28 November 2014

MAGHINTAY: UMASA AT HUMANDA

Unang Linggo ng Adbiyeto
Mk 13:33-37 (Is 63:16-17, 19; 64:2-7 / Ps 79 / 1 Cor 1:3-9)


Mahilig po ba kayong maghintay?  Magaling po ba kayong maghintay?  Paano po ba kayo maghintay?  Sino at ano ang hinihintay n’yo?  Ang buhay natin sa mundong ito ay walang katapusang paghihintay.

Hinintay po tayo ng ating mga magulang bago tayo isilang.  Sa sinapupunan, bagamat wala pa tayong kamalayan, naghintay na rin po tayong lumabas sa mundo.  Hinintay po ng mga mahal natin sa buhay ang ating unang pagdapa, paglakad, pagtakbo, pagsasalita nang malinaw, pagpasok sa eskuwela, pagbibinata o pagdadalaga, paglagay sa tahimik.  Sa buong buhay natin, marami at iba’t iba rin po ang ating hinihintay na mga tao, mga petsa, mga bagay, mga okasyon, at maging mga biyaya.  Tunay nga po, ang paghihintay ay bahaging-bahagi ng buhay at wala pong buhay nang walang paghihintay.  Ang kaganapan ng buhay ay hindi po kara-karakang napapasaatin tulad ng mga uso ngayong mga instant-instant.  At kapag dumating na ang ating hinihintay, madalas din po tayong natatauhan na laging may higit pa sa hinintay nating dumating.  Kaya kailangan pa rin nating maghintay ulit.

Ang Adbiyento ay panahong nagpapaalala sa atin na kailangan din po nating hintayin ang Diyos.  Lampas ang Diyos sa kaya nating saklawin.  Kailanman ang Diyos ay hindi po maaaring maging pagmamay-ari natin.  Laging ‘di hamak na higit pa po Siya sa nakita na natin tungkol sa Kanya.  Maaari lang po nating hintayin ang Diyos na hayaan tayong makita, maramdaman, maranasan, at makilala Siya.  Napakaganda po ng katotohanang ito sapagkat kapag hinihintay natin ang Diyos inaamin natin ang ating pagkahindi-kumpleto: tinatanggap po natin na laging may higit pa sa Diyos kaysa sa alam na natin tungkol sa Kanya, ipinahihiwatig natin ang ating pag-asa sa Diyos na kailanman ay hindi natin maaangkin.  At kapag ganyan po ang ating karanasan, ang mismong paghihintay natin sa Diyos ay nagiging isang panalangin: nagpapatutoo tayo sa ating sariling karukhaan at sa kadakilaan ng Diyos.

Eh, hinihintay po ba talaga natin ang Diyos?  Baka naman hindi.

Ipinagmamalaki ng marami na dito raw po sa Pilipinas ang pinakamahabang Kapaskuhan: Setyembre pa lang Pasko na!  Pagpasok na pagpasok ng “ber” months, nagpapatugtog na ng Christmas songs at carols.  Pinadadaan lang ang Undas, nagmamadaling maglagay ng mga palamuting pamasko – una sa malls tapos sa mga bahay.  Kapag tinanong mo kung bakit trapik, ang madalas na sagot, “Ah, malapit na kasing mag-Pasko,” pero Oktubre pa lang.  Nagsusulputan po ang Christmas sales dito, Christmas sales doon.  Talaga naman po, puwede lang hatakin ang mga araw para mag-Pasko na!  Kaya lang nalalaktawan po ng karamihan sa atin ang mabiyayang panahon ng Adbiyento at ang itinuturo nito sa ating tungkol sa paghihintay, lalong-lalo na, sa Diyos.  Siguro kaya po lumalaki ang marami sa ating mga kabataan nang hindi na marunong maghintay.  Tapos magtataka tayo.

Ang mga Judyo talaga naman pong tinuruan ng Diyos na maghintay.  Ang tagal po nilang hinintay ang paglaya nila mula sa kanilang pagkaka-alipin sa Ehipto.  At nang makalaya na, ang tagal-tagal din po nilang hinintay matapos ang kanilang paglalakbay sa ilang patungong Lupang Pangako – apatnapung taon!  Pero nang makapagsarili na, pagkaraan ng maraming taon, napatapong-bihag din naman po sila sa Babylonia.  Kaya nga po sa unang pagbasa natin ngayon, dumaraing sila sa Diyos: “Balikan Mo kami, Iyong kaawaan, ang mga lingkod Mo na tanging Iyo lamang.  Buksan Mo ang langit at Ikaw ay bumaba sa mundong ibabaw….”

Balikan, buksan, bumaba – ito po ang pagsusumamo ng mga Judyo na isinulat ni Propeta Isaias.  Palibhasa nang papauwi na sila sa kanilang sariling bayan, matapos mapatapong-bihag sa Babylonia, buhay na buhay ang pag-asa ng mga Israelita na muli silang aangkinin ng Diyos bilang Kanyang Bayan.  Subalit ang sumalubong po sa kanila sa Jerusalem ay ang Templong wasak.  At hindi po sila kinikibo ng Diyos; ‘di tulad dati na madalas Siyang magpahayag sa kanila sa pamamagitan ng mga pangitain at mga propeta.  Wala silang makitang anumang tanda na hindi sila nagkamali sa kanilang inasahan sa Diyos.  Hirap na hirap na po sila sa paghihintay sa Diyos.

