PAANO PO TAYO UUWI?
Ikatatlumpung Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 18:9-14 (Sir
35:12-14; 16-18 / Slm 33 / 2 Tim 4:6-8; 16-18)
Kayo po ay pumarito upang makibahagi sa pagdiriwang
ng Banal na Misa. Welcome na welcome po
kayong lahat. Sigurado po ako na pag-uwi
ninyo mamaya, bitbit ninyo ang nag-uumapaw na biyaya ng Diyos.
Pero, isang babala lang po: Ito ay pagtitipon ng
mga makasalanan. Ang Banal na Misa pong
ito ay pagsasalu-salo ng mga makasalanan.
Simulan po natin sa akin. Ako ay
pari, pero makasalanan po ako. Ako ang
inyong punong-tagapagdiwang, pero punung-puno rin po ako ng mga pagkukulang sa
Diyos at sa aking kapwa. Ako po ay
pastol, pero minsan nawawalang tupa rin ako.
Makasalanan po ako. Pero hindi po
ako nag-iisa. Ang mga kasama kong naglilingkod
sa Banal na Misang ito – ang mga sakristan, ang mga lektor, ang commentator, ang extra-ordinary
ministers of Holy Communion, ang bawat miyembro ng koro, ang usherettes and greeters po, at ang mga
kasapi ng Mother Butler’s Guild na nag-ayos ng altar, mga gamit sa pagmi-Misa,
at ng damit na pang-Misa na suut-suot ko ngayon – mga makasalanan din po sila. Hindi lang po kami. Ang katabi ninyo po ninyo, tingnan ninyo
siya, mukha ring guilty, hindi
ba? Makasalanan din kasi siya. At kaya nga po kami nandito, dahil
makasalanan po kami. Kayo po, bakit kayo
nandito? Makasalanan din po ba kayo?
Ngayon,
may hihilingin po ako sa inyong gawin, pero hindi ko po kayo pinipilit. Ang gusto ko po sana ay bukal sa loob ninyo
kung gagawin ninyo. Ang lahat ng makasalanan,
magsitayo. Aba, marami pala kami
rito! Lahat po ng mga nakatayo,
sabay-sabay nating gawin ang ipagagawa ko.
Iyuko po natin ang ating ulo, ipikit ang ating mga mata, at dinadagukan
ang dibdib, taus-puso po nating sabihin, “O Diyos, mahabag po Kayo sa akin, isang
makasalanan!”
Puwede
na pong umupo. Pero bago kayo umupo,
pakikamayan n’yo po ang katabi ninyo at sabihin sa kanya, “Welcome ka rito.”
Ngayong
nakaupo na po ang lahat, matanong ko lang sa mga hindi tumayo, bakit po hindi
kayo tumayo? Nahiya po ba kayo? Kanino – sa Diyos o sa tao? Kung sa Diyos, ayos ‘yan! Nakakahiya po talaga sa Diyos, hindi ba? Ang bait-bait Niya sa atin, mahal na mahal
Niya tayo, hindi po Siya nagdalawang-isip na ibigay sa atin ang kaisa-isang
Anak Niya, pero parang bale-wala sa atin dahil sa mga kasalanan natin. Sa palagay ko po, nahihiya rin naman sa Diyos
iyong mga tumayo kanina sa pag-amin nila nang hayagan na makasalanan sila. Kung nahihiya naman sa tao kaya ayaw umaming
makasalanan, masama iyan! Nahihiyang
umaming makasalanan pero hindi nahihiyang gumawa ng kasalanan? Bakit ganun?
May
isang pong makasalanan, hiyang-hiya sa Diyos.
Nagdarasal niya sa templo, pero nakatayo lang sa malayo, ni hindi man
lamang siya makatingin sa langit, dinadagukan ang kanyang dibdib, habang
inuusal-usal, “O Diyos, mahabag po Kayo sa akin na isang makasalanan!” Pero hindi po siya ikinahiya ng Diyos. Mas lalo naman pong hindi siya hiniya ng
Diyos. Kinalugdan pa nga siya ng Diyos.
