20 June 2010

ANG SURVEY

Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 9:18-24


Halos kalahating taon na nang pasimulan ng ating parokya (ang San Jose Manggagawa Parish) ang isang parish profile survey. Ang mga datos na matitipon mula sa survey na ito ang siyang gagawing batayan ng vision and mission statements at pastoral plan ng ating parokya. Napakahalaga ng gawaing pastoral na ito. Anupa’t sinabi ng ating Arsobispo, ang Kanyang Kabunyian Gaudencio B. Kardinal Rosales, “To lead without a vision is treason”. Buhay na buhay na ang parokyang ito at marami nang masiglang naglilingkod sa ikatataguyod ng aming sambayanang Kristiyano, panahon na para ibaling ang kaabalahan para sa malinaw na vision and mission statements at pastoral plan; kung hindi, pagod lang ang lahat pero wala namang nararating. Dagdag pang dahilan para tapusin ang gawaing ito ay ang sinisimulang paghandaang Sapphire Jubilee sa susunod na taon ng ating parokya. Madali lang sanang lumikha ng vision and mission statements na siyang magiging saligan ng isang magandang parish pastoral plan, kung hindi na lang suungin ang nakapapagod at mahabang proseso ng pangangalap ng mga datos sa pamamagitan ng isang parish profile survey; kaya lang, lulutang sa hangin, hindi lapat sa realidad, o masahol pa, magiging kasinungalingan ang lahat. Kaya naman, mahirap man kumbinsihin ang marami sa mga parishioners at sakripisyo sa mga kabilang sa ating Parish Pastoral Team, tuloy ang mga pagsisikap ng mga lider-laiko, ni Rev. Caloy (ang ating resident deacon), at ng inyong lingkod na matiyagang tapusin ang napasimulang parish profile survey.

Pero may higit pang mahalagang survey kaysa sa survey ng aming parokya: ang survey ni Kristo. Tinatanong ng Panginoon ang Kanyang mga alagad, “Sino ako ayon sa mga tao?” Iba’t ibang sagot ang ibinigay sa Kanya ng mga alagad, palibhasa kung gaano karaming mga tao ay gayun din naman karami ang mga opinyon tungkol sa Kanya. Ngunit hindi ganung ka-interesado si Jesus sa inaakala ng mga tao tungkol sa Kanya kung ihahambing sa interes Niyang malaman kung kilala nga ba Siya ng Kanyang sariling mga alagad, sariling mga kaibigan, sariling barkada, ang Kanyang mga “kaberks”. Kung kaya’t idiniin pa Niya ang pagtatanong, “At kayo, sino ako sa inyo?”

Kapag tinatanong natin ang ating kaibigan tungkol sa kung ano at kung sino tayo para sa kanya, nagtataya tayo. Itinataya natin ang ating sarili – baka tayo masaktan dahil baka mali ang tingin niya sa atin o kaya ay bolahin lang tayo o kaya ay marinig nga natin ang tutoo mula sa kanya pero masaktan pa rin tayo dahil, ayon sa nabasa ko, nakapagpapalaya nga ang katotohanan pero sasaktan ka muna nito. Maaaring masyadong mataas ang pagturing natin sa ating sarili o kaya ay masyado namang mababa ang tingin natin sa sarili natin. Gayunpaman, walang ibang paraan para masukat natin ang lalim ng ugnayang nagbibigkis sa atin sa ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan maliban na lamang kung magtataya tayong malaman kung ano nga ba at sino nga ba tayo para sa kanila.

Ginagawa ni Jesus ang pagtatayang iyan ngayong araw na ito. Nais Niyang malaman kung kilala nga ba Siya ng Kanyang mga alagad dahil nais Niyang mabatid kung gaano na nga ba kalalim ang kapatiran sa pagitan Niya at nila. Madaling maunawaan kung bakit higit na mahalaga para kay Jesus ang pagkakakilala sa Kanya ng mga alagad kaysa sa inaakala ng madla tungkol sa kung sino Siya. Halos tatlong taon na Niya silang kasa-kasama. Dapat lang na mas kilala na nila Siya, hindi ba? Ipagkakatiwala Niya sa kanila ang Santa Iglesiya. Dapat lang na mas malinaw ang pagkakakilala nila sa Kanya, hindi ba?

