12 October 2013

TANAWIN, HUWAG BAYARAN

Ikadalawampu’t Walong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 17:11-19 (2 Hari 5:14-17 / Slm 98 / 2 Tim 2:8-13)


Ang problema, gusto po nating ibalik ang pabor na ibinigay sa atin.  Hindi ba, bukambibig pa nga natin sa Ingles, “returning the favor”?  Ibig sabihin nga po, “ibinabalik ang pabor”.

Ang problema, gusto po nating suklian ang gumawa sa atin ng kabutihan.  Bakit, may binili po ba siya at kailangan natin siyang suklian?  Sobra po ba ang ibinayad niya kaya may sukli pa siya?

Ang problema, lagi nating iniisip na dapat tayong magbayad ng utang-na-loob.  Pakiramdam naman po natin, lagi ring hindi sapat ang bayad natin.  Hindi naman po kasi binabayaran ang utang-na-loob.  Tinatanaw.  Tinatanaw po ang utang-na-loob, hindi binabayaran.  Hindi naman po ipinagbibili ang utang-na-loob eh.  Bakit natin babayaran?  Huwag po tayong magbayad ng utang-na-loob.  Kung babayaran po natin ang pinagkakautangang-loob natin, hindi po ba iyon pang-iinsulto sa nagpakita sa atin ng kabutihang-loob?  Hindi po binabayaran ang utang-na-loob.  Tinatanaw.

Paano nga po ba ang tamang pagtanaw ng utang-na-loob?

Balikan po natin sandali ang unang pagbasa ngayong Linggong ito.  May isang matagumpay na komandante ng hukbong sandatahan ng Syria.  Si Naaman.  Pagano.  May asawa.  At hindi lang asawa ang meron siya; may ketong din po siya.  Ang asawa naman niya ay may aliping Israelita.  “Pumunta po kayo, Sir, kay Propeta Eliseo, at magpagamot sa kanya,” mapangahas na mungkahi ng alipin.  Noong una ayaw pumunta ni Naaman; hindi po nakapagtataka dahil pagano siya.  “Dear, wala namang mawawala sa iyo kung susubukan mo,” payo ng misis niya sa kanya.  Kaya nagpunta na lang po si Naaman kay Propeta Eliseo.  Hindi siya hinarap ng Propeta.  Nagalit si Naaman.  Pero mas lalo po siyang nagalit nang atasan siya ng Propeta na lumublob ng makapitong beses sa Ilog Jordan.  Sa makapitong pag-ahon daw po niya, ayon sa Propeta, ay gagaling na siya.  Bakit daw po sa Ilog Jordan pa, yamot na tanong ni Naaman, gayong marami naman daw pong mas malilinis pang ilog sa Syria.  Pasok ulit sa eksena ang mapangahas na alipin ni misis, “Sir, kung mas mahirap po ang ipinagagawa sa inyo ni Propeta Eliseo, malamang gagawin po ninyo para lang gumaling kayo.  Eh ang dali-dali na nga lang po ng pinagagawa niya sa inyo, hindi pa ninyo gawin.”  Oo nga naman po.  Kaya, pikit-matang sinunod ni Naaman ang payo ng Propeta at hindi lamang “nanauli sa dati ang kanyang katawan” bagkus ay kuminis raw ito tulad ng balat ng sanggol.  Kaya naman po, laking pasasalamat ni Naaman kay Propeta Eliseo.  Kung tayo man siya, pipilitin nating gantihan ang nagawa sa atin ng Propeta.  Sa laki ng kanyang pasasalamat, tinangkang magbayad ni Naaman ng utang-na-loob sa Propeta.  Ayun po!  Magbayad.  Kaya naman po, nagbalik si Naaman kay Eliseo para magbayad ng utang-na-loob.  “Narito, pagdamutan ninyo itong maliit kong nakayanan,” wika ni Naaman sa Propeta.  Hindi po tinanggap ni Eliseo ang pagbabayad ni Naaman ng utang-na-loob sa kanya.  Hindi naman po masama ang pakay at ginawa ni Naaman, pero, muli po, hindi binabayaran ang utang-na-loob.  Tinatanaw.

At may isang Samaritano.  Sa ating Ebanghelyo.  Tumanaw ng utang-na-loob.

Ang Ebanghelyo po natin ngayong Linggong ito ay mula kay San Lukas.  Ayon sa mga dalubhasa, partikular na isinulat daw po ni San Lukas ang kuwento ni Jesus para sa mga maliliit, minamaliit, at ini-etsepuwera ng lipunan.  At ang mga Samaritano ay kabilang sa mga ito.  Kaya nga po sa Ebanghelyo ni San Lukas lamang natin mababasa ang Talinhaga ng Mabuting Samaritano at ang kuwento natin ngayon.

May sampung ketongin.  Nagmakaawa kay Jesus na pagalingin sila.  Pinagaling silang lahat.  Pero isa lang ang nagbalik para magpasalamat kay Jesus.  Ang Samaritano.

Bakit hindi po nagbalik ang siyam?  Hindi ko po alam.  Paaano ko po malalaman, eh kahit si Jesus nagtanong, “Hindi ba sampu ang gumaling?  Nasaan ang siyam?”

