PARA SA AMIN ITO
Ikadalawampu’t Anim na Linggo sa Karaniwang
Panahon
Lk 16:19-31 (Amos
6:1a, 4-7 / Slm 145 / 1 Tim 6:11-16)
Napakapamilyar po sa atin ng talinhaga
ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo ngayong Linggong ito: “Ang Talinhaga ng
Mayaman at ni Lazaro”. Sa daming beses
na rin po nating binasa, narinig, at pinagnilayan ang mensahe ng talinhagang
ito, malamang hindi na po natin kailangan ng homiliya tungkol dito. Kailangan lang po siguro nating paalalahan
dahil marami sa atin ang madaling makalimot.
Kaya, pinaaalalahanan ko po kayong
lahat ngayon. Huwag po tayong
magbulag-bulagan sa paghihirap ng ating kapwa.
Huwag po tayong mandhid sa pangangailangan ng iba, lalo na ng mga dukha. Tutoo pong may impiyerno. Ito man ay lugar o kalagayan o karanasan, ang
impiyerno ay hindi lamang walang kasintinding pagdurusa kundi wala rin po katapusang
pagdurusa ito. Hindi natin alam kung
meron nang tao sa impiyerno at, kung meron na, hindi naman po natin kayang
tukuyin sa pangalan kung sinu-sino, pero napakalinaw naman na ang impiyerno ay
hindi lamang po para sa mga gumagawa ng kasamaang hindi nila dapat gawin kundi
para rin sa mga hindi gumagawa ng kabutihang dapat nilang gawin. Kapag pumanaw po tayo sa mundong ito nang
hindi pinagsisisihan ang ating mga kasalanan, huling-huli na po ang lahat para
sa atin. Kahit magsisi pa tayo sa
kabilang-buhay, bale-wala na po; kaya’t bahagi ng ating impiyerno ang
walang-katapusang panghihinayang dahil sinayang natin ang mga pagkakataon noong
nabubuhay pa tayo sa lupa.
Kaya
naman po, gawin natin ang mabuti huwag lamang iwasan ang masama. Maging mapagbahagi tayo ng mga biyayang
tinanggap din naman natin. Huwag po
nating pababayaan ang mga dukha, huwag po natin silang bale-walain. “Yes” po ang sagot sa tanong na “Am I my
brother’s keeper”. Makiaalam po tayo,
makisangkot, at makibaka para sa ikababangon ng mga dukha at api ng
lipunan. Huwag po tayong manhid. Ang lahat ay biyaya ng Diyos na
ipinagkakatiwala Niya sa atin, kaya huwag po tayong suwapang, ganid at
makasarili. Huwag na huwag po nating
tatratuhin ang mahihirap na parang basahan o basurahang tapunan ng mga
pinaglumaan natin o mga isinusuka na natin.
Tandaan po natin, hindi tutoong walang kinikilangan ang Diyos: laging
kampi ang Diyos sa mga dukhang matuwid na ang tanging pag-asa ay Siya. Seryosohin po natin ang impiyerno; tutoo ito,
si Jesus na po mismo ang nagsasabi.
Bagamat ang Diyos nga po ay “God of many second chances”, meron pa rin
pong “last chance” at hindi natin alam kung kelan iyon. Huwag na po tayong maghintay pa ng patay na
babangon mula sa hukay para bigyang-babala tayo. Meron na pong nabuhay na magmuli mula sa mga
patay, hindi ba? Si Jesukristong
Panginoon.
Wala na po akong maidadagdag pa. Pero may kulang pa rin. Sapat na ang mga paalala at mga pangaral sa
atin ngunit salat na salat pa po tayo sa gawa.
Hindi pa po ba natin talaga matututunan at isasagawa ang mga aral na
ito? Hihintayin pa po ba natin maging
huli na ang lahat?
Sana hindi pa po huli ang lahat sa
pahabol kong ito. Kung pamilyar po tayo
sa orihinal na pagkakasulat ng Talinhaga ng Mayaman at ni Lazaro, mapapansin po
natin agad na may nawawalang detalye sa pagkakasalin nito sa wikang
Pilipino. Pansinin po ninyo. Sa saling Ingles, ganito po ang paglalarawan
sa mayaman: “There was a rich man who dressed in purple garments and fine
linen and dined sumptuously each day.”
Sa wikang Pilipino naman po ay ganito “May isang mayamang nagdaramit
nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw.” Parang pareho naman po, hindi ba? Pero hindi po. Ang “dressed in purple garments and fine
linen” sa Ingles ay “nagdaramit nang mamahalin” na lang po sa Pilipino. Nawala po sa saling Pilipino ang “purple” at
“fine linen” ng saling Ingles at pinagsama na lang lahat sa katagang
“mamahalin”. At dahil po riyan, may
malaking kulang sa ating karaniwang interpretasyon at pagninilay sa talinhagang
ito.
