INSECURED KA BA?
Ikadalawampu’t Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk
9:38-43, 45, 47-48 (Blg 11:25-29 / Slm 18 / Snt 5:1-6)
Bago
ko isulat ang homiliyang ito, isip ako nang isip kung ano ang Tagalog ng
“insecurity”. Kadalasan kasi isinasalin
natin sa Tagalog ang “insecurity” bilang “kahinaang-loob”. Pero, sa tingin ko po, hindi ito eksakto dahil
ang “insecurity” na nasa isip ko ay yaong kapag nai-insecure ka dahil may ibang kasali pero para sa iyo dapat puwera
sila. Hindi naman iyon selos. Hindi rin naman inggit. Ano po ba?
Ano nga po ba sa Tagalog ang ganitong uri ng insecurity?
Kataka-taka,
wala tayong salin sa katagang “insecurity”.
Sa halip, ang sinasabi natin ay “Nakaka-insecure ka naman” o kaya “Insecured
ka sa akin, ano?” o kaya “Huwag ka ngang mai-insecure sa kanya.” Ang
katotohanang ginagamit natin ang salitang “insecurity” sa pag-uusap-usap natin
kahit wala tayong tuwirang salin nito sa ating lenguahe ay nagpapahiwatig na
hindi porke wala tayong salita para sa karanasang ito ay hindi natin ito nararanasan. Sakit nating lahat ang insecurity. Sa iba’t ibang
anyo at iba’t ibang antas at iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang tao o kahit
pa bagay, lugar, pangyayari, at, nakakatawa, baka pati hayop, may insecurity tayo. Pakitanong n’yo nga sa katabi n’yo: “Anong insecurities mo sa buhay?” Kapag sumagot ng “Wala. Wala akong insecurities, ano?” malamang iyan po ang insecurity n’yan: insecured
siyang malaman mo ang insecurity
n’ya.
Nakakalungkot
po kasi kahit pa simbahan ay apektado ng insecurity. Huwag na po tayo lumayo, huwag na lang natin
pag-usapan ang relasyon ng Iglesiya Katolika sa ibang mga relihiyon. Tingnan na lang natin ang mga sarili natin –
tayong mga tinaguriang taong-simbahan, tayong mga makakapanalig, tayong mga
magkakamanggagawa sa ubasan ng Panginoon, tayong magkakaparokya. Hindi ba tutoong paminsan-minsan ay lumalabas
ang insecurity natin sa isa’t
isa? At dahil parang lason ang insecurity, nakamamatay ito. May pumapatay nga dahil sa insecurity eh.
Layko, madre, pari,
kahit obispo – walang exempted, may
mga insecurities sa buhay. Parokya, kumbento, rectory, diyosesis –
matatagpuan din doon ang samu’t saring insecurities
kasi meron din doong mga taong insecured. Kaya may mga close (o closed) circles,
mga cliques, mga sila-sila pero meron
din namang tayo-tayo o kami-kami lang, may mga kasali at may mga etsepuwera sa
grupo. Masakit, mahirap tanggapin,
nakakalungkot, pero bahagi ito ng katotohanan maging ng Santa Iglesiya sa
kanyang paglalakbay dito sa lupa.
Pero
hindi naman nakapagtataka na maging sa loob ng simbahan ay may mga taong insecured. Bukod sa bahagi na ng kahinaan ng tao ang
pagkakaroon ng insecurities, maging
sa Bibliya kasi ay may mga kuwentong naglalantad ng insecurities ng ilang mahahalagang tauhan sa kasaysayan ng
kaligtasan. Gaya halimbawa ni Joshua sa
unang pagbasa ngayong araw na ito.
Tinawag
ang pitumpu’t dalawang matatanda para bahaginan ng espiritu ng Panginoon
katulad ng tinanggap ni Moises, ngunit ang dalawa – sina Eldad at Medad – ay pasaway;
hindi raw sila sumama. Gayunpaman, ayon
sa kuwento ng unang pagbasa, sina Eldad at Medad, na hindi naman pisikal na kasama
ng pitumpo, ay binahaginan din ng espiritu ng Panginoon. Nasaksihan ng isang binata ang kanilang
pagpapahayag at isinumbong sila nito kay Moises. “Sawayin ninyo sila!” agad na payo kay Moises
ng kanang-kamay niyang si Joshua, anak ni Nun.
