29 September 2012

INSECURED KA BA?

Ikadalawampu’t Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 9:38-43, 45, 47-48 (Blg 11:25-29 / Slm 18 / Snt 5:1-6)

Bago ko isulat ang homiliyang ito, isip ako nang isip kung ano ang Tagalog ng “insecurity”.  Kadalasan kasi isinasalin natin sa Tagalog ang “insecurity” bilang “kahinaang-loob”.  Pero, sa tingin ko po, hindi ito eksakto dahil ang “insecurity” na nasa isip ko ay yaong kapag nai-insecure ka dahil may ibang kasali pero para sa iyo dapat puwera sila.  Hindi naman iyon selos.  Hindi rin naman inggit.  Ano po ba?  Ano nga po ba sa Tagalog ang ganitong uri ng insecurity?

Kataka-taka, wala tayong salin sa katagang “insecurity”.  Sa halip, ang sinasabi natin ay “Nakaka-insecure ka naman” o kaya “Insecured ka sa akin, ano?” o kaya “Huwag ka ngang mai-insecure sa kanya.”  Ang katotohanang ginagamit natin ang salitang “insecurity” sa pag-uusap-usap natin kahit wala tayong tuwirang salin nito sa ating lenguahe ay nagpapahiwatig na hindi porke wala tayong salita para sa karanasang ito ay hindi natin ito nararanasan.  Sakit nating lahat ang insecurity.  Sa iba’t ibang anyo at iba’t ibang antas at iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang tao o kahit pa bagay, lugar, pangyayari, at, nakakatawa, baka pati hayop, may insecurity tayo.  Pakitanong n’yo nga sa katabi n’yo: “Anong insecurities mo sa buhay?”  Kapag sumagot ng “Wala.  Wala akong insecurities, ano?” malamang iyan po ang insecurity n’yan: insecured siyang malaman mo ang insecurity n’ya.

Nakakalungkot po kasi kahit pa simbahan ay apektado ng insecurity.  Huwag na po tayo lumayo, huwag na lang natin pag-usapan ang relasyon ng Iglesiya Katolika sa ibang mga relihiyon.  Tingnan na lang natin ang mga sarili natin – tayong mga tinaguriang taong-simbahan, tayong mga makakapanalig, tayong mga magkakamanggagawa sa ubasan ng Panginoon, tayong magkakaparokya.  Hindi ba tutoong paminsan-minsan ay lumalabas ang insecurity natin sa isa’t isa?  At dahil parang lason ang insecurity, nakamamatay ito.  May pumapatay nga dahil sa insecurity eh.

Layko, madre, pari, kahit obispo – walang exempted, may mga insecurities sa buhay.  Parokya, kumbento, rectory, diyosesis – matatagpuan din doon ang samu’t saring insecurities kasi meron din doong mga taong insecured.  Kaya may mga close (o closed) circles, mga cliques, mga sila-sila pero meron din namang tayo-tayo o kami-kami lang, may mga kasali at may mga etsepuwera sa grupo.  Masakit, mahirap tanggapin, nakakalungkot, pero bahagi ito ng katotohanan maging ng Santa Iglesiya sa kanyang paglalakbay dito sa lupa.

Pero hindi naman nakapagtataka na maging sa loob ng simbahan ay may mga taong insecured.  Bukod sa bahagi na ng kahinaan ng tao ang pagkakaroon ng insecurities, maging sa Bibliya kasi ay may mga kuwentong naglalantad ng insecurities ng ilang mahahalagang tauhan sa kasaysayan ng kaligtasan.  Gaya halimbawa ni Joshua sa unang pagbasa ngayong araw na ito.

Tinawag ang pitumpu’t dalawang matatanda para bahaginan ng espiritu ng Panginoon katulad ng tinanggap ni Moises, ngunit ang dalawa – sina Eldad at Medad – ay pasaway; hindi raw sila sumama.  Gayunpaman, ayon sa kuwento ng unang pagbasa, sina Eldad at Medad, na hindi naman pisikal na kasama ng pitumpo, ay binahaginan din ng espiritu ng Panginoon.  Nasaksihan ng isang binata ang kanilang pagpapahayag at isinumbong sila nito kay Moises.  “Sawayin ninyo sila!” agad na payo kay Moises ng kanang-kamay niyang si Joshua, anak ni Nun.

