WAIT LANG?
Ikalabintatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 9:51-62 (1 Hri /
Slm 15 / Gal 5:1, 13-18)
Kayo po ba ay nagmamadaling pumunta sa
simbahan para sa Misang ito? Bakit naman
po kayo nagmamadali? Kaya po ba kayo
nagmamadaling papuntang simbahan ngayon kasi late na kayo? O nagmamadali po
kayo kasi ayaw ninyong paghintayin ang Panginoon? Baka naman nagmamadali rin po kayong umalis!
Inaamin ko po, may mga pagkakataong
nale-late ako sa Misa. Bagamat hindi ko naman po sinasadya ang mga
pagkakataong iyon, humihingi pa rin ako ng tawad sa inyo. Ang biro po ng iba, ang pari ay hindi raw
nale-late sa Misa. Hindi naman daw po kasi magsisimula ang Misa kapag
wala pa ang pari. Hmmm…may point! Pero bad
point. Naaalala ko po si Archbishop
Soc, ayaw na ayaw niyang nale-late
ang pari sa Misa. Noong nasa EDSA Shrine
pa siya, kapag masyadong late na at
wala pa ang paring dapat mag-Misa, si Archbishop Soc na raw po mismo ang
nagmi-Misa. Kapag nale-late ang pari sa Misa, sabi raw ng
butihing Arsobispo, pinaghihintay niya hindi lang ang mga taong gustong
magsimba; pinaghihintay din niya ni Jesus na gustung-gusto nang mag-Misa pero
hindi pa makapag-Misa dahil wala pa siya.
Nakakahiya hindi lang sa mga taong naghihintay; mas lalong nakakahiya sa
Panginoon. Ang Panginoong Jesus ay hindi
dapat pinaghihintay.
“Sumunod ka sa Akin,” wika ng
Panginoon sa pangalawang taong nasalubong Niya sa Ebanghelyo ngayong araw na
ito. Pero sagot po ng tao sa Kanya,
“Panginoon, hayaan po muna ninyo Akong umuwi upang ipalibing ang aking
ama.” Hindi po ito nangangahulugang
patay ang tatay ng taong iyon at kasalukuyang nakaburol kaya uuwi muna siya at
ililibing ang ama tsaka siya babalik para sundan si Jesus. Ang “ilibing ang ama” ay isang bukambibig o cliché ng mga Judyo na ang ibig sabihin
ay “hintayin munang sumakabilang-buhay ang tatay”. Samakatuwid, gusto sanang sundan ng taong ito si
Jesus pero tsaka na lang kasi buhay pa ang kanyang ama. Kapag pumanaw na ang tatay niya, susunod na
siya kay Jesus. Sa madaling-sabi, ang
tugon ng taong ito sa tawag ng Panginoon ay “Okay. Wait lang.” Pero ang wait
lang na iyon ay hindi po okay dahil
hindi malinaw kung hanggang kailan dapat mag-wait ang Panginoon.
Wait
lang? Bakit nga po ba pati si Lord
madalas nating pinagwe-wait? Bakit kaya nating gawin ito sa Kanya, pero
ayaw na ayaw po nating pinagwe-wait
tayo ng Panginoon. Madalas, minamadali
natin Siya. At kapag hindi Niya agad
sinasagot o ipinagkakaloob ang ating panalangin, nagtatampo tayo sa Kanya,
nagdududa, at ang iba pa nga ay tuluyan nang lumalayo sa Kanya.
Wait
lang? Kelan po natin bibigyan ang
Panginoon ng panahong nararapat sa Kanya?
Later, wait lang? Kelan po natin sasagutin ang panliligaw ng
Panginoon? Kelan po tayo magiging mga
aktibong kasapi ng Santa Iglesiya? Kelan
po tayo maglilingkod? Wait lang, later? Kelan po natin
haharapin ang hamon ng Panginoon? Kelan
po tayo bibitiw sa ating mga kayamanan at ibabahagi ito sa mga gawain ng
Panginoon at sa mga dukha? Wait lang? Kelan po kaya ihahandog ng ating mga kabataan
ang kanilang sarili para sa buhay pagpapari, pagmamadre, pagmi-misyonero? Ah, wait
lang. Kelan po natin seseryosohin ang
ating pagiging Katoliko? Kelan po natin
seseryosohin ang pagsunod sa Panginoon?
Hanggang kailan po kaya natin paghihintayin si Jesus? “Wait
lang” pa rin po ba ang sagot natin sa Kanya?