Bakit
gusto ni Joshua na sawayin ni Moises sina Eldad at Medad? Aba, absent
sila nang ipamahagi ang espiritu ng Panginoon!
Hindi sila sumama sa pitumpo.
Bakit kaya hindi sila sumama?
Hindi natin alam. Puwede nating
hulaan, pero ang mahalaga kahit absent
sila ay pinagkalooban din sila ng espiritu ng Panginoon. Binigyan din sila ng kapangyarihang
magpahayag sa ngalan ng Panginoon. At
ayos lang ‘yun kay Moises. Sa katunayan,
ayos na ayos: “Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita” sinabi
ni Moises, “at mapuspos ng espiritu ng Panginoon.” Oo nga naman, kung nais ng Panginoong
ipagkaloob din kina Eldad at Medad ang Kanyang espiritu kahit hindi sila sumama
sa pitumpo, ano namang masama roon?
Kabawasan ba iyon sa espiritung tinanggap ng pitumpo? “Nangangamba ka bang ako’y mababawasan ng
karangalan?” tanong ni Moises kay Joshua.
Pero para kay Joshua, dapat sawayin ang dalawang matandang iyon. Bakit kaya?
Kayo po ang sumagot dahil alam kong minsan may pagka-Joshua rin tayo,
hindi ba?
Pareho ba tayo ng insecurity ni Joshua o ang insecurity natin ay yaong binabanggit ni
Santiago Apostol sa ikalawang pagbasa: ang kawalan ng mga bagay na
materyal. Subalit ang mga kayamanan daw
natin, ayon sa Apostol, ay bulok na; ang ating mga damit ay kinain na ng tanga,
pati na ang ating ginto at pilak ay kinalawang na. Anupa’t sa sobrang insecurity nating mabawasan ng kahit kaunti man lang ang anumang
mayroon tayo, pinagmamalabisan na tuloy natin ang mga taong pinakikinabangan
natin. Nakakapangilabot ang pahayag na
ito ni Apostol Santiago: “Sumisigaw laban sa inyo ang upa na hindi ninyo
ibinigay sa mga gumagapas sa inyong bukirin.
Umabot sa langit, sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat,
ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi!”
Basta
seguridad ang pinag-usapan, gagawin natin ang lahat para mapasaatin o para
huwag mawala sa atin. Nakakatakot makita
ang puwede nating gawin kapag insecured
tayo, lalo na kapag tadtad tayo ng insecurities
sa buhay.
Pati
mga apostol hindi rin pala exempted sa insecurity. Nang makita raw nila ang isang taong hindi
nila kasamahan pero nagpapalayas ng demonyo sa pamamagitan ng pangalan ni
Jesus, pinagbawalan nila siya, sabi sa ebanghelyo ngayon. Ang kapuna-puna pa, ni hindi na nila
kinunsulta muna ang may-ari ng pangalan, si Jesus. Sa pagbasa sa ebanghelyo, may impresyon kang
basta-basta na lang nila sinuway ang taong iyon. Mabuti naman at sinabi ni Juan ang tutoong
dahilan ng kanilang ginawa:“…sapagkat hindi natin siya kasamahan.”
Magandang
alalahanin sa puntong ito na itong sina Juan at mga kasamang alagad mismo ay
itinuturing ding mga taong-labas o outsiders
ng kanilang sariling lipunan. Kung anong
husga sa kanila ng mundo ay siya rin namang husga nila sa kapwa-tao. Anong karapatan nilang umasang tanggapin at
ituring nang mabuti gayong pinagbabawalan nila ang iba sa paggawa ng mabuti
dahil lamang sa hindi nila siya kabarkada?
Sa mundong inaasahan nilang kikilala at tatanggap sa kanila sa ngalan ni
Jesus, hinihiling ni Jesus sa mga alagad na ipagkaloob din ang gayong kabutihan
sa iba. Hindi banta kay Jesus ang
kabutihan ng mga wala sa hanay ng Kanyang mga hinirang. Kung ang masidhing kaabalahan ni Jesus ay ang
kabutihan ng lahat, kahit sinong nagsasagawa ng gawain ng Diyos ay kaibigan,
kapatid, kakampi, kasangga, kamanggagawa.
