28 September 2013

PARA SA AMIN ITO

Ikadalawampu’t Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 16:19-31 (Amos 6:1a, 4-7 / Slm 145 / 1 Tim 6:11-16)

Napakapamilyar po sa atin ng talinhaga ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo ngayong Linggong ito: “Ang Talinhaga ng Mayaman at ni Lazaro”.  Sa daming beses na rin po nating binasa, narinig, at pinagnilayan ang mensahe ng talinhagang ito, malamang hindi na po natin kailangan ng homiliya tungkol dito.  Kailangan lang po siguro nating paalalahan dahil marami sa atin ang madaling makalimot.

Kaya, pinaaalalahanan ko po kayong lahat ngayon.  Huwag po tayong magbulag-bulagan sa paghihirap ng ating kapwa.  Huwag po tayong mandhid sa pangangailangan ng iba, lalo na ng mga dukha.  Tutoo pong may impiyerno.  Ito man ay lugar o kalagayan o karanasan, ang impiyerno ay hindi lamang walang kasintinding pagdurusa kundi wala rin po katapusang pagdurusa ito.  Hindi natin alam kung meron nang tao sa impiyerno at, kung meron na, hindi naman po natin kayang tukuyin sa pangalan kung sinu-sino, pero napakalinaw naman na ang impiyerno ay hindi lamang po para sa mga gumagawa ng kasamaang hindi nila dapat gawin kundi para rin sa mga hindi gumagawa ng kabutihang dapat nilang gawin.  Kapag pumanaw po tayo sa mundong ito nang hindi pinagsisisihan ang ating mga kasalanan, huling-huli na po ang lahat para sa atin.  Kahit magsisi pa tayo sa kabilang-buhay, bale-wala na po; kaya’t bahagi ng ating impiyerno ang walang-katapusang panghihinayang dahil sinayang natin ang mga pagkakataon noong nabubuhay pa tayo sa lupa.

Kaya naman po, gawin natin ang mabuti huwag lamang iwasan ang masama.  Maging mapagbahagi tayo ng mga biyayang tinanggap din naman natin.  Huwag po nating pababayaan ang mga dukha, huwag po natin silang bale-walain.  “Yes” po ang sagot sa tanong na “Am I my brother’s keeper”.  Makiaalam po tayo, makisangkot, at makibaka para sa ikababangon ng mga dukha at api ng lipunan.  Huwag po tayong manhid.  Ang lahat ay biyaya ng Diyos na ipinagkakatiwala Niya sa atin, kaya huwag po tayong suwapang, ganid at makasarili.  Huwag na huwag po nating tatratuhin ang mahihirap na parang basahan o basurahang tapunan ng mga pinaglumaan natin o mga isinusuka na natin.  Tandaan po natin, hindi tutoong walang kinikilangan ang Diyos: laging kampi ang Diyos sa mga dukhang matuwid na ang tanging pag-asa ay Siya.  Seryosohin po natin ang impiyerno; tutoo ito, si Jesus na po mismo ang nagsasabi.  Bagamat ang Diyos nga po ay “God of many second chances”, meron pa rin pong “last chance” at hindi natin alam kung kelan iyon.  Huwag na po tayong maghintay pa ng patay na babangon mula sa hukay para bigyang-babala tayo.  Meron na pong nabuhay na magmuli mula sa mga patay, hindi ba?  Si Jesukristong Panginoon.

Wala na po akong maidadagdag pa.  Pero may kulang pa rin.  Sapat na ang mga paalala at mga pangaral sa atin ngunit salat na salat pa po tayo sa gawa.  Hindi pa po ba natin talaga matututunan at isasagawa ang mga aral na ito?  Hihintayin pa po ba natin maging huli na ang lahat?