Kayo po, naranasan na ba ninyong mahirapan sa kahihintay sa Diyos?  Ano po ang ginawa ninyo?

Ang mga Israelita, nang hirap na hirap na silang maghintay sa Diyos, sinariwa nila sa kanilang alaala ang mga ginawa na noon ng Diyos para sa kanila at basta kapit-tuko lang po sila sa Diyos.  Hinding-hindi po sila bumitiw sa Diyos; hinding-hindi nila binaon sa limot ang Kanyang kagandahang-loob.  “Ikaw lamang Panginoon,” sabi nila sa unang pagbasa ngayon, “ang aming pag-asa’t Amang aasahan; tanging Ikaw lamang yaong nagliligtas nitong aming buhay.”

Kapag ginugunita po natin ang Diyos at ang Kanyang katapatan at kagandahang-loob sa atin, wari baga’y isinasakasalukuyan natin ang kahapon: ang nakaraan ay nagiging kasalukuyan muli.  At nagiging sagrado ang ating alaala.  Sa gitna ng kadiliman ng ating paghihintay, mistula pong tanglaw ang sagradong alaalang ito.  Ang alaala po natin sa pag-ibig ng Diyos, masasabi natin, ang mismong bumubuhay sa atin sapagkat ito ang nagbibigay sa atin ng dahilan para maghintay.  Pinatatatag po nito ang ating pag-asa at, sakaling nalimutan na natin kung paano ang maghintay, pinaaalala nitong muli kung paano.  Kaya nga po napakahalaga ng ating mga alaala: ito ang nasa pagitan ng pag-asa at kawalang-pag-asa, sa pagitan mismo ng buhay at kamatayan.  At ang alaalang sagradong ito ang siya rin pong nagpapanatili sa ating gising at mulat sa mga biyayang darating pa.  Sapagkat tayo ay umaasa, naghihintay po tayo.  May kakayahan tayong maghintay sapagkat tayo po ay Bayan ng pag-asa.

May pag-asa po ba kayo?  Sa palagay ninyo, may pag-asa pa kayo?  Eh ang katabi po ninyo, sa tingin n’yo may pag-asa pa siya?

Kung wala na po kayong pag-asa, malamang kasi nakalimot na kayo sa Diyos.  Kung merong sabi nang sabi sa inyo, “Wala ka nang pag-asa.  Akala mo lang meron.  Meron.  Pero wala,” malamang kasi siya po mismo ay nakalimot na rin sa Diyos.  Minsan pagkatapos ng isang malalim na kuwentuhan, sinabi sa akin ni Kardinal Rosales, “Bob, habang may buhay may pag-asa.  Habang may Diyos may pag-asa.”  Sa Banal na Bibliya, ang tawag po sa mga taong ang tanging pag-asa ay sa Diyos ay anawim.  Sila ang mga taong kailanman ay hindi nakalilimot sa Diyos.  Sila ang tutoong nag-uumapaw sa pag-asa.

Idineklara po ng Kapulungan ng Mga Obispong Katoliko sa Pilipinas ang panahon mula ngayong araw na ito hanggang sa wakas ng taong liturhikal ng 2015 bilang “Taon ng Mga Dukha” o “Year of the Poor”.  Subalit huwag po sana tayong magkamaling isiping ang poor na pinatutungkulan ng taong ito ay yaon lamang mga salat o walang-wala sa buhay.  Ang tunay na dukha na pinagpala ng Panginoon ay silang mga tanging ang Diyos lamang ang pag-asa, mahirap man sila o maykaya sa buhay.  Sila ang mga anawim ng Panginoon.  Ang taong ito ay “Taon ng Mga Anawim”.  Harinawa, sa pagdiriwang po natin ng taong ito – na higit na pasasayahin ng pagdating ng pinakahihintay nating si Papa Francisco – tumibay nang ibayo ang ating pag-asa sa Diyos at higit tayong matutong maghintay sa Kanyang mga pagkilos sa ating buhay.

Ang buong buhay po natin ay isang paghihintay.  At ipinaaalala po sa atin ng Adbiyentong pinasisimulan natin ngayong araw na ito na maging ang Diyos ay kailangan nating hintayin.  Subalit ang paghihintay natin ay hindi basta-basta paghihintay sapagkat punung-puno po tayo ng pag-asa kaya’t, gaya ng payo sa atin ng Ebanghelyo, tayo ay naghahanda para sa, tinutukoy ni San Pablo Apostol sa ikalawang pag-asa, “Araw ng ating Panginoong Jesukristo.”


