31 May 2014

DON’T MAKE TUNGANGA!

Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit
Mt 28:16-20 (Gawa 1:1-11 / Slm 46 / Eph 1:17-23)

“Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit” o “Solemnity of the Lord’s Ascension” – iyan po ang pamagat ng ipinagdiriwang natin ngayong araw na ito.  Pero, pakituro nga po ninyo sa akin kung saan sa Ebanghelyo ni San Mateo, na binasa natin ngayon, sinasabing ang Panginoong Jesus ay umakyat ng langit.  Wala po.  Kasi po ang bersyong pamilyar sa atin tungkol sa kapistahang ito ay yaong kay San Lukas, hindi kay San Mateo.

Pansinin po ninyo (para sa dagdag na kaalaman ng lahat), sa Ebanghelyo ni San Lukas ay may pagpanoog sa simula kaya naman may pag-akyat naman sa katapusan.  Sa Lk 1:35, nanaog ang Espiritu Santo sa Mahal na Birheng Maria at sa kanyang sinapupunan ay nagkatawang-tao ang Salita ng Diyos, si Jesukristong Panginoon.  At sa Lk 24:51 naman po ay umakyat si Jesus sa langit.  Yayamang sinasabing si San Lukas din po ang sumulat ng Aklat ng Mga Gawa ng Mga Apostol, sinimulan niya ang naturang aklat kung paano niya tinapos ang kanyang Ebanghelyo: sa pag-akyat ni Jesus sa langit.  Ang tawag po sa literary style na ito ay “paglalakip”.  Karaniwan po ang istilong ito sa mga aklat ng Banal na Bibliya.  At may pagkaganito rin po ang Ebanghelyo ni San Mateo, ang diin ay hindi ang pagpanaog at pag-akyat kundi ang pananatili ng Diyos.

Sabi po ni San Mateo sa Ebanghelyo ngayon, kinatagpo ni Jesus ang labing-isang alagad sa isang bundok at pinagbilinan sila na ang wika, “Ang lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa ay ibinigay sa Akin.  Kaya’t humayo kayo, gawin ninyong mga alagad Ko ang lahat ng mga bansa; binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, at turuan ninyo silang tupdin ang lahat ng mga utos na ibinigay Ko sa inyo.  AKO AY LAGING KASA-KASAMA NINYO; OO, MAGPAHANGGANG WAKAS NG PANAHON.  Tapos, tapos na po.  Sa katunayan, ito po ang mga huling bersikulo ng Ebanghelyo ayon kay San Mateo.  Wala na pong sumunod na mga bersikulo pagkatapos nito.  Bitin po, hindi ba?  Nasaan po ang aktuwal na pag-akyat ni Jesus sa langit doon?  Wala po.  Bakit wala?  Dahil hindi po kay San Mateo; kay San Lukas iyon.

Para higit po nating maunawaan kung bakit ganun ang wakas ng Ebanghelyo ayon kay San Mateo, balikan natin ang simula nito.  Sa Mt 1:23, sinipi ni San Mateo ang pahayag ni Propeta Isaias (Is 7:1) at ipinamutawi sa mga labi ng anghel ng Panginoon nang magpakita ito kay Jose sa panaginip: “Tingni,” ika, “ang birhen ay manganganak ng isang lalaki, na tatawaging Emmanuel na ang ibig sabihin ay ‘Sumasaatin ang Diyos’.”  Kaya naman po sa pagtatapos ng kanyang Ebanghelyo, wari’y ipinaaalala sa atin ni San Mateo kung sino at ano nga po si Jesus – Siya ang Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin.  Si Jesus ang pagsasapiling sa atin ng Diyos; hindi pang-iiwan ng Diyos.  Ang paglaho ni Jesus sa ating pisikal na paningin ay hindi po pang-iiwan ng Diyos.  Binibigyang-diin po ni San Mateo na, nang maglaho si Jesus sa pisikal na paningin ng tao, hindi tayo iniwan, mas lalong hindi pinabayaan, ng Diyos.  Bagkus, kung paaanong binibigyang-diin din ni San Mateo sa kanyang Ebanghelyo na si Jesus ang katuparan ng panukala ng Diyos na inihula ng mga propeta, nagpapatuloy pa rin pong si Jesus ang katapatan ng Diyos sa Kanyang Bayang tinubos. Jesus is the Fidelity of God.  He is God’s faithful Presence to and with His People.  Siya po ang Emmanuel.  Sa pamamagitan Niya, parang sinasabi sa atin ng Diyos, “Walang iwanan!”