Bakit gusto ni Joshua na sawayin ni Moises sina Eldad at Medad?  Aba, absent sila nang ipamahagi ang espiritu ng Panginoon!  Hindi sila sumama sa pitumpo.  Bakit kaya hindi sila sumama?  Hindi natin alam.  Puwede nating hulaan, pero ang mahalaga kahit absent sila ay pinagkalooban din sila ng espiritu ng Panginoon.  Binigyan din sila ng kapangyarihang magpahayag sa ngalan ng Panginoon.  At ayos lang ‘yun kay Moises.  Sa katunayan, ayos na ayos: “Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita” sinabi ni Moises, “at mapuspos ng espiritu ng Panginoon.”  Oo nga naman, kung nais ng Panginoong ipagkaloob din kina Eldad at Medad ang Kanyang espiritu kahit hindi sila sumama sa pitumpo, ano namang masama roon?  Kabawasan ba iyon sa espiritung tinanggap ng pitumpo?  “Nangangamba ka bang ako’y mababawasan ng karangalan?” tanong ni Moises kay Joshua.  Pero para kay Joshua, dapat sawayin ang dalawang matandang iyon.  Bakit kaya?  Kayo po ang sumagot dahil alam kong minsan may pagka-Joshua rin tayo, hindi ba?

Pareho ba tayo ng insecurity ni Joshua o ang insecurity natin ay yaong binabanggit ni Santiago Apostol sa ikalawang pagbasa: ang kawalan ng mga bagay na materyal.  Subalit ang mga kayamanan daw natin, ayon sa Apostol, ay bulok na; ang ating mga damit ay kinain na ng tanga, pati na ang ating ginto at pilak ay kinalawang na.  Anupa’t sa sobrang insecurity nating mabawasan ng kahit kaunti man lang ang anumang mayroon tayo, pinagmamalabisan na tuloy natin ang mga taong pinakikinabangan natin.  Nakakapangilabot ang pahayag na ito ni Apostol Santiago: “Sumisigaw laban sa inyo ang upa na hindi ninyo ibinigay sa mga gumagapas sa inyong bukirin.  Umabot sa langit, sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat, ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi!”

Basta seguridad ang pinag-usapan, gagawin natin ang lahat para mapasaatin o para huwag mawala sa atin.  Nakakatakot makita ang puwede nating gawin kapag insecured tayo, lalo na kapag tadtad tayo ng insecurities sa buhay.

Pati mga apostol hindi rin pala exempted sa insecurity.  Nang makita raw nila ang isang taong hindi nila kasamahan pero nagpapalayas ng demonyo sa pamamagitan ng pangalan ni Jesus, pinagbawalan nila siya, sabi sa ebanghelyo ngayon.  Ang kapuna-puna pa, ni hindi na nila kinunsulta muna ang may-ari ng pangalan, si Jesus.  Sa pagbasa sa ebanghelyo, may impresyon kang basta-basta na lang nila sinuway ang taong iyon.  Mabuti naman at sinabi ni Juan ang tutoong dahilan ng kanilang ginawa:“…sapagkat hindi natin siya kasamahan.”

Magandang alalahanin sa puntong ito na itong sina Juan at mga kasamang alagad mismo ay itinuturing ding mga taong-labas o outsiders ng kanilang sariling lipunan.  Kung anong husga sa kanila ng mundo ay siya rin namang husga nila sa kapwa-tao.  Anong karapatan nilang umasang tanggapin at ituring nang mabuti gayong pinagbabawalan nila ang iba sa paggawa ng mabuti dahil lamang sa hindi nila siya kabarkada?  Sa mundong inaasahan nilang kikilala at tatanggap sa kanila sa ngalan ni Jesus, hinihiling ni Jesus sa mga alagad na ipagkaloob din ang gayong kabutihan sa iba.  Hindi banta kay Jesus ang kabutihan ng mga wala sa hanay ng Kanyang mga hinirang.  Kung ang masidhing kaabalahan ni Jesus ay ang kabutihan ng lahat, kahit sinong nagsasagawa ng gawain ng Diyos ay kaibigan, kapatid, kakampi, kasangga, kamanggagawa.  Para kay Jesus, basta paggawa ng kabutihan, kahit sino puwede!

