26 June 2010

BIG WINNER SA BAHAY NI ABBA

BIG WINNER SA BAHAY NI ABBA
Lk 9:51-62

Dalawang uri ng mga tao: ang mga laging at home at ang mga never home.

Ang mga laging at home ay silang mga higit na komportableng laging nasa loob ng bahay lang kaysa nasa labas nito. Sila yaong gustong laging napalilibutan ng mga pamilyar sa kanila – tao o bagay man. Mas masaya sila kung nasaan na sila at walang dating sa kanila ang udyok na umalis pa sa kinalalagyan nila. Ito ang bukambibig nila: “Bakit pa ako aalis, eh napakakomportable na rito?”

Ang mga never home naman ay yaong mga hindi mapakali sa loob ng bahay nila. Para sa kanila, ang bahay nila ay parang isang bilanguan. Sila ang mga may laging pananaw na higit na napakahirap makalabas kaysa makapasok ng bahay. Marahil, kaya lagi silang wala sa bahay ay dahil inaakala nilang hindi na sila makalalabas pa sa sandaling nasa loob sila nito. Ilang sandali pa lamang sila sa loob ng bahay, ngangati na agad ang mga paang humakbang palabas ulit. Lagi nilang pinaplano ang susunod na lakad, mahilig maglakwatsa, palaging gumigimik. Mas mahirap ang kalagayan nila kaysa sa mga laging at home dahil pinagtitiisan na lang nila ang kasalukuyan kung ang kasalukuyan ay sa loob ng bahay, kahit pa sarili nilang pamamahay. Ito ang kaligayahan nila: ang gumala.

Marahil tayo ay nasa gitna ng dalawang uri ng mga taong ito. Maligaya tayo sa seguridad ng sariling tahanan at masaya rin naman tayong humaharap sa hamon sa atin sa labas ng bahay natin. Dahil dito, kapag sa paglalakbay ay may mangyaring hindi maganda, kaya nating aliwin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pag-alala sa ating tahanang pinagmulan, at kapag nasasakal naman tayo sa sarili nating bahay, hindi tayo natatakot lumabas kung kinakailangan. Ngunit paano kung nararamdaman nating tinatawag tayo tungo sa isang bagay na hihingin ang ating paglayo sa mundong naging pamilyar na sa atin? Anong mangyayari sakaling hamunin tayong magpasiya na hahantong sa pagkawalay natin sa mga mahal natin sa buhay? May mga task bang ganoon sa teleserye ng tutoong buhay? Meron. At ang mga tanong na ito ay nasa puso ng ating Ebanghelyo ngayong araw na ito.

Si Jesus mismo ay tumugon sa tawag na nangailangang iwan Niya ang Kanyang sariling pamilya at tahanan sa Nazareth. Nang magsimula ang hayagang ministeryo ni Jesus, unti-unti nang napunta sa background ang sarili Niyang pamilya. Dahil sa Kanyang misyon, Siya ay naging isang lagalag na mangangaral at nabatid Niya na ang tunay na Niyang kamag-anak ay silang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito. Sa simula ng ating ebanghelyo sa araw na ito, nakikita natin si Jesus papalayo sa Kanyang sariling bayan ng Galilea at buong-pasyang sinisimulan ang paglalakbay patungong Jerusalem. Ang sinisimulang paglalakbay na ito ay napakahalaga sa ebanghelyo ayon kay San Lukas sapagkat ang paglalakbay na ito ang magdadala sa kanya sa tugatog ng hamon ng Kanyang misyon: ang krus. Kung tapat si Jesus sa Kanyang misyon, hindi Siya umurong.