Sa ganito pong pag-unawa kay Kristo Jesus, masasabi natin nang walang kamalian na ang Panginoon ay hindi nawala sa piling natin.  Oo nga’t Siya ay naging lingid sa ating mga mata subalit hindi po iyon nangangahulugang wala na Siya.  Ang ibig lamang pong sabihin niyon ay nag-iba ang anyo at paraan ng pagsasapiling ng Panginoon sa atin ngayon mula sa paraan at anyo ng pagsasapiling Niya noong panahon ng mga Apostol.  Parehong Panginoon kaya po pareho pa ring presensya bagamat bagong anyo at bagong paraan.  At ang pananampalataya natin sa Panginoon ay hindi lamang higit na hinahamon kundi higit ding nabigyang-halaga pa.  Sa makabagong panahon, wala pong ibang paraan para makita, makiilala, makausap, marinig, at maranasan natin ang Panginoong Jesus maliban sa pamamagitan ng pananampalataya.  Pananampalataya ang humahawi sa tila nagkukubli kay Jesus sa ating paningin ngayon.

Kaya, itinatakda po ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit o Solemnity of the Lord’s Ascension ang tiyak na sandali ng pagsisimula ng bago’t higit pang mabiyayang anyo at paraan ng pagsasapiling ng Panginoon sa atin, samantalang pinasisimulan din nito ang panahon ng maigting na pananampalataya na ang dating Salitang Nagkatawang-tao ay nanatiling Emmanuel pa rin hindi lamang para sa atin kundi sa piling pa rin natin.  Sa araw-araw, namumuhay po tayo sa pagitan ng mabibiyayang sandali ng magmuling-pagkabuhay ng Panginoong Jesus at ng Kanyang pagbabalik sa wakas ng panahon.  Ngunit dapat po nating tantuin na ang “pagbabalik” na ito ay hindi tulad ng pagbabalik ng isang taong umalis, lumisan, lumayas o pumanaw sapagkat ang “pagbabalik” na ito ay ang pagbabalik ng hayagan at pisikal na presensya ni Jesus na tunay rin naman pong patuloy nating kapiling ngayon hanggang sa wakas ng panahon.  Sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa, ang “pagbabalik” na ito ang ipinagdarasal natin at sinasabi nating masaya nating pinananabikan.

Ngayon, kung hindi nga po nawala si Jesus, nasaan na Siya?  Ops, huwag na huwag po ninyong ituturo ang daliri ninyo pataas!  Wala po sa kisame si Jesus.  Wala rin po Siya sa kalawakan.  Sabi nga ni Neil Armstrong, isa sa mga astronauts na unang nakayapak sa buwan, “I went to the heavens but did not find God there.”  Kung gayon, nasaan po si Jesus?

Sa ating puso.  Si Jesus ay nasa ating puso.  Nang paghati-hatiin ni Jesus ang tinapay sa paningin ng dalawang alagad sa Emmaus, natatandaan n’yo po ba na Siya ay biglang naglaho sa kanilang paningin?  Sabi ni San Juan Pablo II sa kanyang kahuli-hulihang isinulat na Apostolic Letter (pitum buwan lamang po bago siya pumanaw), pinamagatang “Mane Nobiscum Domine”, ang Panginoong Jesus daw po ay naglaho sa paningin ng dalawang alagad sa Emmaus subalit lumitaw naman daw Siya sa kanilang mga puso.  At, patuloy pa po ni San Juan Pablo II, ang naunang pakiusap ng dalawang alagad na yaon, “Mane nobiscum, Domine” (“Stay with us, O Lord” o “Manatili Ka pong kasama namin, O Panginoon”) ay natupad nga sa paraang ni hindi nila inakala.  Kaya nga po, nasabi ng dalawang alagad na ito sa isa’t isa, “Kaya pala gayon na lamang ang ating pakiramdam…” o sa salin sa Ingles, “Did not our hearts burn?

Nasaan po si Jesus?  Nasa ating puso.  Kaya kapag may naghanap kay Jesus sa atin, ipakita po natin ang puso natin.  Ipadama po natin sa lahat ang pag-aaruga, pagmamalasakit, at pagdamay ni Jesus.  Ibahagi po natin ang presensya ni Jesus sa lahat ng pagkakataon.  Magmahal po tayo tulad ni Jesus.  Palibhasa, gaya ng sinasabi ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Epheso, na narinig natin sa ikalawang pagbasa ngayon, tayo, ang Iglesiya, ang katawan ni Kristo at si Kristo naman po ang ating Ulo.  Ito ang ating misyon.  Ito po ang ibig sabihin ng ating pagiging Iglesiya at pagiging Bayan ng Magmuling-Pagkabuhay ni Kristo.  Kaya nga po sa kapanganakan pa lang ng Santa Iglesiya, isinusugo na po ito ni Jesus sa pagmimisyon: “Humayo kayo…gawin ninyong mga alagad ko…binyagan ninyo sila…turuang sumunod…at tandaan ninyo,” wika ng Panginoon sa Kanyang mga alagad.

Naku po, huwag na huwag po tayong tumunganga sa langit!  Baka masita rin po tayo ng dalawang anghel na pumuna sa mga alagad sa unang pagbasa natin ngayon, “Mga taga-Galilea, bakit kayo nakatingin sa langit?”  Ang tugon po natin sa pag-akyat ni Jesus sa langit ay hindi pagtunganga kundi pagmimisyon sa pamamagitan ng pagtulad sa Kanya.

So, don’t make tunganga!  We are an Easter People and that means we are a Church on mission!

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home