Parang huli na kasi pinagbawalan na nga nila Juan ang taong hindi nila kasamahan pero nagpapalayas ng demonyo sa ngalan ni Jesus; gayunpaman, sinabi pa rin ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan….”  Kung huli na nga para sa Labindalawa, sa atin hindi pa.  Baka kasi may pinagbabawalan din tayo, pinipigilan, sinasaway, hinahadlangan, o minamaliit, sinisiraan, at baka pinagbabantaan sa paggawa ng mabuti dahil lamang sa hindi natin siya “feel”, hindi natin siya ka-uri, hindi natin siya kabarkada, hindi natin siya “type”.  Parang sinasabi rin ni Jesus sa atin: Huwag ninyo siyang ganyanin…”sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin.”  Dapat kaibigan ang turing natin sa lahat ng mga gumagawa ng tunay na kabutihan kahit pa hindi natin sila kasamahan.  Kakampi sila, hindi kalaban.  Kamanggagawa sa ubasan ng Panginoon, hindi karibal sa posisyon o karangalan.

Eh ano ba ang tunay na kaaway natin?  Ano nga ba ang tutoong kalaban natin?  Itinuturo rin sa atin ng ebanghelyo ngayong Linggong ito na ang talagang dapat nating sawayin o pagbawalan ay yaong mga nagdadala sa mga tao sa kasamaan.  Ang mga ito ay maaaring mga tao o mga aspeto sa buhay natin mismo.  May pagkamarahas pa nga ang pahayag ni Jesus tungkol sa mga taong ganito: “Mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala….”  At kung aspeto naman ng buhay natin ang hadlang sa atin tungo sa tunay na seguridad ng kabutihan, napakaradikal din ng payo ni Jesus: “Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo!  Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang kamay kaysa may dalawang kamay na mahulog ka sa impiyerno, sa apoy na hindi mamamatay.  Kung ang mga paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo!  Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang paa kaysa may dalawang paa na mahulog ka sa impiyerno.  At   kung ang mata mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo!  Mabuti pa ang pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang mata na mahulog ka sa impiyerno.  Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang apoy.”  Nakakatakot, hindi ba?

Pero hindi naman po pakay ng ebanghelyo na takutin tayo.  Mas lalo rin naman pong hindi nito inaasahang gagawin nating literal ang pagtatali ng gilingang-bato sa leeg at pagtapon sa dagat ng taong sanhi ng pagkakasala o ang pagputol ng kamay at paa at pagdukit sa ating mata kung ito ang mga nagdadala sa atin sa kasalanan.  Sa halip, pag-isipan nating mabuti: Sa dinami-rami ng ating mga insecurity sa buhay, nai-insecure rin ba tayo na hindi makapasok sa langit nang gayun na lamang at gagawin natin ang lahat – iiwan ang masasamang kaibigan, tatalikuran ang masasamang nakaugalian, babaguhin ang paraan ng pag-iisip kahit pa mag-aral muling mag-isip – mapabilang lamang tayo sa kaharian ng langit?  Eh kung anu-ano ang mga insecurity ng mga tao sa ating panahon, pero balewala sa kanila kahit buhay pa sila ay sinusunog na ang kaluluwa nila sa impiyerno.

Kung paaanong mahalagang makita at tanggapin ang ating kani-kaniyang insecurities sa buhay, importante ring matukoy natin at mapanindigan ang natatanging pinagmumulan ng ating tunay na seguridad.  Pagiging kasapi ba sa isang samahan?  Kayamanang materyal ba?  Kapangyarihan ba sa ibabaw ng iba?  O si Jesus?  Kung si Jesus, hindi ka nag-iisa riyan, marami tayo riyan.  At huwag kang ma-insecure, puwede ba?

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home