Sana hindi pa po huli ang lahat sa pahabol kong ito.  Kung pamilyar po tayo sa orihinal na pagkakasulat ng Talinhaga ng Mayaman at ni Lazaro, mapapansin po natin agad na may nawawalang detalye sa pagkakasalin nito sa wikang Pilipino.  Pansinin po ninyo.  Sa saling Ingles, ganito po ang paglalarawan sa mayaman: “There was a rich man who dressed in purple garments and fine linen and dined sumptuously each day.”  Sa wikang Pilipino naman po ay ganito “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw.”  Parang pareho naman po, hindi ba?  Pero hindi po.  Ang “dressed in purple garments and fine linen” sa Ingles ay “nagdaramit nang mamahalin” na lang po sa Pilipino.  Nawala po sa saling Pilipino ang “purple” at “fine linen” ng saling Ingles at pinagsama na lang lahat sa katagang “mamahalin”.  At dahil po riyan, may malaking kulang sa ating karaniwang interpretasyon at pagninilay sa talinhagang ito.

Napakahalaga po ng “purple” at “linen”, ng kulay at uri ng damit ng mayaman sa talinhaga.  Bakit po?  Sa kultura at relihiyon ng panahon ni Jesus, sino po ang karaniwang nakasuot ng “purple garments and fine linen”?  Ang punong saserdote!  Kung “fine linen” lang po ang binanggit ni Jesus sa paglalarawan sa mayamang tauhan ng Kanyang talinhaga, maaari po sanang sabihin natin na ang tinutukoy ni Jesus ay kahit na sinong mayaman.  Pero hindi po, binigay din po Niya ang kulay ng mga damit ng mayamang yaon: “purple” o lila – ang kulay ng malamaharlikang punong saserdote!  Ang mayamang taong yaon na napunta sa impiyerno dahil wala siyang pakialam sa dukhang si Lazaro ay kumakatawan sa punong saserdote.  Ang pinariringgan, ang pinatatamaan, ang pinupuntirya, ang binabato ng Panginoon sa pamamagitan ng Talinhaga ng Mayaman at ni Lazaro ay ang mga lider-relihiyoso, unang-una na ang punong saserdote noon.

Ngayon po, napakalinaw, ang talinhaga ni Jesus sa Linggong ito ay, unang-una sa lahat, para sa amin: ang mga ministrong inordenahan, ang mga ministro ng Santa Iglesiya, ang mga pari – ang mga saserdote ng Bagong Tipan.  Nakatitig po sa amin si Kristo Jesus at kinukwestyon N’ya ang uri ng aming pamumuhay.  Ginigising po kami ni Jesus kung kami man ay nahihimbing dahil baka naging napakomportable na ng aming pamumuhay at manhid na kami sa pagdurusa ng marami sa kawang ipinagkakatiwala Niya sa amin.  Binubuksan po ni Kristo Jesus ang aming mga mata kung kami ma’y nabubulagan at dinadagukan Niya kami kung kami nama’y nagbubulagbulagan sa maraming mga Lazaro sa labas ng ating mga simbahan at sa pintuan ng aming mga kumbento.  Binabalaan po kami ng Panginoon sa maaari naming sapitin sakaling kami ay maging mga manhid na pastol, pabayang pastol, mapansamantalang pastol, mapagpasasang pastol, mga pastol na nagpapakabuntat sa halip na pakainin ang nagugutom na mga tupa, mga pastol na walang pagpapahalaga sa mahihirap at maliliit at minamaliit ng lipunan, mga pastol na mas negosyante pa o mas artista pa o mas celebrity pa o mas kung anu-ano pa kaysa mas katulad ng Mabuting Pastol na si Jesukristo.  Kaya nga po, balikan natin ang ikalawang pagbasa natin sa Banal na Misang ito.  Mahigpit na pinaaalalahanan ni San Pablo Apostol si Timoteo: “Ikaw na lingkod ng Diyos, sikapin mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis, at kaamuan.”  Gayundin po sa unang pagbasa: ang pinatutungkulan ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Amos ay ang mga lider-relihiyiso ng kanyang panahon na nagpapasasa sa gitna ng talamak na karukhaan ng kawan at kawalang-katarungan sa mga aba.

