08 September 2013

ANG GRASYA NG PANGINGILATIS NG ALAGAD

Ikadalawampu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 14:25-33 (Kar 9:13-18 / Slm 67 / Flm 9-10,12-17)

Minsan hirap na hirap po tayong unawain ang mga pangyayari sa ating buhay.  Minsan hirap na hirap tayong maintindihan ang mundo.  Pati nga po ang isa’t isa, minsan hirap na hirap din tayong unawain, hindi ba?  Sa katunayan po, minsan pati sarili natin hindi natin maintindihan.  Kaya nga po, hindi na tayo nagugulat sa pahayag ng unang pagbasa ngayong araw na ito.  Nagtatanong po ng may-akda ng Aklat ng Karunungan: “Sinong tao ang makatatarok sa kaisipan ng Diyos?  Sino ang makaaalam sa kalooban ng Panginoon?”  Sino nga po ba?

Kung ang mga pangyayari nga po sa buhay natin, kung ang mundo nga pong natin, kung ang isa’t isa nga po, at kung ang sarili na rin nga po natin mismo ay hirap na hirap na tayong unawain, ang Diyos pa kaya?  Pero, baka hindi po natin napansin, sinagot din ng may-akda ng Aklat ng Karunungan ang kanyang tanong.  May makatatarok daw po sa kaisipan ng Diyos at may makaaalam sa Kanyang kalooban.  Ngunit ang kakayahan daw pong ito ay hindi likas sa tao kundi grasya ng Diyos.  “Walang makaaalam ng Iyong kalooban malibang bigyan Mo siya ng Iyong karunungan, at lukuban ng Iyong diwang banal mula sa kaitaasan,” wika ng may-akda sa Diyos.  Samakatuwid, may “taong makatatarok sa kaisipan ng Diyos at makaaalam sa kalooban ng Panginoon”.  At ang taong yaon ay ang kasiyahan ng Diyos ng Kanyang karunungan at diwang banal.  Malinaw din po ang layunin ng Diyos kung bakit ibinibigay Niya sa tao ang kakayahang maunawaan ang Kanyang kaisipan at malaman ang Kanyang kalooban.  “Sa ganitong paraan lamang,” patuloy ng may-akda sa pakikipag-usap sa Diyos, “maiwawasto Mo ang mga tao sa matuwid na landas.”  Pagwawasto sa tao ang pakay ng Diyos at tuwid na landas ang nais niya para sa tao.

Gusto po ba ninyo ang grasyang ito?  Nais ba po ninyong bigyan kayo ng Diyos ng Kanyang karunungan at diwang banal?  Kung gayon, hingin po ninyo sa Diyos.  Subalit kailangan din ninyong hanapin ang karunungan at diwang banal ng Diyos sa lahat ng pangyayari sa buhay ninyo, sa bawat sulok ng lipunang kinabibilangan ninyo, sa mga kapwa-taong nakasasalamuha ninyo, at sa mismong sarili ninyo.  Kaya nga po, napakahalagang tanungin kung tutoo bang hinihingi natin sa Diyos ang grasyang ito at ang grasyang ito ba talaga ang hinahanap natin?  Baka po kasi hindi.  Baka lang naman po.

Ang Karunungan ng Diyos ay si Jesus.  Ang Diwang Banal ng Diyos ay ang Espiritu Santo, at ang Espiritu Santo ay pangako ni Jesus mula sa Ama.  Kausapin natin si Jesus.  Dinggin natin si Jesus.  Sundin at sundan po natin si Jesus.  Seryosohin po natin ang ating pagiging mga alagad ni Kristo Jesus.

Pero hindi biro ang pagsunod kay Jesus.  Mabigat po ang hinihingi nitong kapalit.  Mahirap ang hamon nito sa atin.  Ang pagsunod sa Jesus na walang krus ay kasinungalingan at ang pagpasan sa krus na walang Jesus ay kaparusahan.  Hindi sinungaling si Jesus at ayaw Niya po tayong parusahan; kaya nga may krus si Jesus na ating sinusundan at may Jesus ang krus na dapat nating pasanin.