22 November 2014

BIG SURPRISES NI BIG BOSS

Solemnidad ni Jesukristong Hari ng Sansinukob
Mt 25:31-46 (Ez 34:11-12, 15-17 / Slm 22 / 1 Cor 15:20-26, 28)


Nitong huli kong pagbisita sa Roma, tumira po ako sa Relais Dei Papi, isang hotel na dalawang kanto lang ang layo sa Vatican City.  Nang mag-check-in ako, hiningi po ng attendant sa front desk ang aking pasaporte para sa verification ng reservation ko.  Kaya iniabot ko po ang pasaporte ko kay Guiseppe, ang attendant.  Pagkatingin, tinanong niya ako, “Are you a priest, Sir?

Yes, I am,” sagot ko po.

Napansin ko po agad na parang na-excite si Guiseppe.  You know what,” sabi niya sa akin, “I have a friend up there!

Up there?” tanong ko sa sarili.  “Si Jesus?”

I know your boss!” patuloy niya.

“Ah, you mean Cardinal Tagle?” tanong ko kay Guiseppe.

No, higher!” sabi ulit ni Guiseppe.

“Ah, alam ko na,” bulong ko po.

Wait, I’ll show you something,” sabi ni Guiseppe.  Yumuko po siya at may kinuha sa ilalim ng front desk.  Pagharap n’ya po sa akin, inilapag n’ya sa desk ang isang photo album.  Dali-dali n’ya po itong binuklat at lumantad sa aming harapan ang ilang mga litrato ng kanyang magandang pamilya kasama si Pope Francis.  Bata pa silang mag-asawa at may dalawa po silang anak, isang babaeng musmos at isang lalaking sanggol pa lang.  Nakakatuwa dahil kitang-kita mo po sa litrato na at home na at home ang mga bata (nakatayo pa ang isa sa sofa!) habang ngiting-ngiti naman si Pope Francis.

“Wow!” masayang sabi ko.

“Some months back, Father,” kuwento ni Guiseppe, “a monsignor from South America visited Rome and stayed here in our hotel for some days.  He was a friend of Pope Francis.  One morning, while I was manning the front desk, the telephone rang.  Hello?I asked,” patuloy niya.

Hello?” sagot daw ng tumawag.  Hinahanap daw po ng nasa kabilang linya ang monsignor na kaibigan ng Santo Papa.

May I know who’s on the line please?” tanong daw po ni Guiseppe sa tumawag.

Hi!  I’m Pope Francis,” sagot daw po sa kanya.

Laking gulat ni Guiseppe at hindi raw po siya makapaniwala.  Pero pinakalma raw siya ng Santo Papa at kinausap nang matagal-tagal.

Your Holiness,” sabi raw po ni Guiseppe kay Pope Francis, “my little girl sent you a letter with a drawing some months ago.  Did you receive it?

Tinanong daw po ni Pope Francis ang pangalan ng anak niya at ang drawing na pinadala nito.  Nang mailarawan ni Guiseppe ang drawing at maibigay ang pangalan ng anak niyang babae, sabi raw ng Santo Papa, “Oh, is she your daughter?  Yes, I received her letter and drawing.  Thank you.  They were beautiful.  Why don’t you and your family come over and visit me at Sancta Marta one of these days?

Your Holiness,” sagot daw po ni Guiseppe, “that may prove to be very difficult.  I don’t know anyone from inside the Vatican.

I’ll see what I can do.  I’ll call you up again,” sabi raw po ni Pope Francis at kinausap na ang kaibigan niyang tumutuloy noon sa hotel na pinagta-trabahuhan ni Guiseppe.

Akala raw po niya hanggang doon na lang ang pag-uusap nila ng Santo Papa, ngunit makalipas ang ilang araw lang tumunog ulit ang telepono habang si Guiseppe ang nakatao sa front desk.  Ang Santo Papa ulit.

“Guiseppe,” sabi raw ni Pope Francis, “come over and have lunch with me.  Am sending a car tomorrow to pick you and your family up.

Hindi raw po siya talaga makapaniwala, sabi ni Guiseppe, sa kagandahang-loob ni Pope Francis.  He’s a very kind and simple man,” komento niya.  Indeed, your big boss is a pope of surprises.

Samantalang naghahanda ang buong bansa sa nalalapit na pagdalaw ni Pope Francis sa Pilipinas, madalas pong mabanggit na siya nga raw ay “santo papa ng mga bulaga” o “pope of surprises”.  Napanood ko po ang joint press conference ng simbahan at gobyerno kung saan ay ilang ulit na tinanong ng mga reporter ang tungkol sa seguridad ng Santo Papa samantalang naririto siya sa atin.  Ang sagot po ng mga panelist sa tanong tungkol sa seguridad ng Santo Papa, “Secret.  Seguridad nga eh, kaya secret po, pasensya na.”  Dagdag pa ng kinatawan ng pamahalaan, “Alam po naming si Pope Francis ay pope of surprises.  Pero handa po kami pati sa mga surprises niya.”  Napangiti po ako kasi naisip ko na mabuti pa sila handa sa mga surprises ni Pope.  Mabuti at pinaghahandaan nila nang mahusay ang pagdating ni Pope.  Eh sa mga surprises kaya ni Lord, handa rin sila?  Ang pagbabalik ni Lord, pinaghahandaan din po ba natin?

