23 June 2013

ANG PAGSUSULIT

IKALABINDALAWANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON
Lk 9:18-24 (Za 12:10-11;13:1 / Slm 62 / Gal 3:26-29)

Ang salitang alagad ay hango sa konsepto ng katagang “mathetes” (maqhthV) na nagmula sa wikang Griyego.  Ang kahulugan po ng mathetes ay “mag-aaral”.  Sa Latin, ito ay “discipulus”, sa Ingles ay “disciple” at “alagad” naman po ito para sa atin.  Sa mga saling ito sa iba’t ibang wika, hindi po nagbabago ang kahulugan: ang isang alagad ay isang mathetes na ang ibig sabihin ay “mag-aaral”.

Lagi pong bahagi ng pag-aaral ang pagsusulit.  Kapag walang pagsusulit, paano po susukatin ang napag-aralan?  Ngunit iba ang nalaman ang pinag-aralan sa naunawaan ang pinag-aralan.  Siempre po, dapat sana naunawaan ang nalaman sa pinag-aralan, hindi ba?  Pero hindi po laging ganun ang pangyayari.  Bagamat hindi natin kayang maunawaan ang anumang hindi natin muna nalalaman, hindi naman po natin laging nauunawaan ang lahat ng ating nalalaman.  Minsan nga po, sila pang mga nakaaalam ang hindi nakauunawa.

Kaya naman po, sa Ebanghelyo natin ngayong araw na ito, parang binigyan ni Jesus ng pagsusulit ang Kanyang mga mathetes, “mga alagad”.  May dalawang bahagi ang pagsusulit at ang una ay may dalawang tanong.

“Sino raw ako ayon sa mga tao?” iyan po ang unang tanong ng pagsusulit.  Tanong po ito tungkol sa nalalaman ng mga alagad.  Alam ba nila ang iniisip-isip ng mga tao tungkol kay Jesus?  Nakikinig ba sila sa kuru-kuro ng mga tao tungkol kay Jesus?  Pinakikiramdaman ba nila ang pulso ng bayan tungkol kay Jesus?  Mulat ba sila sa kung ano ang pagkakakilala ng mga tao kay Jesus?  Dapat po mahalaga ang bagay na ito para sa mga alagad kung talagang mahalaga si Jesus sa kanila.

Tayo po, interesado rin ba tayo kung kilala ng ating kapwa ang tunay na Jesus?  Mas interesado rin po kaya tayo kung hindi lang kilala kundi kinikilala rin ng ating kapwa si Jesus?  May pakialam po kaya tayong malaman ng ating kapwa ang tama tungkol kay Jesus?  Kung may pakialam nga tayo sa ganang ito, ano naman po ang ginagawa nating pakikialam para makilala at kilalanin ng lahat si Jesus?  At sakaling mali ang pagkakakilala ng iba kay Jesus, handa po ba tayong iwasto ang kanilang pagkakakilala sa Kanya?  May malasakit at pakikisangkot po ba tayo sa gawaing misyonaryo ng Santa Iglesiya?  Kung tunay nga po nating minamahal si Jesus, ninanais nating mahalin din Siya ng lahat ng tao.  Kung talagang mahalaga nga si Jesus para sa atin, mahalaga po dapat ang mga bagay na ito para sa atin.

Subalit hindi pa tapos ang pagsusulit.  Ibinaling po ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang pakay ng ikalawang tanong ng unang bahagi ng pagsusulit.  “Kayo naman, ano ang sabi ninyo?” tanong ni Jesus sa kanila.  Kung ang unang tanong ay tungkol sa kaalaman ng iba tungkol kay Jesus, ito naman pong ikalawa ay tungkol sa pagkaunawa ng mga alagad Niya sa Kanya.  Matagal na rin naman po nilang kasa-kasama si Jesus kung kaya’t hindi na kailangan pang itanong kung kilala nila Siya.  Ang mas mahalagang tanong ay kung nauunawaan nga ba nila Siya.  “Ang Mesiyas ng Diyos!” sagot po ni Simon Pedro.

Sa oral exams na ito, si Simon Pedro, ang kinikilalang pinuno ng mga alagad ni Jesus ang naitalang sumagot.  Mas mataas ang katungkulan, dapat mas nauunawaan ang Panginoon.  Ang pagkaunawa ni Simon Pedro ay nagpapahiwatig na hindi lamang niya kilala si Jesus kundi kinikilala rin niya Siya: si Jesus ang Mesiyas, ang Kristo, ng Diyos.  Mas mabigat ang pananagutan sa paglilingkod, kailangan mas kumikilala sa pagka-Panginoon ni Jesus.  Sana po ganito nga lagi ang mga namumuno’t naglilingkod sa kawan ni Jesus, layko at inordinahan.