Opo, kami ang unang dapat tamaan ng bato-bato sa langit at hindi kami dapat magagalit.  Kaming mga pari ninyo ay dapat magbalik-loob din sa Diyos at humingi sa inyo ng kapatawaran sakaling kami ay nagbubuhay-mayaman samantalang marami sa inyo ang namumuhay sa karukhaan.  Patawarin po ninyo kami sa aming “purple garments and fine linens” samantalang marami sa inyo ay tadtad ng sugat tulad ni Lazaro.  Patawarin po ninyo kami kung saganang-sagana kami sa pagkain araw-araw habang marami sa inyo ang nakalupasay at namumulot na lang ng kahit mumong nahuhulog sa aming hapag.  Maawa po kayo sa amin, patawarin ninyo kami at ipanalangin.  At kung sa inyong kabutihang-loob ay sadya kayong mapagbigay, huwag po ninyo kaming sanayin sa luho; sa halip ay lagi ninyong ipaalala sa amin ni Kristo.  Ituro ninyo sa amin ang mga Lazaro sa inyo para makita namin si Kristo.  Ipakita ninyo sa amin ang mga Lazaro sa inyo para mahalin namin at mapagsilbihan si Kristo.  Tulungan po ninyo kaming mapalapit sa mga Lazaro sa inyo upang kailanma’y hindi kami malayo kay Kristo.

21 September 2013

NOT A MERE CLICHE

The Twenty-Fifth Sunday in Ordinary Time
Lk 16:1-13 (Amos 8:4-7 / Ps 113 / 1 Tim 2:1-8)

Let us reflect on what always has someone but not everyone has: money.  Four clichés about money: (1.) “Money changes everything”; (2.) “Money makes the world go round”; (3.) “When money speaks everybody listens”; (4.) “Money is the root of all evil.”  Are these sayings true?  What can we learn from them?

Does money really change everything?  The answer is best found in each of us.  Our lifestyle, viewpoint, and attitude tell if the abundance of money, the sufficiency of it, or the lack of it truly change everything.  However, a change is not always bad.  Nonetheless, we know that while a change may be for the better, it may also be for the worse.  In all cases, we always need to ask our selves three questions regarding any change in us: Is money the reason?  What type of changed is it – for the better or for the worse?  Why the change?  If indeed money changes everything, these questions are very important not only for our material wellbeing but, most importantly, for our spiritual welfare as well.

How about the saying, “Money makes the world go round” – is it true?  If it is, then that must be the reason why many people are tired even of life itself.  Without money, the world already rotates; with money, it spins.  And the world does not stop from spinning even if we want it to.  It also seems to spin without any sense at all.  Too sad, the length of one’s life is directly proportional to the speed of one’s world.  This must be the reason why, compared to our grandparents’ lifetime, we of the present generation tend to grow old faster as our life span becomes shorter.  We often hear from our elders that in their days people work in order to live.  But what do we see today?  People live in order to work.  Thus, quite a number of us are in the prime of their lives yet, but they opt for so-called “early retirement” because they experience extreme fatigue.  Several times already, I said funeral Masses of relatively young people where I inquired their cause of death.  “Namatay po sa pagod,” one of the family members would say.  “Napasma po,” in another instance I was told.  All related to fatigue.  We better slow down before we follow suit.  And having much money, we know by experience, does not help us slow down.  Worse, slavish pursuit of money is suicide.

The third cliché: “When money speaks everybody listens”.  This cliché sounds true for several reasons.  We tend to listen more attentively to rich people even when they talk nonsense.  We seem to be easily impressed with people of considerable wealth even if they are not praiseworthy at all.  The moneyed has a ready audience always.  The rich get a following without much effort at all.  The more money one has, the more powerful he or she is.  But the poor is always weak and exploited.  Poor people hardly get any hearing even if they are already shouting.  In all cultures, the lack of money is apparently an assurance of being misunderstood, misjudged, and maltreated.  While the law dictates that one is presumed innocent until proven otherwise, poverty has a way of making the poor look guilty in the eyes of the many without his right for a day in court.  That is, of course, if he ever gets a day in court.  For without money, will his case be heard at all?  When money speaks everybody listens and the poor has no money.  When money speaks everybody listens and the rich has plenty of money.  And there are those who are willing to do more than listening to the moneyed; they allow themselves to be bribed, bought like any commodity in the market.