Sa pagtatapos ng kasalukuyang taong liturhikal, ito rin nga po ang isa sa mahahalagang paalala sa atin: Handa po ba tayo sa mga surpresa ng Panginoon?  May tatlo po mula sa Ebanghelyo ngayong dakilang kapistahang ito.

Una.  Magugulat po tayo na sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, sa wakas ng panahon, hindi Niya bibigyan ng partikular na pansin ang mga itinuturing nating makikinang na sandali sa kasaysayan ng mundo.  Wala po Siyang babanggitin tungkol sa mga kagila-gilalas na tagumpay ng sankatauhan na madalas nating nababasa sa mga aklat ng kasaysayan.  Wala po Siyang partikular na interes sa unang pagtapak ng tao sa buwan at pagsakop nito sa kalawakan, pag-imbento ng iba’t ibang mga kamangha-manghang bagay, pagsulong sa larangan ng agham, medesina, at teknolohiya, pagpapatalsik sa mga diktador at pagbagsak ng mga rehimeng political, at iba pang mga itinuturing nating mahahalagang naaabot, nakamit, at nasaksikan ng sankatauhan.  Wala pong natatanging pagbanggit kay Galileo Galilei, Copernicus, Albert Einstein, Isaac Newton, Michaelangelo, Leonardo da Vinci, Nelson Mandela, Cory Aquino, Mahatma Gandhi, at iba pang tulad nila.  Sa halip, ang bibigyang-pansin pala ng Panginoon ay ang mga itinuturing ng marami sa atin na napakapangkaraniwang gawa: pagpapakain sa nagugutom, pagpapainom sa nauuhaw, pagdaramit sa hubad, pagbisita sa maysakit, pagdamay sa mga bilanggo, pagpapatuloy sa mga dayuhan, at iba pang tulad nito.

Ikalawa.  Mabibigla po tayo na parehong hindi batid ng mga pinagpala at mga isinumpa kung kailan nila nakita at napagsilbihan o hindi napagsilbihan ang Panginoon.  Subalit iisa lang po ang magiging sagot ni Jesus sa ating lahat: “Anumang gawin ninyo sa pinakahamak sa mga kapatid Kong ito, ito’y sa Akin ninyo ginawa.  At anumang ipagkait ninyo sa pinakahamak sa mga kapatid Kong ito, sa Akin ninyo ito ipinagkait.”  Si Jesus pala po ay tutoong nasa katauhan ng nakababagabag na anyo ng mga dukha, dukha hindi lamang sa materyal na bagay kundi sa iba’t ibang aspeto ng buhay.  Kaya nga, kung may taga-ibang planeta na dumating po sa ating planeta at sabihin sa ating mga Kristiyano, “Take me to your leader.  Kakailanganin po natin Siyang dalhin hindi sa magagarang simbahan kundi sa mga looban, sa mga eskeni-eskenita, sa mga bahay-ampunan, sa mga bilangguan, sa mga ospital, sa refugee camps, evacuation areas, at iba pang tulad nito, tsaka sasabihin po natin sa alien na matatagpuan niya si Jesus sa mga suluk-sulok doon.  At samantalang naroroon na rin po tayo, mabuting ipagbigay-alam na rin natin sa kanya na ang mga pinagpala ng “Leader” natin ay matatapuan din sa mga suluk-sulok na yaon: nagpapakain sa nagugutom, nagpapainom sa mga nauuhaw, dinaramtan ang mga hubad, nag-aalaga ng mga maysakit, dumadamay sa mga bilanggo, tumutulong sa mga dayuhan, at nag-aasikaso sa mga may anumang pangangailangan.

Ikatlo.  Baka hihimatayin pa po ang iba sa atin kapag natanto na ang mga mapapabilang sa mga isinumpa ay mapapabilang doon hindi dahil sa masamang ginawa nila kundi dahil sa mabuting hindi nila ginawa.  Ito raw po ang sasabihin ng Panginoon sa kanila: “…Ako’y nagutom at hindi ninyo ako pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom.  Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan.  Ako’y maysakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.”  Napakalinaw po, ang kokondena sa mga mapapabilang sa mga isinumpa ay ang mga hindi nila ginawa kaysa sa masama nilang ginawa.

Si Pope Francis – sabi ni Guiseppe, big boss ko raw po – ay Pope of Surprises.  Mas lalo na po si Jesus: He is the Lord of Surprises.  Mahilig Siyang mambulaga.  At hindi pa po tayo tapos surpresahin ng Panginoon hangga’t hindi pa Siya nagbabalik sa wakas ng panahon.  Dibdibang-dibdiban po ang paghahanda natin para sa pagbisita ng Pope of Surprises sa Pilipinas.  Para sa pagbabalik po kaya ng Lord of Surprises dibdibang-dibdiban din ang paghahanda natin?  Alam na alam po natin ang eksaktong petsa ng pagdating ni Pope Francis sa Pilipinas.  Pero alam po ba natin kung kelan ang balik ni Lord?  Tiyak, masu-surprise po tayo!