Sa kontekstong ito ng paglalakbay ni Jesus patungong Jerusalem, ikinukuwento sa atin ni San Lukas kung paano hinarap at sinagot ni Jesus ang ilang mahahalagang katanungan. Ang unang kinaharap ni Jesus sa daan ay ang hindi pagtanggap ng mga Samaritano sa Kanya at Kanyang mga alagad dahil patungo silang Jerusalem. Batid nating may matindi at matandang alitan sa pagitan ng mga Judyo at mga Samaritano. Tinitingnang mababa ng mga Judyo ang mga Samaritano dahil ang mga Samaritano ay nalahian ng dugong Hentil. Para naman sa mga Samaritano, hindi Jerusalem ang lungsod ni Yahweh kundi ang Samaria. Kung kaya’t bakit nga magiging mabait ang mga Samaritano sa mga Judyong naglalakbay patungong Jerusalem?

Mapusok ang mungkahi kay Jesus ng dalawang sa Kanyang mga alagad: paulanan ng apoy ang mga Samaritanong ayaw tumanggap sa kanila. Ngunit hindi ito sinang-ayunan ni Jesus. Sa halip, sila pa ang pinagsabihan ni Jesus at ipinaalala sa Kanila na Siya ay naparito hindi upang magpahamak kundi upang magligtas. Kailanman hindi mabibigyang katarungan ang pananakit kahit pa sa ngalan ito ng pagtanggap sa Panginoon.

Isa lang ang tugon ni Jesus sa hindi pagtanggap ng mga Samaritano sa Kanya at Kanyang mga alagad: magpatuloy sa paglalakbay at huwag alisin ang tingin sa tunay na pakay, ang Jerusalem. Kahanga-hanga ang tugon na ito para sa ating mga madaling panghinaan o mawalan ng loob dahil sa hindi pagtanggap sa atin o pag-uusig sa atin ng iba. Minsan madali tayong made-focus sa dapat nating gawin.

Sa pagpapatuloy nila sa kanilang paglalakbay, tatlong nangangarap maging alagad Niya ang nagtanong pa kay Jesus. Ang una ay binalaan ni Jesus na ang pagsunod sa Kanya ay nangangahulugang pagsunod sa isang lagalag na mangangaral na wala man lamang mapagpahingahan – isang malinaw na babala para sa alagad ni Jesus na asahan na ang hindi pagtanggap ng kapwa. Sa ikalawa at ikatlo namang nais maging mga alagad Niya, hamon ni Jesus ang paglaya sa mga nakaraang ugnayang hihila sa kanila pabalik sa tahanang kanilang kailangang lisanin upang sundan Siya. Kailangang magpasiya ang alagad kung ano ang tunay niyang prayoridad: pagkakatali sa pamilya o pagkakatuon sa misyon. Upang maging malaya para sa kanyang misyon, ang alagad ay dapat kumalas sa anumang maaaring maging tanikala sa kanya. Alang-alang sa kaharian ng Diyos, dapat maging handa ng alagad na isakripisyo ang pansariling seguridad, pampamilyang responsibilidad, at maging sariling buhay.

Hindi maitatatwang napakaradikal ng hinihingi ni Jesus sa sinumang nais na maging alagad Niya. Subalit Siya mismo ang una at walang-katulad na halimbawa ng Kanyang hinihingi sa atin. Bilang mga alagad ni Jesus, dapat tayong maging taus-puso at buong pasiya sa ating pagtatalaga ng sarili sa Kanya sapagkat lahat ng Kanyang mga alagad ay kailangang tahakin ang landas patungong Jerusalem. At malamang, sa paglalakbay natin patungong Jerusalem, marami pa tayong haharaping mga taong ayaw tumanggap sa atin. Kakailanganin ang matinding tapang, wagas na pagkabukas-palad, at matibay na pasiyang magpatuloy sa paglalakbay sa kabila ng mga paghihirap at pagsubok. Inaasahan ni Jesus na tayong mga alagad Niya ay laging magpapasiyang magpatuloy lang sa kabila ng lahat.

Bago natin tapusin ang ating pagninilay, mahalagang alalahanin natin na si Jesus ay natukso ring sumuko at bumalik na lamang sa tahimik at ligtas na pamumuhay Niya sa Galilea. Natukso rin Siya ngunit, sa pagtitiwala sa Diyos Ama, pag-ibig sa kapwa, at pagiging tutoo sa tuwina, nanatili Siyang tapat at matibay sa Kanyang pasiya.