Pero
may nanonood pala sa kanya. Nagdarasal
din daw, pero sa ibang tao pala nakatingin, hindi sa Diyos. “O Diyos,” sabi ng pangalawang taong ito,
“maraming salamat po! Mabuti’t hindi po
ako katulad ng iba riyan – magnanakaw, mandaraya, mangangalunya. Maraming salamat po at hindi ako katulad ng
isang ito.” Hindi siya nagdarasal,
nanlalait siya. Sa pagtataas niya sa
kanyang sarili, minaliit naman niya ang kapwa-tao niya. Mapanlait at mapangmaliit – iyan po
siya. At sa halip na siya ang mahiya sa
Diyos parang Diyos pa yata ang gusto niyang mahiya sa kanya. “Dalawang bese po sa isanlinggo kung ako ay
mag-ayuno at walang-paltos ang pa-i-ikapu ko sa lahat ng kinikita ko,”
pagyayabang niya sa Diyos. Kulang na
lang pong sagutin siya ng Diyos, “Ikaw na!
Bigyan ng jacket!” Ngunit umuwi
ang taong ito, hindi tulad noong isa, nang hindi kinalulugdan ng Diyos.
Kanina
po sa Salmong Tugunan, sabi natin, “Dukhang sa Diyos tumatawag ay Kanyang
inililigtas.” Sana po, tayo ang dukhang
yaon. Wala tayong maipagyabang sa Diyos. Wala tayong maipanlait sa kapwa. Wala tayong maipangmaliit sa isa’t isa. Manatili po sana tayong dukha na tanging ang
Diyos lamang ang pag-asa, laging nakabitin sa awa ng Diyos, at walang sandaling
hindi nagpapakababa.
Hindi po tayo maililigtas ng mabubuti nating
gawa. Paalala po sa atin ni San Pablo
Apostol sa ikalawang pagbasa ngayon na tanging ang Panginoon ang maghahatid sa
atin sa Kanyang kaharian. Gaya ng
paulit-ulit ko pong sinasabi sa inyo, walang pumapasok sa langit na perfect ang score sa buhay. Bagsak po
tayong lahat. Pero nakapapasok tayo sa
langit kasi ipinapasa po tayo ng awa ng Diyos.
Kaya nga, pasawang-awa po tayong lahat.
Ang grado po ng mga nakapapasok sa langit ay 75% no more, no less.
Hindi po masama ang pasang-awa. Ang masama ay iyong hindi pumasa. Ang mahirap, bagsak ka naman talaga pero ayaw
mo pang tanggapin kaya hindi ka maipasa ng awa ng Diyos. Ang masahol pa, bagsak ka rin naman pero ang
tingin mo sa iba mas bagsak kaysa sa iyo.
Sa kahuli-hulihan, laking sama ng loob mo dahil siya ang pumasa pero ikaw
ay nanatiling bagsak dahil siya ay marunong umamin sa kasalanan at humingi ng
kapatawaran samantalang ikaw ay puro yabang.
Pati Diyos pinagyayabangan mo. At
para itaas ang sarili mo, ibinababa mo ang iba.
Eh parehas naman tayong lahat na alikabok, hindi ba?
Manatili
po tayong mababang-loob. Hindi po
nakakahiya ang maging dukha. Ang
nakakahiya ay ang maging mayabang.
Nakakahiya po ang kasalanan. Pero
mas nakakahiya po ang ayaw umaming makasalanan siya. Hindi diringin ng Diyos ang kanyang panalangin
sapagkat, ayon sa ating unang pagbasa mula sa Aklat ni Sirak, ang panalanging
tumatagos sa langit at napapansin ng Diyos ay ang panalangin ng taong
mapagkumbaba.
“O Diyos, mahabag po Kayo sa akin, ako’y isang
makasalanan” – ito ang pagsusumamo ng Publikano sa Diyos. “O Diyos, mahabag po Kayo sa akin, ako’y isang
makasalanan” – walang mga pagpapaliwanag, walang mga alibi, walang mga palusot
– ito ang panalangin ng Publikano sa Ebanghelyo. Kumpara sa litanya ng Pariseo, mistulang
walang sinabi ang Publikanong ito. Ngunit
pagkatapos po nilang manalangin, ang umuwing kasundo ng Diyos ay ang Publikano,
hindi ang Pariseo. Tayo po kaya, pagkatapos nating magdasal, paano tayo uuwi?