The most misunderstand and often misquoted is the fourth cliché: “Money is the root of all evil.”  Is money really evil?  True, money carries germs and therefore dirty, but is it evil?  It was St. Paul the Apostle who wrote something closest to this fourth cliché.  In his first letter to Timothy, chapter 6, verse 10, St. Paul wrote, “The love of money is the root of all evil.”  Money, therefore, is not the root of all evil but the love of it.  Clearly, the problem is not with having or not having money but with money having you.  The love of money is obsession with money.  Obsession with money is being a slave of money.  Being a slave of money is idolatry.  The thing is, the rich and the poor alike can be slaves of money.  Christians and non-Christians alike can be obsessed with money.  The laity and the clergy alike can be guilty of this idolatry.  We must therefore be vigilant not only with how our money comes out from our pockets but how it goes in there!  Money is a good slave but a very bad master.  Use money; don’t love it.

People often say that “money changes everything,” “money makes the world go round,” “when money speaks everybody listens,” and “money is the root of all evil.”  These clichés are not always correct, but they are not always wrong, too.  In other words, it depends.  It depends on what?  No, it depends on whom.  It depends on you and me.  We make these clichés true or false.  If money leads us to sin, let us not blame money; examine our selves instead.  If money is our downfall – both spiritual and otherwise – let us not burn money; discipline our selves instead.  But if money has taken the place of God in our life, then it is better for us to be poor.

There is only one saying that we are sure to be always right and never wrong. Unfortunately though, too often, we either take it lightly or forget it all together.  Jesus said, “No servant can serve two masters.  He will either hate one and love the other, or be devoted to one and despise the other.”  We, must, therefore choose whose servants are. And just as our choices define us so too does our decision whom to serve in this life determine in whose kingdom we shall dwell forever in the next.

“You cannot serve both God and mammon,” Jesus declares.  And that is not a mere cliché.

14 September 2013

PARANG HINDI NAWALAY

Ikadalawampu’t Apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 15:1-32 (Ex 32:7-11, 13-14 / Slm 50 / Tim 1:12-17)



Mahirap po ang mawalan. Pero hindi po lahat ng nawawalan ay naghahanap. Hindi po kasi lahat ng kawalan ay nararamdaman. Nararamdaman lang po kasi ang kawalan kapag ang nawala ay pinahahalagahan.
May nawawala po ba sa inyo? Ramdam n’yo po ba? Hinahanap n’yo po ba?



Hindi lahat ng nawawala ay hinahanap. Meron nga pong iba riyan na sadyang iwinawala. Kaya naman po hindi pinanghihinayangan at ang bilis-bilis palitan.



Naranasan n’yo na po bang mawala? May humanap po ba sa inyo?



Meron ba kayong gustong mawala sa buhay ninyo? Sino? Ano? Bakit?



Mabilis po ba kayong magpalit ng nawala sa inyo? Agad-agad? Ayaw n’yo munang hanapin?



Pero, huwag po kayo, meron din naman pong kusang nagwawala. Kahit anong pigil mo, talagang magwawala’t magwawala. Minsan nga po, mientras mo pinipigil lalong nagwawala. Tapos kapag hindi mo na hinanap, kapag hindi mo na pinigilan, kapag hindi mo na pinansin, ikaw pa ang masama. Kaya nga po, hindi po porke nawawala pa ay kasi hindi hinahanap o walang naghahanap. Hindi porke patuloy na nagwawala kay kasi walang pumipigil o walang pumapansin. Meron din naman po kasing ayaw talaga magpahanap. Meron ding ayaw magpapigil. Kayo po ba ito? Alin po kayo – ang pumipigil sa nagwawala o ang nagwawalang ayaw papigil? Alin po kayo kung kayo ito – ang pumapansin sa nagwawala o ang nagwawalang nagpapapansin? Kung kayo nga po ito, alin kayo – ang humahanap sa nawawala o ang nawawalang ayaw naman talaga magpahanap?