Hanggang kailan po kaya ang “wait
lang” natin
Tutoo po bang marami tayong panahon
para sa ibang mga bagay at ibang mga tao pero kakaunti ang panahon natin para
sa Panginoon? Talaga po bang halos hindi
na tayo maka-ugaga sa dami at bigat ng ating mga kaabalahan pero huling-huli,
kung sakali mang kasali, ang Panginoon sa mga kaabalahan nating ito? Bakit po kaya kapag ibang tao ang tumawag,
magyaya, o humiling sa atin, mabilis pa tayo sa alas cuatro, pero kapag para sa Panginoon ay ayos lang na
ipagpabukas natin?
Kung tunay pong minamahal natin ang
Panginoon, hindi natin Siya babalewalain.
Hindi natin Siya paghihintayin.
Hindi natin Siya de-dedmahin.
Hindi natin Siya ihuhuli, lagi po natin Siyang uunahin. Hindi natin Siya pababayaan. Sa halip, gagawin po natin ang lahat at
gagawin natin agad ang para sa Panginoon.
Gagamitin po natin ang kalayaang binabanggit ni San Pablo Apostol sa
ikalawang pagbasa, ang kalayaang kaloob daw po sa atin ni Jesukristong
Panginoon, para tupdin ang kalooban ng Diyos.
Para saan nga po ba natin ginagamit
ang kalayaang kaloob sa atin ni Jesus?
Para kanino nga po ba natin ginagamit ang kalayaang ito? Pinalaya raw po tayo ng Panginoon, wika ng
Apostol, upang manatiling malaya tayo.
Talaga po bang pinagsisikapan nating manatiling malaya? Suriin po natin ang mga hindi natin
pinaghihintay, ang karakarakang sinunundan, ang inuuna natin sa buhay, ang
pinagbubuhusan natin ng ating lakas, ang pinaggagamitan natin ng ating
kalayaan, at masasagot po natin ang tanong na ito.Tutoo po, napakabigat ng hamon ng
Panginoon sa mga nais sumunod sa Kanya. “May
lungga ang asong gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man
lamang matuluyan o mapagpahingahan.” Ito
po ang walang patumpik-tumpik na tugon ni Jesus sa unang taong nagsabing
susunod sa Kanya sa Ebanghelyo ngayon.
Kung maaari ko pa nga pong idagdag, hindi lang sa walang mapagpahingahan,
minsan hindi ka na nga makapagpahinga.
At kapag tumugon ka na ng “oo” sa tawag ni Jesus, bawal po ang lingon
nang lingon, gaya ng babala Niya sa ikatlong taong nasalubong Niya at nagsabing
susunod din daw sa Kanya pero uuwi muna’t magpapaalam sa kanyang mga
kasambahay. Tulad ni Propeta Eliseo sa
unang pagbasa, na kinatay na ang ginagamit niyang hayop sa pag-aararo at
pinanggatong ang mga pamatok at mga araro nang sundan niya ang mga yapak ni
Propeta Elias, wala na pong balikan sa dati, wala na pong panghihinayang para
sa dati, wala na pong pagno-nostalgia
sa dati kapag nagsimula ka nang sumunod sa Panginoon. Napakaradikal. Napakabigat.
At, opo, maaaring nakasisindak din.
Tunay nga po, hindi makasusunod ang sinuman sa Panginoon nang hindi
nagdarasal at nangingilatis. Kailangang
lumuhod. Kailangang mag-isip. Siguro, ito rin po ang dahilan ng marami kung
bakit madalas ang sagot nila sa Panginoon ay “Wait lang. Teka muna po, Lord.”
Pero dapat tayong maging makatotohanan na ang “Wait lang” na ito ay hindi alibi
lamang para sa pagtangging tumugon sa tawag ng Panginoon. Si Jesus ay walang-hanggan pero tayo po ay
may hangganan, kaya’t ang “Teka muna” natin ay dapat ngang may “Ngayon na”.
Kapatid, baka ngayon ka na po dapat
tumugon sa Panginoon. Baka po ngayon na
ang “Ngayon na” ng iyong “Teka muna po, Lord.”
O baka naman po tumanda ka na sa kawe-wait mo lang sa hamon ng Panginoon.
Ano po sa tingin n’yo? Oops, may
narinig po akong sumagot! Ang sabi n’ya,
“Wait lang!"