15 November 2014

SPECIAL CHILD KA!

Ikatatlumpu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 25:14-30 (Kaw 31:10-13, 19-20, 30-31 / Slm 127 / 1 Tes 5:1-6)


Tayo pong lahat ay gifted childrenGifted child ang bawat isa sa atin.  Iyan pong katabi n’yo sa kanan, gifted child ‘yan!  Pakibati n’yo po: “Hello, gifted child!  What are you gifted with?”  Ngayon, baling po sa kaliwa: ah, iyan, special child ‘yan!  Special child siya kasi gifted child nga.  Tayo pong lahat ay special at gifted childrenSpecial children po tayo kasi si God ang tatay natin.  Gifted children po tayo kasi binigyan Niya po tayo ng kani-kaniyang regalo: mga talento, mga kakayahan, mga kaalaman, mga mahal sa buhay, mga pagkakataon, mga pagmamay-ari, at marami pang iba.  Ngunit higit sa lahat, si Jesus po ang pinakadakilang regalo ng Diyos sa atin.  At kasama ng Kanyang Anak na si Jesus, regalo rin po sa atin ni God ang buhay na walang-hanggan.  Kaya naman po napaka-special at napaka-gifted children nating lahat.  Ang Banal na Misang ito ay pagdiriwang ng ating paka-special at pagka-gifted children of God.

Pero, tinatanong po tayo ng Ebanghelyo ngayon: “Ano ang ginagawa mo sa kaloob ng Diyos sa iyo?”  Ginagamit mo ba ito hindi lamang sa mabuting paraan kundi para sa mabuting pakay o dine-dedma, binabale-wala, winawaldas mo?  At hindi lamang po iisa ang kaloob sa atin ng Diyos, hindi ba?  Marami.  Sapagkat hindi po patingi-tingi kung magregalo ang Diyos; unang-una na riyan ang Kanyang Espiritu, ika sa Jn 3:34.  Gifted child po ang bawat-isa sa atin, pero anong ginagawa natin sa ating gifts?

Special child po ang bawat-isa sa atin sapagkat mga katiwala tayo ng Diyos.  Isipin po ninyo iyon!  Mga katiwala tayo ng Diyos.  Pinagkakatiwalaan po tayo ng Diyos.  Kung minsan tayo-tayo, walang tiwala sa isa’t isa; pero ang Diyos pinagkakatiwalaan tayo!  Karapatdapat po ba tayo sa tiwala Niya?  Subalit hindi na po mahalaga sa Diyos ang sagot natin sa tanong na ito sapagkat bago pa tayo maging karapatdapat sa Kanyang pagtitiwala, ginawa at itinuturing na tayo ng Diyos bilang mga katiwala Niya.  Hindi po ba napakalaking karangalan iyon?  At higit pang malaking karangalan sapagkat batid po naman nating lahat na wala ni isa sa atin ang karapatdapat pagkatiwalaan ng Diyos dahil sa malaki o maliit na bagay, sa madalas o paminsan-minsan, at sa hayag o lihim na pangyayari mga tiwali rin tayo.  Wala pong makapagyayabang at makapagmamalinis sa atin sapagkat iba’t ibang paraan sa halip na katiwala tayo ay naging ka-tiwali ng isa’t isa.  Pero ang tingin at turing pa rin po sa atin ng Diyos ay mga katiwala Niya kaya patuloy pa rin Niya tayong pinagkakalooban ng mga biyaya.  Napaka-special naman po natin talaga!

Subalit may hangganan po ang lahat.  Bukambibig po ng marami: “God is the God of many second chances.  Tutoo po iyan!  Kaya lang madalas ay inaabuso natin ang katotohang iyan.  Pansinin po ninyo, ang sabi, “God is the God of many second chances.  Many daw po hindi endless.  Ang iba po kasi sa atin, binabalewala ang mga dapat na pinahahalagahan – tulad ng Diyos, pananampalataya, pagdamay sa kapwa, paglinang ng mga kakayahan at kaloob ng Diyos, at iba pa – tapos ginagawang alibi na hindi lamang sa “God is the God of many second chances” kundi maiintindihan din naman ika ng Diyos.  Hindi na po pagtitiwala sa kagandahang-loob ng Diyos ang tawag diyan.  Pang-aabuso pati sa Diyos ang tawag diyan, hindi ba?

Many chances” lang daw po, hindi “endless chances” ang Diyos.  Kasi kung endless chances po, hindi na po pagmamahal iyon sapagkat gagawin tayong inutil niyon at manhid sa mga bagay na dapat sana’y sensitibo tayo.  Hindi tayo huhubugin ng “endless chances” at sa halip na manatiling special and gifted children of God tayo, tayo po ay magiging depraved and deprived children of the world.