Masakit po ang mamatayan. Pero hindi po lahat ng namamatay ay iniiyakan. At hindi rin po lahat ng namamatay ay ipinagluluksa. Minsan pa nga po, kamatayan ang sigaw ng tao para sa kapwa-tao niya. May mga tao pong kamatayan ang hatol sa kapwa-tao nila. Gaya po, halimbawa, ng mga Pariseo at mga eskriba.



“Ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Jesus,” bungad po ng Ebanghelyo natin ngayon araw na ito. “Nagbulungbulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila, ‘Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.’”



Bawal makisalo sa mga publikano. Bawal makisalamuha sa mga makasalanan. Ang pagsasalu-salo ay tanda ng pagtanggap sa kapwa-tao. At hindi katanggap-tangap sa mga Pariseo at mga eskriba ang mga publikano at mga makasalanan. Subalit iba ang tingin ni Jesus sa sitwasyon. Iba rin po kasi ang turing Niya sa mga taong ipinapalagay na dumi, basura, at baho ng lipunan. Hindi lamang sa tinatanggap Niya ang mga makasalanan, walang-pakundangan din po Siyang dumudulog sa hapag at kumakaing kasama nila. At ito po ang pinagngingitngit ng mga eskriba at mga Pariseo.



Para sa mga eskriba at mga Pariseo, pag-iwas at hindi pakikisalamuha ang dapat sa mga makasalanan. Ang mga makasalanan ay nangangalingasaw na ng amoy ng kamatayan. Ang nakikisalamuha sa kanila ay sin-amoy nila. Pero si Jesus po ang Mabuting Pastol, hindi ba? At ang mabuting pastol ay dapat kaamoy ng Kanyang kawan.



Para sa mga eskriba at mga Pariseo, ang mga makasalanan ay dapat pandirihan at hindi pakisaluhan. Buhay pa pero mistulang naaagnas na ng kamatayan ang mga makasalanan. Kadiri! Kaya nga po ang sakit na ketong ay itinuring na sagisag ng karumihan at parusa sa mga kasalanan. Marumi ang may ketong; buhay pa pero naaagnas na. Ang lumapit sa ketongin o kausapin, kahit di man lang hinahawakan, ay marumi rin. Nakahahawa ang kamatayan. Ang ketong ay parusa sa mga kasalanan. Ang kasalanan ay kamatayan. Dapat pandirihan ang mga makasalanan. Pero sinlinaw po ng tanghaling-tapat ang pananaw ni Jesus tungkol dito. Sinabi Niya sa Lk 5:31-32, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi.” Oo nga naman po, kung ikaw ay manggagamot, paano mo mapagagaling ang maysakit kung ayaw mo siyang hawakan dahil nandidiri ka sa kanya? Paano mo matutulungang magsisi ang makasalanan kung iniiwasan mo siya?



Ang pakay po ni Jesus para sa mga makasalanan ay kaligtasan, pero ang hatol naman ng mga Pariseo at eskriba sa mga makasalanan ay kamatayan. At sino po ang makapagpapakita talaga ng tunay na saloobin ng Diyos tungkol sa kasalanan at mga makasalanan – ang mga eskriba at mga Pariseo po ba o si Jesus? Alam na alam n’yo po ang sagot diyan.



Ipinakita ni Jesus kung ano ang tunay na saloobin ng Diyos sa kasalanan at mga makasalanan. Ipinadama rin po Niya ang wagas na pagturing ng Diyos sa kasalanan at mga makasalanan. Kinamumuhian ng Diyos ang kasalanan ngunit hindi po ang makasalanan. Kaaway ng Diyos ang kasalanan pero hindi po ang makasalanan. Anak din po ng Diyos ang mga nagkakasala. Walang puwang sa puso ng Diyos ang kasalanan subalit ang puso ng Diyos ay lagi pong nakalaan sa mga makasalanang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya. Kaya naman po, isinasalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ang tatlong talinhaga ng pag-ibig sa mga nawawala at mga nagwawala. At kung sa pakiwari po nati’y ang mga eskriba at mga Pariseo lang ang pinatutungkulan ni Jesus sa talinhagang ito, maling-mali tayo. Para sa atin pong lahat ang talinhagang ito.



