05 October 2013

DAGDAG PANANALIG, DAGDAG PATAWAD

Ikadalawampu’t Pitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 17:5-10 (Hbc 1:2-3; 2:2-4 / Slm 94 / 2 Tim 1:6-8, 13-14)

Dagdag na sahod.  Dagdag na baon.  Dagdag na discount sa bilihin.  Dagdag na salaping pambili.  Dagdag na oras at panahon.  Dagdag na pasensya at pag-unawa.  Dagdag na tangkad.  Dagdag appeal.  Dagdag puntos.  Dagdag rekados.  Dagdag boto.  Dagdag dito, dagdag doon.  Maraming dagdag.  Maraming nagpapadagdag.  Pero kakaunti lang po ang nagsasabing “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!”  Kayo po, ano ang gusto ninyong madagdagan sa buhay ninyo?

“Dagdagan po Ninyo ang aming pananalig sa Diyos!” hiling ng mga apostol kay Jesus.  Hango po ito sa Lukas 17:5.  Ito rin po ang simula ng Ebanghelyo ngayong araw na ito, at kadalasan po ay halos eksklusibong iniuugnay ito sa usapin tungkol sa pananampalataya.  Pero, teka lang po.  Parang iba yata ang orihinal na konteksto nito.

Ang Ebanghelyo po sa araw na ito ay mula sa Lk 17:5-10.  Sa madaling-sabi, may nauuna pong apat na bersikulo bago ang siping ito.  Mababasa po sa apat na nauunang bersikulong ito ang ganito: “Sinabi rin Niya sa Kanyang mga alagad, ‘Hindi maiiwasan ang mga sanhi ng pagkakasala, ngunit sawimpalad ang taong nagdudulot nito!  Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng batong gilingan at ihagis sa dagat, kaysa siya ay magdulot ng ipagkakasala sa isa sa maliliit na ito.  Mag-ingat sana kayo.  Kung ang kapatid mo ang magkasala, pagsabihan mo siya, at kung magsisisi, patawarin mo siya.  At kung makapito sa isang araw na siya ay magkasala sa iyo, at makapitong magbalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mqo siya.’”  Tapos, kasunod po nito ang ikalimang bersikulo, na siyang simula ng Ebanghelyo ngayon.  “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!” wika ng mga apostol kay Jesus.

Samakatuwid, malinaw po na hindi agad at hindi lamang tungkol sa pananampalataya ang pakay ng paghingi ng mga apostol ng karagdagang pananalig sa Diyos.  Ang sanhi ng kahilingan ng mga apostol ay ang atas ng Panginoong Jesus na magpatawad sila sa mga sa kanila ay nagkakasala.  Kung makapitong beses daw pong magkasala sa kanila ang kanilang kapwa at makapitong beses din itong nagsisising magpabalik-balik sa kanila para humingi ng tawad, dapat daw nila itong patawarin.

Para sa mga Judyo – at si Jesus at ang mga apostol ay mga Judyo – higit pong malinaw at damang-dama ang bigat ng atas na ito sapagkat, para sa kanila, ang numerong pito ay sagisag ng kaganapan.  Kaya nga po, kitang-kita ng mga alagad na ang ibig sabihin ni Jesus ay “Magpatawad kayo hanggang kailangang magpatawad.  Huwag ninyong lagyan ng hangganan ang pagpapatawad ninyo.  Dapat ay lubos, taos, at masagana hindi lamang ang dami ng beses kayong magpatawad kundi ang uri rin ng inyong pagpapatawad.  Huwag ninyong sasabihin sa humihingi ng tawad sa inyo, ‘O, nakakadalawa ka na o nakakatatlo ka na.  Isa pa, uupakan na kita.  Huling beses na ‘to.  At kalahati sa atraso mo sa akin ang pinatatawad ko.  Yung kalahati baka next year na lang.’  Sa halip, magpatawad kayo nang walang panunumbat, panunukat, at pananakot sa pinatatapos ninyo, anupa’t matapos ninyong siyang patawarin – anuman ang kasalanan niya sa inyo – ay para bagang kahit kailan ay walang anumang naging atraso siya sa inyo.”

Wow, ang hirap-hirap naman po, hindi ba?  Paano kung pinagtaksilan ka ng asawa mo?  Paano kung pinagsamantalahan ka ng kaibigan mo?  Paano kung sinaktan o pinatay ang anak mo ng mga “halang-ang-kaluluwa”?  Paano kung ninakaw ng pinagkakatiwalaan mo ang pinaghirapan mong ipundar?  Wala bang qualifications na dapat meron ang nagkasala bago mo siya patawarin?  Wala bang requirements na dapat muna niyang matupad bago mo siya patawarin?  Wala bang kabayaran?  Maliban sa tapat na pagsisisi at paghingi ng tawad, wala po.  Wow!  Aba, talaga naman pong kailangan natin ng karagdagang pananalig sa Diyos kapag ganyan.

