26 June 2010

BIG WINNER SA BAHAY NI ABBA

BIG WINNER SA BAHAY NI ABBA
Lk 9:51-62

Dalawang uri ng mga tao: ang mga laging at home at ang mga never home.

Ang mga laging at home ay silang mga higit na komportableng laging nasa loob ng bahay lang kaysa nasa labas nito. Sila yaong gustong laging napalilibutan ng mga pamilyar sa kanila – tao o bagay man. Mas masaya sila kung nasaan na sila at walang dating sa kanila ang udyok na umalis pa sa kinalalagyan nila. Ito ang bukambibig nila: “Bakit pa ako aalis, eh napakakomportable na rito?”

Ang mga never home naman ay yaong mga hindi mapakali sa loob ng bahay nila. Para sa kanila, ang bahay nila ay parang isang bilanguan. Sila ang mga may laging pananaw na higit na napakahirap makalabas kaysa makapasok ng bahay. Marahil, kaya lagi silang wala sa bahay ay dahil inaakala nilang hindi na sila makalalabas pa sa sandaling nasa loob sila nito. Ilang sandali pa lamang sila sa loob ng bahay, ngangati na agad ang mga paang humakbang palabas ulit. Lagi nilang pinaplano ang susunod na lakad, mahilig maglakwatsa, palaging gumigimik. Mas mahirap ang kalagayan nila kaysa sa mga laging at home dahil pinagtitiisan na lang nila ang kasalukuyan kung ang kasalukuyan ay sa loob ng bahay, kahit pa sarili nilang pamamahay. Ito ang kaligayahan nila: ang gumala.

Marahil tayo ay nasa gitna ng dalawang uri ng mga taong ito. Maligaya tayo sa seguridad ng sariling tahanan at masaya rin naman tayong humaharap sa hamon sa atin sa labas ng bahay natin. Dahil dito, kapag sa paglalakbay ay may mangyaring hindi maganda, kaya nating aliwin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pag-alala sa ating tahanang pinagmulan, at kapag nasasakal naman tayo sa sarili nating bahay, hindi tayo natatakot lumabas kung kinakailangan. Ngunit paano kung nararamdaman nating tinatawag tayo tungo sa isang bagay na hihingin ang ating paglayo sa mundong naging pamilyar na sa atin? Anong mangyayari sakaling hamunin tayong magpasiya na hahantong sa pagkawalay natin sa mga mahal natin sa buhay? May mga task bang ganoon sa teleserye ng tutoong buhay? Meron. At ang mga tanong na ito ay nasa puso ng ating Ebanghelyo ngayong araw na ito.

Si Jesus mismo ay tumugon sa tawag na nangailangang iwan Niya ang Kanyang sariling pamilya at tahanan sa Nazareth. Nang magsimula ang hayagang ministeryo ni Jesus, unti-unti nang napunta sa background ang sarili Niyang pamilya. Dahil sa Kanyang misyon, Siya ay naging isang lagalag na mangangaral at nabatid Niya na ang tunay na Niyang kamag-anak ay silang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito. Sa simula ng ating ebanghelyo sa araw na ito, nakikita natin si Jesus papalayo sa Kanyang sariling bayan ng Galilea at buong-pasyang sinisimulan ang paglalakbay patungong Jerusalem. Ang sinisimulang paglalakbay na ito ay napakahalaga sa ebanghelyo ayon kay San Lukas sapagkat ang paglalakbay na ito ang magdadala sa kanya sa tugatog ng hamon ng Kanyang misyon: ang krus. Kung tapat si Jesus sa Kanyang misyon, hindi Siya umurong.

Sa kontekstong ito ng paglalakbay ni Jesus patungong Jerusalem, ikinukuwento sa atin ni San Lukas kung paano hinarap at sinagot ni Jesus ang ilang mahahalagang katanungan. Ang unang kinaharap ni Jesus sa daan ay ang hindi pagtanggap ng mga Samaritano sa Kanya at Kanyang mga alagad dahil patungo silang Jerusalem. Batid nating may matindi at matandang alitan sa pagitan ng mga Judyo at mga Samaritano. Tinitingnang mababa ng mga Judyo ang mga Samaritano dahil ang mga Samaritano ay nalahian ng dugong Hentil. Para naman sa mga Samaritano, hindi Jerusalem ang lungsod ni Yahweh kundi ang Samaria. Kung kaya’t bakit nga magiging mabait ang mga Samaritano sa mga Judyong naglalakbay patungong Jerusalem?