Tularan natin si Jesus – Siya ang tutuong big winner sa bahay ni Abba.

20 June 2010

ANG SURVEY

Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 9:18-24


Halos kalahating taon na nang pasimulan ng ating parokya (ang San Jose Manggagawa Parish) ang isang parish profile survey. Ang mga datos na matitipon mula sa survey na ito ang siyang gagawing batayan ng vision and mission statements at pastoral plan ng ating parokya. Napakahalaga ng gawaing pastoral na ito. Anupa’t sinabi ng ating Arsobispo, ang Kanyang Kabunyian Gaudencio B. Kardinal Rosales, “To lead without a vision is treason”. Buhay na buhay na ang parokyang ito at marami nang masiglang naglilingkod sa ikatataguyod ng aming sambayanang Kristiyano, panahon na para ibaling ang kaabalahan para sa malinaw na vision and mission statements at pastoral plan; kung hindi, pagod lang ang lahat pero wala namang nararating. Dagdag pang dahilan para tapusin ang gawaing ito ay ang sinisimulang paghandaang Sapphire Jubilee sa susunod na taon ng ating parokya. Madali lang sanang lumikha ng vision and mission statements na siyang magiging saligan ng isang magandang parish pastoral plan, kung hindi na lang suungin ang nakapapagod at mahabang proseso ng pangangalap ng mga datos sa pamamagitan ng isang parish profile survey; kaya lang, lulutang sa hangin, hindi lapat sa realidad, o masahol pa, magiging kasinungalingan ang lahat. Kaya naman, mahirap man kumbinsihin ang marami sa mga parishioners at sakripisyo sa mga kabilang sa ating Parish Pastoral Team, tuloy ang mga pagsisikap ng mga lider-laiko, ni Rev. Caloy (ang ating resident deacon), at ng inyong lingkod na matiyagang tapusin ang napasimulang parish profile survey.

Pero may higit pang mahalagang survey kaysa sa survey ng aming parokya: ang survey ni Kristo. Tinatanong ng Panginoon ang Kanyang mga alagad, “Sino ako ayon sa mga tao?” Iba’t ibang sagot ang ibinigay sa Kanya ng mga alagad, palibhasa kung gaano karaming mga tao ay gayun din naman karami ang mga opinyon tungkol sa Kanya. Ngunit hindi ganung ka-interesado si Jesus sa inaakala ng mga tao tungkol sa Kanya kung ihahambing sa interes Niyang malaman kung kilala nga ba Siya ng Kanyang sariling mga alagad, sariling mga kaibigan, sariling barkada, ang Kanyang mga “kaberks”. Kung kaya’t idiniin pa Niya ang pagtatanong, “At kayo, sino ako sa inyo?”

Kapag tinatanong natin ang ating kaibigan tungkol sa kung ano at kung sino tayo para sa kanya, nagtataya tayo. Itinataya natin ang ating sarili – baka tayo masaktan dahil baka mali ang tingin niya sa atin o kaya ay bolahin lang tayo o kaya ay marinig nga natin ang tutoo mula sa kanya pero masaktan pa rin tayo dahil, ayon sa nabasa ko, nakapagpapalaya nga ang katotohanan pero sasaktan ka muna nito. Maaaring masyadong mataas ang pagturing natin sa ating sarili o kaya ay masyado namang mababa ang tingin natin sa sarili natin. Gayunpaman, walang ibang paraan para masukat natin ang lalim ng ugnayang nagbibigkis sa atin sa ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan maliban na lamang kung magtataya tayong malaman kung ano nga ba at sino nga ba tayo para sa kanila.

