SPECIAL CHILD KA!
Ikatatlumpu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang
Panahon
Mt 25:14-30 (Kaw
31:10-13, 19-20, 30-31 / Slm 127 / 1 Tes 5:1-6)
Tayo pong lahat ay gifted children. Gifted
child ang bawat isa sa atin. Iyan
pong katabi n’yo sa kanan, gifted child
‘yan! Pakibati n’yo po: “Hello, gifted child! What are you gifted with?” Ngayon, baling po sa kaliwa: ah, iyan, special child ‘yan! Special
child siya kasi gifted child
nga. Tayo pong lahat ay special at gifted children. Special children po tayo kasi si God ang tatay natin. Gifted
children po tayo kasi binigyan Niya po tayo ng kani-kaniyang regalo: mga
talento, mga kakayahan, mga kaalaman, mga mahal sa buhay, mga pagkakataon, mga
pagmamay-ari, at marami pang iba. Ngunit
higit sa lahat, si Jesus po ang pinakadakilang regalo ng Diyos sa atin. At kasama ng Kanyang Anak na si Jesus, regalo
rin po sa atin ni God ang buhay na
walang-hanggan. Kaya naman po napaka-special at napaka-gifted children nating lahat.
Ang Banal na Misang ito ay pagdiriwang ng ating paka-special at pagka-gifted children of God.
Pero, tinatanong po tayo
ng Ebanghelyo ngayon: “Ano ang ginagawa mo sa kaloob ng Diyos sa iyo?” Ginagamit mo ba ito hindi lamang sa mabuting
paraan kundi para sa mabuting pakay o dine-dedma, binabale-wala, winawaldas mo?
At hindi lamang po iisa ang kaloob sa
atin ng Diyos, hindi ba? Marami. Sapagkat hindi po patingi-tingi kung
magregalo ang Diyos; unang-una na riyan ang Kanyang Espiritu, ika sa Jn
3:34. Gifted child po ang bawat-isa sa atin, pero anong ginagawa natin sa
ating gifts?
Special child po ang bawat-isa sa atin sapagkat mga katiwala tayo
ng Diyos. Isipin po ninyo iyon! Mga katiwala tayo ng Diyos. Pinagkakatiwalaan po tayo ng Diyos. Kung minsan tayo-tayo, walang tiwala sa isa’t
isa; pero ang Diyos pinagkakatiwalaan tayo!
Karapatdapat po ba tayo sa tiwala Niya?
Subalit hindi na po mahalaga sa Diyos ang sagot natin sa tanong na ito
sapagkat bago pa tayo maging karapatdapat sa Kanyang pagtitiwala, ginawa at
itinuturing na tayo ng Diyos bilang mga katiwala Niya. Hindi po ba napakalaking karangalan
iyon? At higit pang malaking karangalan
sapagkat batid po naman nating lahat na wala ni isa sa atin ang karapatdapat
pagkatiwalaan ng Diyos dahil sa malaki o maliit na bagay, sa madalas o
paminsan-minsan, at sa hayag o lihim na pangyayari mga tiwali rin tayo. Wala pong makapagyayabang at makapagmamalinis
sa atin sapagkat iba’t ibang paraan sa halip na katiwala tayo ay naging
ka-tiwali ng isa’t isa. Pero ang tingin
at turing pa rin po sa atin ng Diyos ay mga katiwala Niya kaya patuloy pa rin
Niya tayong pinagkakalooban ng mga biyaya.
Napaka-special naman po natin talaga!
Subalit may hangganan po
ang lahat. Bukambibig po ng marami: “God is the God of many second chances.” Tutoo po iyan! Kaya lang madalas ay inaabuso natin ang
katotohang iyan. Pansinin po ninyo, ang
sabi, “God is the God of many second
chances.” Many daw po hindi endless. Ang iba po kasi sa atin, binabalewala ang mga
dapat na pinahahalagahan – tulad ng Diyos, pananampalataya, pagdamay sa kapwa,
paglinang ng mga kakayahan at kaloob ng Diyos, at iba pa – tapos ginagawang alibi na hindi lamang sa “God is the God of many second chances”
kundi maiintindihan din naman ika ng Diyos.
Hindi na po pagtitiwala sa kagandahang-loob ng Diyos ang tawag diyan. Pang-aabuso pati sa Diyos ang tawag diyan,
hindi ba?
“Many chances” lang daw po, hindi “endless chances” ang Diyos.
Kasi kung endless chances po,
hindi na po pagmamahal iyon sapagkat gagawin tayong inutil niyon at manhid sa
mga bagay na dapat sana’y sensitibo tayo.
