TAYO ANG IGLESIYA
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Basilika ni San Juan
sa Lateran
Jn 2:13-22 (Ez 47:1-2, 8-9, 12 / Ps 45 / 1 Cor
3:9-11, 16-17)
Ang
San Juan Lateran ay hindi santo. Ito po
ay isang simbahan, isang bahay-dalanginan.
Ngayong araw pong ito ay ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng
pagtatalaga ng simbahang ito.
Hindi tao si
San Juan Lateran. Katedral po ito ng
Diyosesis ng Roma na ang obispo ay walang-iba kundi ang Santo Papa mismo. Inaakala po ng karamihan, ang Basilika ni San
Pedro sa Vatican ang opisyal na simbahan ng Santo Papa. Mali po.
Ang tahanan ng Santo Papa ay nasa Vatican, ngunit ang kanyang opisyal na
simbahan ay ang Basilika ni San Juan sa Lateran sapagkat ang Santo Papa ay
obispo rin ng Diyosesis ng Roma.
Sapagkat ang obispo ng Roma ay siya ring Santo Papa, ang kanyang
katedral, ang Basilika sa Lateran ay may pinagkalooban ng napakadakilang
pamagat: "Sacrosancta Lateranensis ecclesia
omnium urbis et orbis ecclesiarum mater et caput" o, sa wikang Ingles, "Most Holy Lateran Church, of all the
churches in the city and the world, the mother and head". Ang Basilika ni San Juan sa Lateran ang
siyang ina at ulo – mater et caput – ng lahat ng mga
simbahang Katoliko.
Ang San Juan
Lateran ay hindi po pangalan ng tao o santo.
Pangalan nga po ito ng isang basilika na isa ring katedral. Dalawang pangalan po ang bumubuo sa pangalan
ng simbahang ito: Juan at Lateran. Ang
“Juan” po ay tumutukoy kina San Juan Bautista at San Juan Evangelista. Sa kanila po nakatalaga ang basilikang
ito. Ang “Lateran” naman ay nagmula sa
apelyido ng angkang dating nagmamay-ari ng lupang kinatitirikan ng basilikang
ito. Kaya nga po, sa halip na simpleng
“Basilika ni San Juan Lateran” lamang, ang tumpak na pantawag sa simbahang ito
ay “Basilika ni San Juan SA Lateran o, sa wikang Italyano,
ang wika sa Roma, “Basilica di San
Giovanni in Laterano”.
Dati pong
palasyo ang Basilika ni San Juan sa Lateran.
Naging pagmamay-ari ito ni Emperador Konstantino nang pakasalan niya ang
pangalawa niyang asawang si Fausta na napapabilang sa angkan ng mga
Laterani. Dati pong nakatira sa
palasyong ito si Fausta, kaya nga po’t bago maging isang simbahan ang
basilikang ito ay dating tinatawag na “Domus
Faustae” o “Bahay ni Fausta”. Si
Emperador Konstantino ay mabait sa mga Kristiyano kaya’t ibinigay po niya bilang
handog sa obispo ng Roma ang dating palasyo ng asawa niyang si Fausta na sa
kalauna’y naging Basilika ni San Juan sa Lateran. Ang mismong petsa ng pagkakaloob ay hindi po
matiyak subalit nagkakaisa ang mga historyador ng iglesiya na dapat itong
naganap noong si Papa Miltiades ang obispo ng Roma at napapanahon para
pagtipunan ng mga obispo noong taong 313 A.D. para sa sinodong tumalakay at
kumondena sa heresiyang Donista. Sa kalaunan,
ang palasyo ay pinalaki at ginawang basilika upang magsilbing tahanan ni Papa
San Silvestre I. Si San Silvestre I rin
po ang nagkonsagra nito noong taong 324 A.D.
At magmula na po noon magpahanggang ngayon, ang Basilikang ito ay
nagsisilbing luklukan – kathedra – ng mga Santo Papa bilang mga obispo ng Roma.
Lingkid po sa
kaalaman ng marami, ang Basilika ni San Juan sa Lateran ay dalawang beses
muling-itinalaga. Ang orihinal na
pagtatalaga ay isinagawa nga po ni Papa San Silvestre I noong taong 324 A.D.
nang ikonsagra niya ang Basilikang ito sa Kamahal-mahalang Banal na
Manliligtas. Ang unang
muling-pagtatalaga ay naganap po noong ika-10 siglo nang italaga ni Papa Sergio
III ang Basilika kay San Juan Bautista, samantalang ang ikalawang muling-pagtatalaga
naman po ay pinangunahan ni Papa Lucius II nang italaga niya ang Basilika kay
San Juan Evangelista noong ika-12 siglo.
Kaya nga po ang opisyal at kumpletong titulo ng Basilika sa Lateran ay Archibasilica Sanctissimi Salvatoris et
Sanctorum Iohannes Baptista et Evangelista in Laterano or “The
Archbasilica of the Most Holy Savior and of Sts. John the Baptist and the
Evangelist in the Lateran”. Sa loob
po ng libu-libong taon, ang Basilika ni San Juan sa Lateran ang luklukan ng
pamamahala ng Santa Iglesiya sa pagkakaisa at pagmamahalan ng lahat ng mga
mananampalatayang Katoliko. Sa
Basilikang ito po nanirahan ang mga naging Santo Papa hanggang ika-13 siglo. At nang ilipat na po sa Basilika ni San Pedro
sa kaburulan ng Vatican ang tahanan ng Santo Papa, nanatili pa ring ang
Basilika sa Lateran ang opisyal na simbahan ng Santo Papa.