Ginagawa ni Jesus ang pagtatayang iyan ngayong araw na ito. Nais Niyang malaman kung kilala nga ba Siya ng Kanyang mga alagad dahil nais Niyang mabatid kung gaano na nga ba kalalim ang kapatiran sa pagitan Niya at nila. Madaling maunawaan kung bakit higit na mahalaga para kay Jesus ang pagkakakilala sa Kanya ng mga alagad kaysa sa inaakala ng madla tungkol sa kung sino Siya. Halos tatlong taon na Niya silang kasa-kasama. Dapat lang na mas kilala na nila Siya, hindi ba? Ipagkakatiwala Niya sa kanila ang Santa Iglesiya. Dapat lang na mas malinaw ang pagkakakilala nila sa Kanya, hindi ba?

Nang magsimulang sumunod si Juan at Andres kay Jesus, tinanong nila Siya, “Rabi, saan po Kayo nakatira?” Sinagot sila ni Jesus, “Halikayo at tingnan” (Jn 1:38-39). Ang tanungin sa isang rabi kung saan siya nakatira ay hindi pareho sa pagtatanong sa kanya kung ano ang address ng bahay niya. Para sa mga Judyo, ang pagtatanong sa isang rabi kung saan siya nakatira ay isang pakiusap na maging alagad, estudyante, alaga ng rabi. Ito ang kahulugan ng “Rabi, saan po kayo nakatira”: “Guro, maaari po ba akong sumama sa inyo? Puwede po ba akong makitira sa inyo? Puwede po ba akong maging estudyante ninyo? Puwede po ba ninyo akong turuan?” Ang maging alagad ng isang rabi ay ang mamuhay nang kasama ng rabi. Upang matuto sa rabi, dapat makipamuhay sa kanya ang alagad. Sa gayong paraan, pati diwa ng rabi ay napapasa-alagad.

Nang tanggapin ni Jesus sina Juan at Andres – at iba pang mga alagad – pinapasok Niya sila hindi lamang sa ilalim ng Kanyang bubungan kundi maging sa Kanyang puso. Isang lagalag na mangangaral, tinuruan ni Jesus ang Kanyang mga alagad hindi sa loob ng isang silid-aralan kundi sa loob ng Kanyang puso na, ayon sa ebanghelyo, “laging minahal silang Kaniya sa mundo.” Ang puso Niya ang kanilang naging paaralan. Sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanila, hinubog sila ni Jesus. Gayundin pa rin po naman para sa ating mga alagad ni Jesus sa kasalukuyang panahon.

Ang maging alagad ni Jesus, ang Rabi, ay ang mamuhay nang kasama si Jesus. Sa pamumuhay kasama ni Jesus natututo at nahuhubog ang alagad. Sa ganito ring paraan ibinabahagi ni Jesus ang Kanyang diwa sa Kanyang mga alagad hanggang sa ang buhay Niya ay maging buhay na rin ng alagad, ang kamatayan Niya ay maging kamatayan na rin ng alagad, at ang kanyang magmuling-pagkabuhay ay maging magmuling-pagkabuhay na rin ng alagad. Ang buhay, kamatayan, at magmuling-pagkabuhay ni Jesus ay ang Kanyang Misteryo Paskal; ito rin ang Misteryo Paskal natin. Ito ang buhay natin. Tutoo ito tungkol sa lahat ng tunay na alagad ni Jesus kahit saan at kahit kailan.

Nakatitig si Jesus sa mga mata natin ngayong mga sandaling ito. Nangungusap ang mga matang ito at tinatanong ang bawat-isa sa atin, “At ikaw, sino Ako para sa iyo?” Matapos Niya tayong tawagin at ariing Kanya, matapos Niya tayong piliin at gawing mga alagad Niya, matapos Niyang makipamahay sa atin, matapos Niya tayong papasukin sa Kanyang kabanal-banalan at mapagmahal na puso, at matapos bahaginan tayo ng Kanyang Espiritu, nagtataya rin si Jesus sa pagtatanong kung sino siya para sa atin. Nais niyang malaman kung talagang kilala nga natin Siya, kung tunay nga tayong mga kaibigan Niya. Hinihintay Niya ang ating sagot. Nagtataya si Jesus sa atin. Pinahahalagahan ba natin ang pagtataya Niyang ito para sa atin?