“Hindi maaaring maging alagad Ko,” wika ni Jesus sa Ebanghelyo, “ang sinumang umiibig sa kanyang am at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa Akin.  Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa Akin ay hindi maaaring alagad Ko.”  Kayo po ba ay mga alagad ng Jesus na ito?  Kung gayon, sino po bang katapat ni Jesus sa buhay ninyo?  Kayo po ba ay tagasunod ng Kristong ito?  Ipakita nga po ninyo ang krus ninyo.  May Jesus po ba ito?  Pinapasan po ba ninyo ito?  Paano?  Gusto po ba ninyong ipagpalit ang krus na pasan ninyo sa pagsunod kay Kristo?  Kanino?  Sa ano?  Bakit?

Sa maraming pagkakataon, ang pinakamabigat na krus na hinihinging pasanin natin ay hindi ang kailangan nating yakapin kundi yaong dapat nating bitiwan alang-alang sa pagsunod natin kay Jesus.  Sa pagsunod po natin kay Jesus, sa pagnanais po nating tumulad sa Kanya, madalas ang isinasaaang-alang natin ay yaong mga dapat nating gawin.  Paano naman po yaong dapat nating hindi gawin para wagas at ganap nating mapasan ang ating krus sa araw-araw?  We often consider Christian discipleship in terms of what we must do so much so that we forget what needs to be undone in us.  We need to undo everything in us that makes Jesus merely secondary in our life.  We must undo every attachments we have so that we may cling to Jesus, only Jesus, always Jesus.  In fact, we need to undo our selves and surrender our whole being to the grace of God that re-creates us, re-invents us, re-animates us.  Kailangan po nating mamatay sa ating sarili upang tayo ay maging mga bagong nilikha kay Kristo Jesus.  Tulad po ni Onesimus, na pinababalik ni San Pablo Apostol sa dati nitong among si Filemon, na narinig po natin sa ikalawang pagbasa ngayong araw na ito, mga bagong tao na tayo, pinalaya sa dating kaalipinan sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Jesukristo.  Sa isa pang sulat ni Apostol San Pablo, winika niya, “Ako’y napako sa krus na kasama si Kristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya sa Anak ng Diyos na sa akin ay umibig at ibinigay ang Kaniyang sarili dahil sa akin” (Gal 2:20).

Ano po ba ang dapat nating bitiwan para kay Jesus?  Sino po ang kailangan nating bitiwan para mahigpit tayong makakapit kay Kristo?

Napakabigat, napakahirap, napakaradikal, hindi po ba?  Lalo na po kapag “sino” na ang tinatanong na kailangan nating bitiwan.  Kaya naman po, ibinigay sa atin ni Jesus sa Ebanghelyo ngayong araw na ito ang dalawang talinhaga na kapwa binibigyang-diin ang kahalagahan ng palagiang pangingilatis para sa isang tunay na alagad ni Jesus.  Huwag po tayong pabigla-bigla sa paggawa ng malalaking desisyon sa buhay nating bilang mga alagad ni Jesus.  Laging sinasabi ng mga magulang ko sa aming magkakapatid, huwag padaskul-daskol.  Huwag padadala sa bugso ng damdamin kapag gumagawa ng mabigat na pasya.  Mangilatis!  At hindi po tayo makapangingilatis kung hindi tayo marunong manahimik, mataimtim manalangin, madalas magnilay, matiyagang mapagmasid, at makatotohanan sa sarili.

Matatarok po natin ang kaisipan ng Diyos at ang Kanyang kalooban ay malalaman natin kung ibibigay ng Diyos sa atin ang Kanyang karunungan at diwang banal.  Sa mapanalanging pangingilatis ibinubuhos ng Diyos ang grasyang ito.  Mag-umapaw po nawa sa atin ang grasyang ito.


1 Comments:

At 5:09 AM , Anonymous anabolio said...

My eyes are open...

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home