19 October 2013

KAPAG MAY TIYAGA, MAY NILAGA

Ikadalawampu’t Siyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 18:1-8 (Ex 17:8-13 / Slm 120 / 2 Tim 3:14-4:2)

May kasabihan po tayo: “Kapag may tiyaga, may nilaga”.  Mahirap po itong isalin sa wikang Ingles.  Weird!  “If there is patience, there is stew”.  Nakakatawa po, hindi ba?

Pero alam na alam nating mga Pinoy na tutuong-tutoo ang sinasabi ng kasabihang ito.  Kailangan ng nilaga ang tiyaga.  Lalo na po kung ang nilalaga mo ay karne ng baka!  Bakit po?  Kasi kailangang palambutin ang karne.  At mas matagal palambutin ang karne ng baka.  Kapag minadali mo ang pagluluto ng nilagang baka, hindi magugustuhan ng kakain nito ang niluto mo.  Bakit po?  Matigas kasi ang karne.  Baka masuya pa sa iyo ang hahainan mo.

Dapat palambutin ang karne ng baka.  Tandaan po natin ha, hindi po optional ang pagpapalambot.  Kaya dapat magtiyaga para may nilaga.  Ang walang tiyaga, huwag nang magnilaga.

Kung matiyaga po tayo sa pagluluto, kailangang mas matiyaga pa po tayo sa pagdarasal.  Sa pananalangin po kasi kailangan din natin ng pagpapalambot.  Pagpapalambot ng puso.  Pinalalambot po ng pagdarasal ang puso.  Hindi po puso ng Diyos.  Puso natin.

Kapag tayo po ay tunay na nagdarasal, lumalambot ang puso natin.  Pinalalamabot ng Diyos ang puso natin.  Prayer is not man changing God’s heart but God reconstructing the heart of man.  We cannot change God’s heart but God transforms our hearts through genuine prayer.  Kaya ng po, ibinibigay sa atin ni Jesus sa Ebanghelyo ngayong araw na ito ang talinhaga tungkol sa pagtitiyaga sa pananalangin.  Ang pagdarasal ay pinagtitiyagaan hindi dahil ang Diyos ay tulad ng malupit na hukom sa talinhaga bagkus dahil hindi nga po ganun ang Diyos.  Kung nakamit ng balong babae ang katarungang hinihingi niya mula sa hukom na walang-kinatatakutan, higit na makakamit natin ang idinadaing natin sa Diyos.  Pero ang puso po ba natin ay handa sa sagot ng Diyos sa ating panalangin?  Kasi po, baka iba ang sagot ng Diyos sa gusto nating isagot Niya sa atin.  Baka po taliwas sa inaasahan natin ang isasagot ng Diyos sa atin.  Kaya nga po, pinalalambot ng Diyos ang ating puso para maging bukas tayo sa sagot Niya na laging higit na makabubuti sa atin.

Kapag dasal po tayo nang dasal pero matigas pa rin ang puso natin, baka may problema sa pagdarasal natin.  Kung dasal nga po tayo nang dasal pero sa halip na lumambot ay lalo pang tumitigas ang puso natin, baka mali po naman ang idinarasal natin.  Kapag hindi po pinalalambot ng kadadasal natin ang puso natin, baka may kulang sa pagdarasal natin o baka peke ang pagdarasal natin.  Baka lang naman po.  Baka naman po simba nga tayo nang simba, rosaryo nang rosaryo, nobena nang nobena, at naturingang “taong-simbahan” pero ang puso naman pala natin ay pusong-bato.  Sana, wag ganyan.

Kaya naman po, dapat nating tandaan na ang pagdarasal ay hindi pagmamadali.  Bakit?  Dahil kailangan nga po ng panahon ang pagpapalambot.  At minsan ang puso ng tao ang pinakamahirap palambutin.  Pati Diyos hirap na hirap palambutin ang puso natin.