Anong pong sagot natin sa survey ni Kristo?

12 June 2010

UTANG-NA-LOOB

Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 7:36-8:3

Para sa ating mga Pilipino, ang pinakamasakit na maaaring sabihin sa atin ng ninuman ay ito: “Wala kang utang-na-loob!” Ang utang-na-loob ay walang tahasan at ganap na salin sa wikang Ingles. Minsan nababasa kong isinasalin ang utang-na-loob bilang “debt of gratitude”. Hindi pa rin huli ng pagkakasalin sa Ingles ang damdaming bumabalot sa karanasan natin ng utang-na-loob.

Ang taong walang utang-na-loob ay hindi marunong magpasalamat. Kaya masakit ang dating sa atin ng kawalang utang-na-loob kasi malalim ang ating kamalayan sa pagpapasalamat. Payag na tayong tawagin sa kahit anong pantukoy, pero huwag namang “walang utang-na-loob”. Hindi malayong mauwi sa malaki at marahas na pag-aaway ang pagtawag sa sinuman na walang utang-na-loob.

Sa ebanghelyo natin ngayong araw na ito, isang babae ang dumating samantalang si Jesus ay kasalo ng isang Pariseo. Umiiyak ang babae at ang kanyang mga luha ay dumampi sa mga paa ni Jesus. Pinunasan ng babae ang mga luha sa paa ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang buhok. Pagkatapos, pinaghahalikan ng babae ang mga paa ni Jesus at pinahiran ito ng mabango at mamahaling langis. Ayon kay San Lukas, ang babaeng ito ay kilala sa bayan dahil sa kanyang masamang pamumuhay. Pinatawad siya ni Jesus sa lahat ng kanyang mga kasalanan. Marahil tunay ngang napakalaki ng kasalanan ng babaeng ito sapagkat napakalaki rin ng kanyang pahiwatig ng utang-na-loob kay Jesus.

Ang uri ng utang-na-loob na mayroon ang babaeng kilalang makasalanan ay wala sa mga Pariseo. Baka nga inaakala pa ng Pariseong kasalo ni Jesus na si Jesus ang may utang-na-loob sa kanya dahil inanyayahan niya si Jesus sa kanyang bahay at pinakain. Subalit kailanman hindi magkakaroon ng utang-na-loob si Jesus kaninuman. Sa halip, lahat tayo ang may utang-na-loob sa Kanya, hindi ba? Palibhasa, si Jesus ang Anak ng Diyos na tumubos sa ating lahat mula sa tanikala ng kasalanan at sumpa ng kamatayang walang-hanggan.

Ang lahat ay biyaya. Wala tayong maipagmamalaki, palibhasa ang lahat ay nagkulang sa grasya ng Diyos at nagkasala. Ngunit ang isinukli ng Diyos sa ating mga kasalanan laban sa Kanya ay mahabaging pag-ibig. Gaano man karami at gaano man kalaki ang ating mga kasalanan, laging handa ang Diyos na patawarin tayo kung hihilingin lamang natin sa Kanya ang Kanyang habag.

Dahil ang Diyos ay walang-hanggan, ang ating utang-na-loob sa Diyos ay wala ring hanggan. Hindi natin kayang suklian nang sapat ang Kanyang kabutihan sa atin. Tanging Diyos din lamang ang sapat sa Diyos. Tanging si Jesus, taong tutoo at Diyos ding tutoo, ang makapagbabayad sa Diyos ng ating utang-na-loob. At ginawa na Niya iyon sa krus.

Maaari lamang tayong makigalak kay Jesus habang malaya at masagana Niyang ipinagkakaloob ang Kanyang awa sa mga makasalanan – kilala man o hindi. Kung hindi natin kayang makigalak kay Jesus dahil pinatatawad Niya ang mga makasalanan, baka naman nalimutan na natin ang ating utang-na-loob sa Kanya. Kapag gayon nga, masakit mang tanggapin pero kitang-kitang wala tayong utang-na loob.