God is the God of many second chances” at dahil “many” lang nga – hindi “endless” – huwag po sana nating malimutang laging merong “last chance”.  Baka naabot na po natin ang “last chance” para sa atin.  Hindi kaya?  Huwag po tayong paka-kampante.  Pagnilayan po natin lagi ang buhay natin at pagsikapan nating mamuhay sa tuwina sa katotohanan ng nakatakdang pagsusulit natin sa Diyos.  Paalala nga po sa atin ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa ngayon: “…hindi kayo nabubuhay sa kadiliman, mga kapatid, kaya’t hindi kayo mabibigla sa Araw na yaon na darating na parang magnanakaw.  Kayong lahat ay kabilang sa panig ng kaliwanagan – sa panig ng araw – hindi sa panig ng kadiliman o ng gabi.  Kaya nga, kailangang tayo’y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip….”

Magandang nga pong paalala ito sa atin, hindi lamang ngayong bilang na bilang na ang mga araw ng kasalukuyang taong liturhikal kundi sa araw-araw din po nating pamumuhay.  Ibinuhos ng Diyos sa bawat-isa sa atin ang iba’t iba Niyang mga kaloob.  Mga katiwala Niya tayo.  Magsusulit tayo sa Kanya balang-araw.  Huwag nating sayangin ang ating mga kaloob at mga pagkakataon.  Marami ngang second chances pero meron din naman pong last chance.  Pakipaalala n’yo nga po sa katabi n’yo: “Baka last chance mo na, gifted child.”

Sa pagwawakas, parang naligaw po ang unang pagbasa ngayon, hindi ba?  Parang wala pong kaugnayan sa ikalawang pagbasa at Ebanghelyo ngayon.  Parang out of the topic siya.  Sa ating unang pagbasa, pinupuri po ng sumulat ng Aklat ng Kawikaan ang huwarang ina at asawang babae.  Ano nga po ba ang kinalaman niyon sa sinasabi ng ikalawang pagbasa at Ebanghelyo ngayong araw na ito?  At tsaka, bakit ina at asawang babae lang po ang ibinibigay na huwaran?  Sana nagsalita rin po ang may-akda tungkol sa huwarang ama at asawang lalaki, hindi ba?

Uliran ang ina at asawang babae sa unang pagbasa natin ngayon sapagkat halimbawa po siya ng mabuting paggamit ng mga kaloob na tinanggap sa Diyos.  At babae o lalaki man po tayo, kumakatawan po sa ating lahat ang ina at asawang iyon sapagkat Mangingibig po nating lahat ang Diyos.  Kung paanong ibinibigay ng kanyang asawang lalaki ang buo nitong pagtitiwala sa ulirang ina at asawang babae sa unang pagbasa natin ngayon, gayon din naman po walang pasubaling inilalagak ng Diyos ang Kanyang pagtitiwala sa atin.  Ang pagiging katiwala po natin ay bahagi ng pag-ibig ng Diyos sa atin.  Kung iniibig din natin ang Diyos, gaya nang napakadalas nating sabihin, tutularan po natin ang ulirang ina at asawang babae sa unang pagbasa natin ngayon: pahahalagahan natin ang pagtitiwala ng pag-ibig ng Diyos sa atin at gugugulin natin ang ating lakas, panahon, at pagmamay-ari para sa Diyos at kapwa-tao, lalong-lalo na po para sa mga dukha gaya ng sinasabing ugali ng ulirang ina at asawang babae sa unang pagbasa ngayon.

Ang tawag ng mundo sa batang may kapansanan ay special child sapagkat kailangan ng batang ito ng special attention.  Para sa mundo, ang gifted child ay batang may kakaibang talento na parang ang ibang tao ay hindi gifted.  Subalit para sa Diyos, lahat po tayo ay special at gifted children hindi dahil tayo ay may kapansanan o kakaiba sa karamihan na parang angat tayo kaysa sa iba, kundi dahil lahat tayo ay pinagkalooban at pinagkatiwalaan Niya ng mga biyayang nauukol sa kani-kaniya.  Ipagdiwang po natin ang ating pagiging special at gamitin natin ang ating pagiging gifted.  At huwag na po sana nating ipagpabukas-bukas pa sapagkat baka ngayon na ang ating last chance.


09 November 2014

TAYO ANG IGLESIYA

Kapistahan ng Pagtatalaga sa Basilika ni San Juan sa Lateran
Jn 2:13-22 (Ez 47:1-2, 8-9, 12 / Ps 45 / 1 Cor 3:9-11, 16-17)


Ang San Juan Lateran ay hindi santo.  Ito po ay isang simbahan, isang bahay-dalanginan.  Ngayong araw pong ito ay ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng pagtatalaga ng simbahang ito.

Hindi tao si San Juan Lateran.  Katedral po ito ng Diyosesis ng Roma na ang obispo ay walang-iba kundi ang Santo Papa mismo.  Inaakala po ng karamihan, ang Basilika ni San Pedro sa Vatican ang opisyal na simbahan ng Santo Papa.  Mali po.  Ang tahanan ng Santo Papa ay nasa Vatican, ngunit ang kanyang opisyal na simbahan ay ang Basilika ni San Juan sa Lateran sapagkat ang Santo Papa ay obispo rin ng Diyosesis ng Roma.  Sapagkat ang obispo ng Roma ay siya ring Santo Papa, ang kanyang katedral, ang Basilika sa Lateran ay may pinagkalooban ng napakadakilang pamagat: "Sacrosancta Lateranensis ecclesia omnium urbis et orbis ecclesiarum mater et caput" o, sa wikang Ingles, "Most Holy Lateran Church, of all the churches in the city and the world, the mother and head".  Ang Basilika ni San Juan sa Lateran ang siyang ina at ulo mater et caput – ng lahat ng mga simbahang Katoliko.