Lahat po tayo ay makasalanan. Wala po tayong pinag-iba riyan. Pero may iba po sa atin ang nakalilimot sa katotohanang iyan. Kaya nilalayuan nila tayo, pinandidirihan nila tayo, at halos patayin na tayo sa paghuhusga sa atin dahil alam nila ang mga kasalanan natin. Hindi sila tulad ni Jesus.



Subalit, minsan tayo po ang umiiwas, nandidiri, at walang-habag kung humusga sa ating kapwa dahil may narinig tayong tsismis tungkol sa kanya, may nalaman tayong pagkakamali niya, may naamoy tayong baho niya, may nakita tayong kapangitan niya, may napatunayang kasalanan niya. Minsan pa nga po, kapag may alam tayong lihim ng isang tao, ang sarap ng pakiramdam ng may alas tayo laban sa kanya, hindi ba? At kaya po nating pumatay nang hindi gumagamit ng anumang sandata. Napapatay po natin ang ating kapwa nang hindi siya pinagbubuhatan ng kamay. Pinapatay po natin siya sa pamamagitan ng ating nanlilisik na mga mata, matalim na dila, mapanghiganting kaisipan, at malamig na pagtrato… sinlamig ng bangkay kasi nga po pinatay na natin siya.



Maging mulat po sana tayo sa katotohanang lahat tayo ay may mga atraso sa Diyos pero makailang ulit na Niyang pinalalampas ang mga ito, lahat tayo ay nagtataksil sa Diyos pero nanatili Siyang tapat sa atin, lahat tayo ay may pagkukulang pero ang Diyos ang nagpupuno, lahat tayo ay mga makasalanan pero pinatatawad Niya tayo, at lahat tayo ay nawala na pero hinanap ng Diyos, nagwala na pero minamahal pa rin ng Diyos na para bang ni miminsan ay hindi tayo lumayo sa Kanya.



Tandaan po natin, para sa taong nagkamali, nagkasala, naligaw ng landas, nagwala, at nawala, di-hamak na higit na madali ang magbalik sa Diyos kaysa magbalik sa piling ng mga nakapapasong komento ng mga mapanpuna, nakatutunaw na tingin ng mga mapagmatuwid sa sarili, at nakapapatay na hatol ng mga makabagong eskriba at Pariseo. Minsan tayo ang alibughang anak sa ikatlong talinhaga ng Ebanghelyo ngayong araw na ito, pero hindi rin naman po miminsang tayo ang nakatatandang kapatid na ang tingin sa sarili ay mas karapatdapat sa pagmamahal ng Ama dahil siya ang masunuring anak, ang matiising anak, ang tapat na anak. Huwag po tayong ganyan. Tulungan po natin ang isa’t isa na manatili sa yakap ng Diyos. Siya po ay Ama nating lahat. Magkakapatid tayo, hindi magkakaaway; magkakapatid, hindi magkakakompetensya. Kaligayahan ng Diyos ang pagmamahalan ng lahat ng Kanyang mga anak. At kung may kapwa tayong nagbabalik sa Diyos na ating Ama kahit pa matapos ang napakalayong paglalayas, kahit pa matapos ang napakalaking pagkakasala, at kahit pa matapos ang napakatagal na pagwawaldas ng mga biyayang kaloob sa kanya, tulungan po natin siyang makabalik, huwag tadyakan o ipagtabuyan, at makisalo tayo sa kaligayahan ng Diyos dahil sa kanya.



Si Abraham Lincoln, dating pangulo ng Estados Unidos, ay sinasabi pong napaka-relihiyosong tao. Sa kanyang panunungkulan napag-isa ang mga estado ng Amerika. Matapos daw po ng digmaang sibil, may nagtanong sa kanya kung paano niya ita-trato ang mga taong mula sa mga estado sa katimugan na natalo na’t pinilit makiisa sa mga taga hilaga para mabuo ang Estados Unidios. “Ita-trato ko sila,” sagot ni Abraham Lincoln, “na parang hindi sila kailanman nawalay sa atin.” Sana, ganyan din po tayo sa mga napawalay sa atin kasalanan man nila o hindi.