05 June 2010

HATIIN ANG SARILI

HATIIN ANG SARILI
Lk 9:11-17

Minsan, isang seminarista ang ipinadala sa isang maralitang pamayanan para sa tinatawag na “immersion”. Sa isang mahirap na pamilya sa pamayanang yaon, kailangang makipamuhay ang seminaristang ito – kanin ang kanilang kinakain, matulog kung saan sila natutulog, makibahagi sa kung anuman mayroon ang pamilyang kukupkop sa kanya. Sa madaling salita, dapat niyang maranasan at malasap ang buhay-maralita. Pagdating at pagkakita niya sa kalunus-lunos na kalagayan ng mga taong naninirahan doon, kaagad niyang nasabi sa sarili, “Kawawa naman sila.” Simula noon, sa bawat araw ng kanyang pakikipamuhay sa mga dukha, iisa ang bukambibig ng seminaristang iyon: “Kawawa naman sila.”

Samantalang naroroon siya, ang batang anak ng tinutuluyan niyang pamilya ay namatay. Buhay pa sana ang bata pero dahil walang kapera-pera ang pamilya, hindi ito nadala sa ospital at madaling binawian ng buhay. Sa lamay para ng bata, paulit-ulit na sinasabi ng seminarista sa mga bisita, “Kawawa naman sila.”



Pagsapit ng katapusan ng kanyang “immersion”, nagpaalam ang seminarista sa maralitang kapitbahayan. Tinanong siya ng isa sa mga naninirahan doon, si Ka Indo, “Brother, batay po sa inyong naranasan dito sa amin, ano po ang masasabi ninyo?” Sumagot si Brother, “Kawawa naman po kayo.” “Ano po kay ang magagawa ninyo para matulungan kami sa aming kahirapan?” tanong ulit ni Ka Indo. “Magagawa?” tanong ng tila nabigla pang seminarista. “A...e...naparito po ako para magmasid, hindi para gumawa,” sabi ng seminarista. At sinabi sa kanya ni Ka Indo, “Kawawa ka naman.”



Nakita ng mga apostol ang kagutuman ng mga tao sa ebanghelyo ngayong araw na ito, subalit hindi nila malaman kung paano nila ito papawiin. Tila sila mismo ay hindi alam ang dapat gawin. Gutom din sila at limang pirasong tinapay at dalawang isda lamang ang meron sila. Kahit para sa kanila, hindi sapat ang kanilang baon. Kung kaya’t pinayuhan nila si Jesus, “Paalisin mo na ang mga tao upang makahanap ng matutuluyan at makakain nila.” ngunit taliwas ang iniisip ni Jesus: “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Pansinin: ang solusyon ng mga apostol ay paalisin ang mga tao, ngunit ang solusyon ni Jesus ay tipunin ang mga tao. Nakita ng mga apostol kung ano ang wala sila: wala silang maibahagi. Nakita naman ni Jesus na merong mga tagabahagi: ang labindalawang apostol.



Nang dalhin ng mga apostol kay Jesus ang kakaunting meron sila, inutusan sila ni Jesus na paupuin ang mga tao sa mga pangkat ng tig-lilimampung katao. Matapos kunin ang ibinigay nila sa Kanya, tumingin si Jesus sa langit, nagpasalamat sa tinanggap, pinaghati-hati iyon, at ibinigay muli sa mga apostol upang ipamahagi sa nagugutom na madla. Ang sumunod ay isang himala: Lahat ay nakakain hanggang gusto nila, at may natipon pang labindalawang bakol na puno ng mga natirang pagkain.