Pananalig po sa Diyos ang lakas ng taong mapagpatawad.  Pananalig sa Diyos ang dahilan ng kapatawaran.  Pananalig na ikaw mismo ay pinatatawad ng Diyos, gaano man kaliit o kalaki ng iyong mga kasalanan at kahit paulit-ulit mo pang nagagawa ang parehong mga kasalanan, ang siyang matibay na sanhi ng pagpapatawad mo sa iyong kapwa, anuman ang kanyang kasalanan sa iyo at paulit-ulit man din siyang magkasala sa iyo.

Mas hirap magpatawad, mas kailangang manalig sa Diyos.  Mas mahirap patawaring kasalanan, mas malaking pananalig sa Diyos ang kinakailangan.  Mas mahirap patawaring tao, mas lalong manalig sa Diyos.

Ito ang karanasan ni Propeta Habakuk sa unang pagbasa ngayong araw na ito.  Parang pinanghihinaan na siya ng loob.  Parang nayayanig na ang pananalig niya sa Diyos.  “Panginoon,” daing ng Propeta, “hanggang kailan…?”  Ang tingin n’ya, parang walang ginagawa ang Diyos at hinahayaan na lang Niyang mamayani ang karahasan, kasamaan, kahirapan, hidwaan, at pagtatalo – mga kasalanan ng kapwa sa kanyang kapwa-tao.  Sa sobrang mapagpatawad ng Diyos, lubhang kailangan ni Propeta Habakuk na higit pa siyang manalig sa Diyos.  Ang kanyang pagdaing sa Panginoon ay halos katulad ng pakiusap ng mga apostol kay Jesus, “Panginoon, dagdagan po Ninyo ang aming pananalig sa Diyos!”

Manatili sa pananampalataya at pag-ibig – ito naman po ang payo ni San Pablo Apostol kay Timoteo sa ikalawang pagbasa natin ngayon.  Hinding-hindi rin po tayo maliligaw ng landas kung lagi nating susundin ang payong ito.  Ang taong tunay na nananatili sa pananampalataya at pag-ibig ay hindi maaaring maging walang-habag, walang-awa, walang-pagpapatawad.  Kaya’t makiusap din po tayo kay Jesus, “O Panginoon, dagdagan Mo po ang aming pananalig.”

Ang pananalig po ba natin ay mapagpatawad?  Baka ang pananalig po natin ay pala-simba lang, pero hindi naman mapagpatawad sa kapwa.  Baka ang pananalig po natin ay puro debosyon lang at tadtad pa ng mga panata, pero wala namang kakayahang patawarin ang kapwang nagkakasala.  Busug na busog nga sa pagnonobena, pagrorosaryo, pagdarasal ng chaplets, pagsusuot ng eskapularyo, pero gutum na gutom naman sa pagkamaawain at pagkamapagpatawad.  Baka rin po ang pananalig natin sa Diyos ay galante ngang magbigay ng donasyon sa simbahan, pero kuripot namang magpatawad sa kapwa.

Mahalaga po ba para sa atin na ang pagsasabuhay natin sa pananampalatayang Kristiyano ay may katangiang mapagpatawad?  Sa pagsasanay nating higit na manalig sa Diyos, kumusta naman po kaya ang pagsasanay nating magpatawad sa ating kapwa?  Lalo na po ngayong nasa loob tayo ng Taon ng Pananampalataya, mabuting suriin din natin ang pagkamapagpatawad ng ating pananalig sa Diyos.  At kung kulang ang ating kakayahang magpatawad sa kapwa, hilingin din natin kay Jesus, “Dagdagan po Ninyo ang aming pananalig sa Diyos!”

May mga tao po bang may mabibigat na pagkakasala sa atin?  Meron po bang may malalaking atraso sa atin?  Napakaganda pong regalo sa Diyos ng ating pananalig sa Kanya ang patawarin sila ngayong Taon ng Pananampalataya.  Gawin po nating Jubileo ng Awa ang Taon ng Pananampalataya.

Ang damirami po nating gustong dagdag.  Sana sa dinamirami ng gusto nating dagdag, huwag po sana nating kalimutan ni ihuli sa ating listahan ang hiling natin sa Panginoong Jesus na dagdagan ang ating pananalig sa Diyos upang tayo ay makapagpatawad sa mga nagkakasala sa atin.  At matapos po nating patawarin ang nagkasala sa atin, huwag po sana natin itong ilista laban sa kanya para isumbat sa kanya o para tanawin niya sa atin na napakalaking utang-na-loob.  Sa halip, gaya ng alipin sa Ebanghelyo ngayon, ituring natin ang pagpapatawad na ginawa natin bilang pagtupad lamang sa dapat nating gawin.  Bakit?  Dahil una na po tayong pinatatawad ng Diyos bago pa natin pinatatawad ang ating kapwa.

Dagdag pananalig, dagdag patawad.  Hindi po dagdag pananalig, bawas patawad.  Bawal po ang dagdag-bawas!

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home