Ang nawawala, hinahanap. Ang nagwawala, pinipigilan. Ang nagkasala, pinatatawad. Ang nagbabalik, tinatanggap. Opo, parang kailanman ay hindi siya nawalay.




08 September 2013

ANG GRASYA NG PANGINGILATIS NG ALAGAD

Ikadalawampu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 14:25-33 (Kar 9:13-18 / Slm 67 / Flm 9-10,12-17)

Minsan hirap na hirap po tayong unawain ang mga pangyayari sa ating buhay.  Minsan hirap na hirap tayong maintindihan ang mundo.  Pati nga po ang isa’t isa, minsan hirap na hirap din tayong unawain, hindi ba?  Sa katunayan po, minsan pati sarili natin hindi natin maintindihan.  Kaya nga po, hindi na tayo nagugulat sa pahayag ng unang pagbasa ngayong araw na ito.  Nagtatanong po ng may-akda ng Aklat ng Karunungan: “Sinong tao ang makatatarok sa kaisipan ng Diyos?  Sino ang makaaalam sa kalooban ng Panginoon?”  Sino nga po ba?

Kung ang mga pangyayari nga po sa buhay natin, kung ang mundo nga pong natin, kung ang isa’t isa nga po, at kung ang sarili na rin nga po natin mismo ay hirap na hirap na tayong unawain, ang Diyos pa kaya?  Pero, baka hindi po natin napansin, sinagot din ng may-akda ng Aklat ng Karunungan ang kanyang tanong.  May makatatarok daw po sa kaisipan ng Diyos at may makaaalam sa Kanyang kalooban.  Ngunit ang kakayahan daw pong ito ay hindi likas sa tao kundi grasya ng Diyos.  “Walang makaaalam ng Iyong kalooban malibang bigyan Mo siya ng Iyong karunungan, at lukuban ng Iyong diwang banal mula sa kaitaasan,” wika ng may-akda sa Diyos.  Samakatuwid, may “taong makatatarok sa kaisipan ng Diyos at makaaalam sa kalooban ng Panginoon”.  At ang taong yaon ay ang kasiyahan ng Diyos ng Kanyang karunungan at diwang banal.  Malinaw din po ang layunin ng Diyos kung bakit ibinibigay Niya sa tao ang kakayahang maunawaan ang Kanyang kaisipan at malaman ang Kanyang kalooban.  “Sa ganitong paraan lamang,” patuloy ng may-akda sa pakikipag-usap sa Diyos, “maiwawasto Mo ang mga tao sa matuwid na landas.”  Pagwawasto sa tao ang pakay ng Diyos at tuwid na landas ang nais niya para sa tao.

Gusto po ba ninyo ang grasyang ito?  Nais ba po ninyong bigyan kayo ng Diyos ng Kanyang karunungan at diwang banal?  Kung gayon, hingin po ninyo sa Diyos.  Subalit kailangan din ninyong hanapin ang karunungan at diwang banal ng Diyos sa lahat ng pangyayari sa buhay ninyo, sa bawat sulok ng lipunang kinabibilangan ninyo, sa mga kapwa-taong nakasasalamuha ninyo, at sa mismong sarili ninyo.  Kaya nga po, napakahalagang tanungin kung tutoo bang hinihingi natin sa Diyos ang grasyang ito at ang grasyang ito ba talaga ang hinahanap natin?  Baka po kasi hindi.  Baka lang naman po.

Ang Karunungan ng Diyos ay si Jesus.  Ang Diwang Banal ng Diyos ay ang Espiritu Santo, at ang Espiritu Santo ay pangako ni Jesus mula sa Ama.  Kausapin natin si Jesus.  Dinggin natin si Jesus.  Sundin at sundan po natin si Jesus.  Seryosohin po natin ang ating pagiging mga alagad ni Kristo Jesus.

