04 May 2014

PAGLALAKBAY KASAMA NI JESUS

Ikatlong Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Lk 24:13-35 (Gawa 2:14, 22-33 / Slm 15 / 1 Pd 1:17-21)


May ikukumpisal po ako sa inyo.  Noong mas bata pa ako, hindi po ako marunong magdala ng mga problema.  Hindi naman po sa mahusay na akong magdala ngayon.  Marami pa po akong dapat matutunan sa aking buhay at ministeryo.  Subalit noong mas bata pa po ako, mas lalo rin akong hindi marunong magdala ng mga problema.  May dalawa po akong paraan ng pagtakas: kundi matulog ay tumakbo.  Sa kasawiampalad, paggising ko, ang mga problema ko pa rin po ang unang bumabati sa akin.  At gaano man kalayo ang aking takbuhin, tila lagi namang nauuna pang dumating ang mga problema ko kaysa sa akin.

Sa loob ng halos labinsiyam na taon bilang pari, natutunan ko po, sa pamamagitan ng mahihirap na paraan, na ang unang hakbang sa ikalulutas ng anumang problema ay ang harapin ito.  Babangungutin ka lang kapag itinulog mo ang mga problema mo.  Mapapagod ka lang kapag tinakbuhan mo ang mga problema mo.  At kapag na-cornerned ka na ng mga problema mo, wala ka na pong ibang magagawa kundi harapin ang mga ito pero labis-labis na ang pag-aalala mo na baka huli na ang lahat.

Hindi naman po tinulugan ng dalawang alagad sa Ebanghelyo ngayon ang kanilang sama-ng-loob.  Gising na gising po sila.  Subalit tinangka po nilang takbuhan ang sanhi ng kanilang pighati: ang Jerusalem.  At ginawa nila ito nang mulat na mulat ang kanilang mga mata.  Kaya nga po, bagamat hindi sila tulog, parang nananaginip sila habang naglalakbay.  Bagamat bukas ang kanilang mga mata, hindi nila nakilala agad si Jesus na nakilakbay sa kanila, nakipag-usap sa kanila, at sumama sa kanila papasok sa kanilang tahanan.

Ang tahanan para sa dalawang alagad na ito ay ang Emmaus.  Pero, alam n’yo po ba, ayon sa mga dalubhasa sa Bibliya, ang Emmaus ay hindi makikita kahit sa matatandang mapa ng Israel.  Tutoo kayang may Emmaus?  Pero ang Jerusalem, tutuong-tutoo po at nakamarka pa iyan sa mga mapa magpahanggang ngayon.

Ang pighati ng dalawang alagad sa Ebanghelyo ngayon ay sintutoo po ng Jerusalem.  Lubos po silang nagtiwala kay Jesus, umasang Siya na nga ang matagal na nilang hinihintay na tagapagligtas mula sa malulupit na kamay ng mga mananakop na Romano.  Kaya nga po, sinundan nila si Jesus, at nang sundan nila Siya tinalikuran nila kundi man lahat ay ang malaking bahagi ng kanilang buhay at mga relasyon.

Talaga po kayang taga-Emmaus sila?  Hindi nga po tayo sigurado kung may Emmaus eh.  Hindi rin po natin alam kung taga-Emmaus nga ang dalawang ito.  Subalit kahit kung taga-saan man po sila, ang pagsunod nila kay Jesus at pagiging mga alagad Niya ay nagbigay ng bagong kahulugan, sariwang pagsisimula, at masiglang pag-asa sa kanilang buhay.  Ang sumama kay Jesus patungong Jerusalem ay kalayaan po mula sa nabagutan at kawalang-pag-asa ng kani-kanilang Emmaus.

Ngunit ngayon, mas gusto pa po nilang magbalik sa kanilang Emmaus kaysa manatili sa Jerusalem.  Ang lungsod na dating bumago sa buhay nila ngayo’y naging dahilan para bumalik sa dati nilang pamumuhay at talikuran ang sambayanang nabuo sa paligid ng katauhan at mensahe ni Jesus.  Nililisan po nila ang Jerusalem at, kasama noon, ang kanilang dating bagong-tagpong sarili at misyon.  Sa Jerusalem po kasi pinahirapan, hiniya, at pinatay si Jesus, kaya naman ito rin po ang lugar ng mapait na panghihinayang ng dalawang alagad na ito.  At ngayon, nawawala pa ang bangkay ni Jesus!  Kaya, sa palagay ng dalawang ito ay nawalan na rin ng saysay ang kanilang buhay.  Batid din po nilang hindi lamang si Jesus ang nawala; wala na rin po silang mukhang maihaharap sa mga iniwan nila at ngayo’y binabalikan sa Emmaus.  Anong mga salita ang makapagpapahiwatig ng nararamdaman nilang pait, kahihiyan, at panghihinayang?