Sana po, mapalambot ng Diyos ang puso natin.  Sana po, habang nagdarasal tayo ay palambot nang palambot din naman ang puso natin.  At kapag nangalulupaypay na tayo sa pananalangin subalit tila tahimik lang ang Diyos sa ating hinaing, makatagpo tayo ng mga taong tutulong sa ating manalangin.  Masdan po natin ang larawan ng kuwento sa unang pagbasa ngayong araw na ito.

Napakaganda ng postura ni Moises: nakataas ang kanyang mga kamay.  Hindi po ba larawan iyon ng pananalangin?  Kapag nakataas daw ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita laban sa mga Amalekita.  Ngunit kapag nakababa raw ay natatalo naman sila.  Bakit po bumababa ang mga kamay ni Moises?  Malamang napapagod po.  Napapagod din ang nananalangin.  Nangangawit din.  Naiinip.  Lalo na po kung may katagalan ang pagpapalambot ng Diyos ng puso ng nagdarasal.  Kaya naman, maaari pong mangalupaypay at ang mga kamay na dating nakataas sa pagdarasal ay bumaba na.  Nasabi na po ba ninyo ang ganito: “Hirap na hirap na akong magdasal” o kaya’y “Pudpod na ang tuhod ko sa kadadasal pero parang walang nangyayari”?

Kaya naman po, mapalad si Moises sapagkat meron po siyang Aaron at Hur na umaalalay sa kanya at itinataas ang kanyang mga kamay kapag ang mga ito ay nangangawit na.  Larawan si Aaron at Hur ng mga katulong sa pagdarasal.  Tinutulungan nila si Moises na manalangin.  Sana, ganyan din po tayo sa isa’t isa.  Magtulungan tayong manalangin.  Minsan po kasi, ang problema, magaling tayong magturo sa iba kung paanong manalangin pero hindi naman natin sila sinasamahang manalangin.  Sa hirap ng pinagdaraanan ng pusong dapat palambutin ng panalangin, hindi lamang natin dapat ipanalangin ang isa’t isa.  Dapat nating samahan at tulungang manalangin ang isa’t isa.  Sa puso ng bawat-isa sa atin ay may “Moises” na maaaring nangangalay na, napapagod na, hirap na hirap na sa pagdarasal.  Alalayan po natin ang isa’t isa.  Kaypalad ng mga may matiyagang “Aaron” at “Hur” sa tabi nila.  At marami po sa mga digmaan natin – personal man o pangmalawakan – ang maipagtatagumpay natin hindi lamang kung may mga “Moises” sa atin kundi kung meron din po tayong mga karamay na “Aaron” at “Hur”.  Sino po ba ang mga "Aaron" at "Hur" sa buhay natin?  Napasasalamatan po ba natin sila?  Tayo po, mga "Aaron" at "Hur" din po ba tayo sa ibang tao?

Sa ating ikalawang pagbasa, ibinibilin po ni San Pablo Apostol kay Timoteo na “patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo” ng Ebanghelyo ni Kristo Jesus.  Sa tuwing sinasamahan nating manalangin ang ating kapwa, pinatatatag natin ang kanyang loob.  Sa tuwing inaalalayan natin ang kanyang mga kamay na nangawit na sa pagdarasal, pinatatatag natin ang kanyang loob.  Pero kapag iniwan natin siya, pinabayan natin siya, binale-wala natin siya sa kanyang idinaraing sa Diyos, nasisiraan po siya ng loob; at malamang isa tayo sa mga dahilan kung bakit siya nagkagayon.  Sa pamamagitan ng ating pagiging tulad ni Aaron at Hur sa mga ngawit na “Moises” sa paligid natin, matiyaga nga nating naituturo ang Ebanghelyo ni Jesus sa pamamagitan ng aktwal na gawa.

Ngayong Pandaigdigang Linggo ng Misyon, simulan po nating gawing misyon din natin sa buhay ang hindi lamang maturuang manalangin ang higit pang maraming tao kundi ang samaha’t tulungan din silang manalangin at buong tiyagang patatagin ang kanilang loob.   Magandang halimbawa po ang matiyagang balong babae sa talinhaga sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, pero huwag din po nating kalilimutang maging Aaron at Hur sa isa’t isa.  Ito ang ating dalangin.  Ito ang ating misyon.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home