Para kay Jesus, basta paggawa ng kabutihan, kahit sino puwede!
Parang
huli na kasi pinagbawalan na nga nila Juan ang taong hindi nila kasamahan pero
nagpapalayas ng demonyo sa ngalan ni Jesus; gayunpaman, sinabi pa rin ni Jesus,
“Huwag ninyo siyang pagbawalan….” Kung
huli na nga para sa Labindalawa, sa atin hindi pa. Baka kasi may pinagbabawalan din tayo,
pinipigilan, sinasaway, hinahadlangan, o minamaliit, sinisiraan, at baka
pinagbabantaan sa paggawa ng mabuti dahil lamang sa hindi natin siya “feel”,
hindi natin siya ka-uri, hindi natin siya kabarkada, hindi natin siya
“type”. Parang sinasabi rin ni Jesus sa
atin: Huwag ninyo siyang ganyanin…”sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa
atin.” Dapat kaibigan ang turing natin
sa lahat ng mga gumagawa ng tunay na kabutihan kahit pa hindi natin sila
kasamahan. Kakampi sila, hindi
kalaban. Kamanggagawa sa ubasan ng
Panginoon, hindi karibal sa posisyon o karangalan.
Eh
ano ba ang tunay na kaaway natin? Ano
nga ba ang tutoong kalaban natin?
Itinuturo rin sa atin ng ebanghelyo ngayong Linggong ito na ang talagang
dapat nating sawayin o pagbawalan ay yaong mga nagdadala sa mga tao sa
kasamaan. Ang mga ito ay maaaring mga
tao o mga aspeto sa buhay natin mismo.
May pagkamarahas pa nga ang pahayag ni Jesus tungkol sa mga taong
ganito: “Mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan ng isang malaking
gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng
pagkakasala….” At kung aspeto naman ng
buhay natin ang hadlang sa atin tungo sa tunay na seguridad ng kabutihan,
napakaradikal din ng payo ni Jesus: “Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng
iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa
ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang kamay kaysa may dalawang kamay na
mahulog ka sa impiyerno, sa apoy na hindi mamamatay. Kung ang mga paa mo ang nagiging sanhi ng
iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa
ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang paa kaysa may dalawang paa na
mahulog ka sa impiyerno. At kung ang mata mo ang nagiging sanhi ng iyong
pagkakasala, dukitin mo! Mabuti pa ang
pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang
mata na mahulog ka sa impiyerno. Doo’y
hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang
apoy.” Nakakatakot, hindi ba?
Pero hindi naman po
pakay ng ebanghelyo na takutin tayo. Mas
lalo rin naman pong hindi nito inaasahang gagawin nating literal ang pagtatali
ng gilingang-bato sa leeg at pagtapon sa dagat ng taong sanhi ng pagkakasala o
ang pagputol ng kamay at paa at pagdukit sa ating mata kung ito ang mga
nagdadala sa atin sa kasalanan. Sa
halip, pag-isipan nating mabuti: Sa dinami-rami ng ating mga insecurity sa buhay, nai-insecure rin ba tayo na hindi makapasok
sa langit nang gayun na lamang at gagawin natin ang lahat – iiwan ang
masasamang kaibigan, tatalikuran ang masasamang nakaugalian, babaguhin ang
paraan ng pag-iisip kahit pa mag-aral muling mag-isip – mapabilang lamang tayo
sa kaharian ng langit? Eh kung anu-ano
ang mga insecurity ng mga tao sa
ating panahon, pero balewala sa kanila kahit buhay pa sila ay sinusunog na ang
kaluluwa nila sa impiyerno.
Kung paaanong
mahalagang makita at tanggapin ang ating kani-kaniyang insecurities sa buhay, importante ring matukoy natin at
mapanindigan ang natatanging pinagmumulan ng ating tunay na seguridad. Pagiging kasapi ba sa isang samahan? Kayamanang materyal ba? Kapangyarihan ba sa ibabaw ng iba? O si Jesus?
Kung si Jesus, hindi ka nag-iisa riyan, marami tayo riyan. At huwag kang ma-insecure, puwede ba?