Nang magsimulang sumunod si Juan at Andres kay Jesus, tinanong nila Siya, “Rabi, saan po Kayo nakatira?” Sinagot sila ni Jesus, “Halikayo at tingnan” (Jn 1:38-39). Ang tanungin sa isang rabi kung saan siya nakatira ay hindi pareho sa pagtatanong sa kanya kung ano ang address ng bahay niya. Para sa mga Judyo, ang pagtatanong sa isang rabi kung saan siya nakatira ay isang pakiusap na maging alagad, estudyante, alaga ng rabi. Ito ang kahulugan ng “Rabi, saan po kayo nakatira”: “Guro, maaari po ba akong sumama sa inyo? Puwede po ba akong makitira sa inyo? Puwede po ba akong maging estudyante ninyo? Puwede po ba ninyo akong turuan?” Ang maging alagad ng isang rabi ay ang mamuhay nang kasama ng rabi. Upang matuto sa rabi, dapat makipamuhay sa kanya ang alagad. Sa gayong paraan, pati diwa ng rabi ay napapasa-alagad.

Nang tanggapin ni Jesus sina Juan at Andres – at iba pang mga alagad – pinapasok Niya sila hindi lamang sa ilalim ng Kanyang bubungan kundi maging sa Kanyang puso. Isang lagalag na mangangaral, tinuruan ni Jesus ang Kanyang mga alagad hindi sa loob ng isang silid-aralan kundi sa loob ng Kanyang puso na, ayon sa ebanghelyo, “laging minahal silang Kaniya sa mundo.” Ang puso Niya ang kanilang naging paaralan. Sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanila, hinubog sila ni Jesus. Gayundin pa rin po naman para sa ating mga alagad ni Jesus sa kasalukuyang panahon.

Ang maging alagad ni Jesus, ang Rabi, ay ang mamuhay nang kasama si Jesus. Sa pamumuhay kasama ni Jesus natututo at nahuhubog ang alagad. Sa ganito ring paraan ibinabahagi ni Jesus ang Kanyang diwa sa Kanyang mga alagad hanggang sa ang buhay Niya ay maging buhay na rin ng alagad, ang kamatayan Niya ay maging kamatayan na rin ng alagad, at ang kanyang magmuling-pagkabuhay ay maging magmuling-pagkabuhay na rin ng alagad. Ang buhay, kamatayan, at magmuling-pagkabuhay ni Jesus ay ang Kanyang Misteryo Paskal; ito rin ang Misteryo Paskal natin. Ito ang buhay natin. Tutoo ito tungkol sa lahat ng tunay na alagad ni Jesus kahit saan at kahit kailan.

Nakatitig si Jesus sa mga mata natin ngayong mga sandaling ito. Nangungusap ang mga matang ito at tinatanong ang bawat-isa sa atin, “At ikaw, sino Ako para sa iyo?” Matapos Niya tayong tawagin at ariing Kanya, matapos Niya tayong piliin at gawing mga alagad Niya, matapos Niyang makipamahay sa atin, matapos Niya tayong papasukin sa Kanyang kabanal-banalan at mapagmahal na puso, at matapos bahaginan tayo ng Kanyang Espiritu, nagtataya rin si Jesus sa pagtatanong kung sino siya para sa atin. Nais niyang malaman kung talagang kilala nga natin Siya, kung tunay nga tayong mga kaibigan Niya. Hinihintay Niya ang ating sagot. Nagtataya si Jesus sa atin. Pinahahalagahan ba natin ang pagtataya Niyang ito para sa atin?

Anong pong sagot natin sa survey ni Kristo?

1 Comments:

At 10:35 PM , Anonymous Anonymous said...

happy happy father's day father! :]

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home