Pero may isang linya po sa Ebanghelyo na nakakapukaw ng pansin at malamang ay ito ang dahilan kung bakit isa lang ang nagbalik para magpasalamat kay Jesus.  “Nang mapuna ng isa,” sabi sa Ebanghelyo, “na siya’y gumaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos.”  Nang mapuna.  Napuna po kasi ng isa na magaling na siya kaya nagpasalamat siya.  Baka kaya po hindi nagbalik ang siyam kasi hindi nila napuna na gumaling na sila.  At bakit naman po kaya nila hindi napuna na magaling na sila?  Hindi ko rin po alam, pero baka – baka lang po – kung saan-saan kasi nakatingin. Baka, sa halip na sarili, kung sinu-sino naman ang tinitingnan nila.  Baka busy po sila sa pagse-selfie (self pity!) o baka kumpara sila nang kumpara ng sarili sa iba o baka iba ang gusto nilang mangyari talaga.  Kaya hindi man lang nila namalayan ang napakalaking grasyang tinanggap nila, ang himala ng buhay nila.  Hindi po tayo makatiyak kung ano talaga ang dahilan ng siyam pero may aral pa rin sa atin ang hindi nila pagbabalik para magpasalamat sa Panginoon.

Tulad naman po ni Naaman sa unang pagbasa, ang Samaritano ay pagano.  Pareho silang pinagkalooban ng kagalingan, biniyayaan ng kagandahang-loob ng Diyos.  Pareho rin po silang nagpasalamat.  Pero magkaiba po ang paraan nila.  Si Naaman ay nagtangkang magbayad ng utang-na-loob.  Ang Samaritano naman ay tumanaw ng utang-na-loob, tinanaw niya ang Nagkaloob kaya nakabalik siya para magpasalamat kay Jesus, ang Nagkaloob.

Pinansin.  Kinilala.  Nagbalik.  Nagpasalamat.  Ito po ang ginawa ng Samaritano sa Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Pinansin niya ang nangyari sa buhay niya: gumaling na siya!  Kinilala niya na ang pangyayaring yaon ay biyaya ng Diyos.  Binalikan niya ang bukal ng biyayang yaon: si Jesus.  Nagpasalamat siya sa Panginoon.  He saw the gift he received and recognized the Giver Himself.

Mahalaga po ang regalo, pero higit na mahalaga ang nagregalo.  Huwag po tayong masilaw sa regalo lang.  Huwag po tayong tumigil sa regalo lang.  Huwag po nating pahalagahan ang regalo lang.  Ang regalo ay sagisag lamang ng nagregalo; kaya dapat ang regalo ay dapat umakay sa atin sa nagregalo.  

Ito rin po ang dapat nating gawin sa pagtanaw natin ng utang-na-loob.
  Pinapansin po ba natin ang mga blessings ng Diyos sa buhay natin o ang mga pagsubok, dagok, at kabiguan lamang natin?  Sa mga blessings na pinapansin natin, baka naman po ‘yun lamang malalaking blessings ang pinahahalagahan natin at dedma na tayo sa maliliit pero tunay paring mga blessings ng Diyos sa buhay natin.  Nagbabalik po ba tayo sa Diyos para magpasalamat o balik tayo nang balik sa Diyos para lang humingi nang humingi?

Ganito rin naman po ang tamang pagtanaw ng utang-na-loob sa kapwa-tao natin.  Pansinin natin ang magandang epekto niya sa ating buhay.  Kilalanin nating siya mismo ay biyaya ng Diyos sa buhay natin.  Balikan natin siya para pasalamatan, hindi para bayaran.

Ang Banal na Misa ay Eukaristiya.  Ang ibig sabihin ng Eukaristiya sa wikang Griyego ay “magpasalamat”.  Ang Banal na Misa ay dakilang pagdiriwang at nagpapatuloy na pahayag nating ng ating pasasalamat sa Diyos pamamagitan ni Jesus na pinagdaraanan ng lahat ng kaloob Niya sa atin.  Nakakalungkot po, hindi ba, na may mga taong sabi nang sabi na nagpapasalamat sila sa Diyos pero hindi naman nagsisimba.  Marami pa silang kung anu’t anong dahilan at kung sinu-sino pa ang sinisisi kung bakit hindi sila nagsisimba.

Magbalik sa Panginoon at sa Kanya ay magpasalamat.  Kung may dala ka mang handog, bonus na ‘yan o sagisag lamang ng iyong pasasalamat sa Kanya.  Hindi Niya minamaliit ang anumang nakakayanan nating ialay sa Kanya pero ang higit po Niyang ninanais ay ang kilalanin natin Siya, magbalik sa Kanya, at, bilang tanda na tunay ang ating pasasalamat, manatiling tapat sa Kanya.  Nakatitiyak po tayong hindi Niya tayo itatakwil dahil, ika nga ni San Pablo Apostol kay Timoteo, sa ikalawang pagbasa ngayon, “…ang sa Kanya ay hindi Niya itatakwil.”

Ang utang-na-loob tinatanaw, hindi binabayaran.  Siguro kaya po gusto nating magbayad ng utang-na-loob kasi ang tingin natin sa kabutihang ibinigay o ipinakita sa atin ay utang nga at hindi kaloob.  Ang utang binabayaran, pero ang kaloob ay pinasasalamatan.  Ang bayad sinusuklian.  Ang pasasalamat ay tinatanggap.  Bayaran ang utang.  Pasalamatan ang kaloob.  Ang Diyos ay hindi nagpapautang.  Nagkakaloob lang.

2 Comments:

At 10:40 AM , Anonymous Anonymous said...

Amen. Napakagandang paliwanag.Salamtat po. Naway araw araw may ganito po.

 
At 1:43 PM , Anonymous Anonymous said...

salamat sa panginoon at mayroon syang sinugong mga taong marunong magpaliwanag ngayon na nauukol sa ating iglesya katolika sanay bigyan pa kayo ng matalas na karunungan ng panginoong JESUS para sa ikauunlad ng kanyang kaharian GOD BLESS YOU,,,,,AMEN

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home