05 June 2010

HATIIN ANG SARILI

HATIIN ANG SARILI
Lk 9:11-17

Minsan, isang seminarista ang ipinadala sa isang maralitang pamayanan para sa tinatawag na “immersion”. Sa isang mahirap na pamilya sa pamayanang yaon, kailangang makipamuhay ang seminaristang ito – kanin ang kanilang kinakain, matulog kung saan sila natutulog, makibahagi sa kung anuman mayroon ang pamilyang kukupkop sa kanya. Sa madaling salita, dapat niyang maranasan at malasap ang buhay-maralita. Pagdating at pagkakita niya sa kalunus-lunos na kalagayan ng mga taong naninirahan doon, kaagad niyang nasabi sa sarili, “Kawawa naman sila.” Simula noon, sa bawat araw ng kanyang pakikipamuhay sa mga dukha, iisa ang bukambibig ng seminaristang iyon: “Kawawa naman sila.”

Samantalang naroroon siya, ang batang anak ng tinutuluyan niyang pamilya ay namatay. Buhay pa sana ang bata pero dahil walang kapera-pera ang pamilya, hindi ito nadala sa ospital at madaling binawian ng buhay. Sa lamay para ng bata, paulit-ulit na sinasabi ng seminarista sa mga bisita, “Kawawa naman sila.”



Pagsapit ng katapusan ng kanyang “immersion”, nagpaalam ang seminarista sa maralitang kapitbahayan. Tinanong siya ng isa sa mga naninirahan doon, si Ka Indo, “Brother, batay po sa inyong naranasan dito sa amin, ano po ang masasabi ninyo?” Sumagot si Brother, “Kawawa naman po kayo.” “Ano po kay ang magagawa ninyo para matulungan kami sa aming kahirapan?” tanong ulit ni Ka Indo. “Magagawa?” tanong ng tila nabigla pang seminarista. “A...e...naparito po ako para magmasid, hindi para gumawa,” sabi ng seminarista. At sinabi sa kanya ni Ka Indo, “Kawawa ka naman.”



Nakita ng mga apostol ang kagutuman ng mga tao sa ebanghelyo ngayong araw na ito, subalit hindi nila malaman kung paano nila ito papawiin. Tila sila mismo ay hindi alam ang dapat gawin. Gutom din sila at limang pirasong tinapay at dalawang isda lamang ang meron sila. Kahit para sa kanila, hindi sapat ang kanilang baon. Kung kaya’t pinayuhan nila si Jesus, “Paalisin mo na ang mga tao upang makahanap ng matutuluyan at makakain nila.” ngunit taliwas ang iniisip ni Jesus: “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Pansinin: ang solusyon ng mga apostol ay paalisin ang mga tao, ngunit ang solusyon ni Jesus ay tipunin ang mga tao. Nakita ng mga apostol kung ano ang wala sila: wala silang maibahagi. Nakita naman ni Jesus na merong mga tagabahagi: ang labindalawang apostol.



Nang dalhin ng mga apostol kay Jesus ang kakaunting meron sila, inutusan sila ni Jesus na paupuin ang mga tao sa mga pangkat ng tig-lilimampung katao. Matapos kunin ang ibinigay nila sa Kanya, tumingin si Jesus sa langit, nagpasalamat sa tinanggap, pinaghati-hati iyon, at ibinigay muli sa mga apostol upang ipamahagi sa nagugutom na madla. Ang sumunod ay isang himala: Lahat ay nakakain hanggang gusto nila, at may natipon pang labindalawang bakol na puno ng mga natirang pagkain.



Ang mga aral na natutunan ng mga apostol ay siya pa ring mga aral sa atin ngayon. Hindi sapat na makita, makilala, o matukoy ang mga pangangailangan ng ating kapwa. Dapat may gawin tayo sa mga pangangailangang iyon. Hindi sapat ang maawa sa iba para sabihing may malasakit na tayo sa kanila. Dahil sa pagmamalasakit, dapat tayong makiramay sa kanila sa paraang nararanasan natin kung ano ang nararanasan nila. Gayon na lamang ang pakikiramay na ito para tayo ay kumilos upang hindi lamang tayo mag-observe kundi mag-serve. Ang paghihirap ng ating kapwa na dumudurog sa ating mga puso ay hindi lang dapat magbukas sa ating mga mata sa kanilang paghihirap kundi dapat ding magbukas sa ating mga kamay; hindi lang ito dapat gumising sa ating kamalayan na may mga kapwa pala tayong napakasahol ng kalagayan kundi dapat ding magbigay-lakas sa ating mga bisig para tulungan silang makaahon sa kanilang kinasasadlakan samantalang ibinibilang natin sa ating mahahalagang kaabalahan ang kanilang mga pangangailangan.