Mapusok ang mungkahi kay Jesus ng dalawang sa Kanyang mga alagad: paulanan ng apoy ang mga Samaritanong ayaw tumanggap sa kanila. Ngunit hindi ito sinang-ayunan ni Jesus. Sa halip, sila pa ang pinagsabihan ni Jesus at ipinaalala sa Kanila na Siya ay naparito hindi upang magpahamak kundi upang magligtas. Kailanman hindi mabibigyang katarungan ang pananakit kahit pa sa ngalan ito ng pagtanggap sa Panginoon.

Isa lang ang tugon ni Jesus sa hindi pagtanggap ng mga Samaritano sa Kanya at Kanyang mga alagad: magpatuloy sa paglalakbay at huwag alisin ang tingin sa tunay na pakay, ang Jerusalem. Kahanga-hanga ang tugon na ito para sa ating mga madaling panghinaan o mawalan ng loob dahil sa hindi pagtanggap sa atin o pag-uusig sa atin ng iba. Minsan madali tayong made-focus sa dapat nating gawin.

Sa pagpapatuloy nila sa kanilang paglalakbay, tatlong nangangarap maging alagad Niya ang nagtanong pa kay Jesus. Ang una ay binalaan ni Jesus na ang pagsunod sa Kanya ay nangangahulugang pagsunod sa isang lagalag na mangangaral na wala man lamang mapagpahingahan – isang malinaw na babala para sa alagad ni Jesus na asahan na ang hindi pagtanggap ng kapwa. Sa ikalawa at ikatlo namang nais maging mga alagad Niya, hamon ni Jesus ang paglaya sa mga nakaraang ugnayang hihila sa kanila pabalik sa tahanang kanilang kailangang lisanin upang sundan Siya. Kailangang magpasiya ang alagad kung ano ang tunay niyang prayoridad: pagkakatali sa pamilya o pagkakatuon sa misyon. Upang maging malaya para sa kanyang misyon, ang alagad ay dapat kumalas sa anumang maaaring maging tanikala sa kanya. Alang-alang sa kaharian ng Diyos, dapat maging handa ng alagad na isakripisyo ang pansariling seguridad, pampamilyang responsibilidad, at maging sariling buhay.

Hindi maitatatwang napakaradikal ng hinihingi ni Jesus sa sinumang nais na maging alagad Niya. Subalit Siya mismo ang una at walang-katulad na halimbawa ng Kanyang hinihingi sa atin. Bilang mga alagad ni Jesus, dapat tayong maging taus-puso at buong pasiya sa ating pagtatalaga ng sarili sa Kanya sapagkat lahat ng Kanyang mga alagad ay kailangang tahakin ang landas patungong Jerusalem. At malamang, sa paglalakbay natin patungong Jerusalem, marami pa tayong haharaping mga taong ayaw tumanggap sa atin. Kakailanganin ang matinding tapang, wagas na pagkabukas-palad, at matibay na pasiyang magpatuloy sa paglalakbay sa kabila ng mga paghihirap at pagsubok. Inaasahan ni Jesus na tayong mga alagad Niya ay laging magpapasiyang magpatuloy lang sa kabila ng lahat.

Bago natin tapusin ang ating pagninilay, mahalagang alalahanin natin na si Jesus ay natukso ring sumuko at bumalik na lamang sa tahimik at ligtas na pamumuhay Niya sa Galilea. Natukso rin Siya ngunit, sa pagtitiwala sa Diyos Ama, pag-ibig sa kapwa, at pagiging tutoo sa tuwina, nanatili Siyang tapat at matibay sa Kanyang pasiya.

Tularan natin si Jesus – Siya ang tutuong big winner sa bahay ni Abba.

1 Comments:

At 4:29 AM , Anonymous Anonymous said...

Kailangan ihanda ang sarili sa isang paglalakbay patungo sa ikaliligtas ng sambayanan. Tularan si Jesus.

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home