Napakahalaga
po ng “purple” at “linen”, ng kulay at uri ng damit ng mayaman sa
talinhaga. Bakit po? Sa kultura at relihiyon ng panahon ni Jesus,
sino po ang karaniwang nakasuot ng “purple garments and fine linen”? Ang punong saserdote! Kung “fine linen” lang po ang binanggit ni
Jesus sa paglalarawan sa mayamang tauhan ng Kanyang talinhaga, maaari po sanang
sabihin natin na ang tinutukoy ni Jesus ay kahit na sinong mayaman. Pero hindi po, binigay din po Niya ang kulay
ng mga damit ng mayamang yaon: “purple” o lila – ang kulay ng malamaharlikang
punong saserdote! Ang mayamang taong
yaon na napunta sa impiyerno dahil wala siyang pakialam sa dukhang si Lazaro ay
kumakatawan sa punong saserdote. Ang
pinariringgan, ang pinatatamaan, ang pinupuntirya, ang binabato ng Panginoon sa
pamamagitan ng Talinhaga ng Mayaman at ni Lazaro ay ang mga lider-relihiyoso,
unang-una na ang punong saserdote noon.
Ngayon po, napakalinaw, ang talinhaga
ni Jesus sa Linggong ito ay, unang-una sa lahat, para sa amin: ang mga
ministrong inordenahan, ang mga ministro ng Santa Iglesiya, ang mga pari – ang
mga saserdote ng Bagong Tipan. Nakatitig
po sa amin si Kristo Jesus at kinukwestyon N’ya ang uri ng aming pamumuhay. Ginigising po kami ni Jesus kung kami man ay
nahihimbing dahil baka naging napakomportable na ng aming pamumuhay at manhid
na kami sa pagdurusa ng marami sa kawang ipinagkakatiwala Niya sa amin. Binubuksan po ni Kristo Jesus ang aming mga
mata kung kami ma’y nabubulagan at dinadagukan Niya kami kung kami nama’y
nagbubulagbulagan sa maraming mga Lazaro sa labas ng ating mga simbahan at sa
pintuan ng aming mga kumbento. Binabalaan
po kami ng Panginoon sa maaari naming sapitin sakaling kami ay maging mga
manhid na pastol, pabayang pastol, mapansamantalang pastol, mapagpasasang
pastol, mga pastol na nagpapakabuntat sa halip na pakainin ang nagugutom na mga
tupa, mga pastol na walang pagpapahalaga sa mahihirap at maliliit at minamaliit
ng lipunan, mga pastol na mas negosyante pa o mas artista pa o mas celebrity pa o mas kung anu-ano pa kaysa
mas katulad ng Mabuting Pastol na si Jesukristo. Kaya nga po, balikan natin ang ikalawang
pagbasa natin sa Banal na Misang ito.
Mahigpit na pinaaalalahanan ni San Pablo Apostol si Timoteo: “Ikaw na
lingkod ng Diyos, sikapin mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig,
pag-ibig, pagtitiis, at kaamuan.” Gayundin po sa unang pagbasa: ang pinatutungkulan ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Amos ay ang mga lider-relihiyiso ng kanyang panahon na nagpapasasa sa gitna ng talamak na karukhaan ng kawan at kawalang-katarungan sa mga aba.
Opo,
kami ang unang dapat tamaan ng bato-bato sa langit at hindi kami dapat
magagalit. Kaming mga pari ninyo ay dapat
magbalik-loob din sa Diyos at humingi sa inyo ng kapatawaran sakaling kami ay
nagbubuhay-mayaman samantalang marami sa inyo ang namumuhay sa karukhaan. Patawarin po ninyo kami sa aming “purple garments
and fine linens” samantalang marami sa inyo ay tadtad ng sugat tulad ni Lazaro.
Patawarin po ninyo kami kung saganang-sagana
kami sa pagkain araw-araw habang marami sa inyo ang nakalupasay at namumulot na
lang ng kahit mumong nahuhulog sa aming hapag. Maawa po kayo sa amin, patawarin ninyo kami at
ipanalangin. At kung sa inyong kabutihang-loob
ay sadya kayong mapagbigay, huwag po ninyo kaming sanayin sa luho; sa halip ay lagi
ninyong ipaalala sa amin ni Kristo. Ituro
ninyo sa amin ang mga Lazaro sa inyo para makita namin si Kristo. Ipakita ninyo sa amin ang mga Lazaro sa inyo para
mahalin namin at mapagsilbihan si Kristo. Tulungan po ninyo kaming mapalapit sa mga Lazaro
sa inyo upang kailanma’y hindi kami malayo kay Kristo.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home