Ang mga aral na natutunan ng mga apostol ay siya pa ring mga aral sa atin ngayon. Hindi sapat na makita, makilala, o matukoy ang mga pangangailangan ng ating kapwa. Dapat may gawin tayo sa mga pangangailangang iyon. Hindi sapat ang maawa sa iba para sabihing may malasakit na tayo sa kanila. Dahil sa pagmamalasakit, dapat tayong makiramay sa kanila sa paraang nararanasan natin kung ano ang nararanasan nila. Gayon na lamang ang pakikiramay na ito para tayo ay kumilos upang hindi lamang tayo mag-observe kundi mag-serve. Ang paghihirap ng ating kapwa na dumudurog sa ating mga puso ay hindi lang dapat magbukas sa ating mga mata sa kanilang paghihirap kundi dapat ding magbukas sa ating mga kamay; hindi lang ito dapat gumising sa ating kamalayan na may mga kapwa pala tayong napakasahol ng kalagayan kundi dapat ding magbigay-lakas sa ating mga bisig para tulungan silang makaahon sa kanilang kinasasadlakan samantalang ibinibilang natin sa ating mahahalagang kaabalahan ang kanilang mga pangangailangan.



Ang pagtakas sa krisis o ang pagpapaalis sa mga tao ay hindi ang solusyon sa suliraning kinaharap ni Jesus at ng mga apostol sa ebanghelyo ngayong araw na ito. Sa halip, ang pananatili, pagtitipun-tipon, paghingi ng basbas ng Diyos, at pagbabahaginan ang solusyon. Ganito rin naman ang payong ibinibigay ni Jesus sa atin ngayon. Ang solusyon sa marami at samu’t saring kagutuman ng ating kapwa ay nasa sa atin sapagkat tayo mismo ang mga solusyon sa kagutuman nila. Hindi ang limang pirasong tinapay at dalawang isda ang bumusog sa gutom na madla sa ebanghelyo ngayong araw na ito. Ang labindalawang apostol, sa pagsuko nila kay Jesus ng kakaunting meron sila, sila mismo ang bumusog sa mga nagugutom. Pinawi nila ang uri ng kagutumang higit sa idinaraing ng sikmura, sapagkat mas matindi ang kagutuman ng mga tao para sa salita ng Diyos. Sa pagpapaubaya nila ng kakaunting meron sila, matapos itong basbasan ni Jesus, ang labindalawang apostol ay naging pinakamahusay na pahayag ng sinasabi ng salita ng Diyos. Hinahamon tayo ng salita ng Diyos na gayon din ang gawin: Maging pinakamahusay na halimbawa ng ating ipinangangaral.



At ano nga ba ang ating ipinangangaral? Ipinangangaral natin si Kristong napako sa krus at nabuhay nang magmuli. Ipinahahayag nating Siya ay buhay – Siya ang buhay – at minarapat Niyang maging pagkain para sa ikabubuhay ng sanlibutan. Ito ang ating pahayag. Ito ang ating pananampalataya. Ito ang ating dakilang kapistahan.



Samantalang ipinagdiriwang nating ngayong araw na ito ang Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo, pinagsasaluhan natin ang Panginoon. Subalit ang ating pagdiriwang ay hindi lubos kung tayo lamang ang mabubusog. Matapos nating pagsaluhan si Jesus, dapat tayong humayo at ihain natin si Jesus sa ating kapwang nagugutom sa pamamagitan ng ating mga salita at mga gawa. Kung paano at gaano natin tinatanggap si Jesus, gayundin naman tayo ay dapat na makatulad ni Jesus. Kung paano at gaano natin tinatanggap ang Eukaristiya, gayundin naman ang ating buhay ay dapat na maging Eukaristiko. Ang buhay na Eukaristiko ay isang buhay na ginugugol para sa iba.



Sa pagtanggap natin kay Jesus sa Eukaristiya ngayong araw na ito, maging tutuung-tutoo tayo sa sagot nating “Amen”. Marapatin nating ang ating “amen” ay sumagisag sa ating kahandaang humayo at paglingkuran ang ating kapwa maging magpahanggang magmistula tayong pagkain sa ikabubusog at ikabubuhay nila.




I believe in miracles and they all begin with an act of love.