30 June 2013

WAIT LANG?

Ikalabintatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 9:51-62 (1 Hri / Slm 15 / Gal 5:1, 13-18)

Kayo po ba ay nagmamadaling pumunta sa simbahan para sa Misang ito?  Bakit naman po kayo nagmamadali?  Kaya po ba kayo nagmamadaling papuntang simbahan ngayon kasi late na kayo?  O nagmamadali po kayo kasi ayaw ninyong paghintayin ang Panginoon?  Baka naman nagmamadali rin po kayong umalis!

Inaamin ko po, may mga pagkakataong nale-late ako sa Misa.  Bagamat hindi ko naman po sinasadya ang mga pagkakataong iyon, humihingi pa rin ako ng tawad sa inyo.  Ang biro po ng iba, ang pari ay hindi raw nale-late sa Misa.  Hindi naman daw po kasi magsisimula ang Misa kapag wala pa ang pari.  Hmmm…may point!  Pero bad point.  Naaalala ko po si Archbishop Soc, ayaw na ayaw niyang nale-late ang pari sa Misa.  Noong nasa EDSA Shrine pa siya, kapag masyadong late na at wala pa ang paring dapat mag-Misa, si Archbishop Soc na raw po mismo ang nagmi-Misa.  Kapag nale-late ang pari sa Misa, sabi raw ng butihing Arsobispo, pinaghihintay niya hindi lang ang mga taong gustong magsimba; pinaghihintay din niya ni Jesus na gustung-gusto nang mag-Misa pero hindi pa makapag-Misa dahil wala pa siya.  Nakakahiya hindi lang sa mga taong naghihintay; mas lalong nakakahiya sa Panginoon.  Ang Panginoong Jesus ay hindi dapat pinaghihintay.

“Sumunod ka sa Akin,” wika ng Panginoon sa pangalawang taong nasalubong Niya sa Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Pero sagot po ng tao sa Kanya, “Panginoon, hayaan po muna ninyo Akong umuwi upang ipalibing ang aking ama.”  Hindi po ito nangangahulugang patay ang tatay ng taong iyon at kasalukuyang nakaburol kaya uuwi muna siya at ililibing ang ama tsaka siya babalik para sundan si Jesus.  Ang “ilibing ang ama” ay isang bukambibig o cliché ng mga Judyo na ang ibig sabihin ay “hintayin munang sumakabilang-buhay ang tatay”.  Samakatuwid, gusto sanang sundan ng taong ito si Jesus pero tsaka na lang kasi buhay pa ang kanyang ama.  Kapag pumanaw na ang tatay niya, susunod na siya kay Jesus.  Sa madaling-sabi, ang tugon ng taong ito sa tawag ng Panginoon ay “Okay.  Wait lang.”  Pero ang wait lang na iyon ay hindi po okay dahil hindi malinaw kung hanggang kailan dapat mag-wait ang Panginoon.

Wait lang?  Bakit nga po ba pati si Lord madalas nating pinagwe-wait?  Bakit kaya nating gawin ito sa Kanya, pero ayaw na ayaw po nating pinagwe-wait tayo ng Panginoon.  Madalas, minamadali natin Siya.  At kapag hindi Niya agad sinasagot o ipinagkakaloob ang ating panalangin, nagtatampo tayo sa Kanya, nagdududa, at ang iba pa nga ay tuluyan nang lumalayo sa Kanya.

Wait lang?  Kelan po natin bibigyan ang Panginoon ng panahong nararapat sa Kanya?  Later, wait lang?  Kelan po natin sasagutin ang panliligaw ng Panginoon?  Kelan po tayo magiging mga aktibong kasapi ng Santa Iglesiya?  Kelan po tayo maglilingkod?  Wait lang, later?  Kelan po natin haharapin ang hamon ng Panginoon?  Kelan po tayo bibitiw sa ating mga kayamanan at ibabahagi ito sa mga gawain ng Panginoon at sa mga dukha?  Wait lang?  Kelan po kaya ihahandog ng ating mga kabataan ang kanilang sarili para sa buhay pagpapari, pagmamadre, pagmi-misyonero?  Ah, wait lang.  Kelan po natin seseryosohin ang ating pagiging Katoliko?  Kelan po natin seseryosohin ang pagsunod sa Panginoon?  Hanggang kailan po kaya natin paghihintayin si Jesus?  Wait lang” pa rin po ba ang sagot natin sa Kanya?  Hanggang kailan po kaya ang “wait lang” natin

