14 September 2013

PARANG HINDI NAWALAY

Ikadalawampu’t Apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 15:1-32 (Ex 32:7-11, 13-14 / Slm 50 / Tim 1:12-17)



Mahirap po ang mawalan. Pero hindi po lahat ng nawawalan ay naghahanap. Hindi po kasi lahat ng kawalan ay nararamdaman. Nararamdaman lang po kasi ang kawalan kapag ang nawala ay pinahahalagahan.
May nawawala po ba sa inyo? Ramdam n’yo po ba? Hinahanap n’yo po ba?



Hindi lahat ng nawawala ay hinahanap. Meron nga pong iba riyan na sadyang iwinawala. Kaya naman po hindi pinanghihinayangan at ang bilis-bilis palitan.



Naranasan n’yo na po bang mawala? May humanap po ba sa inyo?



Meron ba kayong gustong mawala sa buhay ninyo? Sino? Ano? Bakit?



Mabilis po ba kayong magpalit ng nawala sa inyo? Agad-agad? Ayaw n’yo munang hanapin?



Pero, huwag po kayo, meron din naman pong kusang nagwawala. Kahit anong pigil mo, talagang magwawala’t magwawala. Minsan nga po, mientras mo pinipigil lalong nagwawala. Tapos kapag hindi mo na hinanap, kapag hindi mo na pinigilan, kapag hindi mo na pinansin, ikaw pa ang masama. Kaya nga po, hindi po porke nawawala pa ay kasi hindi hinahanap o walang naghahanap. Hindi porke patuloy na nagwawala kay kasi walang pumipigil o walang pumapansin. Meron din naman po kasing ayaw talaga magpahanap. Meron ding ayaw magpapigil. Kayo po ba ito? Alin po kayo – ang pumipigil sa nagwawala o ang nagwawalang ayaw papigil? Alin po kayo kung kayo ito – ang pumapansin sa nagwawala o ang nagwawalang nagpapapansin? Kung kayo nga po ito, alin kayo – ang humahanap sa nawawala o ang nawawalang ayaw naman talaga magpahanap?



Masakit po ang mamatayan. Pero hindi po lahat ng namamatay ay iniiyakan. At hindi rin po lahat ng namamatay ay ipinagluluksa. Minsan pa nga po, kamatayan ang sigaw ng tao para sa kapwa-tao niya. May mga tao pong kamatayan ang hatol sa kapwa-tao nila. Gaya po, halimbawa, ng mga Pariseo at mga eskriba.



“Ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Jesus,” bungad po ng Ebanghelyo natin ngayon araw na ito. “Nagbulungbulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila, ‘Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.’”



Bawal makisalo sa mga publikano. Bawal makisalamuha sa mga makasalanan. Ang pagsasalu-salo ay tanda ng pagtanggap sa kapwa-tao. At hindi katanggap-tangap sa mga Pariseo at mga eskriba ang mga publikano at mga makasalanan. Subalit iba ang tingin ni Jesus sa sitwasyon. Iba rin po kasi ang turing Niya sa mga taong ipinapalagay na dumi, basura, at baho ng lipunan. Hindi lamang sa tinatanggap Niya ang mga makasalanan, walang-pakundangan din po Siyang dumudulog sa hapag at kumakaing kasama nila. At ito po ang pinagngingitngit ng mga eskriba at mga Pariseo.



Para sa mga eskriba at mga Pariseo, pag-iwas at hindi pakikisalamuha ang dapat sa mga makasalanan. Ang mga makasalanan ay nangangalingasaw na ng amoy ng kamatayan. Ang nakikisalamuha sa kanila ay sin-amoy nila. Pero si Jesus po ang Mabuting Pastol, hindi ba? At ang mabuting pastol ay dapat kaamoy ng Kanyang kawan.



Para sa mga eskriba at mga Pariseo, ang mga makasalanan ay dapat pandirihan at hindi pakisaluhan. Buhay pa pero mistulang naaagnas na ng kamatayan ang mga makasalanan. Kadiri! Kaya nga po ang sakit na ketong ay itinuring na sagisag ng karumihan at parusa sa mga kasalanan. Marumi ang may ketong; buhay pa pero naaagnas na. Ang lumapit sa ketongin o kausapin, kahit di man lang hinahawakan, ay marumi rin. Nakahahawa ang kamatayan. Ang ketong ay parusa sa mga kasalanan. Ang kasalanan ay kamatayan. Dapat pandirihan ang mga makasalanan. Pero sinlinaw po ng tanghaling-tapat ang pananaw ni Jesus tungkol dito. Sinabi Niya sa Lk 5:31-32, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi.” Oo nga naman po, kung ikaw ay manggagamot, paano mo mapagagaling ang maysakit kung ayaw mo siyang hawakan dahil nandidiri ka sa kanya? Paano mo matutulungang magsisi ang makasalanan kung iniiwasan mo siya?



Ang pakay po ni Jesus para sa mga makasalanan ay kaligtasan, pero ang hatol naman ng mga Pariseo at eskriba sa mga makasalanan ay kamatayan. At sino po ang makapagpapakita talaga ng tunay na saloobin ng Diyos tungkol sa kasalanan at mga makasalanan – ang mga eskriba at mga Pariseo po ba o si Jesus? Alam na alam n’yo po ang sagot diyan.



