Kudos!!
Another good reflection... I don't want to admit that I'm like a "Trumpo", but I am. I'm living my life working; before I sleep and as I wake it's all work. Even if I eat I have my laptop beside me; in the office or on vacation it's all work.. How was that??..
Thanks for this reflection, it's some kind of cold water poured to me..
Obrigado...
Fr. Bobby, maraming salamat po sa mga reflections na binabahagi nyo po sa amin. I look forward to your blogs every week. God bless you po!
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home