Ang San Juan Lateran ay hindi po pangalan ng tao o santo.  Pangalan nga po ito ng isang basilika na isa ring katedral.  Dalawang pangalan po ang bumubuo sa pangalan ng simbahang ito: Juan at Lateran.  Ang “Juan” po ay tumutukoy kina San Juan Bautista at San Juan Evangelista.  Sa kanila po nakatalaga ang basilikang ito.  Ang “Lateran” naman ay nagmula sa apelyido ng angkang dating nagmamay-ari ng lupang kinatitirikan ng basilikang ito.  Kaya nga po, sa halip na simpleng “Basilika ni San Juan Lateran” lamang, ang tumpak na pantawag sa simbahang ito ay “Basilika ni San Juan SA Lateran o, sa wikang Italyano, ang wika sa Roma, “Basilica di San Giovanni in Laterano”.

Dati pong palasyo ang Basilika ni San Juan sa Lateran.  Naging pagmamay-ari ito ni Emperador Konstantino nang pakasalan niya ang pangalawa niyang asawang si Fausta na napapabilang sa angkan ng mga Laterani.  Dati pong nakatira sa palasyong ito si Fausta, kaya nga po’t bago maging isang simbahan ang basilikang ito ay dating tinatawag na “Domus Faustae” o “Bahay ni Fausta”.  Si Emperador Konstantino ay mabait sa mga Kristiyano kaya’t ibinigay po niya bilang handog sa obispo ng Roma ang dating palasyo ng asawa niyang si Fausta na sa kalauna’y naging Basilika ni San Juan sa Lateran.  Ang mismong petsa ng pagkakaloob ay hindi po matiyak subalit nagkakaisa ang mga historyador ng iglesiya na dapat itong naganap noong si Papa Miltiades ang obispo ng Roma at napapanahon para pagtipunan ng mga obispo noong taong 313 A.D. para sa sinodong tumalakay at kumondena sa heresiyang Donista.  Sa kalaunan, ang palasyo ay pinalaki at ginawang basilika upang magsilbing tahanan ni Papa San Silvestre I.  Si San Silvestre I rin po ang nagkonsagra nito noong taong 324 A.D.  At magmula na po noon magpahanggang ngayon, ang Basilikang ito ay nagsisilbing luklukan – kathedra – ng mga Santo Papa bilang mga obispo ng Roma.

Lingkid po sa kaalaman ng marami, ang Basilika ni San Juan sa Lateran ay dalawang beses muling-itinalaga.  Ang orihinal na pagtatalaga ay isinagawa nga po ni Papa San Silvestre I noong taong 324 A.D. nang ikonsagra niya ang Basilikang ito sa Kamahal-mahalang Banal na Manliligtas.  Ang unang muling-pagtatalaga ay naganap po noong ika-10 siglo nang italaga ni Papa Sergio III ang Basilika kay San Juan Bautista, samantalang ang ikalawang muling-pagtatalaga naman po ay pinangunahan ni Papa Lucius II nang italaga niya ang Basilika kay San Juan Evangelista noong ika-12 siglo.  Kaya nga po ang opisyal at kumpletong titulo ng Basilika sa Lateran ay Archibasilica Sanctissimi Salvatoris et Sanctorum Iohannes Baptista et Evangelista in Laterano or The Archbasilica of the Most Holy Savior and of Sts. John the Baptist and the Evangelist in the Lateran”.  Sa loob po ng libu-libong taon, ang Basilika ni San Juan sa Lateran ang luklukan ng pamamahala ng Santa Iglesiya sa pagkakaisa at pagmamahalan ng lahat ng mga mananampalatayang Katoliko.  Sa Basilikang ito po nanirahan ang mga naging Santo Papa hanggang ika-13 siglo.  At nang ilipat na po sa Basilika ni San Pedro sa kaburulan ng Vatican ang tahanan ng Santo Papa, nanatili pa ring ang Basilika sa Lateran ang opisyal na simbahan ng Santo Papa.

Kasama ng mga Basilika ni San Pedro, ni Sta. Maria Mayora, at ni San Pablo Extramuros, ang Basilika ni San Juan sa Lateran, kung saan ay ginanap ang apat na konsilyo ekumenikal at nakalibing din ang mga labi ng dalawampu’t walong santo papa, ay isa po sa apat na pangunahing mga basilika ng Sankakristiyanuhan.  Subalit sapat na po bang dahilan iyon para ipagdiwang natin ang pagtatalaga ng Basilikang ito?  Bakit nga po ba ipinagdiriwang natin ang pagtatalaga ng Basilika ni San Juan sa Lateran gayong tayo, sa Pilipinas, ay libu-libong milya naman ang layo sa Roma?  Bakit po ang liturhiya ng ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon ay nagbibigay-daan ngayon sa pagdiriwang ng Banal na Misa ng Kapistahan ng Anibersaryo ng Pagtatalaga sa Basilika ni San Juan sa Lateran?  Hindi naman po tayo mga Romano at hindi rin naman po tayo kabilang sa Diyosesis ng Roma.