Hindi tayo huhubugin ng “endless
chances” at sa halip na manatiling special
and gifted children of God tayo, tayo po ay magiging depraved and deprived children of the world.
“God is the God of many second chances” at dahil “many” lang nga – hindi “endless” – huwag po sana nating
malimutang laging merong “last chance”. Baka naabot na po natin ang “last chance” para sa atin. Hindi kaya?
Huwag po tayong paka-kampante.
Pagnilayan po natin lagi ang buhay natin at pagsikapan nating mamuhay sa
tuwina sa katotohanan ng nakatakdang pagsusulit natin sa Diyos. Paalala nga po sa atin ni San Pablo Apostol
sa ikalawang pagbasa ngayon: “…hindi kayo nabubuhay sa kadiliman, mga kapatid,
kaya’t hindi kayo mabibigla sa Araw na yaon na darating na parang magnanakaw. Kayong lahat ay kabilang sa panig ng
kaliwanagan – sa panig ng araw – hindi sa panig ng kadiliman o ng gabi. Kaya nga, kailangang tayo’y manatiling
gising, laging handa, at malinaw ang isip….”
Magandang nga pong
paalala ito sa atin, hindi lamang ngayong bilang na bilang na ang mga araw ng
kasalukuyang taong liturhikal kundi sa araw-araw din po nating pamumuhay. Ibinuhos ng Diyos sa bawat-isa sa atin ang
iba’t iba Niyang mga kaloob. Mga
katiwala Niya tayo. Magsusulit tayo sa
Kanya balang-araw. Huwag nating sayangin
ang ating mga kaloob at mga pagkakataon.
Marami ngang second chances
pero meron din naman pong last chance. Pakipaalala n’yo nga po sa katabi n’yo: “Baka
last chance mo na, gifted child.”
Sa pagwawakas, parang
naligaw po ang unang pagbasa ngayon, hindi ba?
Parang wala pong kaugnayan sa ikalawang pagbasa at Ebanghelyo
ngayon. Parang out of the topic siya. Sa
ating unang pagbasa, pinupuri po ng sumulat ng Aklat ng Kawikaan ang huwarang
ina at asawang babae. Ano nga po ba ang
kinalaman niyon sa sinasabi ng ikalawang pagbasa at Ebanghelyo ngayong araw na
ito? At tsaka, bakit ina at asawang
babae lang po ang ibinibigay na huwaran?
Sana nagsalita rin po ang may-akda tungkol sa huwarang ama at asawang
lalaki, hindi ba?
Uliran ang ina at asawang
babae sa unang pagbasa natin ngayon sapagkat halimbawa po siya ng mabuting
paggamit ng mga kaloob na tinanggap sa Diyos.
At babae o lalaki man po tayo, kumakatawan po sa ating lahat ang ina at
asawang iyon sapagkat Mangingibig po nating lahat ang Diyos. Kung paanong ibinibigay ng kanyang asawang
lalaki ang buo nitong pagtitiwala sa ulirang ina at asawang babae sa unang
pagbasa natin ngayon, gayon din naman po walang pasubaling inilalagak ng Diyos
ang Kanyang pagtitiwala sa atin. Ang
pagiging katiwala po natin ay bahagi ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Kung iniibig din natin ang Diyos, gaya nang
napakadalas nating sabihin, tutularan po natin ang ulirang ina at asawang babae
sa unang pagbasa natin ngayon: pahahalagahan natin ang pagtitiwala ng pag-ibig
ng Diyos sa atin at gugugulin natin ang ating lakas, panahon, at pagmamay-ari
para sa Diyos at kapwa-tao, lalong-lalo na po para sa mga dukha gaya ng
sinasabing ugali ng ulirang ina at asawang babae sa unang pagbasa ngayon.
Ang tawag ng mundo sa batang
may kapansanan ay special child sapagkat
kailangan ng batang ito ng special attention.
Para sa mundo, ang gifted child ay batang may kakaibang talento na parang ang ibang tao
ay hindi gifted. Subalit para sa Diyos, lahat po tayo ay special at gifted children hindi dahil tayo ay may kapansanan o kakaiba sa karamihan
na parang angat tayo kaysa sa iba, kundi dahil lahat tayo ay pinagkalooban at pinagkatiwalaan
Niya ng mga biyayang nauukol sa kani-kaniya. Ipagdiwang po natin ang ating pagiging special at gamitin natin ang ating pagiging
gifted. At huwag na po sana nating ipagpabukas-bukas pa
sapagkat baka ngayon na ang ating last chance.
1 Comments:
Hello Gifted Child!
A very good reflection Father. Thanks for reminding us that we are all special child of God. Many people think they aren't and also, many disregard their gift.
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home