Kaya nga po, binigyan sila ni Jesus ng mga salitang kinakailangan nila.  Nakilakbay si Jesus sa kanila at ipinaliwanag Niya sa kanila ang Salita ng Diyos.  Tinulungan po sila ni Jesus na makita ang kanilang pinagdaraanan sa liwanag ng Salita ng Diyos at sa konteksto ng kabuuang panukala ng Diyos.

Kaya nga po, pinagkalooban sila ni Jesus ng pagkaing kailangang-kailangan ng kanilang mga nangalulupaypay na diwa.  Pinagpira-piraso po ni Jesus ang tinapay para sa kanila.  Nang magkagayon, nakilala nila Siya.  Bagamat nawala Siya sa kanilang paningin, napasa-puso naman po nila si Jesus.  Ano po ba’t nag-uumapoy ang kanilang mga puso, hindi ba?  Hindi na kailangang makita ng kanilang mga mata si Jesus sapagkat damang-dama na nilang kasa-kasama pa rin nila Siya.

Kaya nga po, biniyayaan sila ni Jesus ng lakas-ng-loob at kasiglahang balikan ang tinalikura’t tinakasan nila sa Jerusalem.  At doon sa Jerusalem, masaya po silang sinalubong ng sambayanang iiwan sana nila.  Sa sambayanan ding iyon, muli’t muli pa po nilang makikita si Jesus.

Sa palagay ko po, hindi lang ako ang nag-iisang tao na kapag may problema ay tulog nang tulog o takbo nang takbo papalayo.  Anuman po ang paborito ninyong paraan, lahat tayo ay may paraan ng pagdadala ng ating mga pinagdadaanan, paglulutas ng ating mga problema, at paghihilom ng ating mga hinanakit.  Subalit sapagkat tayo ay Bayan ng Magmuling-Pagkabuhay o Easter People, iisa lamang po ang tamang paraan para sa atin: ang landas ng Magmuling-Nabuhay na Kristo.

Lakbayin po natin ang ating problema, huwag po natin itong tulugan.  Lakbayin po natin ang problema, huwag po natin itong takasan.  Lakbayin po natin ang ating problema.  Lakbayin po natin ito nang kasama si Jesus.  Gawin din po nating panalangin natin sa Panginoon ang tugon sa Salmo ngayong araw na ito: “Ituro Mo ang landasin ng buhay kong hahantungin.”  At manalig po tayo na matutupad din sa atin ang pahayag ni David na binabanggit ni Apostol San Pedro sa unang pagbasang hango sa Mga Gawa ng Mga Apostol: “Itinuro Mo sa akin ang mga landasing patungo sa buhay, dahil sa Ikaw ang kasama ko, ako’y mapupuspos ng kagalakan.”

Sa buhay na tinutukoy ni Apostol San Pedro sa ikalawang pagbasa natin ngayon, maglakbay po tayo nang kasa-kasama si Jesus at tingnan natin ang ating buhay sa liwanag ng Salita ng Diyos, ng Banal na Eukaristiya, at ng Iglesiya na siyang sambayanan ng Kanyang mga alagad.  Basahin po natin ang Mga Banal na Kasulatan at alamin natin kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa krisis na ating pinagdaraanan.  Lumapit po tayo sa Banal na Eukaristiya at danasin natin kung paanong inihandog ni Jesus ang Kanyang Sarili lumaya lamang tayo’t lumigayang tunay.  At kung sakaling, tinalikuran natin ang ating sambayanan – parokya, ministeryo, o samahang pansimbahan – dala ng sama-ng-loob, hinanakit, pagtatampo, galit, suya, iskandalo o maging kahihiyan, magbalik po tayo at muli’t muli nating diskubrihin si Jesus na magmuling-nabuhay roon, sapagkat, maliban po sa katangi-tanging karanasan ni Maria Magdalena, ang lahat ng mga pagpapakita ni Jesus matapos Siyang magmuling-nabuhay ay sa sambayanan at sa gitna nito.

Maglakbay tayong kasama ni Jesus at damhin po natin ang ating mga pusong nag-uumapoy.  Hayaan po nating ang mga puso nating nag-uumapoy ang magbigay ng init at liwanag sa mga taong nangangapa sa kani-kanilang paglalakbay sa buhay.  Matapos makilala si Jesus na magmuling-nabuhay at ngayo’y Kalakbay natin, tularan natin Siya at makilakbay din po tayo sa mga walang-wala, nawawala, winawala, at maging nagwawala sa buhay.  Maglakbay kasama ni Jesus.  Maglakbay katulad ni Jesus.  Maglakbay para kay Jesus.  Panatilihin nating nag-uumapoy ang ating mga puso kay Jesus, sa pamamagitan ni Jesus, at para kay Jesus.

We are an Easter People and that means we are a Church walking with Jesus.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home