Pero hindi biro ang pagsunod kay Jesus.  Mabigat po ang hinihingi nitong kapalit.  Mahirap ang hamon nito sa atin.  Ang pagsunod sa Jesus na walang krus ay kasinungalingan at ang pagpasan sa krus na walang Jesus ay kaparusahan.  Hindi sinungaling si Jesus at ayaw Niya po tayong parusahan; kaya nga may krus si Jesus na ating sinusundan at may Jesus ang krus na dapat nating pasanin.

“Hindi maaaring maging alagad Ko,” wika ni Jesus sa Ebanghelyo, “ang sinumang umiibig sa kanyang am at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa Akin.  Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa Akin ay hindi maaaring alagad Ko.”  Kayo po ba ay mga alagad ng Jesus na ito?  Kung gayon, sino po bang katapat ni Jesus sa buhay ninyo?  Kayo po ba ay tagasunod ng Kristong ito?  Ipakita nga po ninyo ang krus ninyo.  May Jesus po ba ito?  Pinapasan po ba ninyo ito?  Paano?  Gusto po ba ninyong ipagpalit ang krus na pasan ninyo sa pagsunod kay Kristo?  Kanino?  Sa ano?  Bakit?

Sa maraming pagkakataon, ang pinakamabigat na krus na hinihinging pasanin natin ay hindi ang kailangan nating yakapin kundi yaong dapat nating bitiwan alang-alang sa pagsunod natin kay Jesus.  Sa pagsunod po natin kay Jesus, sa pagnanais po nating tumulad sa Kanya, madalas ang isinasaaang-alang natin ay yaong mga dapat nating gawin.  Paano naman po yaong dapat nating hindi gawin para wagas at ganap nating mapasan ang ating krus sa araw-araw?  We often consider Christian discipleship in terms of what we must do so much so that we forget what needs to be undone in us.  We need to undo everything in us that makes Jesus merely secondary in our life.  We must undo every attachments we have so that we may cling to Jesus, only Jesus, always Jesus.  In fact, we need to undo our selves and surrender our whole being to the grace of God that re-creates us, re-invents us, re-animates us.  Kailangan po nating mamatay sa ating sarili upang tayo ay maging mga bagong nilikha kay Kristo Jesus.  Tulad po ni Onesimus, na pinababalik ni San Pablo Apostol sa dati nitong among si Filemon, na narinig po natin sa ikalawang pagbasa ngayong araw na ito, mga bagong tao na tayo, pinalaya sa dating kaalipinan sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Jesukristo.  Sa isa pang sulat ni Apostol San Pablo, winika niya, “Ako’y napako sa krus na kasama si Kristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya sa Anak ng Diyos na sa akin ay umibig at ibinigay ang Kaniyang sarili dahil sa akin” (Gal 2:20).

Ano po ba ang dapat nating bitiwan para kay Jesus?  Sino po ang kailangan nating bitiwan para mahigpit tayong makakapit kay Kristo?

Napakabigat, napakahirap, napakaradikal, hindi po ba?  Lalo na po kapag “sino” na ang tinatanong na kailangan nating bitiwan.  Kaya naman po, ibinigay sa atin ni Jesus sa Ebanghelyo ngayong araw na ito ang dalawang talinhaga na kapwa binibigyang-diin ang kahalagahan ng palagiang pangingilatis para sa isang tunay na alagad ni Jesus.  Huwag po tayong pabigla-bigla sa paggawa ng malalaking desisyon sa buhay nating bilang mga alagad ni Jesus.  Laging sinasabi ng mga magulang ko sa aming magkakapatid, huwag padaskul-daskol.  Huwag padadala sa bugso ng damdamin kapag gumagawa ng mabigat na pasya.  Mangilatis!  At hindi po tayo makapangingilatis kung hindi tayo marunong manahimik, mataimtim manalangin, madalas magnilay, matiyagang mapagmasid, at makatotohanan sa sarili.

Matatarok po natin ang kaisipan ng Diyos at ang Kanyang kalooban ay malalaman natin kung ibibigay ng Diyos sa atin ang Kanyang karunungan at diwang banal.  Sa mapanalanging pangingilatis ibinubuhos ng Diyos ang grasyang ito.  Mag-umapaw po nawa sa atin ang grasyang ito.