Nauunawaan ba natin talaga si Jesus?  Kinikilala nga po ba natin Siya talaga?  Paano natin maipakikilala si Jesus sa iba kung tayo po mismo ay hindi nakauunawa sa Kanya?  Paano po natin maipauunawa si Jesus sa iba kung hindi naman natin kinikilala kung sino Siya sa ating buhay.

May mga pagkakataon din pong magaling tayong mag-ulat tungkol sa palagay ng iba tungkol kay Jesus, subalit mahusay rin po kaya tayong sumagot sa tanong kung sino si Jesus para sa atin?  Tumpak naman po kaya ang sagot natin?  Wagas ba ang sagot natin?

Madali pong makita ang unang bahagi ng pagsusulit sa Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Binubuo po kasi sila ng dalawang katanungan: “Sino raw Ako ayon sa mga tao” at “Kayo naman, ano ang sabi ninyo”.  Subalit may ikalawang bahagi ang pagsusulit.  Sa unang tingin parang mahirap pong makita agad dahil wala po ito sa anyong patanong.

“At sinabi pa Niya sa kanila,” patuloy ni San Lukas sa Ebanghelyong binasa para sa Linggong ito, “’Ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap.  Itatakwil Siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote, at ng mga eskriba.  Ipapapatay nila Siya, ngunit sa ikatlong araw ay magmuling mabubugay.’”  Pagkatapos, bumaling daw si Jesus sa lahat – ibig sabihi’y para sa lahat nga ang susunod na sasabihin Niya – at winika, “Kung ibig ninumang sumunod sa Akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa Akin.  Ang naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa Akin ay siyang magkakamit noon.”

Ito po ang ikalawang bahagi ng pagsusulit para sa lahat ng mga alagad ni Jesus noon, ngayon, at sa lahat ng panahon.  Hindi po binibigkas ng mga labi ni sinusulat ng mga kamay bagkus ay isinasabuhay ang sagot sa hamong ito.  Matapos ituro ang uri ng Kanyang pagka-Mesiyas – pagka-Mesiyas na kulay dugo pero maningning pa rin sa kaluwalhatian – ang tanong ni Jesus sa lahat ay ito: “Ibig mo bang sumunod sa Akin?  Nais mo ba talagang maging alagad Ko?”  At kung ang sagot sa mga tanong na ito ay “oo”, malinaw ang hamon: limutin ang sarili, pasanin ang krus araw-araw, at sundan si Jesus.  Hindi po sapat ang malaman at maunawaan si Jesus.  Hindi po sapat ang makilala at kilalanin si Jesus.  Tularan din natin Siya!  At sa pamamagitan po ng pagtulad kay Jesus natin Siya maipakikilala sa ating kapwa.

Ang pagtulad sa guro ang tugatog ng kasiyahan ng alagad.  The ultimate joy of any disciple is to become like his master.  Ang rurok na kagalakan ng sinumang alagad ay ang matulad siya sa kanyang panginoon.  Matatagpuan po natin sa pagtulad natin kay Jesus ang kasukdulan ng ating kaligayahan.  Subalit ang pagtulad na ito kay Jesus ay hindi laging madali.  Dumaraan po ito sa mga paghihirap alang-alang kay Jesus at mga mumunting kamatayan kaisa rin Niya.  Katulad ni Jesus, na paunang inilalarawan ni Propeta Zakarias sa ating unang pagbasa ngayong araw na ito, maraming beses mistula po tayong sinibat.  Hindi po miminsang kinakailangang bitiwan natin ang sarili nating buhay at masaid sa lahat upang magmuli tayong buhayin ni Jesus at, wika pa San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa natin ngayon, makapanahan sa atin mismo si Jesus.  Ito nga po ang hinihingi sa atin ng ating pagiging mga alagad ni Jesus.  Ito ang panukat kung gaano nga ba kawagas ang ating pagiging mga alagad ni Jesus.

Tumitigil ang lahat kapag may laban si Manny Pacquio.  Noong Game 7 ng San Antonio Spurs at Miami Heat, tumigil din ang lahat.  Sana tumigil din tayo kapag tinatanong tayo ni Jesus.  Sino raw ako sabi ng mga tao?  Ikaw naman, ano ang sabi mo?  Ibig mo bang sumunod sa Akin?  Sa Banal na Misang ito, hilingin po natin ang biyayang ipanalo ang labang ito.  Sana, maipasa natin ang pagsusulit na ito ng ating pagiging tunay na mga alagad ni Jesukristo.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home