Ipinakita ni Jesus kung ano ang tunay na saloobin ng Diyos sa kasalanan at mga makasalanan. Ipinadama rin po Niya ang wagas na pagturing ng Diyos sa kasalanan at mga makasalanan. Kinamumuhian ng Diyos ang kasalanan ngunit hindi po ang makasalanan. Kaaway ng Diyos ang kasalanan pero hindi po ang makasalanan. Anak din po ng Diyos ang mga nagkakasala. Walang puwang sa puso ng Diyos ang kasalanan subalit ang puso ng Diyos ay lagi pong nakalaan sa mga makasalanang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya. Kaya naman po, isinasalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ang tatlong talinhaga ng pag-ibig sa mga nawawala at mga nagwawala. At kung sa pakiwari po nati’y ang mga eskriba at mga Pariseo lang ang pinatutungkulan ni Jesus sa talinhagang ito, maling-mali tayo. Para sa atin pong lahat ang talinhagang ito.



Lahat po tayo ay makasalanan. Wala po tayong pinag-iba riyan. Pero may iba po sa atin ang nakalilimot sa katotohanang iyan. Kaya nilalayuan nila tayo, pinandidirihan nila tayo, at halos patayin na tayo sa paghuhusga sa atin dahil alam nila ang mga kasalanan natin. Hindi sila tulad ni Jesus.



Subalit, minsan tayo po ang umiiwas, nandidiri, at walang-habag kung humusga sa ating kapwa dahil may narinig tayong tsismis tungkol sa kanya, may nalaman tayong pagkakamali niya, may naamoy tayong baho niya, may nakita tayong kapangitan niya, may napatunayang kasalanan niya. Minsan pa nga po, kapag may alam tayong lihim ng isang tao, ang sarap ng pakiramdam ng may alas tayo laban sa kanya, hindi ba? At kaya po nating pumatay nang hindi gumagamit ng anumang sandata. Napapatay po natin ang ating kapwa nang hindi siya pinagbubuhatan ng kamay. Pinapatay po natin siya sa pamamagitan ng ating nanlilisik na mga mata, matalim na dila, mapanghiganting kaisipan, at malamig na pagtrato… sinlamig ng bangkay kasi nga po pinatay na natin siya.



Maging mulat po sana tayo sa katotohanang lahat tayo ay may mga atraso sa Diyos pero makailang ulit na Niyang pinalalampas ang mga ito, lahat tayo ay nagtataksil sa Diyos pero nanatili Siyang tapat sa atin, lahat tayo ay may pagkukulang pero ang Diyos ang nagpupuno, lahat tayo ay mga makasalanan pero pinatatawad Niya tayo, at lahat tayo ay nawala na pero hinanap ng Diyos, nagwala na pero minamahal pa rin ng Diyos na para bang ni miminsan ay hindi tayo lumayo sa Kanya.



Tandaan po natin, para sa taong nagkamali, nagkasala, naligaw ng landas, nagwala, at nawala, di-hamak na higit na madali ang magbalik sa Diyos kaysa magbalik sa piling ng mga nakapapasong komento ng mga mapanpuna, nakatutunaw na tingin ng mga mapagmatuwid sa sarili, at nakapapatay na hatol ng mga makabagong eskriba at Pariseo. Minsan tayo ang alibughang anak sa ikatlong talinhaga ng Ebanghelyo ngayong araw na ito, pero hindi rin naman po miminsang tayo ang nakatatandang kapatid na ang tingin sa sarili ay mas karapatdapat sa pagmamahal ng Ama dahil siya ang masunuring anak, ang matiising anak, ang tapat na anak. Huwag po tayong ganyan. Tulungan po natin ang isa’t isa na manatili sa yakap ng Diyos. Siya po ay Ama nating lahat. Magkakapatid tayo, hindi magkakaaway; magkakapatid, hindi magkakakompetensya. Kaligayahan ng Diyos ang pagmamahalan ng lahat ng Kanyang mga anak. At kung may kapwa tayong nagbabalik sa Diyos na ating Ama kahit pa matapos ang napakalayong paglalayas, kahit pa matapos ang napakalaking pagkakasala, at kahit pa matapos ang napakatagal na pagwawaldas ng mga biyayang kaloob sa kanya, tulungan po natin siyang makabalik, huwag tadyakan o ipagtabuyan, at makisalo tayo sa kaligayahan ng Diyos dahil sa kanya.



Si Abraham Lincoln, dating pangulo ng Estados Unidos, ay sinasabi pong napaka-relihiyosong tao. Sa kanyang panunungkulan napag-isa ang mga estado ng Amerika. Matapos daw po ng digmaang sibil, may nagtanong sa kanya kung paano niya ita-trato ang mga taong mula sa mga estado sa katimugan na natalo na’t pinilit makiisa sa mga taga hilaga para mabuo ang Estados Unidios. “Ita-trato ko sila,” sagot ni Abraham Lincoln, “na parang hindi sila kailanman nawalay sa atin.” Sana, ganyan din po tayo sa mga napawalay sa atin kasalanan man nila o hindi.



Ang nawawala, hinahanap. Ang nagwawala, pinipigilan. Ang nagkasala, pinatatawad. Ang nagbabalik, tinatanggap. Opo, parang kailanman ay hindi siya nawalay.




0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home