Ang pagtakas sa krisis o ang pagpapaalis sa mga tao ay hindi ang solusyon sa suliraning kinaharap ni Jesus at ng mga apostol sa ebanghelyo ngayong araw na ito. Sa halip, ang pananatili, pagtitipun-tipon, paghingi ng basbas ng Diyos, at pagbabahaginan ang solusyon. Ganito rin naman ang payong ibinibigay ni Jesus sa atin ngayon. Ang solusyon sa marami at samu’t saring kagutuman ng ating kapwa ay nasa sa atin sapagkat tayo mismo ang mga solusyon sa kagutuman nila. Hindi ang limang pirasong tinapay at dalawang isda ang bumusog sa gutom na madla sa ebanghelyo ngayong araw na ito. Ang labindalawang apostol, sa pagsuko nila kay Jesus ng kakaunting meron sila, sila mismo ang bumusog sa mga nagugutom. Pinawi nila ang uri ng kagutumang higit sa idinaraing ng sikmura, sapagkat mas matindi ang kagutuman ng mga tao para sa salita ng Diyos. Sa pagpapaubaya nila ng kakaunting meron sila, matapos itong basbasan ni Jesus, ang labindalawang apostol ay naging pinakamahusay na pahayag ng sinasabi ng salita ng Diyos. Hinahamon tayo ng salita ng Diyos na gayon din ang gawin: Maging pinakamahusay na halimbawa ng ating ipinangangaral.



At ano nga ba ang ating ipinangangaral? Ipinangangaral natin si Kristong napako sa krus at nabuhay nang magmuli. Ipinahahayag nating Siya ay buhay – Siya ang buhay – at minarapat Niyang maging pagkain para sa ikabubuhay ng sanlibutan. Ito ang ating pahayag. Ito ang ating pananampalataya. Ito ang ating dakilang kapistahan.



Samantalang ipinagdiriwang nating ngayong araw na ito ang Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo, pinagsasaluhan natin ang Panginoon. Subalit ang ating pagdiriwang ay hindi lubos kung tayo lamang ang mabubusog. Matapos nating pagsaluhan si Jesus, dapat tayong humayo at ihain natin si Jesus sa ating kapwang nagugutom sa pamamagitan ng ating mga salita at mga gawa. Kung paano at gaano natin tinatanggap si Jesus, gayundin naman tayo ay dapat na makatulad ni Jesus. Kung paano at gaano natin tinatanggap ang Eukaristiya, gayundin naman ang ating buhay ay dapat na maging Eukaristiko. Ang buhay na Eukaristiko ay isang buhay na ginugugol para sa iba.



Sa pagtanggap natin kay Jesus sa Eukaristiya ngayong araw na ito, maging tutuung-tutoo tayo sa sagot nating “Amen”. Marapatin nating ang ating “amen” ay sumagisag sa ating kahandaang humayo at paglingkuran ang ating kapwa maging magpahanggang magmistula tayong pagkain sa ikabubusog at ikabubuhay nila.




I believe in miracles and they all begin with an act of love.






2 Comments:

At 8:18 PM , Anonymous tsy said...

Napakaganda po ng sinulat ninyo ngayon.

Nakakalungkot ngang makita ang mga taong nagugutom sa mga lansangan.

Subalit kung bibigyan ko sila ng pagkain, masasanay na lang sila at tuluyang aasa sa ganoong paraan.

Ang iba nama'y pera ang gusto. Binibigay na nga ang pagkain, ngunit pera pa rin ang gusto.

 
At 8:26 AM , Blogger farah said...

Thats it...

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home