May tatlo pong dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Pagtatalaga sa Basilika ni San Juan sa Lateran.  Una, sapagkat ang Basilikang ito ang katedral ng Diyosesis ng Roma, pinagpapanibago po natin ang ating malalim na paggalang at walang-maliw na pag-ibig sa Obispo ng Roma na walang-iba nga po kundi ang Santo Papa na hind lamang para sa mga Romano kundi para sa lahat ng tao.  Ikalawa, sa pamamagitan ng pagdiriwang na ito, ipinahahayag natin na bagamat tayo po ay pinaghihiwalay sa isa’t isa ng malalaking distansya, iisa lamang ang Iglesiyang banal, katolika, at apostolika.  Kung paanong sinasabi ni Apostol San Pablo sa Ef 4:5 na iisa lamang ang Pananampalataya, iisa ang Panginoon, at iisa ang Pagbibinyag, gayun din  naman po iisa ang Iglesiya, iisa ang “Katawan ni Kristo”, na siyang ring tinutukoy ng Apostol sa kanyang mga isinulat sa Rom 12:5, 1 Cor 12:12, at 1 Cor 12:27.  Hindi po tumpak ang sabihing may Iglesiyang Pilipino na kakaiba kundi man kasalungat ng Iglesiyang Romano.  Ang meron po ay Iglesiyang nasa Pilipinas kung paanong may Iglesiya ring nasa Roma, sapagkat iisa lamang ang Iglesiyang umiiral at nabubuhay sa iba’t ibang panig ng mundo.  Kung kaya’t ang kaligayahan ng paggunita sa pagtatalaga sa Basilika ni San Juan sa Lateran ay kaligahan ng lahat ng mga pamayanang pang-iglesiya.  Ang buong Iglesiya – at hindi lang po ang Iglesiya sa Roma – ay nagpapasalamat sa Diyos ngayong araw na ito para sa Basilika ni San Juan sa Lateran, ang katedral ng Santo Papa bilang obispo ng Roma.  At ikatlo, ang pagdiriwang po natin sa kapistahang ito ng pagtatalaga sa Basilika ni San Juan sa Lateran (o kahit na anumang simbahan sa ganang ito) ay dapat lumikha ng pagkakataon para sa isang makatotohanang pagtingin natin kung gaano nga po ba tayo katapat sa iniisip at tinitibok ni Kristo Jesus para sa Kanyang Iglesiya ayon sa orihinal Niyang nilayon at itinalaga.

“Iglesiya” pa po ba tayo?  Tayo pa rin po ba ang Iglesiya ni Jesus o nauwi na lang tayo sa pagiging isang samahang sibiko o, sa kasawiampalad, fans club na lang ng kung sino at kung ano?  Nakikita po ba natin ang ating sarili at isinasabuhay po ba natin ang ating buhay kung paanong nakikita at isinasabuhay ni Kristo ang Iglesiya bilang mismo Niyang sariling Katawan?  Tinitingnan ang ating kani-kaniyang sarili – tayong mga buhay na bato ng buhay na Iglesiya – ang katapatan po ba natin sa hinirang na magpastol sa kawan ni Kristo ay wagas at aktuwal?  At tinitingnan naman ang ating mga sariling pinagbubuklod ng ating pagiging Iglesiya, gaya ni Jesus sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, kaya po ba nating sabihing tayo mismo ang tahanan ng Ama o mistula na tayong nilalangaw na palengke?  Maaari rin po bang masabi tungkol sa atin ang naalala ng mga alagad ni Jesus tungkol sa Kanyang pag-ibig sa Templo: “Ang aking malasakit sa Iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko”?  May malasakit po ba talaga tayo hindi lamang sa simbahang gusali kundi sa Iglesiyang buhay na binubuo ng mga taong may pakiramdam?  Kung wala, kanino po tayo may malasakit?  Ano po ang lumalamon sa atin tulad ng paglamon sa apoy ng pag-ibig sa puso ng may malasakit?  Masasakit po ang tanong na ito na humihingi mula sa atin ng higit pang masasakit na sagot.  Hindi po nagbabago ang mga tanong na ito maging anumang pamayanang pang-iglesiya ang ating kinabibilangan – basilika man o simpleng parokya – at ang mga sagot na dapat nating ibigay ay hindi kailanman dapat maging salat sa pagkawagas at kapakumbabaan.  Sapagkat ang kadakilaan ng isang iglesiya ay wala sa rangong kanonikal nito kundi nasa kung paano po ito humarap sa Diyos.  At bago po natin malimutan, ipinaaalala po sa atin ni Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa ngayon: “Kayo ang gusali ng Diyos…kayo’y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang Kanyang Espiritu.”