Tutoo po bang marami tayong panahon para sa ibang mga bagay at ibang mga tao pero kakaunti ang panahon natin para sa Panginoon?  Talaga po bang halos hindi na tayo maka-ugaga sa dami at bigat ng ating mga kaabalahan pero huling-huli, kung sakali mang kasali, ang Panginoon sa mga kaabalahan nating ito?  Bakit po kaya kapag ibang tao ang tumawag, magyaya, o humiling sa atin, mabilis pa tayo sa alas cuatro, pero kapag para sa Panginoon ay ayos lang na ipagpabukas natin?

Kung tunay pong minamahal natin ang Panginoon, hindi natin Siya babalewalain.  Hindi natin Siya paghihintayin.  Hindi natin Siya de-dedmahin.  Hindi natin Siya ihuhuli, lagi po natin Siyang uunahin.  Hindi natin Siya pababayaan.  Sa halip, gagawin po natin ang lahat at gagawin natin agad ang para sa Panginoon.  Gagamitin po natin ang kalayaang binabanggit ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa, ang kalayaang kaloob daw po sa atin ni Jesukristong Panginoon, para tupdin ang kalooban ng Diyos.

Para saan nga po ba natin ginagamit ang kalayaang kaloob sa atin ni Jesus?  Para kanino nga po ba natin ginagamit ang kalayaang ito?  Pinalaya raw po tayo ng Panginoon, wika ng Apostol, upang manatiling malaya tayo.  Talaga po bang pinagsisikapan nating manatiling malaya?  Suriin po natin ang mga hindi natin pinaghihintay, ang karakarakang sinunundan, ang inuuna natin sa buhay, ang pinagbubuhusan natin ng ating lakas, ang pinaggagamitan natin ng ating kalayaan, at masasagot po natin ang tanong na ito.Tutoo po, napakabigat ng hamon ng Panginoon sa mga nais sumunod sa Kanya.  “May lungga ang asong gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matuluyan o mapagpahingahan.”  Ito po ang walang patumpik-tumpik na tugon ni Jesus sa unang taong nagsabing susunod sa Kanya sa Ebanghelyo ngayon.  Kung maaari ko pa nga pong idagdag, hindi lang sa walang mapagpahingahan, minsan hindi ka na nga makapagpahinga.  At kapag tumugon ka na ng “oo” sa tawag ni Jesus, bawal po ang lingon nang lingon, gaya ng babala Niya sa ikatlong taong nasalubong Niya at nagsabing susunod din daw sa Kanya pero uuwi muna’t magpapaalam sa kanyang mga kasambahay.  Tulad ni Propeta Eliseo sa unang pagbasa, na kinatay na ang ginagamit niyang hayop sa pag-aararo at pinanggatong ang mga pamatok at mga araro nang sundan niya ang mga yapak ni Propeta Elias, wala na pong balikan sa dati, wala na pong panghihinayang para sa dati, wala na pong pagno-nostalgia sa dati kapag nagsimula ka nang sumunod sa Panginoon.  Napakaradikal.  Napakabigat.  At, opo, maaaring nakasisindak din.  Tunay nga po, hindi makasusunod ang sinuman sa Panginoon nang hindi nagdarasal at nangingilatis.  Kailangang lumuhod.  Kailangang mag-isip.  Siguro, ito rin po ang dahilan ng marami kung bakit madalas ang sagot nila sa Panginoon ay “Wait lang.  Teka muna po, Lord.”  Pero dapat tayong maging makatotohanan na ang “Wait lang” na ito ay hindi alibi lamang para sa pagtangging tumugon sa tawag ng Panginoon.  Si Jesus ay walang-hanggan pero tayo po ay may hangganan, kaya’t ang “Teka muna” natin ay dapat ngang may “Ngayon na”.

Kapatid, baka ngayon ka na po dapat tumugon sa Panginoon.  Baka po ngayon na ang “Ngayon na” ng iyong “Teka muna po, Lord.”  O baka naman po tumanda ka na sa kawe-wait mo lang sa hamon ng Panginoon.  Ano po sa tingin n’yo?  Oops, may narinig po akong sumagot!  Ang sabi n’ya, “Wait lang!"

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home