Kasama ng mga
Basilika ni San Pedro, ni Sta. Maria Mayora, at ni San Pablo Extramuros, ang
Basilika ni San Juan sa Lateran, kung saan ay ginanap ang apat na konsilyo
ekumenikal at nakalibing din ang mga labi ng dalawampu’t walong santo papa, ay
isa po sa apat na pangunahing mga basilika ng Sankakristiyanuhan. Subalit sapat na po bang dahilan iyon para
ipagdiwang natin ang pagtatalaga ng Basilikang ito? Bakit nga po ba ipinagdiriwang natin ang
pagtatalaga ng Basilika ni San Juan sa Lateran gayong tayo, sa Pilipinas, ay
libu-libong milya naman ang layo sa Roma?
Bakit po ang liturhiya ng ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon ay
nagbibigay-daan ngayon sa pagdiriwang ng Banal na Misa ng Kapistahan ng
Anibersaryo ng Pagtatalaga sa Basilika ni San Juan sa Lateran? Hindi naman po tayo mga Romano at hindi rin
naman po tayo kabilang sa Diyosesis ng Roma.
May tatlo pong
dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Pagtatalaga sa
Basilika ni San Juan sa Lateran. Una,
sapagkat ang Basilikang ito ang katedral ng Diyosesis ng Roma, pinagpapanibago
po natin ang ating malalim na paggalang at walang-maliw na pag-ibig sa Obispo
ng Roma na walang-iba nga po kundi ang Santo Papa na hind lamang para sa mga
Romano kundi para sa lahat ng tao.
Ikalawa, sa pamamagitan ng pagdiriwang na ito, ipinahahayag natin na
bagamat tayo po ay pinaghihiwalay sa isa’t isa ng malalaking distansya, iisa
lamang ang Iglesiyang banal, katolika, at apostolika. Kung paanong sinasabi ni Apostol San Pablo sa
Ef 4:5 na iisa lamang ang Pananampalataya, iisa ang Panginoon, at iisa ang
Pagbibinyag, gayun din naman po iisa ang
Iglesiya, iisa ang “Katawan ni Kristo”, na siyang ring tinutukoy ng Apostol sa
kanyang mga isinulat sa Rom 12:5, 1 Cor 12:12, at 1 Cor 12:27. Hindi po tumpak ang sabihing may Iglesiyang
Pilipino na kakaiba kundi man kasalungat ng Iglesiyang Romano. Ang meron po ay Iglesiyang nasa Pilipinas
kung paanong may Iglesiya ring nasa Roma, sapagkat iisa lamang ang Iglesiyang
umiiral at nabubuhay sa iba’t ibang panig ng mundo. Kung kaya’t ang kaligayahan ng paggunita sa
pagtatalaga sa Basilika ni San Juan sa Lateran ay kaligahan ng lahat ng mga
pamayanang pang-iglesiya. Ang buong
Iglesiya – at hindi lang po ang Iglesiya sa Roma – ay nagpapasalamat sa Diyos
ngayong araw na ito para sa Basilika ni San Juan sa Lateran, ang katedral ng
Santo Papa bilang obispo ng Roma. At
ikatlo, ang pagdiriwang po natin sa kapistahang ito ng pagtatalaga sa Basilika
ni San Juan sa Lateran (o kahit na anumang simbahan sa ganang ito) ay dapat
lumikha ng pagkakataon para sa isang makatotohanang pagtingin natin kung gaano
nga po ba tayo katapat sa iniisip at tinitibok ni Kristo Jesus para sa Kanyang
Iglesiya ayon sa orihinal Niyang nilayon at itinalaga.
“Iglesiya” pa
po ba tayo? Tayo pa rin po ba ang
Iglesiya ni Jesus o nauwi na lang tayo sa pagiging isang samahang sibiko o, sa
kasawiampalad, fans club na lang ng
kung sino at kung ano? Nakikita po ba
natin ang ating sarili at isinasabuhay po ba natin ang ating buhay kung paanong
nakikita at isinasabuhay ni Kristo ang Iglesiya bilang mismo Niyang sariling
Katawan? Tinitingnan ang ating
kani-kaniyang sarili – tayong mga buhay na bato ng buhay na Iglesiya – ang
katapatan po ba natin sa hinirang na magpastol sa kawan ni Kristo ay wagas at
aktuwal? At tinitingnan naman ang ating
mga sariling pinagbubuklod ng ating pagiging Iglesiya, gaya ni Jesus sa
Ebanghelyo ngayong araw na ito, kaya po ba nating sabihing tayo mismo ang
tahanan ng Ama o mistula na tayong nilalangaw na palengke? Maaari rin po bang masabi tungkol sa atin ang
naalala ng mga alagad ni Jesus tungkol sa Kanyang pag-ibig sa Templo: “Ang
aking malasakit sa Iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko”? May malasakit po ba talaga tayo hindi lamang
sa simbahang gusali kundi sa Iglesiyang buhay na binubuo ng mga taong may
pakiramdam? Kung wala, kanino po tayo
may malasakit? Ano po ang lumalamon sa
atin tulad ng paglamon sa apoy ng pag-ibig sa puso ng may malasakit? Masasakit po ang tanong na ito na humihingi mula
sa atin ng higit pang masasakit na sagot. Hindi po nagbabago ang mga tanong na ito maging
anumang pamayanang pang-iglesiya ang ating kinabibilangan – basilika man o simpleng
parokya – at ang mga sagot na dapat nating ibigay ay hindi kailanman dapat maging
salat sa pagkawagas at kapakumbabaan. Sapagkat
ang kadakilaan ng isang iglesiya ay wala sa rangong kanonikal nito kundi nasa kung
paano po ito humarap sa Diyos. At bago po
natin malimutan, ipinaaalala po sa atin ni Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa
ngayon: “Kayo ang gusali ng Diyos…kayo’y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo
ang Kanyang Espiritu.”
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home